Kuwentong tag-ulan: kasal ng tikbalang?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Agosto 2026
Photo by Pixabay on Pexels.com

Isang linggo na akong masayang nagpapaulan sa aking araw-araw na walking dito sa amin.

Natutuwa ako dahil kay dami kong naaalala masasayang karanasan ng paliligo sa ulan noong bata pa kami tulad ng pagtatampisaw sa tubig, pagtapat sa mga alulod ng lahat ng mga bahay at ngumanganga ng nakatingala sa langit para inumin ang ulan.

Mula sa Instagram.

Isa sa mga sumagi sa aking alaala na paksa ng usapan naming magpipinsan tuwing umuulan at tirik din ang araw ay kung totoo nga na mayroon daw kinakasal na tikbalang – isang uri ng halimaw na parang tao kung maglakad ngunit mukha at anyong kabayo.

Ngayong matanda na ako, napag-isipan ko na totoo nga ito at hindi lang basta kalokohan. Nabatid ko na lamang iyan ngayong tag-ulan nang ilang ulit na umulan habang mainit ang sikat ng araw.

Unang tikbalang na tingin kong kinakasal kapag umuulan habang umaaraw ang mga local officials natin gaya ng mga mayor, tapos ang mga senador, kongresista, at mga upisyal ng DPWH. Yung mga sangkot sa ghost project flood scam noong isang taon.

Halimaw ang mga iyon.

Siyempre, sigurado mayroon ding mga tikbalang sa iba pang mga sangay at ahensiya ng pamahalaan na nagpapasasa sa kaban ng bayan habang hindi alintana hirap at pagdurusa ng mga mamamayan lalo na kapag umuulan.

Kundangan naman kasi, marami sa ating mamamayan mahilig mag-alaga at makipagkaibigan sa mga tikbalang, yung mga nakikinabang na negosyante at contractor.

Higit sa lahat, mga mamamayan mismo na bumoboto sa mga corrupt na upisyal.

Sila ang mga kabiyak – asawa – ng mga tikbalang na iyan. Partner in crime. Eka nga, it takes two to tango. Marami sila. Asawa at bisita. Ang iba ninong at ninang.

Nakakasawa nang manood ng mga reels at posts ng mga binaha at pa-shout out shout out pa kay mayor. Puro hinagpis sa social media kesyo palala ng palala na raw ang baha sa kanilang lugar, walang ginagawa mga mayor.

Ang tanong ay, ano nangyari bakit kada eleksiyon binoboto nila mga bulok na yan? Taun-taon pala silang pinahihirapan tuwing tag-ulan tapos minsan sa anim na taon tuwing eleksiyon nakakalimutan kawalanghiyaan at kawalang-silbi ng mga iyan?

Kasalan sa binaha na Simbahan ng Barasoain, kuha ni G. Aaron Favila ng Associated Press, 22 Hulyo 2025.

Walang kinakasal na mag-isa. Tayong mga mamamayan ang asawa, ang kabiyak ng mga tikbalang!

Karamihan din kasi sa atin ay tikbalang. Takot mag-isip, takot manindigan sa tama at katotohanan. At ang hirap sa atin, palaging humahanap ng ibang masisisi maliban sa sarili.

Katulad ng isang matandang ginang na kabatian ko kasi tuwing umaga sa aking paglalakad nadaraanan ko siya sa harapan ng kanyang apartment.

Photo by Ravi Kant on Pexels.com

Noong Huwebes ng umaga sa gitna ng ulan habang ako ay naglalakad, sabi niya sa akin bakit daw ako nag-eexercise pa umuulan na?

Kumaway lang ako sa kanya at hindi na sumagot kasi nagdidilig siya noon ng halaman gamit ang lagadera.

Kawalan naman ng galang kung sinagot ko siya ng bakit po kayo nagdidilig ng halaman e umuulan?

Kulang sa pagninilay at pag-iisip? Mas malamang.

Ganyan tayo mga Pinoy, mema. Memasabi lang kadalasan na hindi pinag-iisipan.

Pero maganda at nakatutuwa sinasabi sa isang post sa Facebook buhat sa news report na nabawasan na pagbaha sa Marikina dahil sa mahusay na flood control projects doon ng lokal na pamahalaan pagkaraan ng tatlong taon.

Marami nang lungsod at bansa nagpatunay na maaring maibsan pinsala ng baha kung sadyang pag-aaralan at tunay na hahanapan ng lunas ng mga matitinong tao na may malasakit sa kapwa. At takot sa Diyos. Mangyayari lamang iyan kung boboto tayo ng mga upisyal ng pamahalaan na mayroong malasakit sa paglilingkod. Hindi suwapang. Hindi tikbalang.

Pansin ninyo, puro tayo smart watch, smart phone pero stupid person?

Sa kabila ng mga makabagong teknolohiya, parang nabobobo mga tao ngayon: noong bata kami basta signal number 2 ang bagyo, automatic wala nang klase sa elementary at high school.

Bakit gayon na lamang ang pag-asa at pagtutok lalo ng mga magulang sa LGU kung may pasok o wala?

Sapantaha ko diyan ay mas grade conscious ngayon mga magulang kesa mga anak nila na tuwang tuwa naman tuwing suspendido ang klase.

Pakiwari ko tuwing umuulan, maraming tao natatakot maninindigan na pati pagpasok sa paaralan ay inaasa sa mga kinauukulan. Kaya ang gulo ng buhay ngayon!

Noong Martes wala palang klase pero pumasok ako;kinabukasan wala ulit pasok kaya nagpaulan ako at naisip ko magkapareho ang LGU at carwash: kapag nag-announce ng walang pasok mga mayor dahil sa masamang panahon, kadalasan umaaraw, maganda ang panahon. Magpa-carwash ka, pagkaaalis na pagkaalis mo, papatak ang ulan!

Sa tuwing umuulan doon nasusubok ating pananampalataya sa Diyos at kapwa, nahahasa ating kakayanang magpasya ng wasto sa pamamagitan ng masusing pag-iisip at pagninilay ng mga bagay bagay. Higit sa lahat, sa tag-ulan lumalabas likas nating kabutihan. O kawalan nito. Walang pakialam sa iba. Kung saan-saan tinatapon mga basura. Palaging iba may kasalan liban sa sarili.

Hanga ako doon sa mga nagpapacarwash maski umuulan. Wala silang pakialam sa lagay ng panahon kungdi sa lagay ng kanilang sasakyan!

Iyon ang dapat: tingnan natin at suriin ating sarili hindi lagay ng panahon o ibang tao labas sa atin. Siguradong babagyo at uulan na kasabay nito ang mga pagbaha. Bakit tila nagugulat at nagugulantang pa tayo kapag nangyari na mga ito? Pagmasdan: kung gaano katagal sina mayor sa puwesto, ganoon katagal na rin ang baha. Kailangan pa bang i-memorise yan? Parang basura yan – babalik sa atin!

Kuha ng may-akda, Huwebes Santo, umuulan habang umaaraw sa Bagbaguin, Sta. Maria, Bulacan, 09 Abril 2020.

Balikan natin yung kasabihang mayroong kinakasal na tikbalang tuwing sabay na umuulan at sumisikat ang araw. Natukoy natin mga tikbalang, sino kanilang kabiyak o asawa, pati ninong at ninang hanggang sa mga bisita.

Heto ngayon: hindi ba kapag may kasalan, palagi mayroong pari?

Sino ang tumatayong pari kapag may kinakasal na tikbalang?

E di mga pari din. Mga kasama at kapatid naming pari. Ilan lang naman sila.

Noong isang taon ko pa ito gustong sabihin pero sinasaalang-alang ko aking pagkapari at mga kapatid sa kaparian. Pero, kailangang sabihin.

Isang taon makalipas pumutok ang ghost project scam sa mga flood controls na ang epicenter ay lalawigan ng Bulakan, mismong sa lungsod ng Malolos, hindi maikakaila Katoliko karamihan ng mga tikbalang.

At mga paring Katoliko nagkakasal sa kanila. Mayroon din ilang mga pastor at ministro nagkakasal sa mga tikbalang tuwing umuulan habang umaaraw. May ibang sekta nga nag-aalaga talaga ng mga tikbalang.

Larawan mula sa Facebook post ni Dr. Tony Leachon, “KLEPTOPIROSIS: When Corruption Becomes a Public Health Crisis”, 08 Agosto 2025.

Ilan ang mga pari na humingi ng donasyon sa mga corrupt na upisyales para sa kung anu anong mga pagawain sa simbahan? Hindi ba iyan ay malinaw na pakikipag-kaibigan at kung tutuusin pakikipag-sabwatan sa mga tikbalang?

Ilang parokya pulitiko pinageermano sa kanilang pista kahit hindi taga-roon sa kanila dahil lang sa konting halaga?

Katulad ng malawakang pagbaha, hindi nating kailangang tumingin sa malayo. Lalo na kaming mga pari at lingkod sa simbahan. Kasama kami at kung tutuusin napakalaki at napakabigat ng pananagutan namin lalo sa Diyos na kasama kami sa kasal ng mga tikbalang na iyan.

Gayon pa man, mas marami pa rin sa aming mga pari ang tunay na lumalaban, naninindigan sa katarungan at katotohanan na hindi kailanman nagpauto sa mga tikbalang at kanilang mga galamay sa simbahan.

Sa susunod na umuulan kasabay na sikat ang araw, subukan nating magpaulan at hayaang dumampi sa ating bumbunan, sa ating mukha ang patak ng ulan upang mapaalalahanang mayroong Diyos na higit na makapangyarihan dapat nating sundin at paglingkuran lamang. Hindi mga tikbalang.

At sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos” (Mateo 22:21).

Sa kahuli-hulihan, ano man ang panahon, higit pa rin palagi ang Panginoong Diyos sa lahat na siyang tanging pinagmumulan ng lahat ng ating kinakailangan at pagpapala. Ito palagi dapat naming panindigang mga pari, umulan man nang umaaraw. Amen.

Larawan kuha ni Michael Varcas ng Philippine Star sa Hagunoy, Bulacan sa isinagawang rally ng mga taga-Parokya ni Sta. Ana sa pangunguna ng kanilang Kura Paroko P. Rodel Ponce laban sa flood control scam noong Setyembre 2025.

Paninindigan, hindi upuan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Setyembre 2025
Larawan kha ng may-akda, 2024.

Tayong mga Pinoy ay mayroong nakakatawang kaugalian ng pagkahumaling masyado sa ating upuan. O silya. O kung ibig ninyo ay salumpuwit sa malalim na salin sa ating wika.

Mula sa ating mga tahanan hanggang sa simbahan at silid-aralan, sa mga sasakyan, mayroon tayong mga paboritong upuan na atin nang inangkin na sariling puwesto, hindi puwedeng upuan ng iba. Sa jeep at bus, lahat gusto sa may estribo. Ganun din sa LRT/MRT. At maski sa eroplano kaya nakakahiya sa mga paliparan sa abroad ang mga kababayan natin na nag-uunahan kapag boarding time na gayong mayroon namang ticket ang bawat isa! Sa sinehan man ay ganoon din. Hindi mo malaman kung likas na tanga o maarte lang na ayaw sundin kinuhang number ng upuan kasi gusto pala ibang puwesto.

Larawan mula sa Pexels.com

Likas marahil ito sa lahat ng tao bunsod ng sinasaad na kapangyarihanng bawat upuan na tinagurian ding luklukan o trono. Hindi man natin aminin, kapangyarihan ang dahilan bakit lahat sa atin ay ibig maupo malapit sa pintuan ng silid at ng sasakyan: hindi lamang para mabilis na makaalis kungdi upang wala ring makapigil na maliwanag na simpleng pagsasaad ng ating ambisyong maging boss na palaging nasusunod maski saan.

At siyempre, ang malalim at mabigat na dahilan ng ating pagkahumaling sa puwesto ng upuan ay ang kapangyarihan at katanyagang dala nito. Kung hindi ka man nasa kabisera na tinuturing siyang puno ng pagdiriwang, hangga’t maari ibig natin ay makadikit sa nakaluklok sa puwesto ng kapangyarihan. Kaya chairman ang pinuno ng ano mang samahan o komite, taglay ay pawang kapangyarihan. Pagmasdan gaano tiisin kanilang almoranas ng mga pulitiko at sabik sa puwesto basta manatiling naka-upo sa puwesto hindi sa paglilingkod kungdi para sa kapangyarihan at kayamanang kaakibat ng bawat posisyon. Suma total, sa upuan nararamdaman natin pagiging hari at reyna, pagiging panginoon at makapangyarihan. Wika nga sa Inggles ay “driver’s seat” – kung sino may hawak ng manibela siya masusunod kung saan pupunta.

Naalala ko lang… noong mga bata pa kami kapag sumasakay ng taxi, palaging sinasabi ng aming ama sa pagbibigay ng direksiyon sa drayber ay silya at mano. Silya kung liliko sa kaliwa dahil ang silya o upuan ng kutsero ay nasa kaliwang bahagi ng kalesa; liliko naman sa kanan kapag sinabing mano na Kastila sa “kamay” dahil hawak ng kanang kamay ng kutsero ang latigo o pamalo sa kabayo para lumakad o tumakbo at huminto. Kaya noon pa man maski sa kalesa, ang silya ay nagpapahiwatig na ng kapangyarihan!

Larawan kuha ni Sarah-Claude Lu00e9vesque St-Louis sa Pexels.com

Hindi masama ang kapangyarihan kung ito ay ginagamit sa kabutihan. Alalahanin tayo bilang tao ay binahaginan ng Diyos ng kanyang kapangyarihan upang malinang ang daigdig at matulungan ating kapwa.

Kaya nang pumarito si Jesus, palagi niyang nililiwanag ang aspektong ito ng ating buhay, ang wastong pag-gamit sa ating kapangyarihan na pakikibahagi lamang sa otoridad ng Diyos.

Doon sa kanyang Huling Hapunan ipinakita ni Jesus ang tunay na kahulugan ng ating “seating position” nang siya ay tumindig at hinubad ang kanyang panlabas na damit upang hugasan mga paa ng kanyang mga alagad. Ang gawaing iyon ay para lamang sa mga alipin ngunit ginampanan ni Jesus upang makintal sa ating mga isipan at kamalayan na ang buhay ay wala sa ating upuan kungdi nasa paninindigan.

Larawan mula sa commons.wikipedia.org, painting ng paghuhugas ng mga paa ng alagad ni Jesus doon sa Monreale Cathed, Isla ng Sicily.

Para kay Jesus, hindi mahalaga kung saan ka nakaupo, kung ano ang iyong posisyon at kapangyarihan. Ang pinakamahalaga sa Panginoon ay kung saan tayo nakatindig o nakatayo, kung tayo ba ay maninindigan katulad niya para sa kabutihan, katotohanan at katarungan.

Bisperas ng Paskuwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Jesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuutan, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya.

Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, siya’y nagsuot ng damit at nagbalik sa hapag. “Nauunawaan ba ninyo ang ginawa ko sa inyo?” tanong niya sa kanila. “Tinatawag nin yo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan” (Juan 13:1, 4-5, 12-15).

Para kay Jesus, ano mang posisyon o katungkalan ay para sa mapagmahal na paglilingkod sa kapwa (loving service to others). Kaya naman tinagurian ding “Maundy Thrusday” ang Huwebes Santo – mula sa salitang Latin na kautusan o mandatum – dahil noong gabing iyon nang ibigay ni Jesus ang kanyang utos ng pagmamahalan sa kanyang mga alagad. Ang sino mang tunay na nagmamahal tulad ni Jesus ay palaging nakatindig at naninindigan para sa minamahal. Walang tunay na nagmamahal nang naka-upo lamang, pa sitting pretty wika nga.

Larawan ng mga upuan sa loob ng Senado, marahil malambot at komportable habang karamihan ng mga kababayan natin nagtitiis sa matigas at marahil lumang upuan nila sa bahay. Kuha ni Avito Dalan ng Philippine News Agency, Mayo 2025.

Ito ang trahedya natin sa Pilipinas. Napakaraming nakaluklok sa iba’t-ibang upuan ng kapangyarihan ngunit hanggang ngayon ay kulelat pa rin tayo bilang bansa dahil wala namang tunay na naninindigan at nagmamahal sa bayan.

Pagmamahal sa sarili ang namamayani sa halos lahat. Kaya naman ang puwesto ay hindi sa paglilingkod kungdi sa pangsariling kapakanan ng mga nakaupo na palaging panig sa mga mayayaman at makapangyarihan. Pawang pakitang-tao lamang mga pagtulong sa maliliit at mahihirap ng maraming nakaupo saan mang puwesto maging mga dating nasa media na nang matikman tamis ng pulitika, lumabas kanilang tunay na kulay.

Palaging katabi ng upuan ay pera kaya naman sa halos lahat ng mga sala ng mga hukom mula Korte Suprema hanggang sa mga munisipyo, maraming kaso inuupuan na tanging katarungang mithi ng mga inapi hindi pa makamtan. Gayon din sa mga ahensiya ng pamahalaan. Puro pasarap sa puwesto mga bossing, naghihintay lamang ng lagay at pabuya kaya kulang at kulang pa rin mga buwis na pinapataw sa mga ordinaryong mamamayan.

At siyempre, hindi magpapahuli ang mga nasa rurok ng luklukan ng kapangyarihan – ang Malacanang at ang Kongreso na alam naman ng lahat ang matagal nang siste ng talamak na korapsiyon.

Ano pa ang ating aasahan kung nakapasok na sa sistema ng pamamahala ang mga mandarambong at sinungaling na pulitiko sa palasyo, kongreso at senado, kapitolyo at munisipyo pati na rin mga munting barangay hall? Sa gara at lambot marahil ng kanilang mga upuan, wala nang upisyal ang ibig tumindig at maninindigan liban sa iilan para sa katotohanan, kaayusan, katarungan at higit sa lahat, para sa bawat mamamayan.

Kailan kaya darating ang panahon na matupad ang sinabi ng Panginoong Jesus na ang “nagpapakataas ay ibaba, at ang nagpapakababa ay itataas” (Lk. 14:11)?

Marahil kapag tumugon na rin tayong lahat sa kanyang panawagang manindigan sa pagtayo mula sa ating komportableng upuan ng kawalan ng pakialam sa lipunan, hindi nasusuhulan lalo na kung halalan. Marahil kapag tumugon na rin ang sambayanan sa panawagan ni Jesus na gumising at tumindig sa paanan ng kanyang Krus upang kasama niya tayong masaktan, masugatan, at mawalan ng lahat para sa tunay na pagpapanibago.

Hangga’t pinipili natin ang masarap na upuan ng kawalang-pakialam sa mga kasamaang umiiral, darating ang panahon hindi na rin tayo makatatayo upang manindigan dahil sa pagkabaon at hindi na tayo makaahon pa sa gulo at pagkawasak sa ating lipunan. Huwag natin iyang payagang mangyari kaya’t makiisa sa mga talakayan at higit sa lahat manalangin para sa paninindigan at kabutihan. Amen.

Larawan mula sa Pexels.com.