Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan Bautista, Ika-29 ng Agosto 2020
Ama naming mahabagin, ngayong ginugunita namin pagpapakasakit ni San Juan Bautista, Inyo sanang dinggin aming panalangin para sa maraming kapatid namin na ginigipit, iniipit; ang iba sa kanila ay nakapiit marami ang lugmok sa pait at sakit na sinapit mula sa mga makabagong Herodes at Herodias na prinsipyo at pagkatao, ipinagpalit sa ginto. Inyong patatagin paninindigan sa katotohanan katulad ni San Juan Bautista upang ipagpatuloy pakikipaglaban nasaid man ang kabuhayan at tanging pinanghahawakan dangal ng katauhan. Ikaw lamang Panginoon ang nakaaalam ng higit na mainam kami ay Iyong turuan at tulungan katulad ni San Juan loob mo ay masundan kami ma'y maging palatandaan ng Iyong kapanatilihan sa gitna ng mga pag-uusig at kahirapan. Amen.
*Mga larawan sa itaas: una ang painting ni Caravaggio ng pagpupugot sa ulo ni Juan Bautista mula sa wikimedia.org; biktima ng tokhang mula sa Philippine Daily Inquirer; umiiyak na empleyado ng ABS-CBN mula sa Reuters.org; at mga locally stranded individuals sa ilalim ng flyover malapit sa NAIA kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News.