Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Agosto 2026

Isang linggo na akong masayang nagpapaulan sa aking araw-araw na walking dito sa amin.
Natutuwa ako dahil kay dami kong naaalala masasayang karanasan ng paliligo sa ulan noong bata pa kami tulad ng pagtatampisaw sa tubig, pagtapat sa mga alulod ng lahat ng mga bahay at ngumanganga ng nakatingala sa langit para inumin ang ulan.

Isa sa mga sumagi sa aking alaala na paksa ng usapan naming magpipinsan tuwing umuulan at tirik din ang araw ay kung totoo nga na mayroon daw kinakasal na tikbalang – isang uri ng halimaw na parang tao kung maglakad ngunit mukha at anyong kabayo.
Ngayong matanda na ako, napag-isipan ko na totoo nga ito at hindi lang basta kalokohan. Nabatid ko na lamang iyan ngayong tag-ulan nang ilang ulit na umulan habang mainit ang sikat ng araw.
Unang tikbalang na tingin kong kinakasal kapag umuulan habang umaaraw ang mga local officials natin gaya ng mga mayor, tapos ang mga senador, kongresista, at mga upisyal ng DPWH. Yung mga sangkot sa ghost project flood scam noong isang taon.
Halimaw ang mga iyon.
Siyempre, sigurado mayroon ding mga tikbalang sa iba pang mga sangay at ahensiya ng pamahalaan na nagpapasasa sa kaban ng bayan habang hindi alintana hirap at pagdurusa ng mga mamamayan lalo na kapag umuulan.
Kundangan naman kasi, marami sa ating mamamayan mahilig mag-alaga at makipagkaibigan sa mga tikbalang, yung mga nakikinabang na negosyante at contractor.
Higit sa lahat, mga mamamayan mismo na bumoboto sa mga corrupt na upisyal.
Sila ang mga kabiyak – asawa – ng mga tikbalang na iyan. Partner in crime. Eka nga, it takes two to tango. Marami sila. Asawa at bisita. Ang iba ninong at ninang.
Nakakasawa nang manood ng mga reels at posts ng mga binaha at pa-shout out shout out pa kay mayor. Puro hinagpis sa social media kesyo palala ng palala na raw ang baha sa kanilang lugar, walang ginagawa mga mayor.
Ang tanong ay, ano nangyari bakit kada eleksiyon binoboto nila mga bulok na yan? Taun-taon pala silang pinahihirapan tuwing tag-ulan tapos minsan sa anim na taon tuwing eleksiyon nakakalimutan kawalanghiyaan at kawalang-silbi ng mga iyan?

Walang kinakasal na mag-isa. Tayong mga mamamayan ang asawa, ang kabiyak ng mga tikbalang!
Karamihan din kasi sa atin ay tikbalang. Takot mag-isip, takot manindigan sa tama at katotohanan. At ang hirap sa atin, palaging humahanap ng ibang masisisi maliban sa sarili.
Katulad ng isang matandang ginang na kabatian ko kasi tuwing umaga sa aking paglalakad nadaraanan ko siya sa harapan ng kanyang apartment.

Noong Huwebes ng umaga sa gitna ng ulan habang ako ay naglalakad, sabi niya sa akin bakit daw ako nag-eexercise pa umuulan na?
Kumaway lang ako sa kanya at hindi na sumagot kasi nagdidilig siya noon ng halaman gamit ang lagadera.
Kawalan naman ng galang kung sinagot ko siya ng bakit po kayo nagdidilig ng halaman e umuulan?
Kulang sa pagninilay at pag-iisip? Mas malamang.
Ganyan tayo mga Pinoy, mema. Memasabi lang kadalasan na hindi pinag-iisipan.
Pero maganda at nakatutuwa sinasabi sa isang post sa Facebook buhat sa news report na nabawasan na pagbaha sa Marikina dahil sa mahusay na flood control projects doon ng lokal na pamahalaan pagkaraan ng tatlong taon.
Marami nang lungsod at bansa nagpatunay na maaring maibsan pinsala ng baha kung sadyang pag-aaralan at tunay na hahanapan ng lunas ng mga matitinong tao na may malasakit sa kapwa. At takot sa Diyos. Mangyayari lamang iyan kung boboto tayo ng mga upisyal ng pamahalaan na mayroong malasakit sa paglilingkod. Hindi suwapang. Hindi tikbalang.
Pansin ninyo, puro tayo smart watch, smart phone pero stupid person?
Sa kabila ng mga makabagong teknolohiya, parang nabobobo mga tao ngayon: noong bata kami basta signal number 2 ang bagyo, automatic wala nang klase sa elementary at high school.
Bakit gayon na lamang ang pag-asa at pagtutok lalo ng mga magulang sa LGU kung may pasok o wala?

Sapantaha ko diyan ay mas grade conscious ngayon mga magulang kesa mga anak nila na tuwang tuwa naman tuwing suspendido ang klase.
Pakiwari ko tuwing umuulan, maraming tao natatakot maninindigan na pati pagpasok sa paaralan ay inaasa sa mga kinauukulan. Kaya ang gulo ng buhay ngayon!
Noong Martes wala palang klase pero pumasok ako;kinabukasan wala ulit pasok kaya nagpaulan ako at naisip ko magkapareho ang LGU at carwash: kapag nag-announce ng walang pasok mga mayor dahil sa masamang panahon, kadalasan umaaraw, maganda ang panahon. Magpa-carwash ka, pagkaaalis na pagkaalis mo, papatak ang ulan!
Sa tuwing umuulan doon nasusubok ating pananampalataya sa Diyos at kapwa, nahahasa ating kakayanang magpasya ng wasto sa pamamagitan ng masusing pag-iisip at pagninilay ng mga bagay bagay. Higit sa lahat, sa tag-ulan lumalabas likas nating kabutihan. O kawalan nito. Walang pakialam sa iba. Kung saan-saan tinatapon mga basura. Palaging iba may kasalan liban sa sarili.
Hanga ako doon sa mga nagpapacarwash maski umuulan. Wala silang pakialam sa lagay ng panahon kungdi sa lagay ng kanilang sasakyan!
Iyon ang dapat: tingnan natin at suriin ating sarili hindi lagay ng panahon o ibang tao labas sa atin. Siguradong babagyo at uulan na kasabay nito ang mga pagbaha. Bakit tila nagugulat at nagugulantang pa tayo kapag nangyari na mga ito? Pagmasdan: kung gaano katagal sina mayor sa puwesto, ganoon katagal na rin ang baha. Kailangan pa bang i-memorise yan? Parang basura yan – babalik sa atin!

Balikan natin yung kasabihang mayroong kinakasal na tikbalang tuwing sabay na umuulan at sumisikat ang araw. Natukoy natin mga tikbalang, sino kanilang kabiyak o asawa, pati ninong at ninang hanggang sa mga bisita.
Heto ngayon: hindi ba kapag may kasalan, palagi mayroong pari?
Sino ang tumatayong pari kapag may kinakasal na tikbalang?
E di mga pari din. Mga kasama at kapatid naming pari. Ilan lang naman sila.
Noong isang taon ko pa ito gustong sabihin pero sinasaalang-alang ko aking pagkapari at mga kapatid sa kaparian. Pero, kailangang sabihin.
Isang taon makalipas pumutok ang ghost project scam sa mga flood controls na ang epicenter ay lalawigan ng Bulakan, mismong sa lungsod ng Malolos, hindi maikakaila Katoliko karamihan ng mga tikbalang.
At mga paring Katoliko nagkakasal sa kanila. Mayroon din ilang mga pastor at ministro nagkakasal sa mga tikbalang tuwing umuulan habang umaaraw. May ibang sekta nga nag-aalaga talaga ng mga tikbalang.

Ilan ang mga pari na humingi ng donasyon sa mga corrupt na upisyales para sa kung anu anong mga pagawain sa simbahan? Hindi ba iyan ay malinaw na pakikipag-kaibigan at kung tutuusin pakikipag-sabwatan sa mga tikbalang?
Ilang parokya pulitiko pinageermano sa kanilang pista kahit hindi taga-roon sa kanila dahil lang sa konting halaga?
Katulad ng malawakang pagbaha, hindi nating kailangang tumingin sa malayo. Lalo na kaming mga pari at lingkod sa simbahan. Kasama kami at kung tutuusin napakalaki at napakabigat ng pananagutan namin lalo sa Diyos na kasama kami sa kasal ng mga tikbalang na iyan.
Gayon pa man, mas marami pa rin sa aming mga pari ang tunay na lumalaban, naninindigan sa katarungan at katotohanan na hindi kailanman nagpauto sa mga tikbalang at kanilang mga galamay sa simbahan.
Sa susunod na umuulan kasabay na sikat ang araw, subukan nating magpaulan at hayaang dumampi sa ating bumbunan, sa ating mukha ang patak ng ulan upang mapaalalahanang mayroong Diyos na higit na makapangyarihan dapat nating sundin at paglingkuran lamang. Hindi mga tikbalang.
At sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos” (Mateo 22:21).
Sa kahuli-hulihan, ano man ang panahon, higit pa rin palagi ang Panginoong Diyos sa lahat na siyang tanging pinagmumulan ng lahat ng ating kinakailangan at pagpapala. Ito palagi dapat naming panindigang mga pari, umulan man nang umaaraw. Amen.




























