Santa Maria Magdalena, kaagapay sa kadiliman sa buhay

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Hulyo, 2022
Larawan ng fresco sa Simbahan ni San Francisco sa Assisi, “Noli Me Tangere” na ipininta ni Giotto de Bondone noong ika-13 siglo. Mula sa commons.wikimedia.org.
Ngayong palaging makulimlim 
ating panahon, ulan ay bumubuhos
katulad ng unos at kadilimang
bumabalot sa buhay ng karamihan,
kay gandang paglimi-limihan
at dasalan tagpo sa libingan ni Jesus
nang ito'y puntahan ng mga kababaihan
sa pangunguna ni Maria Magdalena
noong Siya ay muling nabuhay.

Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na batong panakip sa pinto ng libingan. Si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng ng bangkay ni Jesus, and isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Lumingon siya… at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.

Juan 20:1, 11-12, 14
Larawan mula sa GettyImages/iStockphoto.com.
Maraming pagkakataon
kapag labis ang aming hapis
Panginoon, ika'y hindi namin
nakikilala gayong katabi ka namin pala!
Katulad ni Santa Maria Magdalena marahil
ay mugto aming mga mata sa pagtangis
at dalamhati sa pagpanaw ng mahal
namin sa buhay o dili kaya habang 
nagbabantay sa naghihingalong mahal sa buhay.
Hindi ka rin namin makilala, Panginoon
katulad ni Santa Maria Magdalena
sa tuwina kami'y nagbabata ng hirap
at sakit dahil mahigpit aming kapit,
pilit ibinabalik nagbabaka-sakaling
mapanatili mga nagisnang gawi,
pakikipag-ugnayan sa pumanaw naming
mahal o sa nag-aagaw buhay na tiyak
kami'y iiwanan nang lubusan.

Tinanong siya ni Jesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko. “Maria!” ani Jesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” – ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama,” wika ni Jesus. “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’s pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Jesus.

Juan 20:15-18
Larawan kuha ng may-akda,pagbubukang-liwayway sa Camp John Hay, Baguio City, Nobyembre 2018.
Panginoon, kami ay tulungan
kung maari tawagin din sa pangalan
upang ikaw aming makilala at 
maranasan sa piling namin
kung kami'y nabibigatan at
nadidiliman dahil iyong dahilan
sa pagparito ay upang kami ay samahan
pagaanin mga pasananin at hanguin 
tungo sa bagong buhay kaloob mo sa tanan.
Nawa katulad ni Santa Maria Magdalena
ikaw ay lubusan naming makilala
upang sa amin mabanaagan sinag ng
iyong galak at katuwaan, mga palatandaang
tunay ngang ikaw ay aming nakita,
maihayag sa salita at gawa Iyong mga
habilin huwag matakot sa dilim,
krus ay palaging pasanin,
yakapin kamatayan upang ika'y makapiling.
Santa Maria Magdalena
kay Jesus kami ay ipanalangin
kasamaan tuluyan na naming lisanin
kabutihan pawang aming gawin;
mga pumanaw naming mahal sa buhay
ipanalangin mo rin, Diyos ay sapitin
habang mga naghihingalo sa amin
loob ay palakasin, buhay na sasapitin
walang kahulirip at maliw!  Amen.
Larawan kuha ng may-akda, Jerusalem, 2017.

Ang santong suhi at ang multo ni Herodes

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Pebrero 2022
Larawan mula sa Catholic News Agency.
Napag-isipan ko lang naman
hindi upang pagtawanan
kungdi upang makita iba pang 
kahulugan ng kapistahan ng ating
pinagpipitaganang San Blas, 
patron ng mga may sakit 
sa leeg at lalamunan
matapos niyang masagip 
sa kamatayan batang natinik 
ang lalamunan.
Sa aking pagkakaalam,
tinik sa lalamunan nalulunasan 
ng sino mang suhi nang isilang;
ngunit bago ninyo ako pagtawanan
ibig ko sanang inyo ring tingnan
hindi ba't tayo ay nabibilaukan,
nahihirinan, at natitinik sa lalamunan
kapag pilit nating sinusubo, nilulunok
higit sa kaya nating kainin,
pilit inaangkin maski hindi atin?
Pagmasdan at pagnilayan
leeg at lalamunan na pinapagaling
ni San Blas ang siyang bahagi 
sa pagitan ng ulo at katawan kaya 
marahil ang nalalaman ng isipan at 
ang nararamdaman ng puso at kalooban 
hindi magsalakupan dahil nababarahan 
ng kamunduhan leeg at lalamunan
kaya katotohanan at kabutihan
hindi natin masundan at mapanindigan!
Ito rin ang karanasang inilalarawan
sa Banal na Kasulatan tungkol kay
Haring Herodes nang kanyang mabalitaan
mga himala ni Hesus sa pag-aakalang
nabuhay mag-uli si Juan Bautista na
kanyang pinapugatan ng ulo
dahil lamang sa sumpang binitiwan;
nahirinan siya sa kapangyarihan
 at kapalaluan, kaya di kalaunan, gumawa
din ng sariling multong kinatakutan!
Bihag ng kasalanan
kaya si Herodes ay naguguluhan,
 nalilito at hindi magawa ang kabutihan,
naliligalig sa mga ginawang kabuktutan
nang marinig ang Mabuting Balita
 ni Hesus sa tanan;
ganyan din tayo kadalasan:
gumagawa ng sariling multo na katatakutan
nililibang sarili sa kasalanan, kunwa'y
kayang lampasan pinagdaraanan.

Tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.”

Marcos 6:7-9
Iyan ang bilin ng Panginoon
na sinikap sundin ni San Blas
na siya namang tinanggihan
ni Haring Herodes at mga kagaya niya
hanggang sa kasalukuyan, di alintana
pagdarahop ng karamihan,
nagpapasasa sa kapangyarihan 
at karangyaan hanggang sa mahirinan,
nakalimutan na ang tunay na kayamanan
ay sa Diyos lamang matatagpuan!

Dalawang makabagong santo, kapangalan ng aming Patron

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Oktubre 2020
Larawan nina San Juan Pablo II at San Juan XXIII kasama isa sa mga matandang imahen ng aming Patron San Juan Apostol at Ebanghelista sa likuran ng aming simbahan sa Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan.

PANALANGIN KAY SAN JUAN APOSTOL AT EBANGHELISTA KAUGNAY NG MGA BAGONG SANTO NG SIMBAHAN: PAPA JUAN PABLO II at PAPA JUAN XXIII (Bahagi ng aming mga Panalangin sa Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan mula nang itanghal bilang Santo ang dalawang naturang dating Santo Papa noong 27 Abril 2014, Linggo ng Dakila Awa ng Diyos.)

Minamahal naming Patron na Banal, 
Juan Apostol at Ebanghelista po ang inyong ngalan!
Ngayo'y aming ipinagdiriwang sa buong Simbahan 
dalawang bagong Banal: Kapwa sila pastol ng kawan, 
nang manungkula'y pangalan mo ang hiniram.

San Juan Beinte-tres nang sa kanyang katandaan tuladmo,
Sinikap maging makabuluhan at buhay na palatandaan ng Diyos
sa gitna ng makabagong panaho nitong InangSimbahan
nang kanyang simulan ang Ikalawang Konsilyo sa Vatican. 

Kasabay niyang tinanghal bilang Banal 
ang tinaguriang Dakilang San Juan-Pablo Ikalawa;
Labis na pagtitiis ang kinamit sa kanyang sakit, 
Krus ay sinapit, katulad mo’y naging malapit
sa Ina ni Hesus kaya’t “Totus Tuus” ang kanyang awit.

Itulot mo aming Mahal na San Juan Apostol at Ebanghelista,
kaming iyong mga anak sana’y matularan,
pinagsikapan ng dalawang bagong San Juan:
pamilya’t sambayanan mabuklod sa nagkakaisang pag-ibig
katulad ng dalangin ni Hesus doon sa Huling Hapunan. AMEN.

San Juan Ebanghelista, ipanalangin mo kami.
San Juan Beinte-tres, ipanalangin mo kami.
San Juan-Pablo Ikalawa, ipanalangin mo kami.

Panalangin ng umiibig

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Oktubre 2020
Huwebes, Paggunita kay Santa Teresita ng Sanggol Na Si Hesus
Job 19:21-27     >><)))*>  +  <*(((><<     Lukas 10:1-12
Larawan kuha ng may-akda, 01 Oktubre 2019.
O Diyos Ama naming mapagmahal,
Ikaw ay pag-ibig 
kaya kami ay umiibig 
dahil ikaw ang sa amin ang unang umibig;
Parang ang hirap dasalin
at gayahin dalangin ni Santa Teresita
na maging pag ibig sa gitna nitong 
Simbahang iniibig.
Nguni't kung susuriin 
tunay ang kanyang hiling
na dapat din naming asamin
dahil itong pag-ibig ang nag-uugnay
sa lahat sa aming buhay
at kung hindi lahat ay mamamatay.
Katulad ni Job sa unang pagbasa,
tangi naming inaasam ikaw O Diyos 
ay “mamasdan at mukhaang makikita
Ng sariling mga mata at di ng sinumang iba;
Ang puso ko’y nanabik na mamasdan kita” (Job 19:26-27)
upang Iyong pag-ibig maihatid
sa daigdig nasa gitna ng maraming pagkaligalig
nalilito, nagugulo kanino mananalig at sasandig;
Unawain nawa namin turo ni Jesus (Lk.10:2)
aming hilingin sa Iyo na magpadala ng manggagawa
sa maraming anihin:  hindi pagkain, salapi o gamit
ang mahalaga naming kamtin 
kungdi kapwa na makakapiling
at magmamahal sa amin.
AMEN.
Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Nang mabuksan ang langit

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Setyembre 2020
Martes, Kapistahan ng mga Arkanghel San Miguel, San Gabriel, at San Rafael
Daniel 7:9-10, 13-14     >><)))*>   +   <*(((><<     Juan 1:47-51
Larawan kuha ng may-akda, pagbubukang-liwayway sa Lawa ng Tiberias, Israel, Mayo 2019.

At sinabi ni Jesus sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas and langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao.”

Juan 1:51
Batid namin Panginoon
 noon pa mang kami'y 
Iyong tinubos sa kasalanan
 nabuksan na ang langit 
upang kami ay makalapit sa Ama 
na bukal ng buti at bait;
Ngunit ang masakit sa langit 
hindi kami makatingin 
dala nitong mabibigat na pasanin
mga kasalanan aming inaamin;
Kaya sana Iyong dinggin
aming dalangin at hiling
ngayong kapistahan ng tatlong Arkanghel
na palaging nasa Iyong banal na piling.
Kay San Miguel Arkanghel
kahulugan ng pangalan 
ay "Sino ang katulad ng Diyos?" 
kami sana'y bigyan, O Jesus, ng tapang
labanan kasamaan at kasalanan 
upang makapanatili sa Iyong banal na harapan;
Bigyan Mo rin kami, Jesus ng Iyong lakas 
katulad ni San Gabriel Arkanghel
na ang kahulugan ng pangalan 
"Diyos ang aking lakas" 
upang Iyong mabuting balita aming maipahayag
lalo na ngayong panahon na ang daigdig
ay manhid sa kasalanan at kasamaan;
Gayon din naman, Panginoon
batid ninyo minsan dala ng aming karamdaman
hindi lamang pangangatawan nanghihina 
kungdi pati puso at kalooban 
Ikaw ay aming tinatalikuran
kaya naman sana Inyong mapagbigyan
sa pamamagitan ni San Rafael Arkanghel
na kahuluga'y "nagpapagaling ang Diyos"
sana'y gumaling o maibsan hirap at tiisin
ng mga may sakit, hipuin kanilang
puso at kalooban upang paghilumin.
Itulot po Ninyo, Panginoong Jesu-Kristo
na katulad ni Nataniel 
kami ma'y walang pagkukunwaring 
tumalima at sumunod 
sa Iyong tawag bilang alagad 
upang maakay ang marami pang iba
palapit sa langit na Iyong binuksan
upang kami ay maligtas ngayon at magpasawalang-hanggan.
AMEN.
Photo by Pixabay on Pexels.com

Panalangin upang tuklasin pagpapala sa bawat pagkakataon

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Setyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Jerusalem, Mayo 2019.
Tunay na tunay ang iyong mga pananalita
Ama naming mapagmahal sa Aklat ng Mangangaral:
"Ang lahat ng pangyayari sa daigdig ay nagaganap
sa panahong iyong itinakda; 
Iniangkop mo ang lahat ng bagay sa kapanahunan.
Binigyan mo ang tao ng pagnanasang alamin ang bukas
ngunit hindi mo siya binigyan ng pagkaunawa 
sa iyong mga ginawa mula pasimula hanggang wakas." (3:1, 11)
Nakamamanghang isipin 
bakit nga ba tuwing kami ay mananalangin
saksakan kami ng pagka-inipin 
ngunit tuwing kami sa iyo ay hihiling
paglipas ng oras sa pananalangin di namin pansin?
Ito marahil ang paglalarawan ng iyong kaganapan
na hindi ka kayang saklawan ng aming panahon at lunan
dahil hindi lamang ikaw ang sa amin lumalang
kungdi sapagkat sa iyong pag-iral ikaw ay pagmamahal
walang bukas at kahapon, ang lahat ay ngayon.
Itulot po ninyo, O Panginoon
ikaw ay aming tuklasin at sundin sa iyong pagdating
sa bawat sandali at pagkakataon sa aming buhay ngayon
na madalas hindi namin kaagad maunawaan iyong nilalayon
dahil ika'y walang hanggan gayong kami ay pana-panahon;
magtiwala nawa kaming lagi sa iyong pag-ibig
upang kung sakali man kami ay wala sa panahon ng pagkabig
sa iyo lamang kami manalig at lahat ay madaraig!
AMEN.

Panalangin laging alalahanin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Setyembre 2020
Huwebes, Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon II
1 Cronica 15:1-11   ///   Lukas 7:36-50
Larawan kuha ng may-akda sa Mirador Hills, Baguio City, Enero 2018.
O Diyos Ama naming butihin
sa panahong ito ng COVID-19
aming dalangin huwag naming limutin
bagkus palaging alalahanin 
ang lahat ng pagsubok ay aming malalampasan din.
Lagi nawa naming tandaan aral na iniwan
ng mga Apostol na siyang paalala ng sulat 
 ni San Pablo sa mga taga-Corinto 
  na ang sentro nitong Ebanghelyo
ang muling pagkabuhay ni Jesu-Kristo
na nagpakitang totoo sa mga alagad at mga tao
upang tiyakin sa aming lahat ngayon 
Kanyang pagbabalik sa wakas ng panahon.
Habang Ikaw ay aming inaabangan, O Panginoon,
turuan mo kami manalig at pakatandaan
pamumuhay na marangal aming pa ring makakamtan
kung kasalanan aming tatalikuran
mauupo sa Iyong paanan
upang mga aral mo ay pakinggan
tulad ng babaeng iyong ginawaran ng kapatawaran.
Ito sana aming laging tandaan, alalahanin
huwag lilimutin upang Ikaw ay makapiling.
Amen.

Hiling at daing sa Mater Dolorosa

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Martes, Kapistahan ng Mater Dolorosa, 15 Setyembre 2020
1 Corinto 12:12-14, 27-31  || + ||  Juan 19:25-27
Larawan kuha ng may-akda, Abril 2020.
O Birheng Maria, aming Ina!
Ngayong aming ipinagdiriwang
iyong kapistahan bilang Mater Dolorosa
kinabukasan pagkaraan ng kapistahan 
ng Pagtatampok ng Banal na Krus ni Hesus,
nabubuo ang napakagandang larawan
ng malalim at matalik ninyong ugnayan, 
 kaisahan bilang mag-ina sa liwanag ng Banal na Krus;
tunay nga ikaw Birheng Maria ang una at dakilang alagad Niya
sinamahan Siya hanggang pagdurusa at kamatayan
kaya naman ikaw ay naging Ina nitong Santa Iglesya
nang kami ay naging katawan Niya.
Aming dalangin sa gitna nitong COVID-19
paratingin aming mga daing at hinaing
masintahing Ina sa Panginoon natin:
patatagin aming pananampalataya
paalabin aming pagmamahal at paglilingkod
iwaksi kami sa sakit at iba pang kapahamakan
upang balang araw sa pagbubukang liwayway
mapawi rin aming mga dalamhati
katulad mo'y magningning ang ngiti sa aming mga labi
mula kay Kristong muling nabuhay
sa pandemya kami'y pinagtagumpay.
Amen.
Larawan ng “Mater Dolorosa” ng pintor na si Carlo Dolci mula sa Wikimedia Commons.

Panalangin sa karangalan ng kaarawan ng Mahal na Birheng Maria (at nating lahat!)

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-08 ng Setyembre 2020
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria
Roma 8:28-30   >><)))*> + <*(((><<   Mateo 1:18-23
Larawan kuha ng may-akda sa aming Parokya, Pasko 2018.
O Diyos Amang mapagmahal sa amin, 
kay sarap isipin at namnamin pagdiriwang 
ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria
na Ina ni Hesus at Ina din namin.
Sa unang tingin marahil tatanungin
bakit ang kuwento sa ebanghelyo ay pagsilang ng Kristo?
Ngunit sa dakilang karunungan po Ninyo, O Diyos Ama
dito Mo ibinalot kagandahan at kabutihan
hindi lamang ng kapistahan 
kungdi ng katotohanang hatid nito:
Dumating si Hesus na Anak Mo sa pamamagitan 
ng dalawang mabubuting tao ayon sa plano at kalooban Mo: 
si Jose na mula sa angkan ni David 
na lahi ni Abraham
naging esposo ni Maria
na siyang Ina ng tinatawag naming Kristo.
Dahil dito, hinatian Mo kami O Diyos 
ng karangalan katulad ni Maria 
maging tagapaghatid ni Hesus sa mundong gulung-gulo.
Hayaan po ninyo na aming mapagtanto at mapagyaman
turo sa amin ng Iyong lingkod sa San Papa Juan Pablo Ikalawa:
bawat kaarawan ay munting Pasko
dahil sa pagsilang ng bawat tao
si Jesu-Kristo ang naparito!
Huwag nawa naming malimutan karangalang ito
kaya aming hiling sa aming masintahing Ina 
kami ay palaging ipanalangin,
ilapit kay Hesus na ating Panginoon
upang Siya ring maibahagi sa kapwa natin.
Amen.

Panalangin para sa mga tinutuligsa

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, 04 Setyembre 2020
Unang Biyernes ng Setyembre, Ika-XXII Linggo sa Karaniwang Panahon
1 Corinto 3:18-23  ///  Lukas 5:33-39
Larawan kuha ni G. Angelo N. Carpio, Hunyo 2020.
O Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus,
tulungan Mo kami na Ika'y matularan sa pakikinig sa kapwa.
Nawa aming mapalampas ano man ang hindi mabuting sinasabi
laban sa amin at sa halip ay aming pagyamanin aming karanasan
at palalimin aming katauhan.
Katulad ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto,
“Walang anuman sa akin ang ako’y hatulan ninyo 
o ng alinmang hukuman ng tao; 
ni ako ma’y di humahatol sa aking sarili.  
Walang bumabagabag sa aking budhi, 
ngunit hindi nangangahulugang ako’y walang kasalanan.  
Ang Panginoon ang humahatol sa akin." (1Cor.4:3-4)
Siya namang tunay, Panginoon!
Palaging mayroong masasabi makakating labi
laban sa amin palagi ano mang buti aming mga gawi.
Bakit nga po ba sa gitna nitong pandemya
laganap hindi lamang sakit kungdi galit at pagmamalupit
masasakit na pananalita ng ilan naming kapwa?
Tulungan mo kami, O Hesus
 na dalisayin aming puso at kalooban, 
maging bukas sa mga pagkakataon na magbago 
gaya ng Iyong turo sa Ebanghelyo:
“Walang pumipiraso sa bagong damit 
upang itagpi sa luma.  
Kapag ginawa ito, masisira ang bagong damit 
at ang tagping bago ay hindi babagay sa damit na luma." (Lk.5:36)
Lagi naming panghawakan 
na higit na mahalaga ang Iyong sinasabi Panginoon
kaysa sinasabi ng tao dahil Ikaw pa rin sa kahuli-hulihan
ang sa amin ay hahatol at papataw ng kapasyahan 
kaya nawa Ikaw ang aming pakinggan 
hindi pinagsasabi sa amin ay kumakalaban.
Amen.