Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Hunyo 2023

Nakatutuwang isipin noong araw na isa sa mga madalas naming sabihing magpipinsan at magkakalaro ay ang mga salitang “sirit na” at “bulaga”! Sirit kapag ikaw ay suko na sa palaisipan ng bugtungan habang bulaga naman ang pang-gulat lalo na sa mga sanggol at bata.
Wala na sigurong mas-shunga pa sa akin sa showbiz na hindi alam ang mga bagay-bagay na ito bunsod ng pamamaalam nina Tito, Vic, at Joey sa producer ng “Eat Bulaga” na TAPE Productions pagkaraan ng ilang linggo ding mga usap-usapan at intrigahan. Ako man ay nagtanung-tanong sa mga pamangkin at kaibigan kung ano ba iyong mga usapan sa social media tungkol sa “Eat Bulaga” at sina TVJ.
Nakatutuwa sa mga bata. Pero kung sa takbo ng mga usapan at paksa ngayon, nakakatawa at nakakaawa – pathetic ang sabi ng mga burgis – na mula pa noong katapusan ng Mayo hanggang ngayon, mula Aparri hanggang Jolo, umiikot ang buhay sa ating bansa sa “longest running noontime show” na “Eat Bulaga.”
Nakakatawa.
Hindi nakatutuwa.
At nakakaawa nga sa ating bansa, sa ating lahat.
Juice colored, wala na ba ibang mahalaga sa ating mga Pilipino kungdi mga katatawan nina TVJ at kanilang Dabarkads?
Hindi ko kinukuwestiyon kahalagahan ng paglilibang at pag-aaliw natin subalit, araw-araw na lamang mula Lunes hanggang Sabado?

Ano nga ba naging impact ng Eat Bulaga sa lipunang Pilipino maliban sa naaliw, naiyak, at pansamantalang naibsan mga paghihirap ng ilang kababayan? Marahil marami ring nabigyan ng pagkakataon lumago sa kanilang buhay nguni’t nabago ba antas ng ating tingin at pahalaga sa sarili at kapwa habang pikit-mata at nagbibingi-bingihang pinalalampas natin ilang mga eksena, karakter at pananalita alang-alang sa kasiyahan at katatawanan.
Wala po akong TV set dahil hindi naman ako mahilig manood maliban ng mga balita at dokumentaryo. Minsan-minsan ay nakakapanood ako ng “Eat Bulaga” at iba pang mga katulad na programa. Napapahanga din naman ako sa kanilang pagmumulat sa mga kababayan nating Pilipino sa ilang bagay ngunit sa tingin ko ay mas maraming hindi mabuti at kaaya-aya.
Isa sa mga hindi ko magustuhan sa mga palabas na iyan ay ang tila pinaglalaruan ang mga tao, ang kanilang kamang-mangan, karukahaan at sa maraming pagkakataon, pagkababae ng marami nating ate. Siya nga pala…
Akalain ba ninyo na noong May 31, 2023 nang kumalas mula sa TAPE ang TVJ bilang hosts ng “Eat Bulaga” matapos silang hindi payagang umere ng live, iyon din ang ika-38 taon ng pagpapakamatay ni Pepsi Paloma, May 31, 1985? Kung inyong matatandaan, inakusahan ni Pepsi Paloma sina Vic Sotto, Joey De leon at Ritchie d’Horsie ng diumano’y pang-aabuso sa kanya sa isang hotel noong June 21, 1982.
Minsan ang buhay nga naman ay mapagbiro at matalinghaga. At ganyan ang sitwasyon nitong mga noontime at iba pang variety shows, matalinghaga tulad ng tanong na kung alin ang nauna, itlog o manok?
Tama na sumusunod lamang ang telebisyon sa pintig ng mga mamamayan, sa sitwasyon ng lipunan. Alalaong-baga, sinasalamin ng telebisyon maging ng sining ang kinalalagyan nilang lipunan sa bawat panahon. Sabi ng marami, dahil sa TVJ at “Eat Bulaga” na ginaya ng maraming iba pa, nabigyan ng pagkakilala at tinig ang masang Pilipino. Tama rin naman. Hirap maka-relate noon sa mga burgis na hosts ng “Student Canteen”.
Totoo iyon at mabuti. Kaya lang, kulang.

Sa aking pananaw, sinamantala nila at ng iba pang mga palabas sa telebisyon ang kahinaan ng mga tao. Hindi nahimok ang mga Pilipino ng pagmamahal sa bansa, pagpapahalaga sa kalikasan, pagsisikap mapabuti ang kanilang buhay at paghahasa ng kaisipan at karunungan sa pamamagitan ng edukasyon. Ang lahat ay dinaan sa biruan at katatawanan maging kalokohan.
At naaliw naman ang bayan. Kaya hindi rin kataka-taka ilang ulit nahalal bilang senador si G. Tito Sotto na tanging dahilan ay ang kanyang pagiging komedyante at host ng “Eat Bulaga”. Ang malala, ginaya siya ng ibang artista na sumabak na rin sa pulitika na tanging kuwalipikasyon ay sikat. Kaya hayun, naging karnabal at perya ating Kongreso na puno ng mga mambabatas na pulpolotiko, artista, at ilang mga sadyang sira ulo o basag ang pula. Lahat dinaan sa entertainment kaya ang ating bansa ay malaking showbiz ngayon. Pati na rin simbahan!
Simple lang naman ibig kong sabihin. Sana pagsikapan ng mga nasa media lumago at lumalim pagkatao ng mga manonood upang mabuksan kanilang kamalayan sa mga higit na mahahalagang bagay sa buhay.
Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo’y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”
Mateo 6:20-21
Totoo sinasabi na mahirap ang buhay at dapat ngang pagaanin. Ngunit hindi lamang mga tawanan at sayawan, biruan at harutan. Pagkatapos maaliw at tumawa, maski manalo ng ilang halaga ng pera, naroon pa rin problema ng mga tao. At kung susuriin, dumarami pa problema ng mga tao sa halip na mabawasan dahil sa mga noontime shows na ito. Yung iba nga nagkakagalit na at nag-aaway dahil sa lipatan na iyan ng mga noontime shows at hosts.
Hindi rin totoo sinasabi ng ilan na itong nangyayaring lipatan ng mga hosts at noontime shows ay makakabuti sa mga tao dahil anila magkakaroon ng higit na mainam at magandang programa. Sa tingin ko ay hindi iyon mangyayari dahil istasyon lang ng TV ang nababago, lumilipat lang mga shows at hosts. Sila pa ring mga artista dala kanilang mga dating gimik at patawa na sa kahuli-hulihan, iisang katotohanan ang nangingibabaw sa lahat ng ito – kuwarta, salapi, at pera.
Iyan ang tunay na bugtong nitong “Eat Bulaga”, TVJ kasama kanilang Dabarkads pati na rin ang It’s Showtime ni Vice Ganda: Sino ngayon ang natatawa at katawa-tawa?
Sirit?
Bulaga!



































