Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Pebrero 2023
Larawan mula sa Google.com.
Paloob ang Kuwaresma
hindi palabas.
Katulad nitong ating buhay
na papaloob at hindi palabas.
Pagmasdan mga tanda
at kilos nitong panahon
habang Panginoon ang tinutunton
hinuhubad ating kapalaluan
upang bihisan ng kababaan,
sinasaid ating kalabisan
upang punan ng Kanyang
buhay at kabanalan.
Paloob ang Kuwaresma,
hindi palabas.
Simula ay Miercules de Ceniza
mga noo'y pinapahiran ng
abong binasbasan
paalala ng kamatayan
tungo sa buhay na walang-hanggan
kaya kinakailangan
taos-pusong pag-amin
at pagsuko ng mga kasalanan
talikuran at labanan
gawi ng kasamaan.
Paloob ang Kuwaresma
hindi palabas.
Huwag magpapansin
tuwing mananalangin
hayaan saloobin at hiling
isalamin ng buhay natin;
pag-aayuno ay higit pa sa
di pagkain ng karne
kungdi mawalan ng laman
ating tiyan, magkapuwang
sa Diyos at sino mang
nagugutom at nahihirapan;
ano mang kaluguran ating
maipagpaliban ay ilalaan
sa nangangailangan
buong katahimikan maglimos
tanda ng kaisahan
kay Hesus nasa mukha
ng mga dukha
at kapus-palad.
Paloob ang Kuwaresma
hindi palabas.
Sa gitna nitong panahon
ng social media na lahat
ay ipinakikita at ibig makita,
lahat ay pabongga
puro palabas;
ipinapaalala ng Kuwaresma
ang mga pinakamahalaga
pinakamaganda
at makabuluhan
ay hindi nakikita
nitong mga mata
bagkus ay nadarama
dahil sa paningin ng Diyos
ang tunay na mahalaga
ay yaong natatago,
napapaloob katulad Niya
na nananahan
sa ating puso at kalooban.