Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-31 ng Marso, 2023
Larawan kuha ng may-akda, Enero 2021.
Doon sa matandang simbahan ng Parokya
ni San Ildefonso sa bayan ng Tanay, Rizal
makikita kakaibang pagsasalarawan
ng Ikapitong Estasyon ng Krus ng
madapa si Hesus sa ikalawang pagkakataon:
naroon mga sundalong Romano
ngunit mukhang Pilipino
kayumanggi ang kutis
pati mga hugis ay malapad
at malalaki mga mata;
sa halip na espada,
bolo kanilang dala,
walang trumpeta
kungdi tambuli
ang hinihipan ng isa.
Ngunit ang kakaiba sa lahat
ang isa sa mga naroon
suot ay antipara na may kulay
tila rakista, parang RayBan
kung titingnan;
walang makapagpaliwanag
sino ang misteryosong ginoo
maliban sa turing ng karamihan
iyon daw si Caiphas
ang punong pari noon
na namuno upang ipapako sa Krus
si Hesus;
bakit siya may salamin,
walang makapagsabi
ngunit sa atin may malalim na bilin.
Huwag ninyong masamain
bagkus ay pagtantuin at namnamin
sinasabi sa atin ng ukit kahit mahigit
tatlong daang taon na nang gawin
malaking kaibahan ng walang-hiyang tao
sa taong walang kahihiyan;
sa Pasyon ng Mahal na Poon
maging sa ating makabagong panahon
mga taong masasama tinatawag
na walang-hiya, hindi nahihiya
sa pagpapakasama;
ngunit mas masama kaysa kanila
mga taong walang kahihiyan,
kanilang kasamaan di alintana
sa pag-aakala sila ang palaging tama!
Ngayong Viernes Dolores
papasok na tayo sa Semana Santa
suriin ating mga mata
baka antiparang suot
ay malabo na o baka katulad
ng kay Caiphas doon sa Tanay
madilim ang kulay
si Hesus nadapa ay hindi matanaw
ni sulyapan ay ayaw;
masahol pa sa walang-hiya
na likas ang kasamaan
dahil ang taong walang
kahihiyan ipangangalandakan
akala niyang kabutihan
sagad na kasamaan!
Sabi ng matatanda,
mahiya lang ay tao na
nguni't papaano
kung hindi na tablan
ng ano mang kahihiyan
pakiramdam nasa kabutihan?
Ito ating tandaan
hangga't mayroong
kahihiyahan ang sino man
hindi malayo
siya ay nasa kabutihan
dahil walang nasa katinuan
ang ipagmamalaki ang kasamaan
na maging mga walang-hiya
ikinahihiya man!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Marso 2023
Larawan kuha ng may akda, 20 Marso 2023, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC.
Ang unang atas nating gawain
bilang mga alagad ni Kristong Panginoon natin
ay katulad din ng gampaning hinabilin
kay San Jose na butihin:
pangalanang "Jesus" isisilang ng Birhen
kahuluga'y ang Diyos Tagapagligtas natin!
O butihing San Jose
tulungan mo kami mapalalim
katauhan at kabanalan namin
upang nahihimbing man o gising
Banal na Kalooban ng Diyos
manaig palagi sa amin
gaya nang iyong sundin
mga habilin ng anghel
sa loob ng iyong panaginip:
tuluyang pakasalan si Maria
at ibigay ang pangalang Jesus
sa Sanggol niyang isisilang
na ang kahuluga'y
ang Diyos ang Tagapagligtas natin.
Ito ang ipinahayag ni Jesus
nang ipako sa Krus:
Diyos ating Tagapagligtas
hindi kaagaw sa kapangyarihan
na akala ng karamihan;
pinipigilan tayo sa kasalanan
upang di tayo masaktan
para sa ating sariling kapakanan;
doon sa Krus pinatunayan
Diyos ating Tagapagligtas
sariling buhay inalay ni Jesus
upang huwag tayong mawalan
bagkus magkaroon ng
buhay na walang hanggan.
Atin gampanan unang atas
na ipakilala ang Diyos Tagapagligtas,
tularan katahimikan at katapatan ni San Jose
na kailanma'y hindi iniwan bagkus iningatan si Jesus
kaya sa kanyang pagpanaw nang di na magising,
katabi at kapiling Diyos Tagapagligtas natin!
Larawan kuha ng may akda, 20 Marso 2023, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Marso 2023
Larawan kuha ng may-akda, Ikatlong Linggo ng Kuwaresma 2019.
Ang kuwento noong Linggo ng babaeng Samaritana at ni Hesus sa balon ni Jacob ay larawan ng buhay natin na hitik sa mga palatandaan napakayaman sa kahulugan.
Tayo ang Samaritana umiigib sa tuwina banga ay dala-dala upang sumalok ng tubig na papawi sa maraming nilulunggati nauuwi sa pagiging sawi; palaging ubos, hindi sumapat upang maampat pagbuhos at pagtapon ng inigib na tubig upang matighaw maraming pagka-uhaw; palibhasa laman nitong ating banga ay mga kasalanan kaya sa katanghaliang-tapat tayo ma'y sumasalok gaya ng Samaritana upang ikubli sa mga mata ng iba ating pagkakasala.
O kay ganda marahil
katulad ng Samaritana
matagpuan sa katanghaliang
tapat itong si Hesus
pagod at naghihintay
sa ating pagdating
upang tayo ang kanyang
painumin ng mga salitang
nagbibigay buhay
at tunay na tumitighaw
sa lahat ng ating pagka-uhaw;
panalok ng Panginoon
ay sariling buhay
sa atin ay ibinigay
doon sa Krus nang
kanyang ipahayag
siya man ay nauuhaw,
isang magnanakaw
kasama niyang nakabayubay
doon din sa krus
sa kanya ay nakiinom
sa Paraiso humantong!
Itong balon ni Jacob
paalala ng matandang tipan
binigyang kaganapan ni Hesus
nang ipako siya sa krus
noon ding katanghaliang tapat
ng Biyernes Santo;
sa kanyang pagkabayubay
at pagkamatay sa krus
siya ang naging balon
at panalok ng tubig
na nagbibigay-buhay
dito na sa ating puso at
kalooban bumabalong;
kung sa bawat pagkakataon
tayo ay tutugon
sa kanya doon sa balon,
atin ding mararanasan
at malalaman na sadyang higit
at di malirip ang tubig niyang bigay
sinalok ng sariling buhay
upang tayo ay makapamuhay
ng walang hanggan! Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Marso 2023
Larawan kuha ng may-akda sa ilang ng Jordan, Mayo 2019.
Apatnapung araw
nag-ayuno si Kristo
tinukso ng diyablo sa ilang:
“Kung ikaw ang Anak ng Diyos,
Gawin mong tinapay itong bato.”
Bagaman kanyang tiyan
ay walang laman,
hindi nalito si Kristo
sa tukso ng diyablo
naging matibay
tulad ng bato
na buhay ng tao
di nakasalalay
sa tinapay
kungdi sa
Salita ng Diyos
na tunay
nating buhay at gabay.
Dapat nating pakatandaan
na hindi sapat
at lalong di dapat
mapuno tayong lagi
at mabusog
ng mga bagay ng mundo
dahil sa maraming pagkakataon
tayo ay nababaon sa
balon ng pagkagumon
kung laging mayroon tayo;
sa pag-aayuno
tayo napapanuto
tumitibay ating pagkatao
tuwing nasasaid
ating kalooban
nawawalang ng laman
nagkakapuwang sa Diyos
na tangi nating yaman!
Nguni't mayroon pang isang anyo
itong pag-aayuno
higit pang matindi
sa pagkagutom
na madaling tiisin
kesa pagka-uhaw
na nanunuot
sa kaibuturan
ng ating katawan
hindi maaring ipagpaliban
gagawa at gagawa
ng paraan
upang matighaw
panunuyo ng labi
at lalamunan
madampian
kahit tilamsikan
ng konting kaginhawahan!
Maraming uri ating
pagka-uhaw:
pagka-uhaw ng laman
at sa laman
nahahayag
sa kayamanan,
kapangyarihan,
at katanyagan
na pawang mga anyo lamang
ng iisa nating pagka-uhaw
sa Diyos at Kanyang pag-ibig
sana sa atin may pumansin
at kung maari
tayo ay kalingain,
intindihin,
at patawarin,
mga lihim nating mithiin,
inaasam, hinihiling.
Kay sarap namnamin
paanong si Hesus
ating Diyos at Panginoon
nag-ayuno upang
magutom at
mauhaw din
tulad natin
upang ipadama
pag-ibig Niya
sa atin; Siya lamang
ang pagkaing bubusog
sa atin
at inuming titighaw
sa pagka-uhaw natin
kaya pagsikapang
Siya ay tanggapin
at panatilihim sa
kalooban natin!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-08 ng Marso 2023
Larawan kuha ni G. John Ryan Jacob sa Paco, Obando noong 02 Enero 2023.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng paghahanda
sa Pasko ng Pagkabuhay,
isang paglalakbay
gabay mga salita ng Diyos
sa atin ay bumubuhay
higit pa sa tinapay.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng pagtitiis
marami ang naiinis, naiinip
dahil sa kinagisnang buhay
na mabilis at madali
budhi ay di mapanatili
pati sarili hindi maibahagi.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng pananalangin
sa atin ay hiling
upang makapiling, maranasan
Diyos na mahabagin
namnamin at lasapin
pag-ibig Niyang ibinubuhos sa atin.
Sa panahon ng Kuwaresma
iwasang magkuwenta
at magbilang ng mga sakripisyo
dahil lingid sa ating kaalaman
higit ang biyaya at pagpapala
kapag tayo ay nagpaparaya;
marami ang may maling akala
sila ay nawawalan, nababawasan
kapag naglilimos o nag-aayuno
gayong ang totoo,
doon tayo napupuno
ng Espiritu Santo;
kung tutuusin
itong buhay natin ay araw-araw
na Kuwaresma kung saan
ating pananaw ay namumulat
na ang pinakamahalaga sa buhay
ay hindi kung ano ating taglay
kungdi yaong ating inaalay
at ibinibigay!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Pebrero 2023
Larawan mula sa Google.com.
Paloob ang Kuwaresma
hindi palabas.
Katulad nitong ating buhay
na papaloob at hindi palabas.
Pagmasdan mga tanda
at kilos nitong panahon
habang Panginoon ang tinutunton
hinuhubad ating kapalaluan
upang bihisan ng kababaan,
sinasaid ating kalabisan
upang punan ng Kanyang
buhay at kabanalan.
Paloob ang Kuwaresma,
hindi palabas.
Simula ay Miercules de Ceniza
mga noo'y pinapahiran ng
abong binasbasan
paalala ng kamatayan
tungo sa buhay na walang-hanggan
kaya kinakailangan
taos-pusong pag-amin
at pagsuko ng mga kasalanan
talikuran at labanan
gawi ng kasamaan.
Paloob ang Kuwaresma
hindi palabas.
Huwag magpapansin
tuwing mananalangin
hayaan saloobin at hiling
isalamin ng buhay natin;
pag-aayuno ay higit pa sa
di pagkain ng karne
kungdi mawalan ng laman
ating tiyan, magkapuwang
sa Diyos at sino mang
nagugutom at nahihirapan;
ano mang kaluguran ating
maipagpaliban ay ilalaan
sa nangangailangan
buong katahimikan maglimos
tanda ng kaisahan
kay Hesus nasa mukha
ng mga dukha
at kapus-palad.
Paloob ang Kuwaresma
hindi palabas.
Sa gitna nitong panahon
ng social media na lahat
ay ipinakikita at ibig makita,
lahat ay pabongga
puro palabas;
ipinapaalala ng Kuwaresma
ang mga pinakamahalaga
pinakamaganda
at makabuluhan
ay hindi nakikita
nitong mga mata
bagkus ay nadarama
dahil sa paningin ng Diyos
ang tunay na mahalaga
ay yaong natatago,
napapaloob katulad Niya
na nananahan
sa ating puso at kalooban.
Kumusta?
Paborito nating pagbati
pero ano nga ba ating minimithi?
Mausisa kalagayan ng binabati,
madama kanyang pighati kung sakali,
O sadyang bukambibig lang
dahil wala tayong masabi?
Minsan sa aking
pagpakumpisal ng mga kabataan,
kinumusta ko isang dalagita
at sukat bigla na lamang
siyang naluha!
Sa pag-asang mapipigil
kanyang pag-iyak, muli ko siyang
kinamusta nang kami'y nakaupo na
ngunit, bagkus ay lalong bumaha
kanyang mga luha!
Sa pagitan ng mga hikbi
at pagpahid ng kanyang mga mata
siya ay nangingiti, nagsusuri
kung bakit nga siya umiiyak?
Akala ko'y nasisiraan ng bait
o may dala-dalang hapdi at pait
mula sa malalim na sugat o sakit
gaya ng ibang nakausap ko na;
ilang sandali pa nang siya ay
mahimasmasan sa pag-iyak
inamin niya sa akin
bakit siya umiiyak
at ito ang kanyang sinabi:
wala naman kasi sa kanya
ay nangangamusta
o nagaalala
kung napano na siya!
Nang sandaling iyon
nagbalik sa aking alaala
mga pagkakataon
ako ay kinakamusta
ng iba maski sa simpleng text
na wala akong pagpapahalaga
sa pagaakala
wala lang silang masabi;
iniiwan ko sila sa "seen zone"
at sasagutin lang kung
may oras at pagkakataon
di alintana nilaan nila
sa akin na panahon;
pinakamainam nga palang
pagbati itong "kumusta ka"
gaya ng sa kanta na "Jopay,
kumusta ka na?" kasi
nagpapahayag ito
ng pagkakandili at pagmamahal
na salat na salat ngayon sa mundo!
Sa pangungumusta
maraming iba pang Jopay
ang nabubuhayan, nabibigyan
ng pag-asa na sila naaalala
kahit tila nalimot na.
Sabi nga sa kanta
"Jopay, kumusta ka na?"
kasi maski mukha tayong masaya
mabibigat ating mga dala-dala
at kadalasan ang tanging nagpapagaan
ay ang simpleng pagbati ng
Kumusta?
*Tingnang ating
tula ng nakaraan,
"Jopay"
https://lordmychef.com/2022/12/29/jopay/
Larawan kuha ni G. John Ryan Jacob, Isla ng Liputan, Meycauayan, Bulacan, 10 Enero 2023.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Disyembre 2022
*Isang tula bunsod ng nakatutuwa na awitin ng Mayonnaise.
Sino ka nga ba, Jopay?
Ako ay nakikisabay,
nakikibagay sa sayaw at ingay
pero pramis,
ang sarap sumakay
sa awit sa iyo ay alay!
Jopay,
gusto ko rin umuwi sa bahay
simpleng buhay
hawak lang pamaypay
sabay kaway kaway
maski kaaway!
Kung sino ka man, Jopay,
totoo sabi nila sa iyo:
minsan masarap umalis
sa tunay na mundo,
walang gulo -
pero wala ding tao!
Kaya kung ako sa iyo,
Jopay, kakanta na lang ako
sabay sayaw:
spaghetti pababa
spaghetti pataas
ganyan ang buhay, Jopay,
isang magandang sayaw
lalo na kung iyong kasabay
mahal sa buhay
mga kaibigan
hindi ka iiwan
maski kelan.
Mayroon tayong
isang kasabay
sa sayaw ng buhay, Jopay:
tunay ka kaibigan
huwag lang siya ang mawawala
tiyak ika'y matutuwa
sa hapis at lungkot
hirap at dusa
hindi mo alintana
mga ito'y nalampasan mo na
siya palagi mong kasama
hanggang sa bahay ng Ama!
Pasensiya ka na, Jopay
ako ma'y walang kasama
at kausap dito sa bahay
sa mundong magulo;
naisip ko lang tumula para sa iyo
at sa mga kagaya mo
palaging masaya sa paningin
pero maraming kinikimkim
saloobin at pasanin
kaya isang taus-pusong panalangin
aking alay sa inyo,
para lumigaya kayo!
*We have no intentions of infringing into the copyrights of this music and its uploader except to share its beauty and listening pleasure.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Nobyembre 2022
Larawan kuha ng may akda, Nobyembre 2022.
Sa lahat ng Pasko
nating naipagdiwang
itong darating ay makahulugan:
pagkaraan ng dalawang taon
ng lockdown at social distancing
dahil sa COVID-19,
sama-sama tayo muli magdiriwang
ng harap-harapan o "face-to-face"
sa tahanan at simbahan,
lansangan at mga pasyalan.
Kung tutuusin,
face-to-face ang diwa ng Pasko
kaya nagkatawang-tao ang Diyos-Anak
at sumilang katulad natin upang
Diyos-Ama na maibigin ay personal
na makilala at maranasan
katulad ng isang kapwa
mayroong katawan at kamalayan,
buhay at kaugnayan na tuwina ay
masasandigan at maaasahan.
Gayon din ay pagmasdan,
Disyembre beinte-singko ngayong taon
papatak sa araw ng Linggo:
ito ba ay nagkataon o niloob ng Panginoon
na matapos ang dalawang taon
sa Kanyang kaarawan tayo ay magdiwang
puno ng kahulugan,
namnamin Kanyang kabutihan
sapagkat hindi tayo kinalimutan
o pinabayaan sa pandemyang nagdaan?
Larawan kuha ng may akda, Adbiyento 2021.
Ngayong Kapaskuhan
huwag pabayaang maging ganun lang
ating paghahanda sa pagdiriwang:
abangan si Hesus araw-araw
dumarating, sumisilang sa ating katauhan
kaya mga face masks ng pagkukunwari
ay hubarin at alisin, magpakatotoo
nang si Kristo makitang totoo;
hugasan at linisin mga kamay
maging bibig upang talikuran
mga kasinungalingan at karuwagang
maninindigan sa katotohanan at kabutihan;
mga palad, puso at kalooban
ay buksan upang abutin at tanggapin
bawat kapwa bilang kapatid
kay Kristong Panginoon natin!
Kailanma'y hindi napigilan
pagdiriwang ng Pasko
kahit ng mga digmaan at kalamidad
bagkus mga ito pa nagpatingkad
sa liwanag at kahulugan nito;
hindi pa tapos ang pandemya
kaya ngayong Pasko ng 2022,
huwag kabahan
pawiin agam-agam
lapitan at samahan bawat isa
upang magkahawahan
hindi ng corona virus kungdi
ng tuwa at kagalakan
ng pagsilang at pagliligtas
ni Jesu-Kristo sa ating
puso at katauhan palagian.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Nobyembre 2022
Larawan kuha ng may akda, 16 Nobyembre 2022 sa Pulilan, Bulacan.
Nakakatawang isipin
na palagi nating nararanasan
mga pagwawakas at katapusan
nguni't bakit lagi nating kinatatakutan?
Sa dapithapon naroon ang takipsilim,
ang lahat mababalot ng dilim
na kinasasabikan natin dahil
tapos na rin mga gawain at aralin;
batid natin, ano mang kuwento
maski Ang Probinsiyano
magwawakas din;
mahirap isipin, maski tanggapin
kapag mayroong mga gusali na gigibain
lalo't higit mga ugnayan at kapatiran
na puputulin at papatirin
dahil sa alitan at, kamatayan.
Mismo ang Panginoong Hesus
tumiyak sa atin lahat ay magwawakas
hindi upang tapusin kungdi
muling buuin buhay at mundo natin
na mas mainam kaysa dati.
Kaya huwag isandig sarili natin
sa mga bagay ng daigdig na maglalaho rin
katulad ng dapithapon at takipsilim
bagkus ay ating yakapin
bawat wakas na tiyak darating
upang salubungin pagbubukang-liwayway
ng bagong araw ng buhay, pag-asa
at pagpapanibago kay Hesu-Kristo
na sariling buhay man ay nagwakas din
doon sa Krus upang muling mabuhay
at mabuksan Paraiso para sa atin --
ang tunay na katiyakang nakalaan sa atin!
Larawan kuha ni Bb. Danna Hazel de Castro, Sagada, Mt. Province, 2017.