Kumusta?
Paborito nating pagbati
pero ano nga ba ating minimithi?
Mausisa kalagayan ng binabati,
madama kanyang pighati kung sakali,
O sadyang bukambibig lang
dahil wala tayong masabi?
Minsan sa aking
pagpakumpisal ng mga kabataan,
kinumusta ko isang dalagita
at sukat bigla na lamang
siyang naluha!
Sa pag-asang mapipigil
kanyang pag-iyak, muli ko siyang
kinamusta nang kami'y nakaupo na
ngunit, bagkus ay lalong bumaha
kanyang mga luha!
Sa pagitan ng mga hikbi
at pagpahid ng kanyang mga mata
siya ay nangingiti, nagsusuri
kung bakit nga siya umiiyak?
Akala ko'y nasisiraan ng bait
o may dala-dalang hapdi at pait
mula sa malalim na sugat o sakit
gaya ng ibang nakausap ko na;
ilang sandali pa nang siya ay
mahimasmasan sa pag-iyak
inamin niya sa akin
bakit siya umiiyak
at ito ang kanyang sinabi:
wala naman kasi sa kanya
ay nangangamusta
o nagaalala
kung napano na siya!
Nang sandaling iyon
nagbalik sa aking alaala
mga pagkakataon
ako ay kinakamusta
ng iba maski sa simpleng text
na wala akong pagpapahalaga
sa pagaakala
wala lang silang masabi;
iniiwan ko sila sa "seen zone"
at sasagutin lang kung
may oras at pagkakataon
di alintana nilaan nila
sa akin na panahon;
pinakamainam nga palang
pagbati itong "kumusta ka"
gaya ng sa kanta na "Jopay,
kumusta ka na?" kasi
nagpapahayag ito
ng pagkakandili at pagmamahal
na salat na salat ngayon sa mundo!
Sa pangungumusta
maraming iba pang Jopay
ang nabubuhayan, nabibigyan
ng pag-asa na sila naaalala
kahit tila nalimot na.
Sabi nga sa kanta
"Jopay, kumusta ka na?"
kasi maski mukha tayong masaya
mabibigat ating mga dala-dala
at kadalasan ang tanging nagpapagaan
ay ang simpleng pagbati ng
Kumusta?
*Tingnang ating
tula ng nakaraan,
"Jopay"
https://lordmychef.com/2022/12/29/jopay/
Larawan kuha ni G. John Ryan Jacob, Isla ng Liputan, Meycauayan, Bulacan, 10 Enero 2023.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Disyembre 2022
*Isang tula bunsod ng nakatutuwa na awitin ng Mayonnaise.
Sino ka nga ba, Jopay?
Ako ay nakikisabay,
nakikibagay sa sayaw at ingay
pero pramis,
ang sarap sumakay
sa awit sa iyo ay alay!
Jopay,
gusto ko rin umuwi sa bahay
simpleng buhay
hawak lang pamaypay
sabay kaway kaway
maski kaaway!
Kung sino ka man, Jopay,
totoo sabi nila sa iyo:
minsan masarap umalis
sa tunay na mundo,
walang gulo -
pero wala ding tao!
Kaya kung ako sa iyo,
Jopay, kakanta na lang ako
sabay sayaw:
spaghetti pababa
spaghetti pataas
ganyan ang buhay, Jopay,
isang magandang sayaw
lalo na kung iyong kasabay
mahal sa buhay
mga kaibigan
hindi ka iiwan
maski kelan.
Mayroon tayong
isang kasabay
sa sayaw ng buhay, Jopay:
tunay ka kaibigan
huwag lang siya ang mawawala
tiyak ika'y matutuwa
sa hapis at lungkot
hirap at dusa
hindi mo alintana
mga ito'y nalampasan mo na
siya palagi mong kasama
hanggang sa bahay ng Ama!
Pasensiya ka na, Jopay
ako ma'y walang kasama
at kausap dito sa bahay
sa mundong magulo;
naisip ko lang tumula para sa iyo
at sa mga kagaya mo
palaging masaya sa paningin
pero maraming kinikimkim
saloobin at pasanin
kaya isang taus-pusong panalangin
aking alay sa inyo,
para lumigaya kayo!
*We have no intentions of infringing into the copyrights of this music and its uploader except to share its beauty and listening pleasure.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Nobyembre 2022
Larawan kuha ng may akda, Nobyembre 2022.
Sa lahat ng Pasko
nating naipagdiwang
itong darating ay makahulugan:
pagkaraan ng dalawang taon
ng lockdown at social distancing
dahil sa COVID-19,
sama-sama tayo muli magdiriwang
ng harap-harapan o "face-to-face"
sa tahanan at simbahan,
lansangan at mga pasyalan.
Kung tutuusin,
face-to-face ang diwa ng Pasko
kaya nagkatawang-tao ang Diyos-Anak
at sumilang katulad natin upang
Diyos-Ama na maibigin ay personal
na makilala at maranasan
katulad ng isang kapwa
mayroong katawan at kamalayan,
buhay at kaugnayan na tuwina ay
masasandigan at maaasahan.
Gayon din ay pagmasdan,
Disyembre beinte-singko ngayong taon
papatak sa araw ng Linggo:
ito ba ay nagkataon o niloob ng Panginoon
na matapos ang dalawang taon
sa Kanyang kaarawan tayo ay magdiwang
puno ng kahulugan,
namnamin Kanyang kabutihan
sapagkat hindi tayo kinalimutan
o pinabayaan sa pandemyang nagdaan?
Larawan kuha ng may akda, Adbiyento 2021.
Ngayong Kapaskuhan
huwag pabayaang maging ganun lang
ating paghahanda sa pagdiriwang:
abangan si Hesus araw-araw
dumarating, sumisilang sa ating katauhan
kaya mga face masks ng pagkukunwari
ay hubarin at alisin, magpakatotoo
nang si Kristo makitang totoo;
hugasan at linisin mga kamay
maging bibig upang talikuran
mga kasinungalingan at karuwagang
maninindigan sa katotohanan at kabutihan;
mga palad, puso at kalooban
ay buksan upang abutin at tanggapin
bawat kapwa bilang kapatid
kay Kristong Panginoon natin!
Kailanma'y hindi napigilan
pagdiriwang ng Pasko
kahit ng mga digmaan at kalamidad
bagkus mga ito pa nagpatingkad
sa liwanag at kahulugan nito;
hindi pa tapos ang pandemya
kaya ngayong Pasko ng 2022,
huwag kabahan
pawiin agam-agam
lapitan at samahan bawat isa
upang magkahawahan
hindi ng corona virus kungdi
ng tuwa at kagalakan
ng pagsilang at pagliligtas
ni Jesu-Kristo sa ating
puso at katauhan palagian.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Nobyembre 2022
Larawan kuha ng may akda, 16 Nobyembre 2022 sa Pulilan, Bulacan.
Nakakatawang isipin
na palagi nating nararanasan
mga pagwawakas at katapusan
nguni't bakit lagi nating kinatatakutan?
Sa dapithapon naroon ang takipsilim,
ang lahat mababalot ng dilim
na kinasasabikan natin dahil
tapos na rin mga gawain at aralin;
batid natin, ano mang kuwento
maski Ang Probinsiyano
magwawakas din;
mahirap isipin, maski tanggapin
kapag mayroong mga gusali na gigibain
lalo't higit mga ugnayan at kapatiran
na puputulin at papatirin
dahil sa alitan at, kamatayan.
Mismo ang Panginoong Hesus
tumiyak sa atin lahat ay magwawakas
hindi upang tapusin kungdi
muling buuin buhay at mundo natin
na mas mainam kaysa dati.
Kaya huwag isandig sarili natin
sa mga bagay ng daigdig na maglalaho rin
katulad ng dapithapon at takipsilim
bagkus ay ating yakapin
bawat wakas na tiyak darating
upang salubungin pagbubukang-liwayway
ng bagong araw ng buhay, pag-asa
at pagpapanibago kay Hesu-Kristo
na sariling buhay man ay nagwakas din
doon sa Krus upang muling mabuhay
at mabuksan Paraiso para sa atin --
ang tunay na katiyakang nakalaan sa atin!
Larawan kuha ni Bb. Danna Hazel de Castro, Sagada, Mt. Province, 2017.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Oktubre 2022
Larawan kuha ni Dr. Mylene A. Santos, MD, Marso 2022.
"Wala lang"...
mga salitang ating
madalas bitiwan at
mapakinggan
harapan man
o text lamang
nagpapagaan
dahil ramdam
bukal sa kalooban
isang nilalang
naalala, naisip
kahit saglit lamang.
Pero, maniniwala ka bang
"wala lang"
at biglaang sumagi
ka lang sa isipan nang di inaasahan?
Kung talagang "wala lang"
paanong pumasok itong "wala"
sa isipan at bakit kailangan pang
bigkasin at sabihin
sa ano mang paraan
kung "wala" lang naman
sana ay hinayaan na lang
maglaho hanggang malimutan?
Kasi naman ang katotohan
nitong sinasabing "wala lang"
ay malaman at makahulugan
kung nanamnaming lubusan
hindi kaagad maintindihan
nitong puso at kalooban
tunay na nararamdaman
walang ibang alam mausal
kungdi "wala lang" sa pangambang
magkaroon ng ibang kahulugan
at mauwi lang ang lahat
sa kawalan.
Kaya sa susunod
na bitiwan o mapakinggan
mga salitang "wala lang"
huwag paniwalaang wala lang
dahil ito ay malaman
malalim at makahulugan
ikaw ay pinahahalagahan
laging laman ng puso at isipan
hindi sa ano pa man
kungdi sadyang ganyan
bawat tulak ng bibig
ay siyang kabig ng dibdib!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Setyembre 2022
Larawan kuha ng may akda, bukang liwayway sa Lawa ng Tiberias, Israel, Mayo 2019.
Kay sarap namnamin,
kaninang pagkagising
Iyong tugon Panginoon namin
sa mga tanong ni Job
na amin ding dinaraing
sa gitna ng maraming hirap at tiisin:
"Job,
nakalikha ka ba
kahit isang bukang liwayway?
Ang daigdig ba ay ang iyong
naigawa ng tanglaw?
Napunta ka na ba sa
pinagmumulan ng bukal?
Nakalakad ka na ba sa
pusod ng karagatan?
Alam mo ba kung saan nanggaling
ang liwanag, o and kadiliman,
kung saan nagbubuhat?
Ang mga ulap ba iyong mauutusan
sa lupa ay magbuhos ng malakas na ulan?"
(Aklat ni Job 38:12-13, 16, 19, 34)
Inyong ipagpaumanhin
Panginoong namin
kapangahasan Ikaw ay tanungin,
usisain kapag mabigat aming pasanin
kami ay patawarin
katulad ni Job iyong dinggin:
"Narito, ako'y hamak,
walang kabuluhan,
walang maisasagot,
bibig ay tatakpan
hindi na kikibo,
mga nasabi'y di na uulitin"
(Aklat ni Job 40:4-5).
Hinding hindi namin
makakayang sagutin
ni arukin kalaliman
nitong maraming lihim
ng buhay lalo't kung madilim;
sana'y Iyong dalisayin, Panginoon
aking mga paningin, upang Ikaw ay
malasin tulad ng kulay ng hangin!
Larawan kuha ni Bb. Jo Villafuerte, pagbubukang liwayway sa Atok, Benguet, Setyembre 2019.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Setyembre 2022
Larawan mula sa commons.wikimedia.org ng painting na “Job on the Dunghill” ni Gonzalo Carrasco ng Mexico noong 1881.
O Panginoong ko,
turuan mo ako na tularan
si Job na iyong lingkod,
tapat at walang pasubali
pananampalataya sa iyo;
katulad ni Job
ako man ay makadaing sa Iyo
ng buong giliw at pagtitiwala
sa dinaranas na hirap at hilahil;
katulad ni Job
ako man ay magsuri at magnilay
sa Iyong kadakilaang taglay,
magtanong at makinig,
manahimik at namnamin
kaysa Ikaw ay usisain;
katulad ni Job
mapagtanto ko mga
katanungan sa buhay ay
hindi tulad ng mga tanong sa paaralan
mga sagot ay kaagad matatagpuan
sa Google o sa computer
o sa pormula ng matematika;
katulad ni Job
hayaan mo po ako na mabalot
ng Iyong hiwaga Panginoon
patuloy na tumugon sa
maraming paghamon
na sa tamang panahon,
ako man ay makaaahon
matatag at dalisay
aking katauhan
matalik ang ugnayan
sa Iyo at sa kapwa nahihirapan;
katulad ni Job
mas nanaisin ko rin
na lumakad sa gitna ng dilim
hindi ka man tanaw ng aking paningin
basta Ikaw ang kapiling
kaysa tumahak sa huwad na liwanag
ng mundo, lugod at bisyo ang gusto!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Setyembre 2022
Larawan mula sa bloomberg.com ng isang homeless sa New York habang dinaraos noon ang fashion week, 2019.
Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo, “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat.
Lukas 16:19-21
Alam na alam natin
ang talinghagang ito
na marahil isasaysay muli
sa atin ni Kristo
upang magising ating pagkatao,
makilala sinu-sino
mga tinutukoy
nitong kuwento
na walang iba kungdi tayo.
Tayo ang mayaman
sagana sa pagpapala di lamang
ng magagarang damit at gamit,
pagkain at inumin
kungdi ng biyaya ng buhay
handog ng Maykapal
na sawimpalad ay ating
sinasarili, manhid sa kapwa
sarili ang sa tuwina ay tama.
Mayaman tayo
sa mga pagpapala
ngunit hindi mabanaagan
ni masilayan aliwalas
nitong mukha, ipinagkakait
mga ngiti sa labi, hindi mabati
nakakasalubong upang mahawi
lambong ng kalungkutan,
mapawi pati mga sakbibi.
Ang tunay na mayaman
Diyos ang kayamanan
kanyang nababanaagan
sa mukha ng bawat kapwa
na kanyang pinahahalagahan
kesa sa gamit o kasangkapan;
hindi siya kailangang lapitan
ni daingan sapagkat dama niya
hirap at kapighatian ng nahihirapan.
Huwag tayong pakasigurado
na tayo ay mabuting tao
hindi tulad ng mayaman
sa talinghaga ni Kristo
sapagkat si Lazaro
ang taong pinakamalapit
sa iyo, nakalupasay,
nariyan lang sa tabi mo
nilalapitan ng aso maliban sa iyo.
Si Lazaro ang nanay
at ginang ng tahanan
tadtad sa sugat ang katawan
mula sa paglapastangan
ng mga anak at panloloko
ng sariling esposo;
ang mga lola at lolo rin
si Lazaro na namumulot ng mumo
ng pansin at kalinga mula sa mga apo.
Kung minsan si Lazaro
yaong nagtatrabaho sa barko
o malayong dako ng mundo
gaya ni tatay o nanay, ate o kuya
nasaan man sila, tanging pamilya
ang nasa puso nila
hindi alintana kanilang
pagtitiis at pagpapagal
winawalwal ng kanilang minamahal.
Sino nga ba ako
sa talinghagang ito?
Ang mayaman na manhid
walang pakialam sa kapatid
o si Lazaro nagtitiis ng tahimik
walang imik sa kanyang sinapit
tanging sa Diyos nakakapit
nananalig sa Kanyang pagsagip
upang langit ay masapit!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Hulyo 2022
Larawan kuha ng may-akda, 2016.
Itong ulan
ay kay buting paalala
sa atin ng kalikasan
na kailanma'y hindi tayo nalilimutan
ng Panginoong Maykapal
sa ating mga pangangailangan;
dinidiligan nanunuyot na kapaligiran
maging ating katauhan, minsa'y
nagwiwilig lamang upang maibsan
ang alinsangan at kung tag-ulan,
bumubuhos upang lubluban
labis nating karumihan!
Larawan kuha ng may-akda, 2020.
Itong ulan
maraming kahulugan
kadalasa'y pagpapala at
biyaya, tubig mula sa kalangitan
bagaman kung minsan
ay parang sumpa o parusa
tila mga patak ng luha
tayo ay binabaha ng hirap
at hilahil, nalulunod sa pighati
at kalungkutan na tila walang katapusan.
Itong ulan
mayroong taglay na katangian
wala sa ibang kalikasan
ang mangusap at magparamdam
dampian buong katawan tulad
ng isa pang kapwa nilalang
upang maranasan kalinisan at
kadalisayan nitong buhay
luntiang mga dahon, damdaming naaantig
ng magkasabay na lamig at halumigmig!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Mayo 2022
Larawan mula sa gettyimages.com at bbc.com.
Huwag sanang masamain
aking pagkagambala
pagkahumaling sa app
na kung tawagin ay TikTok;
batid ko ang maraming kabutihan
dulot nito sa pakikipagtalastasan
at ugnayan ngunit bakit tila
nauungusan ng mga kahalayan
at kabastusan makabagong laruan?
Nakakaaliw mga katatawanan
at kalokohang napapanood
ngunit nakakabagabag mga
kalaswaan nilalarawan at
napapakinggang usapang
natutungahayan sa munting screen
buong kamalayan ang winawasak,
murang isipan nalilinlang
habang oras at panahon nasasayang.
Hindi sa pagmamarunong
ibig ko ring itanong,
"kailangan pa bang picturan"
maski sa lansangan, dalampasigan
at may pampang mga pasiklaban
sa pag-giling ng katawan at
suot-suot ay kakapiranggot?
"Kailangan pa bang picturan"
ipangalandakan kagandahan ng katawan?
Kung ating babalikan
sariling kapanahunan
dekada ochenta mayroong
lathalain kung tawagin Tiktik Magasin,
mga kuwento at dibuho pulos
seksuwal at kabastusan
pinararaan sa panitikan
bilang pagsasalang-alang
sa karamihang tao na maselan.
Ang kahalayan saan mang
paraan ipahayag ay masagwa
at masama pa rin; ngunit may
higit na banta sa lahat, lalo samga bata
nababantad sa mahahalay na
panoorin lalo na sa TikTok at Youtube:
mga mura nilang kaisipan at kamalayan
nasisira at nalalason na tila ang buhay
ay puro palabas na lamang.
Kaya sana ay pagnilayan
makabagong teknolohiya
sa pakikipagtalastasan
ay biyaya ng Diyos upang
mga tao ay mapaglapit at
mabuklod sa kanilang ugnayan,
mapalawak ang kanyang kamalayan
sa kagandahan nitong buhay at
sariling dangal bilang kalarawan ng Maykapal!