Paalala ng Banaba

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Abril 2021
Larawan kuha ng may-akda sa Immaculate Conception School for Boys, Malolos City, 27 Abril 2021.
Tirik noon ang araw 
aking ramdam ang init at alinsangan
sa paradahan ng paaralan, 
nanunuyo lalamunan habang 
tagatak ang pawis, naiinis 
naiinip, kailan aalis
virus ng COVID-19 sa atin;
kaya hanggang sa gitna ng init
sumasagitsit sa isip at kamalayan
paghihirap nating pinagdaraanan
nang ako'y maginhawahan sa malamig na lilim
ng nakayungayong mga dahon at sanga ng Banaba;
sa aking paglingon patingala
ako ay namangha at nabighani
mga lilang bulaklak namumukadkad
handog ay kagalakan at kapahingahan.
Luminga-linga pa ako sa kapaligiran
saka lamang napagmasdan
isa pang puno ng Banaba nalampasan
hitik sa mga bulaklak niyang lila
naroon din sa bukana ng paaralan
nagpaparamdam ng mahalagang aral
matutunan sa pandemyang pinagdaraanan:
kung kailan kainitan,
walang patak ng ulan
saka ipinagyayabang nitong Banaba
angking kagandahan at kabutihan
maging kahusayan dapat nating tularan
sa panahon ng kagipitan, doon lumalabas
tunay nating kulay -
ikaw ba'y matamlay at mapusyaw
at hindi makagalaw?
Alalahanin pangangaral ni Hesus nating mahal,
"At bakit kayo nababagabag tungkol sa pananamit?
Isipin ninyo kung paanong sumisibol
mga bulaklak sa parang, hindi nagpapagal
ni humahabi man; maging si Solomon
sa kanyang karangyaan hindi naramtan
ng gayong karinglan!
Kaya't huwag kayong mabalisa
sa inyong kakanin, iinumin o daramtin."
Madaling sabihin, mahirap gawin
lalo na sa marami sa atin sapin-sapin
suson-suson mga paghamon sa buhay
ngunit sa puno ng Banaba naroon
ating tugon:  magpakatatag sa pagkabaon sa lupa
paglipas ng taon uusbong mga dahon at bulaklak
dulot nitong bunga lunas sa maraming sakit at karamdaman.
Larawan kuha ng may-akda sa Immaculate Conception School for Boys, Malolos City, 27 Abril 2021.

Pantry for the body, pantry for the soul

Quiet Storm by Fr. Nicanor F. Lalog II, 22 April 2021
The beauty of this community pantry
that have sprouted all over the country
in just a week exactly
is not found only in the wide variety 
of food to the needy but most of all
for food that enrich so many souls:
kindness and tenderness are aplenty
with everyone considered a family.
It was the Lord Himself 
who gave us the first community pantry 
intended for soul when he said:
"All you who are thirsty,
come to the water!
You who have no money,
come, receive grain and eat;
Come, without paying and without cost,
drink wine and milk!
Why spend your money for what is not bread;
your wages for what fails to satisfy?
Heed me, and you shall eat well,
you shall delight in rich fare.
Come to me heedfully,
listen, that you may have life."
(Isaiah 55:1-3)
What is so amazing now happening in the country
is how those with least to offer
are always the ones with most to share
like that widow praised by Jesus in her poverty
gave her all in the temple treasury:
for the community pantry
there was so much camote
coming from hard pressed farmers
from Paniqui and another load from Mindoro
shared by the child of a Mangyan aged nine
while an elderly man peddling chicharon for a living
asked for two cans of sardines
leaving the pantry with a precious smile of gratitude
with a plenitude of goodwill,
donating two packs of his precious chicharon.
Like manna in the wilderness
the community pantries were heaven-sent;
like the feeding of five-thousand in the wilderness
the community pantries of sharing was the miracle;
like Jesus Christ at the Last Supper,
the community pantries have taught us 
to be the bread ourselves, broken and shared
if only to prove there is enough for everyone's needs.

	

Awit para sa Paminggalang Pampamayanan (Community Pantry)

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Abril 2021
Mula sa Facebook ni Jean Palma noong ika-18 ng Abril 2021 na nilagyan niya ng caption: “All these community pantries in four days, and counting. What a powerful movement.” #CommunityPantry

Tila magpapasko, presko at mahangin ang panahon noong Lunes ng umaga dito sa Pambansang Dambana ng Birhen ng Fatima sa Valenzuela.

Natutuwa ako noon sa napakabuting balita ng paglaganap nitong tinaguriang mga “community pantry” na nagsimula sa kalye Maginhawa sa Quezon City noong a-kinse lang ng Abril. Wala pang isang linggo ay kumalat na sa buong kapuluan ang kilusan na kung isasalin sa ating sariling wika ay “paminggalang pampamayanan”.

Sa mga kagaya ko na inabot ang singko sentimos na de bote ng Cosmos, bago dumating ang pridyider ay paminggalan ang puntahan ng lahat lalo na sa bahay na matanda kung saan nakatira ang mga impo at lola.

At ang turo sa aming mga bata noon, maaring kumuha ng pagkain sa paminggalan pero huwag uubusan ang ibang kasama sa tahanan.

Higit sa lahat, magsabi lagi upang mapalitan o mapunan sakaling mauubusan lalo na ng kape at asukal.

Kaya naman napakagandang makitang muli itong mga paminggalan hindi na sa tahanan kungdi sa lansangan na tila baga bawat pamayanan naging isang malaking pamilya pinamamayanihan ng pagkakapatiran.

Iyon ang pinaka-buod at kahulugan nitong mga paminggalang pampamayanan na siya rin namang ipinahayag ni Bb. Ana Patricia Non: hindi aniya ito pagkakawanggawa o “charity” kungdi pakikipagkapwa-tao o mutual aid upang matulungan ang bawat isang nangangailangan.

Sa Banal na Kasulatan ay ating natunghayan kamakailan paglalarawan ng pamumuhay ng mga unang Kristiyano:

At nagsasama-sama ang lahat ng sumasampalataya at para sa lahat ang kanilang ari-arian. Ipinagbibili nila ito at ang pinagbilhan ay ipinamamahagi sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa.

Mga Gawa ng Apostol 2:44-45
Larawan mula sa inquirer.net.

Isinaysay sa atin ni San Lucas ang naturang bahagi sa buhay ng mga unang Kristiyano upang muling mahimok sa atin ang pagkakapatiran, ang magising ating mga kaisipan at kamulatan na sa buhay hindi pinag-uusapan at batayan ang ano mang kakayahang gawin kungdi ang pagkakakilala sa bawat isa bilang ka-patid, ka-dugtong, at ka-putol. Alisin mo ang unlaping “ka”, ika’y patid at putol. Hiwalay at nag-iisa, walang karugtong.

Kapatiran, samahan ng magkakapatid, hindi ng mga gawain.

Kung babalikan natin yung tagpo matapos mag-ayuno at manalangin ang Panginoong Hesus sa ilang, ang unang panunukso sa kanya ng demonyo ay gawin niyang tinapay ang mga bato.

Ganyang-ganyan pa rin ginagawa ng diyablo at kanyang kampon sa ating panahon na ang palaging tanong ay “ano ba ang nagawa mo?” o “mayroon ka bang naambag?”: para sa kanila, pinakamahalaga yung nagagawa kesa makipag-kapwa.

Hindi nila batid na ang sino mang tunay sa pakikipag-kapwa, laging kasabay ang gumawa ng mabuti.

Kaya hindi rin kataka-taka sa kanila na ang mga addict at kriminal ay patayin dahil para sa kanila walang nagagawang mabuti mga ito sa lipunan.


Isang magandang pagkakataon itong pag-usbong 
ng maraming paminggalang pampamayanan 
na muli nating mapagtanto dangal ng bawat tao 
na dapat mahalin at igalang bilang larawan 
at wangis ng Diyos na lumikha sa tanan.

Larawan mula sa Dr. Yanga’s Colleges Inc. sa kanilang “community pantry” sa Bocaue, Bulacan, 20 Abril 2021.

Isang magandang pagkakataon itong pag-usbong ng maraming paminggalang pampamayanan na muli nating mapagtanto dangal ng bawat tao na dapat mahalin at igalang bilang larawan at wangis ng Diyos na lumikha sa tanan.

Inyong pagmasdan, madalas mga taong mapagbilang at mapaghanap ng mga nagawa ay siya ring mga mapanaghili, binibilang mga gawain na tila lahat dapat tumbasan o mayroong kapalit.

At ang pinaka-masaklap, sila din yaong mga wala ring ginagawa, puro salita kaya sila’y katawa-tawa parang sirang plaka katulad ng kanilang pamumula at “red tagging” sa mga nasa likod ng paminggalang pampamayanan o community pantry.

Ayaw nila sa paminggalang pampamayanan dahil doon ang batayan ay pagtuturingan bilang magkakapatid; walang ganid at sakim, nasa isip palagi ang kapwa na maaring mas kawawa kaysa sarili.

Kaya heto ang aking awit na handog sa mga nagpasimuno at nagpapalaganap nitong community pantry.

Kasama na rin ang mga hindi naniniwala, namumula.

At, sumasalaula.

Humuhuni ang ibon
Nagsasayaw sa hangin
At laging masaya
Bakit kaya ang tao may isip at talino
Nalulungkot pa siya

Matutuhan lang ng bawat nilikha
Ang umibig sa tao't daigdig
Lungkot nila'y mapapawi ligaya'y ngingiti

Pagibig at pag-asa
Ang damdaming gigising sa taong mahimbing
Ang tunay na ligaya sa ating puso
Muling magniningning

Ikaw at ako
Hindi man magkalahi
Ay dapat matutong magmahal
Ituring mong tayong lahat ay magkakapatid
(New Minstrels, 1980)

Learning to pray again in Lent

40 Shades of Lent by Fr. Nicanor F. Lalog II, 25 February 2021
Thursday, Week-I of Lent, 35th Anniversary of EDSA People Power Revolution
Esther C:12, 14-16, 23-25     ><)))*> + ><)))*> + ><)))*>     Matthew 7:7-12
From Pinterest.

Late have I realized, God our Father and of history, that our much revered event/experience of the past, the EDSA People Power of 1986, happened during the Season of Lent. Was it because we were sincere in our prayers that the impossible happened on those days from February 22-25, 1986?

I believe so.

And that is why I pray again for our beloved country before EDSA is totally relegated to just dates in our poor memories or worst, as the most notorious symbol of everything wrong in us which is the highway where it all happened 35 years ago today.

In this Season of Lent as we celebrate another EDSA People Power Revolution Anniversary, teach us again how to pray.

First, to have that attitude of total surrender to you, O God, like when we faced tanks and soldiers in full battle gear holding flowers and rosary beads and images of Mary and the saints at EDSA.

Like Queen Esther in the first reading today, may we pray in total surrender and dependence on you.

Queen Esther, seized with mortal anguish, had recourse to the Lord. She lay prostrate upon the ground, together with her handmaids, from. morning until evening, and said: “God of Abraham, God of Isaac, and God of Jacob, blessed are you. Help me, who am alone and have no help but you, for I am taking my life in my hand.”

Esther 12, 14-15

Most of all, teach us that in order to obtain whatever we may pray from you, let us ask only for what is good for us and for others like during those days at EDSA. So many times you neither hear nor grant our prayers because it is not good enough, for us and for others. Teach us to be good, to desire only what is good, for you are the only Good One.

“Which one of you would hand his son a stone when he asks for a loaf of bread, or a snake when he asks for fish? If you then, who are wicked, know how to give good gifts to your children, how much more will your heavenly Father give good things to those who ask him.”

Matthew 7:9-11

You know very well how most of us, the ordinary people who came there, simply wanted change in our country. You know so well we have neither lands nor money nor names to keep and safeguard. You know so well how most of us simply have you until today.

Photo by author, yellow flowers at the Carmel of the Holy Family Monastery, Guiguinto, Bulacan, 2019.

How sad some persons of power and influence took advantage of that and fooled us into believing they we were one with us in the ideals of EDSA. You also knew so well what were in their hearts then which they still keep to this day — self interests and greed for power, wealth, and fame.

Forgive us, Lord, in allowing them to prostitute EDSA.

Never again should it happen again.

Sayang.

Please show us again the way to regain its glory, its dreams and aspirations especially at this time we are at our lowest point in history as a nation. Send us selfless men and women willing to leave everything behind to you for the good of the nation.

Yes, Lord, “The Filipino is still, and always, worth dying for.” Amen.

Republikula ng Pilipinas

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Agosto 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Pulilan, Bulacan, Enero 2020.
Ang sabi nila
buhay ay parang isang pelikula
tayong lahat ang bida at artista;
kaya lalo nang malaking pelikula
at tiyak patok sa takilya
pelikula ng ating republika!
Siyempre, lahat ay pabida
gusto umeksena
hindi lang sa Palasyo at Kongreso
pati na rin sa mga paseo basta matao.
Ang nakakatawa pero bumebenta
lalo na sa mga tanga 
mga artista nagpipilit sa pulitika
mga pulitiko umaarte, nagpapabebe!
Dating pelikula ng ating republika
makasaysayan at makahulugan
maituturing na isang sining
nababanaagan maningning na liwanag
 katulad din ng pinilakang tabing
kapupulutan ng mga ginintuang aral
mga talastasan at eksena 
mula sa mga aninong gumagalaw;
nang magdeklara ng Martial Law
nagsimula rin ang kasalaulaan
ng pamahalaan maging sa sinehan
kung saan mga hubad na katawan 
 pinagpipistahan, kunwari'y film festival
ang totoo ay karnabal.
Nagwakas din at nagsara ang tabing
ng malagim na yugto ng kasaysayan natin
bagong simula ang dokyu ng EDSA
kinalaunan naging trahedya
pelikula ng republika, naging telenovela at komedya
nang maupo tunay na artista ng masa, 
nagreyna sa media at chika
puro artista, kaya dumagsa na rin sila
naging zarzuela pelikula ng ating republika
naglabo-labo at moro-moro, gumulo nang gumulo
kaya heto tayo horror na nakakatakot 
nakapangingilabot kadiliman 
at kasamaang bumabalot parang bangungot
hugot sa isang eksena ng pelikula na sana'y matapos na.
Ngunit kung titingnan
mga pelikulang horror walang laman
puro kabobohan at katangahan
dinaraan lang sa gulatan 
hanggang maging katatawanan.
Hindi ba't ganyang-ganyan 
ating lipunan at pamahalaan
isang malaking pelikulang katatakutan
na puro kabalastugan at kahangalan?
Kaya aking payong kaibigan, 
sa susunod na halalan
tanggihan, huwag nang pagbigyan 
mga artista sa pulitika, 
mga pulitiko na payaso!
Photo by Pixabay on Pexels.com

Hindi normal ang new normal

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Hulyo, 2020
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
mayroong mga nagpapasasa sa kayamanan
at luho sa katawan habang karamihan 
naghihikahos at pilit idinaraos bawat araw 
maski mamalimos dahil kabuhayan nila ay naubos.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
nakukuha ng iba na matuwa at magsaya
kapag mga kumpanya ay naipasara o nagsara
gayong ito ang panahon kay hirap kumita
di nila alintana pighati at dalamhati ng masawi.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
sariling kapakanan inaatupag ng mga congressman
lahat ng panggugulang at kabalastugan
naiisipan habang buong bayan nahihirapan
ni walang masakyan sa pupuntahan at uuwian.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
na daanin sa biro at masasakit na salita
patutsada laban sa kapwa maging maralita 
na bantad sa banta ng gutom at kamatayan
simula umaga hanggang makatulugan na lang..
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
kawalan ng katarungan kung saan
ang mga makapangyarihan di kakitaan ng 
kabutihan at pagka-uliran sa pagsunod sa mga
patakaran habang mga nasasakupan pinarurusahan.
Hindi normal kahit walang pandemya
ano pa mang katuwiran sabihin ninuman
ito ang panahon ng new normal dahil hindi
kailanman nababago ang normal
na siyang pamantayan ng kalakaran.
Kaya inyo nang tigilan
pagturing sa umiiral na takbo ng buhay
sa gitna ng pandemya bilang "new normal"
dahil ang karamihan kailanman 
ay hindi pa man naranasan tinuturing nating
normal na pamumuhay; 
sa tuwing ating ginigiit itong "new normal" 
lalo nang nababaon, nagigipit at naiipit mga maliliit.
Baguhin mga pananaw at kaisipan
ng umiiral na sitwasyon upang mapabuti
kalagayan ng mga kinalimutan ng lipunan
ngayon natagpuan kanilang dangal at kahalagahan.
Huwag nating hintaying dumating ang panahon
masahol pa sa sinapit natin ngayon 
na kung kailan sadyang kakalusin ang salop 
na ating napuno ng kalabisan
ng kawalan natin ng pakialam sa mga maling umiiral
sa ating lipunan at pamahalaan, simbahan at pamayanan
lalot higit sa ating tahanan at puso't kalooban.

*Mga larawan sa itaas ay mula kay G. Raffy Tima ng GMA-7 News maliban sa una at huling larawan na mula sa GMA News.

Bakit ka narito?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Hunyo 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Pulilan, Bulacan, Enero 2020.
Minsan aking napanaginipan
matalik kong kaibigan
aming binalikan
mga bukid aming nilakaran
noong aming kabataan;
nagtungo rin kami sa simbahan
doon sa kabayanan
at umistambay pagkaraan
para magkuwentuhan sa Krus na Daan.
Hiniling ko sa kanya
ako'y isama sa kanyang bahay-pahingahan
doon sa bukid ngunit tinanggihan
pinauwi at binilinan tulungan
maraming nangangailangan
lalo na aming mga kaibigan.
Sa aking pagtayo at paghayo
siyang gising ko naman
at natanto
matagal nang yumao 
kaibigan ko.

Larawan kuha ng may-akda sa Assumption Sabbath, Baguio City, Enero 2018.
Maliwanag sa akin
kahulugan ng napanaginipan
dahil kung minsan
ako ay nahihirapan at nabibigatan
sa mga pasan-pasan
at tila naman walang ibang maasahan
bukod sa wala ring pakialam
kaya di maiwasan mag-asam
na mawala na lamang
at sumakabilang buhay.
Ngunit hindi iyon ang solusyon
hindi rin kalooban ng Panginoon
na mayroong nilalayon
dapat nating bigyan ng tuon;
mga hirap at pagod
konsumisyon at ilusyon
bahagi ng ating misyon
bigay at dinadalisay ng Panginoon
kaya't magtiyaga, Siya ay ating abangan
at tiyak matatagpuan, Kanyang tutulungan.

“Screenshot” ng palad ng isang mag-aaral sa Dr. Yanga’s Colleges Inc. na nagsulat ng mga aral napakinggan niya kay G. Michael Yanga, Pangulo ng naturang paaralan, 2019.
Madalas tayo ang nagtatanong 
sa Panginoon ng direksiyon
ngunit paano kung Siya mismo
sa atin naman ang magtanong
sa kalagitnaan ng ating misyon
"Bakit ka narito?" gaya noong
paghintayin Niya si Elias sa yungib ng Horeb
matapos Siyang mangusap 
sa banayad na tinig ng hangin;
kay sarap namnamin at damhin
dahil tuwing tayo tatanungin
nitong Panginoon natin,
ibig sabihin Siya ay ating kapiling!
Ano man iyong gampanin 
ngayong quarantine ay pagyamanin
palaging unahin na ang Diyos ay hintayin
dahil tiyak na Siya ay darating
hanggang matapos itong COVID-19
pangako Niyang kaligtasan at kaganapan
Kanyang tutuparin!

Aral ng anino ni Kristo

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-07 ng Abril 2020

Minsan sa aking pananalangin sa takip-silim
hindi kaagad namalayan sa gitna ng dilim
nakamasid pala sa akin
si Kristong nakabitin nang
sa krus namatay para sa atin.


Nang siya ay aking tingalain
ako'y namangha sa tanawin
sa kanyang mga anino
sa akin ay nagpapaalala
huwag mangamba, kasama siya tuwina.


Noong mga bata pa tayo
itong ating mga anino
ang siyang lagi nating kalaro
dahil lagi tayong sinasabayan
kailanman hindi tayo iniwan.


Kaya naman nang aking pagmasdan
larawan nina San Juan at Birheng Mahal
sa magkabilang pagitan ng krus na pinagpakuan
ni Hesus na ating katubusan
kakaiba ang aking naramdaman:


Katiyakang hindi iiwanan
kapag ako'y laging nasa kanyang paanan
nananalangin, nananampalataya
handa na siya ay tularan at sundan
lahat ay iwanan alang-alang sa pagkakaibigan.

Pagkakataon… ng COVID-19

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Marso 2020
Larawan ay kuha ni Angelo Nicolas Carpio ng krus ng aming parokya, Enero 2020.
Pagkakataon.
Ito ang kataga 
na tumimo sa akin 
mula sa Ebanghelyo ngayon.
Wika ng alipin sa kanyang panginoon
"bigyan ninyo ako ng pagkakataon
mabayaran mga utang sa inyo"
at siya nama'y pinagbigyan nito.
Ngunit nang masalubong
kapwa alipin may utang
hamak maliit kaysa kanya,
pinagkait pagkakataon bagkus ipinakulong.
Kaya nang siya ay sinumbong
sa kanilang panginoon
tinawag siyang "napakasama" dahil
pagkakataon binigay sa kanya, pinagkait sa iba.
Larawan kuha ng may-akda, Kuwaresma 2020.
Pagkakataon.
Ito ang kaloob sa atin ngayon
ng pagkukulong sa mga tahanan 
at maiwasan pagkalat nitong COVID-19.
Sa mahabang panahon
tinalikuran natin Panginoon
nang sariling pamilya binalewala
di pinansin, ang iba inaway natin.
Kay inam na pagkakataon
mabuklod mga pamilya ngayon
bilang isang tahanan at pamayanan
na pinagmulan noon ng ating simbahan.
Habang walang pasok
mga magulang at anak
balikan katesismong binaon 
unahin mga panalangin nilimot.
Basahin din at limihin
Banal na Kasulatan ating tinalikuran
sapagkat ito ang siyang gagabay
sa buhay natin sa gitna ng karimlan.
Kuha ng may-akda, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, 2019.
Pagkakataon.
Marami tayong pinalampas noon
binalewala Panginoon at kapwa
kaya tayo ganito ngayon.
Hindi ito parusa ng Panginoon
kungdi kasalanan at pagkukulang
nating lahat sa mahabang panahon
Diyos at kapwa hindi natin nilingon.
Kaya ngayon sa gitna nitong hamon
kinakaharap natin sa pagkakataon
tama narinig kong nawika 
ng punong ministro doon sa Italya:
"Maghiwa-hiwalay muna tayo ngayon
upang mayakap ang isa't-isa sa kinabukasan"
kaya naman pagyamanin natin itong
pagkakataon makulong sa iisang bubong!

Para saan, daan sa kabukiran?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Pebrero 2020

Larawan kuha ng may-akda sa Pulilan, Bulacan, 25 Pebrero 2020.
Sa aming lalawigan 
na tinuturing luntian
maraming halamanan at kabukiran
unti-unti nang napapalitan yaring kalikasan.
Ako'y kinakabahan 
sa darating na kinabukasan
ating mga palabigasan wala nang laman
mga bata'y kumakalam sa gutom kanilang tiyan.
Ang sabi ng karamihan 
ito'y para sa kaunlaran
ngunit kung ating titingnan 
malayo sa katotohanan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan, 25 Pebrero 2020.
Kailangan daw ay kongkretong daan
upang mapabilis kalakalan 
nguni't paano naman
kung wala nang aanihan?
Repormang pangsakahan, tinalikuran
mga magsasaka tinatapakan 
lupaing ginawang daanan di binayaran 
presyo ng palay kulang at alangan!
Hindi masama ang kaunlaran
ngunit kung ang maliliit ay kinalilimutan
kapakanan nila ay pinababayaan
wala rin itong patutunguhan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan.
Hindi ba natin namamalayan
sa pagkawala ng ating mga kabukiran
kasabay nababaluktot ating katuwiran
pati katinuan at katarungan nasasalansang?
Buksan natin ating isipan
sa sasapiting pagkawasak at kawalan
kapag mga sakahan ating pinabayaan
hindi lamang tiyan mawawalan ng laman.
Sementuhin mo man maraming daan
ngunit sarado naman puso at kalooban
sa higit na malalim na mga katotohan
wala patutunguhan kungdi kapahamakan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan.