Panalangin sa mga ginigipit

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan Bautista, Ika-29 ng Agosto 2020
Ama naming mahabagin,
ngayong ginugunita namin 
pagpapakasakit ni San Juan Bautista, 
Inyo sanang dinggin aming panalangin
para sa maraming kapatid namin na ginigipit, iniipit;
ang iba sa kanila ay nakapiit
marami ang lugmok sa pait at sakit na sinapit
mula sa mga makabagong Herodes at Herodias
na prinsipyo at pagkatao, ipinagpalit sa ginto.
Inyong patatagin paninindigan sa katotohanan 
katulad ni San Juan Bautista
upang ipagpatuloy pakikipaglaban 
nasaid man ang kabuhayan
at tanging pinanghahawakan 
dangal ng katauhan.
Ikaw lamang Panginoon
ang nakaaalam ng higit na mainam
kami ay Iyong turuan at tulungan
katulad ni San Juan loob mo ay masundan
kami ma'y maging palatandaan
ng Iyong kapanatilihan sa gitna ng mga 
pag-uusig at kahirapan.
Amen.

*Mga larawan sa itaas: una ang painting ni Caravaggio ng pagpupugot sa ulo ni Juan Bautista mula sa wikimedia.org; biktima ng tokhang mula sa Philippine Daily Inquirer; umiiyak na empleyado ng ABS-CBN mula sa Reuters.org; at mga locally stranded individuals sa ilalim ng flyover malapit sa NAIA kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News.

Dalangin para sa mga Ina sa paggunita kay Santa Monica

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Agosto 2020
Larawan nina Sta. Monica at San Agustin mula sa Google.
O Santa Monica,
matimtimang ina ni San Agustin
tulungan mong makarating aming dalangin
sa Diyos Ama nating mahabagin
na Kanya sanang pagpalain, ibigay mga hiling
ng lahat ng ina sa Kanya dumaraing
sa araw-araw na mga pasanin at gawain;
pagaanin kanilang mga tiisin
pahirin ang mga luha sa kanilang mga mata
ibalik ang sigla at tuwa sa kanilang mga mukha
samahan sa kanilang pangungulila
lalo na mga biyuda at nawalan ng anak;
higit sa lahat, Santa Monica
iyong ipanalangin mga ina na katulad mo
mapagbago asawa at anak na barumbado
tularan iyong pananampalataya at pag-asa
kay Kristo Hesus na nagkaloob sa atin 
ng Kanyang Ina si Maria
upang ating maging Ina
na siyang iyong ginaya 
at tinularan hanggang kamatayan.
Amen.
Larawan ng painting ni Titian ng “Assumption of the Virgin” (1518) mula sa wikidata.org.

Aral at turo ng bundok

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Hunyo 2020
Ang banal na Bundok ng Sinai sa Ehipto kung saan nakipagtagpo at usap ang Diyos kay Moises. Larawan kuha ng may-akda, Mayo 2019.
Mula 
 kamusmusan 
hanggang kabataan 
maging sa katandaan, palagi 
kong pinag-iisipan ano kaya pakiramdam 
at karanasan maakyat ang kabundukan at mula
doon durungawin nasa ibabang mga lansangan at kapatagan o kaya naman
mula sa gayong kataasan kung mayroong kaibahan kung ako'y tumingala sa kalangitan.
Hindi 
nagtagal aking 
naranasang maakyat ilang 
kabundukan at doon ko natutunan 
pangunahing aral at katotohanan na ang bundok 
ay buhay, isang paglalakbay mga daana'y di tiyak, puno ng mga 
dawag at panganib, hindi lahat ay paahon minsa'y palusong kaya mahalaga 
sa bawat pagkakataon, tuon ay matunton nililingon na taluktok sa dako pa roon.
Iwaksi 
pagmamadali 
gaya ng ating buhay, damhin
paglalakbay sa bundok, tingnan kalikasan
pakinggan sari-saring tunog at huni sa kapaligiran
iyong mararanasan kaluguran at kabutihan, hindi kahirapan;
iwasan o lampasan at iwanan mga hindi kagandahan, panatilihan 
saan man ika'y puno ng kagalakan at kaganapan, sa buhay madalas nating malimutan.
Huwag
kalilimutan tanging
mahalaga lamang ang dalhin
ano mang hindi kailangan ay iwanan
upang huwag mabigatan, mapagaan at mapaluwag
di lamang katawan kungdi pati kalooban dahil ang malaking 
katotohanan, itong bundok ay larawan ng Diyos na sa ati'y umaakit 
sa kanya tayo ay lumapit upang kariktan niya at kabanalan atin ding makamit.
Ang
hiwaga ng
kabundukan katulad 
nitong atin buhay matatagpuan 
sa ating kakayanang iwanan ang lahat,
Diyos ay pagkatiwalaan na Siya ring nagbigay
sa atin ng bugtong Niyang Anak nag-alay ng buhay sa krus 
upang mabuksan pintuan ng kalangitan na ating tunay na tahanan 
madalas nating tinitingnan sa kaulapan halos kalapit ng mataas na kabundukan.

Ang mga bantog na Swiss Alps sa Switzerland. Kuha ni Rdo. P. Gerry Pascual, 2019.

Panaghoy sa COVID-19

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Mayo 2020

Photo by icon0.com on Pexels.com
Nalimot ko na bilang 
ng mga araw at buwan
mula nang simulan 
lockdown upang mapigilan
pagkalat ng pandemyang COVID-19.
Madaling tanggapin 
mahirap pasanin mga tiisin
ngunit ngayon pakiwari ko
hindi na maaring palampasin
kadilimang bumabalot sa atin.
Kay hirap isipin
sa napakaraming alalahanin
at mga suliranin hinaharap natin
bakit sa panahong ito mayroon pa rin
mga tao lihis ang mga isipan at damdamin?
Dahil sa COVID-19 nabuking ugali natin
panlalamang sa kapwa gawi pa rin
karahasan pinaiiral nang ang ilan ay 
makatangan ng kaunting kapangyarihan
hirap na taumbayan, pinagmamalupitan.
Batid namin Panginoon
marami naming kasalanan
noon magpasahanggang ngayon
kami'y baon na baon
tila hindi na makakaahon.
Kagagawan namin ang lahat ng ito
mga lilo na pulitiko binoboto
sa halaga ng ilang daang piso
habang wala namang ibang tumakbo
na matino at mabuting pagkatao.
Marami sa amin 
nahirati na sa dilim
ngunit mas marami ang ibig ay dilim
dahil doon kanilang naililihim
mga gawa nilang marumi at karimarimarim.
Hanggang kailan kami, Panginoon
magkikimkim nitong aming damdamin
saloobin nami'y nasasaktan 
sa mga patuloy nilang kabuktutan
pati iyong Dakilang Ngalan nilalapastangan!
Larawan mula sa Reddit.com
Buksan mo Panginoon
aming mga paningin
huwag nang hayaang bulagin
ng mga sinungaling
mayroong mga dilang matatalim.
Dinggin mo Panginoon
aming panaghoy
para kaming tuyong kahoy
naluoy, 
binaboy at tinaboy.
Ibangon kami, O Panginoon
manindigan para sa katotohanan
ipaglaban kahalagahan ng buhay
malayang makapaghayag
saloobin tulad ng sa nililiyag.
Sa amin ika'y mahabag
Panginoong Diyos naming butihin
itong aming hapis at pait
iyo sanang patamisin
upang ika'y aming hanapin at sundin!
Larawan mula sa Varsitarian ng UST.

Misyon sa Panginoon

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-21 ng Abril 2020

Pananampalataya 
ang simula kaya tayo 
ay kaisa ng Maylikha;
Pananampalataya sa kanya
kaya tayo nagkakaisa
nabubuklod bilang kanyang 
katawan na siyang pinagmumulan
nitong ating katipunan
na Kanyang sinusugo
para sa misyon at dakilang layon.
Sa tuwing ating nakikita
ating misyon sa Panginoon
hindi malayong makita rin
mismo ang Panginoon 
sa lahat ng sitwasyon
at pagkakataon.
Kaya manatiling nakatuon
sa ating misyon mula sa Panginoon
hindi magtatagal mararating
at matutupad natin iyon 
sa Kanyang takdang panahon!

Bakas ng habag at awa ni Jesus

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Abril 2020

Nakita lamang kita
kamakalawa sa balita
ng social media
karga-karga isang matanda
habang lumilikas mga nasunugan
sa gitna nitong lockdown
doon sa inyong tirahan
kung tawagi'y "Happyland"
sa Tondo na napakaraming tao.
Hindi ko sukat akalain
sa sumunod na pagtingin
naiba at nabago ang lahat sa akin
sa larawan ng naturang balita pa rin
matapos ito ay guhitan at kulayan
dahil kinabukasan ay kapistahan
ng Divine Mercy
at ikaw pala iyan, Jesus
aming Panginoon at Diyos.
Sa gitna ng naglalagablab na apoy
nag-aalab mong pag-ibig Panginoon
ang umantig sa pananalig
ng Iyong dibuhista at pari
Marc Ocariza kaagad nagpinta
gamit bagong teknolohiya
upang ipakita kakaiba niyang nadama
na sadyang tamang tama naman pala 
upang itanghal iyong Mabathalang Awa talaga.
"Panginoon ko at Diyos ko!"
ang panalanging akin ding nasambit
katulad ni Tomas na apostol mo
nang muli Kang magpakita sa kanila;
tunay nga pala
mapapalad ang mga nananalig
kahit hindi ka nakikita
dahil hindi itong aming mga mata
ang ginagamit kungdi aming pagsampalataya.
Nawa ikaw ang aming makita
mahabaging Jesus
sa gitna ng dilim nitong COVID-19
Iyong Dakilang Awa aming maipadama
sa pamamagitan ng paglimot sa aming sarili
 at pagpapasan ng krus upang Ikaw ay masundan
tangi Mong kalooban ang bigyang katuparan
upang Ikaw ay maranasan at masaksihan
ng kapwa naming nahihirapan.
Turuan mo kami, maawaing Jesus
na muling magtiwala sa iyo
kumapit ng mahigpit
hindi lamang kapag nagigipit
at huwag nang ipinipilit
aming mga naiisip at mga panaginip
na kailanma'y hindi nakahagip
sa ginawa Mong pagsagip at malasakit
upang kami ngayo'y mapuno ng Iyong kariktan at kabutihan! *

*Maraming salamat kay Marivic Tribiana (hindi ko kakilala) na nagpost sa kanyang Facebook ng unang larawan ni kuya pasan-pasan lolo niya sa kainitan ng sunog sa Happyland noong Abril 18, 2020.

At higit ding pasasalamat ko kay P. Marc Ocariza sa pagmumulat sa aking mga mata ng kanyang pagninilay at obra gamit ang Digital Art Timelapse na kanyang tinaguriang “Nag-aalab na Pag-ibig”.

Ang lahat ng ito ay para sa higit na ikadadakila ng Diyos na nagbigay sa atin ng Kanyang Anak “hindi upang tayo ay mapahamak kungdi maligtas” lalo ngayong panahon ng pandemiya ng COVDI-19.

At sa inyo, maraming salamat po sa pagsubaybay sa Lawiswis ng Salita.

Pagiging pagkain at gamot sa kapwa

Lawiswis ng Salita, Martes, Kuwaresma-IV, 24 Marso 2020

Ezekiel 47:1-9, 12 ><)))*> + <*(((>< Juan 5:1-16

Natuwa ako sa nakita kong post na ito ng isang kaibigang reporter. Na-interview pala ang lalakeng ito ng isa pang reporter na bumili ng tinda niyang saging; nagtaka yung bumibili na reporter bakit ang mura ng tinda niyang saging at iyan ang kanyang sagot.

Kay buti ng kanyang paliwanag, akmang-akma sa nakita ni Propeta Ezekiel sa kanyang pangitain nang ilibot siya ng anghel ng Panginoon sa kanyang templo na napapaligiran ng ilog kung saan lahat ng halaman at punong kahoy malapit sa pampang ay sagana ang mga bunga at luntian mga dahon.

Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga pagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.

Ezekiel 47:12

Tubig, tanda ng buhay at ng Diyos

Tanda ng buhay ang tubig. Kaya naman maraming pagkakataon sa bibliya ito rin ang kumakatawan sa Diyos, lalo na sa ebanghelyo ayon kay San Juan sa Bagong Tipan.

Altar ng Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Kuwaresma 2020.

Pagmasdan mula pa noong kamakalawang Linggo, palaging mayroong tubig sa kuwento sa atin ni San Juan: ang babaeng Samaritana na kinausap ni Hesus sa may balon ni Jacob at noong Linggo, ang pagpapagaling niya sa lalaking ipinanganak na bulag na kanyang pinaghilamos sa deposito ng tubig sa Siloe.

Ngayon naman ay sa malaking deposito ng tubig sa Betesda (ibig sabihin sa Hudyo ay “habag ng Diyos”) ang tagpo ng pagpapagaling ng Panginoon.

Para kay San Juan, si Hesus na ang tubig na titighaw sa ating pagkauhaw, lilinis sa ating mga kasalanan, magpapagaling sa ating mga sakit at kapansanan dahil siya mismo ang buhay!

Sinasabi na upang makaiwas sa COVID-19, makabubuti ang pag-inom palagi ng tubig o kaya ang pagmumumog ng maligamgam na tubig na may asin.

Gayon kabisa at kahalaga ang tubig na kapag nawala, tayo’y manghihina, magkakasakit, durumi, at higit sa lahat, mamamatay. Alalaong baga sa ating mga pagbasa ngayong Martes, ang manatili sa Diyos na kinakatawan ng tubig ang ating siguradong kaligtasan.

At iyon naman ang katotohanan: tanging ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa atin mula sa epidemiyang ito. Subalit hindi sapat ang basta manalangin lamang o magpost sa Facebook ng mga sari-saring sitas at panawagang magdasal.

Hamon ng ebanghelyo: maging pagkain at gamot sa kapwa

Sino man sa atin ang tunay na nabubuhay sa Diyos na siyang tubig na lumilinis at nagpapagaling sa atin ang dapat rin namang maging bunga na bumubusog at dahon na nagpapagaling sa kapwa!

Sa gitna ng ating krisis ngayon, ng umiiral na lockdown sanhi ng banta ng COVID-19, makabubuti na suriing muli ang ating pananampalataya: kung totoo nga na tanging sa Diyos lamang tayo nananalig bilang ating buhay at tubig, tayo ba ay nakakapamunga ng mabubuting gawa di lamang salita para sa iba?

Naalala ba natin yung kapwa nating nagugutom?

Nakapagbibigay lunas ba tayo sa agam-agam at takot ng marami sa COVID-19 at lockdown?

Baka naman tayo ay wala nang pakialam sa iba o kaya tayo pa ang problema ng marami sa ating pagwawalang-bahala gaya ng pagtambay sa lansangan o pag-iinuman at iba pang mga gawa na bumabale-wala sa “social distancing” na pangunahing sanhi ng paglaganap ng COVID-19?

Pagnilayan natin iyong tindero ng saging na hindi nagtaas ng presyo ng kanyang tinda para huwag magutom ang kapwa: marahil mas mainam ang katayuan mo sa buhay dahil nababasa mo ito sa Facebook kesa kanya…

Manalangin tayo:

Larawan kuha ng may-akda, Baliwag, 25 Pebrero 2020.

O Diyos Ama naming mapagmahal, salamat po sa buhay na inyong kaloob sa amin lalo na po sa araw na ito. Ipinapanalangin po namin ang mga may sakit at nag-aalaga sa kanila ngayon, pati na mga duktor at nars na aming frontliner sa COVID-19.

Dugtungan pa po ninyo ang buhay ng mga may-sakit at pangalagaan ang kalusugan ng mga nag-aalaga sa kanila lalo na rin ang aming mga health frontliners.

Bigyan po ninyo kami ng biyaya na maging mabunga itong aming buhay sa pagbabahagi ng aming kayamanan tulad ng pagkain at tulong pinansiyal sa mga nangangailangan katulad ng mga aba, mga nag-iisa sa buhay, mga matatanda.

Makapagdulot nawa kami ng kagaanan sa kalooban, kagalingan sa isipan ng mga naguguluhan, nalilito, at natatakot sa pandemiyang ito na COVID-19.

Higit sa lahat, huwag nawa kaming maging pabigat pa sa marami nang pagdurusa ng aming kapwa ngayong panahon ng krisis bagkus sa amin ay madama ang pagdaloy ng iyong buhay na ganap at kasiya-siya sa pamamagitan ni Hesu-Kristong Panginoon namin, sa kapangyarian ng Espiritu Santo, magpasawalang-hanggan. Amen.

Ang paboritong birtud ng Diyos

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Oktubre 2019

Tula na aking hinalaw sa “The Portal of the Mystery of Hope” ng makatang Pranses na si Charles Peguy (pe-gi). Bagamat hindi siya debotong Katoliko, nang maglaon malaki ang naging impluwensiya sa kanya ng Katolisismo hanggang sa siya ay mamatay noong 1914 sa Villeroy, France.
Sa tatlong pangunahing birtud nating taglay
mula sa Kanyang mapagpalang kamay
sinabi ng Diyos: "Pag-Asa ang aking pinaka-paborito"
sapagkat ito lamang aniya ang "nakasosorpresa" sa kanya.
Paliwanag ng Diyos, 
hindi siya nasosorpresa sa Pananampalataya
dahil sa kanyang kaningningang taglay
aba'y bulag at manhid lamang ang sa Kanya'y hindi magkamalay!
Hindi rin Siya aniya nasosorpresa sa Pag-ibig 
sapagkat maliban na lamang kung sing-tigas ng bato
ang puso ng tao at hindi pa sila magmamahalan
sila na aniya pinaka-aba at kaawa-awa sa lahat ng kanyang nilalang.
Ngunit itong Pag-Asa ay kakaiba
Diyos ay laging nasosorpresa
dito nakikita kapangyarihan ng kanyang grasya
para mga tao ay umasa pa kahit wala nang nakikita!
Alalahanin sulat ni Apostol San Pablo 
sa mga taga-Roma: "ang pag-asa ay hindi pag-asa
kapag nakikita na ang inaasahan.
Sapagkat sino ang aasa sa nakikita na?"
Kakaiba sa pagiging positibo ang Pag-Asa
dahil nakabatay ito sa mga nakikitang palatandaan
o mga senyales upang mahulaan at matanawan
tinatantiyang kalalabasan ng isang inaasam.
Optimistic ang tao na umaasa gaganda panahon
o iigi sitwasyon batay sa mga indikasyon na kanyang nakikita;
ngunit ang taong umaasa batid niya mas lalala pa
mga bagay at sitwasyon, mas malamang hindi na iigi pa.
Ito ang kaibahan at kaibayuhan
nitong Pag-Asa na kahit talo na
at wala nang nakikita
kumpiyansa sa Diyos ay di nawawala.
Sa ating panahon ng social media
kung saan ang lahat ay nakikita at ipinakikita,
kitang-kita pa rin ang katotohanang
mga dakilang bagay sa buhay ay mula sa mga hindi nakikita.
Iyan ang nakasosorpresa sa Pag-Asa,
kahit wala ka nang nakikita
kitang-kita Kita pa rin Panginoon namin
kaya aking hiling ako'y lagi mong sorpresahin!
Photo by Essow Kedelina on Pexels.com

	

Hirit ni Santa Marta…

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-29 ng Hulyo 2019
Minsan sa aking pananalangin
Sa Panginoon ako'y dumaing
Ngunit ang sumagi sa akin
Yaring tagpo nang kanyang sabihin:
"Marta, Marta naliligalig ka
At abalang-abala sa maraming bagay
Ngunit iisa lamang ang talagang mahalaga."
Kaya naman naglaro sa aking isipan
Paano mangatwiran si Marta kung tayo sinabihan
At marahil ganito kanyang tinuran:
"Ako pa ba ngayon ang naliligalig
Gayong batid ninyo Panginoon
Pandarambong at kasakiman ng karamihan
Pagkagahaman sa kayamanan ng ilan
Habang kaming maliliit ang labis nahihirapan?"
At waring sumagi sa akin wika ng Panginoon,
"Marta, Marta iisa lang ang mahalaga:
Sa akin ay manalig ka sapagkat sinabi ko na,
Mapapalad ang mga aba at dukha
Na walang inaasahan kungdi ang Diyos."
Napahupa aking kalooban samandali
Ngunit muli nag-alimpuyo aking galit at ngitngit
Aking naisip isa pang hirit ni Marta
Nang sa kanya'y nasambit:
"Ako pa ba ngayon Panginoon ang nababahala
At tila hindi mo alintana mga ginagawa ng masasama
Na parang sila pa yata ang pinagpapala
Pinapalakpakan, hinahangaan ng karamihan?"
At yaring sumagi muli ang wika ng Panginoon,
"Marta, Marta isa lang ang kailangan kaya matuwa ka
Kung dahil sa akin ika'y inaalimura, inuusig
Pinagwiwikaan ng mga kasinungalingan: walang natatago
Na di malalantad, walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag."
Sa iyo ginigiliw kong kaibigan
Nabibigatan sa maraming pinapasan
Nahihirapan sa mga pinagdaraanan
Laging tandaan si Kristo lamang ating kailangan.
Katulad ni Santa Martang uliran
Tanging si Hesus ang asahan at abangan
Ipagpatuloy gawang kabutihan
Iyong pangarap tiyak makakamtan!