Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Setyembre 2020 Martes, Kapistahan ng mga Arkanghel San Miguel, San Gabriel, at San Rafael Daniel 7:9-10, 13-14 >><)))*> + <*(((><< Juan 1:47-51

At sinabi ni Jesus sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas and langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao.”
Juan 1:51
Batid namin Panginoon noon pa mang kami'y Iyong tinubos sa kasalanan nabuksan na ang langit upang kami ay makalapit sa Ama na bukal ng buti at bait; Ngunit ang masakit sa langit hindi kami makatingin dala nitong mabibigat na pasanin mga kasalanan aming inaamin; Kaya sana Iyong dinggin aming dalangin at hiling ngayong kapistahan ng tatlong Arkanghel na palaging nasa Iyong banal na piling.
Kay San Miguel Arkanghel kahulugan ng pangalan ay "Sino ang katulad ng Diyos?" kami sana'y bigyan, O Jesus, ng tapang labanan kasamaan at kasalanan upang makapanatili sa Iyong banal na harapan; Bigyan Mo rin kami, Jesus ng Iyong lakas katulad ni San Gabriel Arkanghel na ang kahulugan ng pangalan "Diyos ang aking lakas" upang Iyong mabuting balita aming maipahayag lalo na ngayong panahon na ang daigdig ay manhid sa kasalanan at kasamaan; Gayon din naman, Panginoon batid ninyo minsan dala ng aming karamdaman hindi lamang pangangatawan nanghihina kungdi pati puso at kalooban Ikaw ay aming tinatalikuran kaya naman sana Inyong mapagbigyan sa pamamagitan ni San Rafael Arkanghel na kahuluga'y "nagpapagaling ang Diyos" sana'y gumaling o maibsan hirap at tiisin ng mga may sakit, hipuin kanilang puso at kalooban upang paghilumin.
Itulot po Ninyo, Panginoong Jesu-Kristo na katulad ni Nataniel kami ma'y walang pagkukunwaring tumalima at sumunod sa Iyong tawag bilang alagad upang maakay ang marami pang iba palapit sa langit na Iyong binuksan upang kami ay maligtas ngayon at magpasawalang-hanggan. AMEN.
