Pakikiramay at paglalamay bilang pagpapala

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Bago pa man ako naging pari ay madalas ko nang naririnig ang tanong ng karamihan na bakit nga ba tayo nagkikita-kita lamang kung mayroong namamatay? Bakit nga ba hindi tayo magkita-kita ng madalas habang buhay pa upang ipahayag ating pagmamahal sa kaibigan o kamag-anak kesa yung sila ay patay na?

Bakas sa mga katanungang ito ang malungkot na katotohanan ng buhay lalo na sa mga nagkaka-edad tulad ko. Minsan naroon din ang panghihinayang at pagiging-guilty na kung bakit nga ba hindi tayo nagsasama-sama habang malakas at buhay pa mga yumaong mahal natin sa buhay?

Pero ang nakakatawa sa ganitong mga usapan ay ang katotohanan na pagkaraan ng ilang buwan o taon, magkikita-kita muli tayo pa ring magkakamag-anak at magkakaibigan sa susunod na lamayan nang hindi pa rin nagkasama-sama habang mga buhay pa!

Ano nangyari? Hindi na nga ba tayo natuto sa aral ng mga naunang yumao, na magsama-sama habang buhay at malakas?

Sa aking palagay ay hindi naman sa hindi na tayo natuto kungdi ang totoo, higit pa ring mainam ang magkita-kita sa lamayan kesa saan pa mang pagtitipon dahil sa ilang mas malalim na kadahilanan.

“Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako’y sumasa-Ama, kayo’y sumasaakin, at ako’y sumasainyo.”

Juan 14:19-20
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Una, sa ating pakikiramay buhay ang pinararangalan at hindi ang kamatayan. Nakikiramay tayo upang ipagdiwang mabuting pamumuhay at magandang pakikisama ng yumao. Wika nga sa amin sa Bulacan, ang lamay lang ang hindi ipinag-iimbita. Ito ang sukatan ng kabutihan ng isang tao na siya ay parangalan hanggang magkapuyatan. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na maging handa palagi dahil hindi natin alam ang oras ng ating pagpanaw. Alalaong-baga, mamuhay tayo sa kabutihan.

Isa sa mga paborito kong pelikula ay ang The Last Samurai ni Tom Cruise. Sa huling bahagi ng pelikula bago siya bumalik ng Amerika, namaalam siya sa batang emperador ng Hapon na nagsabi sa kanya, “Tell me how did my samurai die.” Sumagot si Tom Cruise, “I will not tell you how he died but I will tell you how he lived.”

Kaya nga sa lamayan hindi naman pinag-uusapan kung ano at paanong namatay kungdi paanong namuhay ang mahal nating pumanaw. Narito ang malaking kaibahan ng mga pagtitipon ng buhay gaya ng mga handaan at party na nauuwi lamang sa kainan, inuman, at tawanan o kantahan hanggang magkalasingan at di matunawan sa kabusugan. Minsan nauuwi pa sa away mga ito.

Ang ibig ko lang sabihin ay ito: sa patay mayroon ding kainan at inuman kung minsan pero iba ang lalim ng usapan at kuwentuhan. Lalong higit ng pagsasalo-salo – walang nagbabalot! – kasi iba ang level ng pagtitipon sa lamayan. Mayroong rubdob. Nahirapan lang ako sa isang bagay na sadyang makabago at hirap pa rin akong tanggapin. Ang pagpapakuha ng litrato sa mga lamayan. Mula pagkabata kasi aking nagisnan ay seryoso ang lamayan at dahil noon ay wala pang mga camera phone kaya asiwa ako na pumorma o mag-pose sabay ngiti kasama mga naulila sa tabi ng mga labi ng giliw na pumanaw. Maliban doon, ito ang unang kagandahan at biyaya ng pakikiramay at paglalamay – ito ay pagdiriwang ng buhay hindi ng kamatayan.

Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Ikalawang biyaya ng pakikiramay at paglalamay sa patay ay ang pagpapahayag ng patuloy nating pagmamahal at pagpapahalaga sa ating ugnayan hindi lamang sa pumanaw kungdi pati sa kanyang mga naulila. Hindi lamang tayo nakikibahagi sa kanilang dalamhati na siyang kahulugan ng pakikiramay o pagdamay, kungdi higit sa lahat ay ang ating pagtitiyak sa kanila na kahit wala na ang giliw nating pumanaw, nananatili pa rin tayong kamag-anak at kaibigan.

Pinakamasakit na bahagi ng pagmamahal ang paghihiwalay, pansamantala man o pang-magpakailanman tulad ng kamatayan. Isa itong katotohanang ating naranasang lahat dahil walang permanente sa buhay na ito. Darating at darating ang sandali na tayo ay mahihiwalay sa ating minamahal kapag ang mga anak ay nagsipag-kolehiyo o kapag sila ay nagsipag-asawa upang bumuo ng sariling pamilya. At ang pinaka-masakit sa lahat ng paghihiwalay, ang pagpanaw ng mahal sa buhay.

Gayon pa man, naroon sa kamatayan ang pinakamatinding hamon ng pagmamahal na ating ipinahahayag at ipinadarama sa pakikiramay. Alalaong-baga kapag tayo pumupunta sa lamayan, ating pinagtitibay sa kanilang naulila ang ating ugnayan, na tayo ay magkakamag-anak pa rin, magkakaibigan pa rin. Kahit mawala ang isang kamag-anak o pamilya at kaibigan, hindi mawawala ating ugnayan. Sama-sama pa rin tayo hanggang sa kabilang buhay kung saan magiging ganap at lubos ating mga ugnayan sa Diyos kay Kristo Jesus.

Kitang-kita ang ugnayang ito na hindi kayang putulin ng kamatayan sa paraan ng ating pagpapaalam. Walang nagsasabing “aalis na ako” o “lalayas na ako” maliban kung siya ay galit. Kapag tayo nagpapaalam saan man, ating sinasabi palagi ay “mauuna na po ako” gayong wala namang susunod sa ating pag-alis. Atin ding sinasabi bilang pamamaalam ang “tutuloy na po ako” e lumalabas nga ang isang nagpapaalam paanong tutuloy?!

Ang mga ito ay tanda ng pagtimo sa ating katauhan ng katotohanan ng kamatayan at buhay na walang hanggan. Sinasabi nating mauuna na ako dahil batid natin lahat ang katotohanan na una-una lang sa kamatayan. Gayon din ang pagsasabi ng tutuloy na ako tuwing nagpapaalam kasi isa lang ating hahantungang lahat, ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa kalangitan.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Kaya hindi rin kataka-taka minsan kung kailan pumanaw at nawala na ang isang mahal sa buhay saka lumalalim ating ugnayan. Iyan ang ikatlong biyaya ng pakikiramay at paglalamay, ang pananatili ng pag-ibig. Higit nating nadarama lalim ng ating pagmamahal kanino man kapag siya ay pumanaw na. Ito yung hiwaga ng aral ni Jesus sa bundok, “Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos” (Mt.5:4).

Mapapalad ang nahahapis dahil una, sila ay nagmamahal. Sabi ni San Agustin, kaya tayo umiiyak kapag namatay ang isang mahal sa buhay kasi tayo ay nagmamahal. Masakit ang mawalan at hindi na makita ang isang minamahal.

Higit sa lahat, mapapalad ang nahahapis dahil silay ay minahal. Iyon ang pinaka-masakit sa pagmamahal. Matapos maranasan ikaw ay mahalin, saka naman siya mawawala sa piling. Ngunit iyon din ang pagpapala. Kaya masakit mamamatayn kasi nga tayo ay minahal. Sabi ng isang makata, “kung ikaw ay mayroong pagmamahal, ikaw ay pinagpala; kung ikaw ay minahal, ikaw ay hinipo ng Diyos.” Tuwing tayo ay nakikiramay, naglalamay, ating ipinahahayag ating pagmamahal gayun din ang biyaya na tayo ay minahal ng pumanaw.

Tama si San Pablo na sa kahuli-hulihan, lahat ay maglalaho at tanging pag-ibig lang ang mananatili (1Cor. 13:13). Gayon din ang inawit ni Bb. Cookie Chua sa Paglisan.

Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig

Manatili sa pag-ibig ni Kristo! Amen. Salamuch po.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Ang nakababalisa

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 20 Marso 2023.
Paano nga ba
pananaligan
panghahawakan
katiyakan sa atin 
ni Jesus, 
"huwag kayong mabalisa"
sa dami ng sakbibi
nitong buhay
walang katapusan
di malaman hahantungan?
Ngunit kung susuriin
pagkabalisa natin
ay hindi naman 
mga bagay-bagay
sa labas kungdi yaong
nasa loob
mismong sarili
ang sumisinsay
upang manalig
at pumanatag.
Nababalisa
sa pagkakasakit
hindi dahil sa hirap
at sakit kungdi 
sa panahon at pagkakataong
winaldas, lahat natapon
walang naipon;
nababalisa
sa kamatayan 
hindi dahil sa di alam 
patutunguhan kungdi
malabo pinanggalingan
at pinagdaanan,
walang kinaibigan
ni hiningan ng kapatawaran;
nababalisa hindi sa mga nangyayari
kungdi sa mga pagkukunwari
kapalaluan di matalikuran
gayong sukol na
sa sariling kapahamakan.
Hangga't wasak
at di buo ating samahan 
at ugnayan
sa sarili, 
sa Diyos at 
sa kapwa
lagi tayong balisa
nanghihinayang at kulang
dahil sa kahuli-hulihan
sila ating kailangan;
iyan ang kahulugan
ng mga sumunod 
na salitang binitiwan
ni Jesus na sa kanya
tayo ay manalig
upang siya at ang Ama
sa atin ay manahan
ating sandigan
tunay maasahan
magpakailanman.

Hanap-buhay

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda noong 2017, ang tinuturing “gawaan” ni San Jose sa Nazareth sa ilalim ng isang kapilya sa kanyang ngalan ngayon.
O San Jose na aming
patron ng mga manggagawa
bagama't marami ang hindi
nakaka-unawa sa iyong
mga ginawa 
ng buong katahimikan
at katapatan
pangangalagaan
Panginoong Jesus 
Manunubos natin 
pati na Kanyang Ina,
ang Birheng Maria
upang matupad 
banal na layon ng Diyos
kaligtasan ng sangkatauhan;

Bagama't walang sinsasaad
mga Banal na Kasulatan
sa iyong katauhan
maliban sa iyong pagiging
matuwid na mula sa lahi
ni Haring David,
sa iyo San Jose
mababanaagan ang 
kabutihan at kadalisayan
ng kalooban nang si Jesus
ay kilalanin at ituring
"anak ng karpintero"
dahil marahil
kayo ay magkapareho
sa maraming aspekto.
Turuan kami
San Jose, aming pintakasi
higit sa mga gawain at
trabaho, aming hanapin 
diwa at kahulugan ng buhay;
lahat ng pagpapagal
ay isang pag-aalay
sa bawat obra
si Kristo ang taglay
sa Kanya lahat nakasalalay
dahil Siya ang buhay
kaya kami ay tulungan
gumawa ng kabutihan
sa gitna ng katahimikan
ng aming paghahanap-buhay!

Kuwaresma

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-08 ng Marso 2023
Larawan kuha ni G. John Ryan Jacob sa Paco, Obando noong 02 Enero 2023.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng paghahanda
sa Pasko ng Pagkabuhay,
isang paglalakbay
gabay mga salita ng Diyos
sa atin ay bumubuhay
higit pa sa tinapay.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng pagtitiis
marami ang naiinis, naiinip
dahil sa kinagisnang buhay
na mabilis at madali
budhi ay di mapanatili
pati sarili hindi maibahagi.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng pananalangin
sa atin ay hiling
upang makapiling, maranasan
Diyos na mahabagin
namnamin at lasapin
pag-ibig Niyang ibinubuhos sa atin.
Sa panahon ng Kuwaresma
iwasang magkuwenta
at magbilang ng mga sakripisyo
dahil lingid sa ating kaalaman
higit ang biyaya at pagpapala
kapag tayo ay nagpaparaya;
marami ang may maling akala
sila ay nawawalan, nababawasan
kapag naglilimos o nag-aayuno
gayong ang totoo,
doon tayo napupuno
ng Espiritu Santo;
kung tutuusin
itong buhay natin ay araw-araw
na Kuwaresma kung saan
ating pananaw ay namumulat
na ang pinakamahalaga sa buhay
ay hindi kung ano ating taglay
kungdi yaong ating inaalay
at ibinibigay!

Yakapin pagwawakas, salubungin pagsisimula

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Nobyembre 2022
Larawan kuha ng may akda, 16 Nobyembre 2022 sa Pulilan, Bulacan.
Nakakatawang isipin
na palagi nating nararanasan
mga pagwawakas at katapusan
nguni't bakit lagi nating kinatatakutan?
Sa dapithapon naroon ang takipsilim,
ang lahat mababalot ng dilim
na kinasasabikan natin dahil
tapos na rin mga gawain at aralin;
batid natin, ano mang kuwento
maski Ang Probinsiyano
magwawakas din;
mahirap isipin, maski tanggapin
kapag mayroong mga gusali na gigibain
lalo't higit mga ugnayan at kapatiran
na puputulin at papatirin
dahil sa alitan at, kamatayan.
Mismo ang Panginoong Hesus
tumiyak sa atin lahat ay magwawakas
hindi upang tapusin kungdi
muling buuin buhay at mundo natin
na mas mainam kaysa dati.
Kaya huwag isandig sarili natin 
sa mga bagay ng daigdig na maglalaho rin
katulad ng dapithapon at takipsilim
bagkus ay ating yakapin 
bawat wakas na tiyak darating
upang salubungin pagbubukang-liwayway
ng bagong araw ng buhay, pag-asa
at pagpapanibago kay Hesu-Kristo
na sariling buhay man ay nagwakas din 
doon sa Krus upang muling mabuhay
at mabuksan Paraiso para sa atin --
ang tunay na katiyakang nakalaan sa atin!
Larawan kuha ni Bb. Danna Hazel de Castro, Sagada, Mt. Province, 2017.

Paalala ng Banaba

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Abril 2021
Larawan kuha ng may-akda sa Immaculate Conception School for Boys, Malolos City, 27 Abril 2021.
Tirik noon ang araw 
aking ramdam ang init at alinsangan
sa paradahan ng paaralan, 
nanunuyo lalamunan habang 
tagatak ang pawis, naiinis 
naiinip, kailan aalis
virus ng COVID-19 sa atin;
kaya hanggang sa gitna ng init
sumasagitsit sa isip at kamalayan
paghihirap nating pinagdaraanan
nang ako'y maginhawahan sa malamig na lilim
ng nakayungayong mga dahon at sanga ng Banaba;
sa aking paglingon patingala
ako ay namangha at nabighani
mga lilang bulaklak namumukadkad
handog ay kagalakan at kapahingahan.
Luminga-linga pa ako sa kapaligiran
saka lamang napagmasdan
isa pang puno ng Banaba nalampasan
hitik sa mga bulaklak niyang lila
naroon din sa bukana ng paaralan
nagpaparamdam ng mahalagang aral
matutunan sa pandemyang pinagdaraanan:
kung kailan kainitan,
walang patak ng ulan
saka ipinagyayabang nitong Banaba
angking kagandahan at kabutihan
maging kahusayan dapat nating tularan
sa panahon ng kagipitan, doon lumalabas
tunay nating kulay -
ikaw ba'y matamlay at mapusyaw
at hindi makagalaw?
Alalahanin pangangaral ni Hesus nating mahal,
"At bakit kayo nababagabag tungkol sa pananamit?
Isipin ninyo kung paanong sumisibol
mga bulaklak sa parang, hindi nagpapagal
ni humahabi man; maging si Solomon
sa kanyang karangyaan hindi naramtan
ng gayong karinglan!
Kaya't huwag kayong mabalisa
sa inyong kakanin, iinumin o daramtin."
Madaling sabihin, mahirap gawin
lalo na sa marami sa atin sapin-sapin
suson-suson mga paghamon sa buhay
ngunit sa puno ng Banaba naroon
ating tugon:  magpakatatag sa pagkabaon sa lupa
paglipas ng taon uusbong mga dahon at bulaklak
dulot nitong bunga lunas sa maraming sakit at karamdaman.
Larawan kuha ng may-akda sa Immaculate Conception School for Boys, Malolos City, 27 Abril 2021.

Ang buhay ay Kuwaresma

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-23 ng Pebrero 2021
Larawan kuha ng may-akda sa Lungsod ng Jericho, Mayo 2019.
"Noong panahong iyon,
si Hesus ay agad pinapunta 
ng Espiritu sa ilang.
Nanatili siya roon ng apatnapung araw,
tinutukso ni Satanas.
Maiilap na hayop ang naroon 
nguni't si Hesus ay pinaglingkuran 
ng mga anghel" (Marcos 1:12-13).
Kay sarap namnamin tagpong ito
ng panunukso ng diyablo kay Kristo
dahil ganito rin ang buhay natin:
isang paulit-ulit na Kuwaresma
doon sa ilang ng kaguluhan at kasamaan
 sakit at mga pagsubok
sabay-sabay dumarating
kung kailan tayo nagpapakabuti
hindi lmang demonyo umaaligid
pati maiilap na hayop nagbabadya ng panganib
kaya mga problema hindi maubos
ni matapos, wala nang ibang ibig
kungdi makahulagpos
sa maraming tanikala at lubid
sa atin ay gumagapos.
Ngunit kung ating matatalos
pinagdaanan ni Hesus ating Manunubos
doon sa ilang Kanya nang tinapos
kapangyarihan ni Satanas
nang ituro Niya sa atin landas
 ng katatagan nang tayo mismo
ay Kanyang sinamahan sa ilang,
 pinaglingkuran ng mga anghel
upang mapagtagumpayanan
 kasalanan at kasamaan;
ating pagmasdan at pagnilayan
kapag tayo nasa kahirapan at kagipitan
maging kadiliman sa buhay,
saka dumarating si Hesus
hatid mabuting balita ng kaligtasan.
Hindi inalis ng Diyos
 ilang sa ating buhay
bagkus tayo ay kanyang sinamahan
sa paglalakbay, ibinigay kanyang Anak
upang sa atin umagapay, gumabay
pabalik sa kanyang tahanan
at kaharian sa langit
na dito pa man sa lupa
 ay atin nang matitikman, masusulyapan
sa Kuwaresma na ating pinaghahandaan
Pasko ng Pagkabuhay
na ating hinihintay
upang magbigay saysay at kulay
sa nananamlay nating buhay
kaya kay Hesus ating ialay!
Pagkatapos dakpin si Juan,
si Hesus ay nagtungo sa Galilea
at ipinangaral ang Mabuting Balita:
"Dumating na ang takdang panahon,
at malapit na ang paghahari ng Diyos!
Pagsisihan ninyo at talikdan
ang inyong mga kasalanan
at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito" (Marcos 1:14-15).
Larawan kuha ng may-akda, Egypt, 2019.

Walang walang kuwenta

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Nobyembre 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
"Walang kuwenta"
madalas masambit ng matatanda
sa maraming bagay noong araw
panahon pa ni Kopong-Kopong
kung sino man iyon...
"Walang kuwenta"
ay walang suma,
walang halaga,
walang kabuluhan
kaya hindi na binibilang.
Nguni't kung ating 
tutuusin 
lahat sa buhay natin
ay mahalaga kaya
mayroong kuwenta ang bawat isa.
Walang
walang kuwenta
sa mundong ito
dahil sa kahuli-hulihan
ang lahat ay kukuwentahin
upang tingnan
kung tayo ay sapat o
kulang sa timbang
batay sa ipinagkatiwala
ng Diyos na biyaya sa atin.
Hindi mahalaga kung
marami o kakaunti
 binigay Niya sa atin
dahil iisa pa rin
ang pagsusuma
 na Kanyang gagawin:
naging tapat ba tayo
sa atas Niyang gampanin
palaguin, pagyamanin
kaloob Niyang bigay sa atin?
Mapalad
ang aliping tapat,
pinagyaman, pinalago
kanyang buhay at talento
sa langit kanyang makakapiling
itong Panginoon natin!
Ngunit sa aba
na sinayang ang lahat
sa paghuhukom
siya ay titimbangin
at kung kukulangin
magngangalit mga ngipin
sa walang hanggang apoy
siya susunugin.
Pagyamanin
biyaya sa atin
ng Panginoong butihin
na siyang puhunan
din natin 
sa buhay pang darating!

Kailan ako tunay nagmamahal?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Nobyembre 2020
Larawan kuha ng may-akda, gayak ng aming parokya, Nob. 1-2, 2020.
Madalas aking ipinapalagay
bilang bahagi ng buhay 
itong pagmamahal
ako nama'y nakagaganap,
nakatutugon sa hamon.
Nguni't ano nga ba talaga
ang magmahal at kailan ako
tunay na nagmamahal?
Napakadali na maging mabuti 
sa iba, magtimpi ng sarili,
magparaya at magpalampas;
mahabag at maawa na kusang 
tutulo ang luha,
umakay at sumabay sa mahihina,
magmalasakit maski sa walang sakit.
Kailan nga ba
ako tunay na nagmamahal,
tanong ko sa sarili noon pa man;
maski mga kaibigan
mga pinapayuhan
sa simbahan
o saan pa man
iyan ang palaging katanungan
na ano mang kasagutan
ay siyang buod at kabuuang
kahulugan ng pagmamahal
di lamang ng mga magkasintahan
o magsing-ibig
kungdi ng sino mang nilalang
ng Diyos na pag-ibig.
Noon ay
palagi kong sinasabi
mula sa limitado kong karanasan
na aking inihahabi,
pinagtatagpi-tagpi
sa mga napag-aralan
at napagnilayan
na tunay ka lamang nagmamahal
kapag ika'y nasasaktan
dahil kung wala ka nang nararamdaman
mas malamang
pusong bato
ang nariyan sa iyong dibdib,
di lamang manhid
kungdi patay at malamig.
Hindi natapos
aking pag-aasam
malaman at maranasan
kung kailan nga ako
tunay nagmamahal;
maraming karanasan
aking pang dinaraanan
dahan-dahan, unti-unti
naliliwanagan na
tunay akong nagmamahal
di lamang kapag ako'y nasasaktan
kungdi dama ko man
aking kawalan
sa kakayahang ibsan maliban samahan
kapatid kong nahihirapan.
Tunay akong nagmamahal
kung aking pipiliing mahalin
ang iba kesa akin;
 hindi na daraing
kungdi sasarilinin
at aangkinin pati tiisin
mga iyak at hinaing
ng ginigiliw
 at kung maari ay pasanin
kanilang mga dalahin.
Sa kahuli-hulihan
batayan pa rin ng pagmamahal
ang masaktan --- kung hanggang saan,
hanggang kailan doon malalaman
yaring lalim at kadalisayan.
Larawan kuha ng mga may-akda, gayak ng altar ng parokya, Nob.1-2, 2020.

Pag-ibig: ang tanging sagutin at kaloob sa buhay natin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Setyembre, 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
Kay ganda ng paalala
ni San Pablo sa mga taga-Roma
na hanggang ngayon sa ating panahon 
gawin nating tuntunin:
"Huwag kayong magkaroon ng sagutin
kaninuman, liban sa saguting tayo'y mag-ibigan...
Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman,
kaya't ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan." 
(Roma 13:8, 10)
Ano nga ba ang sagutin natin sa bawat isa?
Hindi ba ano mang sagutin ay pagkaka-utang din?
Kung gayon, 
tayong lahat ay mayroong tungkulin
at sagutin na bayaran pagkakautang natin
na walang dili iba kungdi pag-ibig pa rin!
Sa lahat naman ng sagutin at bayarin
pag-ibig ang pinakamamahalin at mainam utangin;
hindi tulad ng salapi, pag-ibig ng Diyos ay hindi tinitingi
walang tinatangi, hindi na kailangan pang humingi
kahit ikaw ay mabaon at hindi makaahon
sagot palagi ng ating Panginoon!
Kaya si Hesus pumarito noon
upang tubusin sangla ng pagkakautang natin
sa pag-ibig ng Ama na tinalikuran at tinanggihan
ng mga unang magulang natin;
Sa Kanyang kabutihang-loob
sa atin ay ipinagkaloob buhay Niyang handog.
Pag-ibig ang siyang pumupuno sa atin
siya ring nagpapairal sa atin
dahil ang mabuhay ay umibig;
sino mang hindi umiibig ay patay
parang naglalakad na kalansay
hungkag at walang laman, puso at kalooban.
Kaya naman sumasama ating loob
kapag minamahal natin ay walang utang na loob
dahil pag-ibig ang tanging nasa ating loob;
kapag pag-ibig ay hindi sinuob
upang humalimuyak gaya ng insenso at bulaklak,
ito'y nakukulob, umaantong, sa kamatayan humahantong.
Katulad ang pag-ibig ng tubig sa ilog
mahirap masundan pinagmumulan at patutunguhan
ngunit iyon ang kagandahan at kainaman
habang tayo'y patuloy sa pag-ibig, dumadaloy, umaagos
hindi ito nasasaid dahil ang Diyos ay pag-ibig
at walang hanggan na Siyang ating hantungan at kaganapan.