Pagninilay, paglilinaw sa paliwanag

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may-akda, bukang liwayway sa Lawa ng Galilea, Israel, Mayo 2019.
Unang araw 
sa buwan ng Agosto,
buwan ng wika
ako ay nakatunganga
sa pagkamangha
sa isang salita: PALIWANAG
sa wikang Inggles,
"explanation"
at kung gagamiting pandiwa
"to explain" ito ay magPALIWANAG.
Kay sarap namnamin
at damhin mga kataga
nitong ating wika
tulad ng PALIWANAG
nagsasaad ng pagbibigay
liwanag dahil mayroong
kadiliman minsa'y panlalabo
kaya nililinaw upang
matanaw, makita kahit man lang
maaninag upang matukoy, makilala.
Mahirap kasi
mag-apuhap sa gitna ng
kadiliman na kawalan ng katiyakan:
ika'y nangangapa
at nangangamba
kung ano iyong mahawakan,
makuha kaya nakakatakot
sa dilim na wala kang
nakikita dahil pati ikaw
baka tuluyang mawala pa!
Inyong pagmasdan
malaking kadiliman
na sa ati'y bumabalot
kamakailan
kaya kay raming
nagpapaliwanag
naglilinaw dahil
sa mga ginawa
at ipinahayag
na puro kaguluhan:
Waiter sa Cebu
pinagpaliwanagan
ng halos dalawang oras
habang nakatindig
sa harapan ng customer
na tinawag niyang "Sir"
na ibig ituring siya na "Mam";
kay daming paliwanag
ni "Mam" pero malabo pa rin
dahil malinaw pa sa araw
maski sa mga larawan
na siya ay Sir!
Hanggang ngayon
nagpapaliwanag pa rin
mga pasimuno ng paglapastangan
sa Huling Hapunan
ng Panginoon
na lalong nababaon
dahil maliwanag
kanilang kasinungalingan
na ang kadiliman ng kapalaluan
at kasamaan kanilang pagpugayan
taliwas sa layuning
magkaroon ng pagbubuklod at kaisahan.
Hindi lang minsan
ating narinig
masabihang
"ang labo mo naman"
kaya kinakailangang
magpaliwanag
upang maunawaan
at maintindihan
na siyang daan sa
magandang pagsasamahan.
Heto ngayon ating pagnilayan
pagbulayan aking katanungan:
nagPALIWANAG
ba ang Panginoong Jesus
sa Kanyang mga pangangaral?
Maliban sa pagpapaliwanag
ng mga talinghaga ng sarilinan
sa mga alagad,
walang ipinaliwanag
si Jesus dahil maliwanag
Siyang palagi at higit sa lahat
Siya ang Liwanag ng Sanlibutan.
Madalas hindi Siya
maunawaan, maintindihan
at matanggap ng mga tao noon
hanggang ngayon
ngunit kailanman walang binawi na salita
ang Panginoong Jesus dahil maliwanag ang lahat:
"Ako ang daan at katotohanan" (Jn.14:6),
"Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay" (Jn. 11:25)
"Ako ang pagkaing bumaba mula sa langit;
ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo
ay may buhay na walang hanggan,
at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw" (Jn. 6:54).
Nang linisin ni Jesus ang templo
sinabi sa mga tao na gibain iyon
at kanyang itatayo sa loob ng tatlong araw;
Siya ay pinagtawanan ng mga kalaban
ngunit malinaw na sinasaad sa kasulatan
nang muli Siyang mabuhay ay naunawaan
ng mga alagad ang tinutukoy Niyang templo
ay ang Kanyang Banal na Katawan (Jn. 2:18-22);
maliwanag si Jesus ay palaging malinaw
kaya kahit sa gitna ng kadiliman Siya ay maliwanag.
Lumapit tayo kay Jesus
at hayaang liwanagan Niya kadiliman
sa ating puso at kalooban
katulad nina Nicodemo at Dimas
na umamin sa kanilang kamangmangan at kasalanan
kaya natamo ang liwanag at kaligtasan;
hindi mahirap tuntunin
katotohanan at liwanag ng Panginoon natin
kung ating aaminin at aalisin
mga piring sa ating paningin
upang mabuksan puso at kalooban
sa kagandahan at dangal ng
kabutihan ng bawat nilalang
hindi ang ipangalandakan
sariling husay at kaalaman
maging antas ng kalinangan!

Tandaan at panghawakan,
tiyak na kaliwanagan ng mga salitang binitiwan
ng Panginoon sa atin sana ay magpaalaala:
"Ang nagpapakataas ay ibababa,
at ang nagpapakababa ay itataas" (Mt.23:12)

	

Exaggerating the truth, exaggerating self, part 2

Quiet Storm by Fr. Nicanor F. Lalog II, 23 July 2024
Photo from sunstar.com.ph of that viral incident between a Cebu personality addressed as a “Sir” by a waiter in a mall last Sunday.

It is a classic case of “brouhaha” in the real sense, especially if we consider our Tagalog word buruha or bruha: a waiter was told to stand for more than an hour to be “lectured” on gender sensitivity by a Cebu personality belonging to the LGBTQ community after being addressed as a “Sir”.

Well, at least, the issue had been settled amicably with an apology by the celebrity after a deluge of negative reactions from netizens. Likewise, we can now sigh with some relief that there are no plans among the LGBTQ community to imitate their sistah from the Queen City of Cebu, proof that there are more sane and kind LGBTQ who have better things to do than make a big fuss about themselves or the rainbow. Imagine if every LGBTQ will lecture everyone of us just on how to address them in Metro Manila alone, life would be disrupted and paralyzed, worst than what we went through during the lockdowns during COVID-19!

But kidding aside, what makes that incident disturbingly sad is how it had shown again the sad plight of the poor in our country. Bawal maging mahirap, maging dukha sa Pilipinas. So sad. Even in the church it is very true. We do not have to look far to see how this is so true among us. Kawawa palagi ang mga maliliit.

How do we treat our house helpers and drivers, delivery personnel, janitors and janitresses, even professionals doing not so glamorous tasks like nurses. And security guards, of course. (Kudos to our alma mater, the Faculty of Arts and Letters of UST who had their security personnel joined the march of their recent graduates!)

Photo by Mr. Jim Marpa, 2018.

The very sight of a waiter standing in front of a customer immediately caught my attention while scrolling my Facebook, asking myself, “what happened?” Gut feelings told me something was very wrong and surely, the guy must have been so disadvantaged.

For addressing that celebrity customer as “sir”, the waiter had to endure the humiliation of standing before him like in a trial. Even if it was just between the two of them. Even if he did not scream or yell at the waiter. What’s the big deal? Iyon lang?

His ego, his femininity more valuable than the very person of the waiter? It is the new pandemic among us spreading these last 20 years. The malady of entitlement, of never making the mortal sin to address some people as Doctor or Attorney or even Father. We have lost touched with our humanity, our being a human being, a person, a tao first of all.

Good thing there was a good soul around that mall who came to the waiter’s rescue.

What we have here is a classic case of “exaggeration of truth, exaggeration of self” – a phrase I have found years ago in one of the many writings of Pope Benedict XVI. It was my parting shot to our graduates of Senior High School last July 05, 2024 during our Baccalaureate Mass.

Many times in this age of so many platforms of communications, we tend to exaggerate the truths, of clamoring for so many things like inclusiveness everywhere when in the process, they have actually become so exclusive! Many times, people exaggerate the truth presenting themselves as disadvantaged and victimized when in fact it is far from reality. Many people are advancing so many things these days when in fact they are actually promoting themselves. Many are exaggerating the truths when they are actually exaggerating themselves (https://lordmychef.com/2024/07/10/exaggerating-truth-exaggerating-self/)

The tragedy of our time characterized by affluence and upward mobility so splattered across social media daily, is how so many among us who have lost touch with our humanity. Everything has become a show – a palabas we say in Filipino. We forget that inside – the loob – as more essential.

And what is inside each one of us?

Our dignity as image and likeness of God or pagkatao that is best seen and expressed in our being small, being little like the children, the very core of Jesus Christ’s teaching.

Look outside even in the countryside now invaded by those giant tarpaulins – why have we become like those tarpaulins, thinking and feeling we are larger than others?

Truth in Greek is aletheia that literally means an opening, of not being concealed like the blooming of a flower.

Simply be yourself. And don’t forget everyone as they are.

God bless everyone!

Photo by Dra. Mai B. Dela Pena, MD at Deir Al-Mukhraqa Carmelite Monastery in Isarel, 2014.

Awit sa Katahimikan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Mayo 2024
Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove sa Morong, Bataan, ika-15 ng Abril 2024.
Sana'y dinggin
itong aking awit
tungkol sa pananahimik
na higit sa pagwawalang-imik
o kunwari'y pagiging bingi
bagkus pakikinig na mabuti
sa bawat tinig
dahil ang katahimikan
ay hindi kawalan kungdi
kapunuan;
sa katahimikan tayo ay bumabalik
sa ating pinagmulan
namumuhay tulad nang sa sinapupunan
nakikiramdam, lahat pinakikinggan
dahil nagtitiwala
kaya naman sa pananahimik
tayo ay nakakapakinig,
nagkaka-niig,
higit sa lahat ay umiibig
dahil ang tunay na pag-ibig
tiyak na tahimik
hindi ipinaririnig sa bibig
kungdi kinakabig ng dibdib
maski nakapikit
dama palagi
ang init!
Ganyan ang katahimikan,
hindi lamang napapakinggan
kungdi nararamdaman
nakabibinging
katotohanan
kaya laging kinatatakutan
ayaw pakinggan
iniiwasan
di alintana
sa kahuli-hulihan
katahimikan ang tiyak nating
hahantungan
magpakailanman
kaya
ngayon pa lang
ating nang kaibiganin
ang katahimikan,
matutunang harapin
at tanggapin tulad ng
sa salamin
tunay na pagkatao natin
upang pabutihin, dalisayin
sa katahimikan pa rin.
Larawan kuha ng may-akda sa Bgy. Kaysuyo, Alfonso, Cavite, 27 Abril 2024.

Ang masamang simoy ng hangin tuwing Pasko

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Disyembre 2023
Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Huwag sanang masamain itong aking lathalain tungkol sa isang hindi magandang gawain tuwing panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus nating mahal. Totoong sa panahong ito na malamig ang simoy ng hangin at dama ang tuwa at kagalakan ng lahat saanman ngunit mayroong ilan na hindi maganda ang mga nasa loobin at damdamin.

Tunay nga na ang diwa ng Pasko ay ang pagbibigay ng dakilang handog ng Diyos sa atin ng Kanyang Bugtong na Anak kung kaya tayo man ay tinatawagang magbahagi ng biyaya at pagpapala Niya sa ating kapwa; ngunit, hindi nangangahulugang sasamantalahin natin ang panghihingi kaninuman. Hindi naman malaking bahagi ng Kapaskuhan ang panghihingi kumpara sa gampaning magbigay at magbahagi.

Gayun din naman, sakaling tayo ay manghihingi, ito ay dapat sa diwa pa rin ng ginawang pagbibigay ng Diyos ng Kanyang Anak sa atin. Alalaong baga, lagi nating isaalang-alang ang pagmamahal o charity sa tuwing tayo ay hihingi. At mamamasko. Magbigay man o manghingi, Pasko man o hindi, dapat si Kristo ang batayan ng ating gawain.

Dalawang bagay ang ibig kong ibahagi.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Una ay dapat nating alalahanin na kusa ang pagbibigay at pagbabahagi. Huwag tayong namimilit sa panghihingi. Mayroong mga iba na kung makahingi at mamasko ay parang may pinatago. Higit sa lahat, akala mo obligasyon ng lahat ng hingian ay magbigay!

Minsan nakita ko post ng isang kaibigan naninirahan sa Canada. Tahasan niyang sinabi sa kanyang post sa Facebook na huwag na siyang anyayahan maging “friend” kasi malulungkot lang sila. Paliwanag ng kaibigan ko palagi na lang daw kasunod ng pag-anyaya sa kanya sa Facebook ay, “mare, pahiram naman…”

Juice colored! Akala ko ako lang ang ginaganoon! At lalong nagulat ang kaibigan ko na pati daw ba ako ay hinihingian? E oo ika ko. Gusto pa nga ng iba ay G-cash e wala naman akong ganun.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Hindi lahat ng tao ay nakaluluwag sa buhay. At kung sakali mang sila ay nakaririwasa, hindi ito dahilan para sila ay hingan. At hingan ng hingan.

Aaminin ko sa inyo na talamak ito sa mga taong-simbahan na wala nang ginawa kungdi manghingi nang manghingi.

Tanungin ninyo kung ano kanilang naibigay pati ng kanilang pari, wala. Ni panahon hindi makapagbigay, ni ayaw magmisa, hindi mahagilap at kung makahingi, wagas. At may presyo pa!

Higit sa lahat, yung iba nananakot pa kung hindi magbibigay ay baka daw “malasin”. Sila na rin ang sumalungat sa turo na walag suwerte suwerte sa pananampalataya dahil lahat ay pagpapala.

Pakaisipin din sana natin ngayong panahon ng Kapaskuhan lalo na marahil ay mayroong “favorite charity” o mga sadyang binabahaginan at tinutulungan ang marami nating mga kababayan lalo na yaong mga nakaluluwag sa kabuhayan. Maging ang Panginoong Jesus ay hindi naman pinagbigyan ang lahat ng lumapit sa kanya noon.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Ikalawa, maging magalang sa panghihingi. Nakalulungkot kasi na maraming tao ngayon ang hindi na yata marunong mahiya sa panghihingi. Wala man lamang pagpipitagan. Gaya nga ng daing ng kaibigan ko, akala mo makikipag-kaibigan pero iba pala ang layon.

Ito yung mga text na bitin tulad ng “Pare…” o kaya ay “mare”. Sinasabi ko yan maski sa mga kakilala ko. Huwag na huwag kayong magtetext ng bitin. Yun bang akala mo mayroong masamang nangyari kaya ikaw naman biglang titingin sabay text ulit ng humihingi ng pabor.

Pasensiya na po. Ang tawag doon ay “kawalan ng modo.” Kabastusan.

Laganap ang sisteng ito sa internet lalo na noong 2020 nang kasagsagan ng COVID pandemic at lockdown. Noong Kapaskuhan noon, mayroong nagtanong sa akin na tama daw ba iyong gawain ng ilang inaanak na namamasko at sinasabing i-Gcash na lang kanilang aguinaldo?

Sabi ko ay hindi. Iyon ika ko ay kawalan ng paggalang. Pang-aabuso. Walang pinagkaiba sa holdap.

Larawan kuha ng may akda sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Nobyembre 2022.

Muli, walang obligasyon ang sino man na magbigay at magregalo kanino man kahit kailan. Kusa ang pagreregalo. Higit sa lahat, ang regalo ay tanda ng pagkatao ng nagbigay. Kung ipipilit ang panghihingi ng tulong o abuloy o regalo, samakatwid, kinalimutan ang pagkatao ng hinihingian.

At iyan ang mabahong simoy ng Pasko.

Pumarito si Kristo at nagkatawang-tao katulad natin upang ipakita sa atin ang ating dangal bilang tao. Na ang daan sa pagiging katulad ng Diyos na banal ay sa pagpapakatao. Kung ang tuon ng pansin ngayong Pasko ay ang regalo, abuloy, o tulong na makakamit, ibig sabihin wala ang diwa ni Kristo sa nanghihingi.

Ituring na lang silang mga tulisan o mga mapagsamantala sa pagkakataon. At sana ay maimulat din sa tunay na diwa ng Pasko, ng pagbibigay at panghihingi. Simple lang naman ang paanyaya ng Diyos sa atin na ibahagi si Kristo araw-araw sa ating pagmamahal at paglilingkod ano mang panahon. Higit sa mga pera at bagay na kaloob ay ang sariling pagkatao. Nawa ay maging makabuluhan at kaaya-aya ang inyong Kapaskuhan!

Ang kalabisan (at katatawanan)ng long weekend

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Disyembre 2023
Larawan kuha ni G. Jay Javier, shooting ng pelikula sa Fort Santiago.

Madalas kong biruin mga kaibigan at kakilala lalo na sa social media na magtanong kung ano ang “long weekend”? Mula kasi nang maging pari ako, nilimot ko na ang salitang weekend dahil sa mga araw nito – Sabado at Linggo – ang aming gawain at gampanin sa simbahan. Inaasahan kami ng mga tao na makakasama nila tuwing weekend kaya naman lahat ng pagtitipon sa pamilya at mga kaibigan ay tinatapat namin sa ordinaryong araw upang ako ay makadalo.

Ngunit kung tutuusin, wala naman talagang weekend dahil hindi naman natatapos o nagwawakas – end – ang sanlinggo. Kaisipang Amerikano ang weekend kaya meron silang bukambibig na TGIF, Thank God It’s Friday na kung kailan natatapos o nagwawakas (end) lahat ng trabaho at opisina upang maglibang ng Sabado at Linggo, weekend. Pagkatapos ng weekend, kayod muli mula Lunes hanggang Biyernes.

Sa kabilang dako para sa ating mga Kristiyano, ang Linggo ang unang araw ng sanlinggo at hindi ito nagwawakas ng Biyernes o Sabado. Tingnan ninyong mabuti: Linggo, Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado, Linggo ulit!

Ulit lang nang ulit ang isang linggo kada araw ng Linggo, ang Araw ng Panginoon o Dies Domini sa wikang Latin kung kailan tayo obligadong magsimba bilang alaala at pagpapaging-ganap ng Misterio Pascua ng Panginoong Jesus, ang kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay.

Iyan ang buhay din natin na ang kaganapan ay sa Langit na wala nang wakas kungdi buhay na walang hanggan. Ito ang dahilan mayroon tayong tinatawag na octaves of Christmas at Easter, ang walong-araw ng Kapaskuhan ng Pagsilang at ng Pagkabuhay muli ni Jesus.

Oo nga at mayroong pitong araw sa isang linggo, ngunit ipinakikita sa atin lalo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ang walang hanggang buhay sa ikawalong araw na pumapatak na Linggo palagi, ang Divine Mercy Sunday. Kung Pasko ng Pagsilang, papatak ito palagi ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos ng Enero Primero na siyang ating ipinagdiriwang at hindi Bagong Taon kasi nga po Unang Linggo ng Adbiyento ang ating bagong taon sa Simbahan.

Tumpak din naman at may katotohanan ang awitin nina John, Paul, George at Ringo ng Beatles na “eight days a week, I lo—-ve you! Eight days a week, I lo—-ve you!

Snapshot mula sa post ni Kier Ofrasio sa Facebook, 30 Nobyembre 2023.

Kaya naman isang malaking kalokohan at kabaliwan itong naisipan noong panahon ni PGMA na ilipat mga piyesta opisyal sa Biyernes o Lunes upang magkaroon ng long weekend. Para daw sa ekonomiya. Sa madaling sabi, para sa pera.

Kuwarta. Kuwarta. At kuwarta pa rin ang usapan, hindi ba?

Nasaan na ang pagsasariwa ng diwa ng mga piyesta upisyal natin bilang isang sambayanan?

Pati ba naman kaarawan o kamatayan ng mga bayani natin na matapos maghandog ng buhay sa atin ay dadayain pa rin natin upang pagkakitaan?

Fer, fer! For real!

Bukod sa materyalismo, mayroon ding masamang implikasyon itong long weekend na ito sa ating moralidad at iyan ay ang kawalan natin ng matiyagang paghihintay – ang pagpapasensiya.

Lahat advanced sa atin. Hindi tayo makapaghintay sa araw ng suweldo. Kaya, vale dito, vale doon. Loan dito, loan doon. At hindi biro ang dami ng mga kababayan nating nasira ang buhay dahil sa pagkaubos ng kabuhayan nang malulong sa maling pag-gamit ng credit cards kung saan totoong-totoo ang kasabihang, “buy now, suffer later”. Kaya, heto ngayon, pati piyesta upisyal ina-advance natin!

Maaring nagkasiyahan tayo sa long weekend ngunit, lubos nga ba ating katuwaan at kagalakan? Napagyaman ba nito ating katauhan at mga ugnayan? O, nabaon lang tayo sa utang lalo ng kahangalan?

Larawan ng walang galawang trapik sa McArthur Highway mula sa Facebook ni Kier Ofrasio, 30 Nobyembre 2023.

Katawa-tawa tayong mga Pinoy simula nang mauso long weekend. Sa haba at tagal ng ating lockdown noong pandemya, long weekend pa rin sigaw natin?

Dapat siguro baguhin na ating taguring na Juan dela Cruz at gawing Juan Tamad.

O, Juan Tanga gaya nang naranasan noong a-trenta nang isara ng mga magagaling ang Monumento. Winalanghiya mga maralita at manggagawa na ipinaglaban ni Gat. Andres Bonifacio noong himagsikan na siyang dahilan kaya ating ipinagdiriwang kanyang kapanganakan noong ika-30 ng Nobyembre 1863.

Kung baga sa Inggles, iyon ang “the short of long weekend, an exercise in futility. And stupidity.” Sana magwakas na gawaing ito na dati naman ay wala sa ating kamalayan. Salamuch po!