Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Mayo 2020

Nalimot ko na bilang ng mga araw at buwan mula nang simulan lockdown upang mapigilan pagkalat ng pandemyang COVID-19.
Madaling tanggapin mahirap pasanin mga tiisin ngunit ngayon pakiwari ko hindi na maaring palampasin kadilimang bumabalot sa atin.
Kay hirap isipin sa napakaraming alalahanin at mga suliranin hinaharap natin bakit sa panahong ito mayroon pa rin mga tao lihis ang mga isipan at damdamin?
Dahil sa COVID-19 nabuking ugali natin panlalamang sa kapwa gawi pa rin karahasan pinaiiral nang ang ilan ay makatangan ng kaunting kapangyarihan hirap na taumbayan, pinagmamalupitan.

Batid namin Panginoon marami naming kasalanan noon magpasahanggang ngayon kami'y baon na baon tila hindi na makakaahon.
Kagagawan namin ang lahat ng ito mga lilo na pulitiko binoboto sa halaga ng ilang daang piso habang wala namang ibang tumakbo na matino at mabuting pagkatao.
Marami sa amin nahirati na sa dilim ngunit mas marami ang ibig ay dilim dahil doon kanilang naililihim mga gawa nilang marumi at karimarimarim.
Hanggang kailan kami, Panginoon magkikimkim nitong aming damdamin saloobin nami'y nasasaktan sa mga patuloy nilang kabuktutan pati iyong Dakilang Ngalan nilalapastangan!

Buksan mo Panginoon aming mga paningin huwag nang hayaang bulagin ng mga sinungaling mayroong mga dilang matatalim.
Dinggin mo Panginoon aming panaghoy para kaming tuyong kahoy naluoy, binaboy at tinaboy.
Ibangon kami, O Panginoon manindigan para sa katotohanan ipaglaban kahalagahan ng buhay malayang makapaghayag saloobin tulad ng sa nililiyag.
Sa amin ika'y mahabag Panginoong Diyos naming butihin itong aming hapis at pait iyo sanang patamisin upang ika'y aming hanapin at sundin!
