Pakikiramay at paglalamay bilang pagpapala

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Bago pa man ako naging pari ay madalas ko nang naririnig ang tanong ng karamihan na bakit nga ba tayo nagkikita-kita lamang kung mayroong namamatay? Bakit nga ba hindi tayo magkita-kita ng madalas habang buhay pa upang ipahayag ating pagmamahal sa kaibigan o kamag-anak kesa yung sila ay patay na?

Bakas sa mga katanungang ito ang malungkot na katotohanan ng buhay lalo na sa mga nagkaka-edad tulad ko. Minsan naroon din ang panghihinayang at pagiging-guilty na kung bakit nga ba hindi tayo nagsasama-sama habang malakas at buhay pa mga yumaong mahal natin sa buhay?

Pero ang nakakatawa sa ganitong mga usapan ay ang katotohanan na pagkaraan ng ilang buwan o taon, magkikita-kita muli tayo pa ring magkakamag-anak at magkakaibigan sa susunod na lamayan nang hindi pa rin nagkasama-sama habang mga buhay pa!

Ano nangyari? Hindi na nga ba tayo natuto sa aral ng mga naunang yumao, na magsama-sama habang buhay at malakas?

Sa aking palagay ay hindi naman sa hindi na tayo natuto kungdi ang totoo, higit pa ring mainam ang magkita-kita sa lamayan kesa saan pa mang pagtitipon dahil sa ilang mas malalim na kadahilanan.

“Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako’y sumasa-Ama, kayo’y sumasaakin, at ako’y sumasainyo.”

Juan 14:19-20
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Una, sa ating pakikiramay buhay ang pinararangalan at hindi ang kamatayan. Nakikiramay tayo upang ipagdiwang mabuting pamumuhay at magandang pakikisama ng yumao. Wika nga sa amin sa Bulacan, ang lamay lang ang hindi ipinag-iimbita. Ito ang sukatan ng kabutihan ng isang tao na siya ay parangalan hanggang magkapuyatan. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na maging handa palagi dahil hindi natin alam ang oras ng ating pagpanaw. Alalaong-baga, mamuhay tayo sa kabutihan.

Isa sa mga paborito kong pelikula ay ang The Last Samurai ni Tom Cruise. Sa huling bahagi ng pelikula bago siya bumalik ng Amerika, namaalam siya sa batang emperador ng Hapon na nagsabi sa kanya, “Tell me how did my samurai die.” Sumagot si Tom Cruise, “I will not tell you how he died but I will tell you how he lived.”

Kaya nga sa lamayan hindi naman pinag-uusapan kung ano at paanong namatay kungdi paanong namuhay ang mahal nating pumanaw. Narito ang malaking kaibahan ng mga pagtitipon ng buhay gaya ng mga handaan at party na nauuwi lamang sa kainan, inuman, at tawanan o kantahan hanggang magkalasingan at di matunawan sa kabusugan. Minsan nauuwi pa sa away mga ito.

Ang ibig ko lang sabihin ay ito: sa patay mayroon ding kainan at inuman kung minsan pero iba ang lalim ng usapan at kuwentuhan. Lalong higit ng pagsasalo-salo – walang nagbabalot! – kasi iba ang level ng pagtitipon sa lamayan. Mayroong rubdob. Nahirapan lang ako sa isang bagay na sadyang makabago at hirap pa rin akong tanggapin. Ang pagpapakuha ng litrato sa mga lamayan. Mula pagkabata kasi aking nagisnan ay seryoso ang lamayan at dahil noon ay wala pang mga camera phone kaya asiwa ako na pumorma o mag-pose sabay ngiti kasama mga naulila sa tabi ng mga labi ng giliw na pumanaw. Maliban doon, ito ang unang kagandahan at biyaya ng pakikiramay at paglalamay – ito ay pagdiriwang ng buhay hindi ng kamatayan.

Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Ikalawang biyaya ng pakikiramay at paglalamay sa patay ay ang pagpapahayag ng patuloy nating pagmamahal at pagpapahalaga sa ating ugnayan hindi lamang sa pumanaw kungdi pati sa kanyang mga naulila. Hindi lamang tayo nakikibahagi sa kanilang dalamhati na siyang kahulugan ng pakikiramay o pagdamay, kungdi higit sa lahat ay ang ating pagtitiyak sa kanila na kahit wala na ang giliw nating pumanaw, nananatili pa rin tayong kamag-anak at kaibigan.

Pinakamasakit na bahagi ng pagmamahal ang paghihiwalay, pansamantala man o pang-magpakailanman tulad ng kamatayan. Isa itong katotohanang ating naranasang lahat dahil walang permanente sa buhay na ito. Darating at darating ang sandali na tayo ay mahihiwalay sa ating minamahal kapag ang mga anak ay nagsipag-kolehiyo o kapag sila ay nagsipag-asawa upang bumuo ng sariling pamilya. At ang pinaka-masakit sa lahat ng paghihiwalay, ang pagpanaw ng mahal sa buhay.

Gayon pa man, naroon sa kamatayan ang pinakamatinding hamon ng pagmamahal na ating ipinahahayag at ipinadarama sa pakikiramay. Alalaong-baga kapag tayo pumupunta sa lamayan, ating pinagtitibay sa kanilang naulila ang ating ugnayan, na tayo ay magkakamag-anak pa rin, magkakaibigan pa rin. Kahit mawala ang isang kamag-anak o pamilya at kaibigan, hindi mawawala ating ugnayan. Sama-sama pa rin tayo hanggang sa kabilang buhay kung saan magiging ganap at lubos ating mga ugnayan sa Diyos kay Kristo Jesus.

Kitang-kita ang ugnayang ito na hindi kayang putulin ng kamatayan sa paraan ng ating pagpapaalam. Walang nagsasabing “aalis na ako” o “lalayas na ako” maliban kung siya ay galit. Kapag tayo nagpapaalam saan man, ating sinasabi palagi ay “mauuna na po ako” gayong wala namang susunod sa ating pag-alis. Atin ding sinasabi bilang pamamaalam ang “tutuloy na po ako” e lumalabas nga ang isang nagpapaalam paanong tutuloy?!

Ang mga ito ay tanda ng pagtimo sa ating katauhan ng katotohanan ng kamatayan at buhay na walang hanggan. Sinasabi nating mauuna na ako dahil batid natin lahat ang katotohanan na una-una lang sa kamatayan. Gayon din ang pagsasabi ng tutuloy na ako tuwing nagpapaalam kasi isa lang ating hahantungang lahat, ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa kalangitan.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Kaya hindi rin kataka-taka minsan kung kailan pumanaw at nawala na ang isang mahal sa buhay saka lumalalim ating ugnayan. Iyan ang ikatlong biyaya ng pakikiramay at paglalamay, ang pananatili ng pag-ibig. Higit nating nadarama lalim ng ating pagmamahal kanino man kapag siya ay pumanaw na. Ito yung hiwaga ng aral ni Jesus sa bundok, “Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos” (Mt.5:4).

Mapapalad ang nahahapis dahil una, sila ay nagmamahal. Sabi ni San Agustin, kaya tayo umiiyak kapag namatay ang isang mahal sa buhay kasi tayo ay nagmamahal. Masakit ang mawalan at hindi na makita ang isang minamahal.

Higit sa lahat, mapapalad ang nahahapis dahil silay ay minahal. Iyon ang pinaka-masakit sa pagmamahal. Matapos maranasan ikaw ay mahalin, saka naman siya mawawala sa piling. Ngunit iyon din ang pagpapala. Kaya masakit mamamatayn kasi nga tayo ay minahal. Sabi ng isang makata, “kung ikaw ay mayroong pagmamahal, ikaw ay pinagpala; kung ikaw ay minahal, ikaw ay hinipo ng Diyos.” Tuwing tayo ay nakikiramay, naglalamay, ating ipinahahayag ating pagmamahal gayun din ang biyaya na tayo ay minahal ng pumanaw.

Tama si San Pablo na sa kahuli-hulihan, lahat ay maglalaho at tanging pag-ibig lang ang mananatili (1Cor. 13:13). Gayon din ang inawit ni Bb. Cookie Chua sa Paglisan.

Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig

Manatili sa pag-ibig ni Kristo! Amen. Salamuch po.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Ang nakababalisa

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 20 Marso 2023.
Paano nga ba
pananaligan
panghahawakan
katiyakan sa atin 
ni Jesus, 
"huwag kayong mabalisa"
sa dami ng sakbibi
nitong buhay
walang katapusan
di malaman hahantungan?
Ngunit kung susuriin
pagkabalisa natin
ay hindi naman 
mga bagay-bagay
sa labas kungdi yaong
nasa loob
mismong sarili
ang sumisinsay
upang manalig
at pumanatag.
Nababalisa
sa pagkakasakit
hindi dahil sa hirap
at sakit kungdi 
sa panahon at pagkakataong
winaldas, lahat natapon
walang naipon;
nababalisa
sa kamatayan 
hindi dahil sa di alam 
patutunguhan kungdi
malabo pinanggalingan
at pinagdaanan,
walang kinaibigan
ni hiningan ng kapatawaran;
nababalisa hindi sa mga nangyayari
kungdi sa mga pagkukunwari
kapalaluan di matalikuran
gayong sukol na
sa sariling kapahamakan.
Hangga't wasak
at di buo ating samahan 
at ugnayan
sa sarili, 
sa Diyos at 
sa kapwa
lagi tayong balisa
nanghihinayang at kulang
dahil sa kahuli-hulihan
sila ating kailangan;
iyan ang kahulugan
ng mga sumunod 
na salitang binitiwan
ni Jesus na sa kanya
tayo ay manalig
upang siya at ang Ama
sa atin ay manahan
ating sandigan
tunay maasahan
magpakailanman.

Hanap-buhay

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda noong 2017, ang tinuturing “gawaan” ni San Jose sa Nazareth sa ilalim ng isang kapilya sa kanyang ngalan ngayon.
O San Jose na aming
patron ng mga manggagawa
bagama't marami ang hindi
nakaka-unawa sa iyong
mga ginawa 
ng buong katahimikan
at katapatan
pangangalagaan
Panginoong Jesus 
Manunubos natin 
pati na Kanyang Ina,
ang Birheng Maria
upang matupad 
banal na layon ng Diyos
kaligtasan ng sangkatauhan;

Bagama't walang sinsasaad
mga Banal na Kasulatan
sa iyong katauhan
maliban sa iyong pagiging
matuwid na mula sa lahi
ni Haring David,
sa iyo San Jose
mababanaagan ang 
kabutihan at kadalisayan
ng kalooban nang si Jesus
ay kilalanin at ituring
"anak ng karpintero"
dahil marahil
kayo ay magkapareho
sa maraming aspekto.
Turuan kami
San Jose, aming pintakasi
higit sa mga gawain at
trabaho, aming hanapin 
diwa at kahulugan ng buhay;
lahat ng pagpapagal
ay isang pag-aalay
sa bawat obra
si Kristo ang taglay
sa Kanya lahat nakasalalay
dahil Siya ang buhay
kaya kami ay tulungan
gumawa ng kabutihan
sa gitna ng katahimikan
ng aming paghahanap-buhay!

Ang “isa pang Maria”

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Abril 2023
Larawan ng painting ni American painter Henry Osawa Tanner, “The Three Marys” (1910) mula sa biblicalarchaeology.org.
Magkakatulad 
ang mga ebanghelista 
sa paglalahad 
ng mga kababaihang naiwan,
sinamahan si Jesus sa Krus
hanggang sa kanyang kamatayan;
tatlo sa kanila ating nakikilala
na sina Maria na Ina ni Jesus,
Maria Magdalena at 
Maria asawa ni Clopas.

Subalit, sino 
iyong "isa pang Maria"
na binabanggit sa ebanghelyo
ni San Mateo na kasama
ni Maria Magdalena
"nakaupo sa tapat ng
libingan" ni Jesus (Mateo 27:61)
na hindi naman niya kinilala
nakatayo rin sa paanan
ng Krus?

Kataka-taka sino nga ba
itong kasama ni Maria Magdalena
"Makaraan ang Araw ng Pamamahinga,
pagbubukang-liwayway 
ng unang araw ng sanlinggo, 
pumunta sa libingan ni Jesus 
si Maria Magdalena
at isa pang Maria" (Mateo 28:1)
na unang pinagpakitaan
ng Panginoong muling nabuhay?
Hindi na natin malalaman
tunay niyang pangalan
maliban sa "isa pang Maria"
na hindi kasing tanyag
 ni Magdalena,
 ni walang nakakakilala
ni pumapansin
bagama't matitiyak natin
hindi siya mahuhuli
 pagbibigay ng kanyang sarili
bilang tapat na alagad
ng ating Panginoon din!
Bawat isa sa atin
katulad ni Maria Magdalena,
dapat ipagpasalamat
 kasama at kaibigan
maituturing din na
  "isa pang Maria" - 
tahimik at walang kibo
subalit buo ang loob
tayong sinasamahan
saanmang kadiliman
basta patungo kay Kristo
na kapwa nating sinusundan!
Larawan ng painting ni French painter James Tissot ng “The Two Marys Watch the Tomb” (1894) mula sa paintingmania.com.

Ang bagong damit ni Kristo

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Abril 2023
Larawan mula sa freebibleimages.org.
Batay sa kuwento
noong pasko ng pagkabuhay
ni Kristo,
patakbong tumungo 
sa kanyang libingan
sina Pedro at Juan,
ang alagad na minamahal;
wala nga doon si Kristo
mga tanging naiwan at natagpuan
ay ang kayong lino na pinambalot
sa kanyang katawan at ang
panyong ibinalot sa ulo
na parehong nakatiklop
at magkahiwalay.
Larawan mula sa freebibleimages.org.
Kung saan nanggaling
mga bagong damit
ni Kristong muling nabuhay
sa atin ay walang isinasaysay
ngunit kung tayo ay magninilay
napakagandang aral sa atin ang binibigay
ng mga naiwang kayong lino:
ngayong Pasko ng Pagkabuhay,
iwanan na natin mga lumang damit
ng pag-uugali
sa atin ay bumabalot
tulad ng pag-iimbot
at mga makasariling paghahangad;
huwag nang itiklop bagkus
hubarin at iwanan
masasakit na karanasan
upang lubusang malasap
tuwa at galak ni Kristong muling
nabuhay; atin na ring hubarin
mga damit ng pagluluksa sa
masasama at di magandang
nakaraan bagkus isuot
malinis at bagong pagkatao
na hinugasan sa dugo ni Kristo
noong Biyernes Santo.
Hindi natin maisusuot
bago nating katauhan kay Kristo
bilang kanyang mga naligtas
at napatawad
hangga't hindi natin
hinuhubad
dati nating pagkatao
sa kasalanan at
kasamaan;
sa isang liham ni San Pablo
ating mapananaligan
mga aral niya tungkol sa
dapat nating kasuotan:
ang pagiging mahabagin,
maganda ang kalooban,
mapagpakumbaba,
mabait at matiisin.
Higit sa lahat,
maibigin.
Iyan ang bagong damit
natin kay Kristo
at huwag natin
hayaang malukot
at marumihan
ng kasalanan!
Mula sa Google.

Walang-hiya at walang kahihiyan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-31 ng Marso, 2023
Larawan kuha ng may-akda, Enero 2021.
Doon sa matandang simbahan ng Parokya 
ni San Ildefonso sa bayan ng Tanay, Rizal
makikita kakaibang pagsasalarawan
ng Ikapitong Estasyon ng Krus ng
madapa si Hesus sa ikalawang pagkakataon:
naroon mga sundalong Romano
ngunit mukhang Pilipino
 kayumanggi ang kutis
pati mga hugis ay malapad
at malalaki mga mata;
sa halip na espada,
bolo kanilang dala,
walang trumpeta
kungdi tambuli
ang hinihipan ng isa.
Ngunit ang kakaiba sa lahat
ang isa sa mga naroon
suot ay antipara na may kulay
tila rakista, parang RayBan
kung titingnan;
walang makapagpaliwanag
sino ang misteryosong ginoo
maliban sa turing ng karamihan
iyon daw si Caiphas
ang punong pari noon
na namuno upang ipapako sa Krus
si Hesus;
bakit siya may salamin,
walang makapagsabi
ngunit sa atin may malalim na bilin.
Huwag ninyong masamain
bagkus ay pagtantuin at namnamin
sinasabi sa atin ng ukit kahit mahigit
tatlong daang taon na nang gawin
malaking kaibahan ng walang-hiyang tao
sa taong walang kahihiyan;
sa Pasyon ng Mahal na Poon
maging sa ating makabagong panahon
mga taong masasama tinatawag
na walang-hiya, hindi nahihiya
sa pagpapakasama;
ngunit mas masama kaysa kanila
mga taong walang kahihiyan,
kanilang kasamaan di alintana
sa pag-aakala sila ang palaging tama!
Ngayong Viernes Dolores
papasok na tayo sa Semana Santa
suriin ating mga mata
baka antiparang suot 
ay malabo na o baka katulad 
ng kay Caiphas doon sa Tanay
madilim ang kulay 
si Hesus nadapa ay hindi matanaw
ni sulyapan ay ayaw;
masahol pa sa walang-hiya
na likas ang kasamaan
dahil ang taong walang
kahihiyan ipangangalandakan
akala niyang kabutihan
sagad na kasamaan!
Sabi ng matatanda,
mahiya lang ay tao na
nguni't papaano
kung hindi na tablan
ng ano mang kahihiyan
 pakiramdam nasa kabutihan?
Ito ating tandaan
hangga't mayroong
kahihiyahan ang sino man
hindi malayo
siya ay nasa kabutihan
dahil walang nasa katinuan
ang ipagmamalaki ang kasamaan
na maging mga walang-hiya
ikinahihiya man!
Larawan kuha ng may-akda, Enero 2021.

Unang atas na gawain

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Marso 2023
Larawan kuha ng may akda, 20 Marso 2023, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC.
Ang unang atas nating gawain
bilang mga alagad ni Kristong Panginoon natin
ay katulad din ng gampaning hinabilin 
kay San Jose na butihin:
pangalanang "Jesus" isisilang ng Birhen
kahuluga'y ang Diyos Tagapagligtas natin!
O butihing San Jose
tulungan mo kami mapalalim
katauhan at kabanalan namin
upang nahihimbing man o gising 
Banal na Kalooban ng Diyos 
manaig palagi sa amin
gaya nang iyong sundin 
mga habilin ng anghel
sa loob ng iyong panaginip:
tuluyang pakasalan si Maria
at ibigay ang pangalang Jesus
sa Sanggol niyang isisilang
na ang kahuluga'y
ang Diyos ang Tagapagligtas natin.
 Ito ang ipinahayag ni Jesus
nang ipako sa Krus:
Diyos ating Tagapagligtas 
hindi kaagaw sa kapangyarihan 
na akala ng karamihan;
pinipigilan tayo sa kasalanan
upang di tayo masaktan 
para sa ating sariling kapakanan;
doon sa Krus pinatunayan
Diyos ating Tagapagligtas
sariling buhay inalay ni Jesus
upang huwag tayong mawalan
bagkus magkaroon ng
buhay na walang hanggan.
Atin gampanan unang atas
na ipakilala ang Diyos Tagapagligtas,
tularan katahimikan at katapatan ni San Jose
na kailanma'y hindi iniwan bagkus iningatan si Jesus
kaya sa kanyang pagpanaw nang di na magising,
katabi at kapiling Diyos Tagapagligtas natin!
Larawan kuha ng may akda, 20 Marso 2023, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC.

Ang ating banga, ang panalok ni Hesus, at ang balon ng Diyos

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Marso 2023
Larawan kuha ng may-akda, Ikatlong Linggo ng Kuwaresma 2019.
Ang kuwento noong Linggo
ng babaeng Samaritana
at ni Hesus sa balon ni Jacob
ay larawan ng buhay natin
na hitik sa mga palatandaan
napakayaman sa kahulugan.
Tayo ang Samaritana
umiigib sa tuwina
banga ay dala-dala
upang sumalok ng tubig
na papawi sa maraming
nilulunggati nauuwi
sa pagiging sawi;
palaging ubos,
hindi sumapat
upang maampat
pagbuhos at pagtapon
ng inigib na tubig
upang matighaw
maraming pagka-uhaw;
palibhasa laman nitong
ating banga ay mga kasalanan
kaya sa katanghaliang-tapat
tayo ma'y sumasalok
gaya ng Samaritana
upang ikubli
sa mga mata ng iba
ating pagkakasala.
O kay ganda marahil
katulad ng Samaritana
matagpuan sa katanghaliang
tapat itong si Hesus
pagod at naghihintay
sa ating pagdating
upang tayo ang kanyang
painumin ng mga salitang
nagbibigay buhay
at tunay na tumitighaw
sa lahat ng ating pagka-uhaw;
panalok ng Panginoon
ay sariling buhay
sa atin ay ibinigay
doon sa Krus nang
kanyang ipahayag
siya man ay nauuhaw,
isang magnanakaw
kasama niyang nakabayubay
doon din sa krus
sa kanya ay nakiinom
sa Paraiso humantong!
Itong balon ni Jacob
paalala ng matandang tipan 
binigyang kaganapan ni Hesus 
nang ipako siya sa krus
noon ding katanghaliang tapat
ng Biyernes Santo;
sa kanyang pagkabayubay 
at pagkamatay sa krus
siya ang naging balon
at panalok ng tubig
na nagbibigay-buhay
dito na sa ating puso at
kalooban bumabalong;
kung sa bawat pagkakataon
tayo ay tutugon
sa kanya doon sa balon,
atin ding mararanasan
at malalaman na sadyang higit
at di malirip ang tubig niyang bigay 
sinalok ng sariling buhay
upang tayo ay makapamuhay 
ng walang hanggan!  Amen.

Dalawang anyo ng pag-aayuno

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Marso 2023
Larawan kuha ng may-akda sa ilang ng Jordan, Mayo 2019.
Apatnapung araw 
nag-ayuno si Kristo
tinukso ng diyablo sa ilang:
“Kung ikaw ang Anak ng Diyos,
Gawin mong tinapay itong bato.”
Bagaman kanyang tiyan
ay walang laman,
hindi nalito si Kristo 
sa tukso ng diyablo
naging matibay 
tulad ng bato
na buhay ng tao 
di nakasalalay
sa tinapay 
kungdi sa
Salita ng Diyos 
na tunay 
nating buhay at gabay.
Dapat nating pakatandaan
na hindi sapat
at lalong di dapat
mapuno tayong lagi 
at mabusog 
ng mga bagay ng mundo
dahil sa maraming pagkakataon 
tayo ay nababaon sa
balon ng pagkagumon
kung laging mayroon tayo;
sa pag-aayuno 
tayo napapanuto
tumitibay ating pagkatao
tuwing nasasaid 
ating kalooban
nawawalang ng laman
nagkakapuwang sa Diyos
na tangi nating yaman!
Nguni't mayroon pang isang anyo
itong pag-aayuno
higit pang matindi
sa pagkagutom
na madaling tiisin
kesa pagka-uhaw
na nanunuot
sa kaibuturan
ng ating katawan
hindi maaring ipagpaliban
gagawa at gagawa
ng paraan
upang matighaw
panunuyo ng labi
at lalamunan
madampian
kahit tilamsikan
ng konting kaginhawahan!
Maraming uri ating
pagka-uhaw:
pagka-uhaw ng laman
at sa laman
nahahayag
sa kayamanan,
kapangyarihan,
at katanyagan
na pawang mga anyo lamang
ng iisa nating pagka-uhaw
sa Diyos at Kanyang pag-ibig
sana sa atin may pumansin
at kung maari
tayo ay kalingain,
intindihin,
at patawarin,
mga lihim nating mithiin,
inaasam, hinihiling.
 
Kay sarap namnamin
paanong si Hesus
ating Diyos at Panginoon
nag-ayuno upang
magutom at
mauhaw din
tulad natin
upang ipadama
pag-ibig Niya
sa atin; Siya lamang
ang pagkaing bubusog
sa atin
at inuming titighaw
sa pagka-uhaw natin
kaya pagsikapang
Siya ay tanggapin
at panatilihim sa 
kalooban natin!
Larawan mula sa reddit.com.

Kuwaresma

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-08 ng Marso 2023
Larawan kuha ni G. John Ryan Jacob sa Paco, Obando noong 02 Enero 2023.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng paghahanda
sa Pasko ng Pagkabuhay,
isang paglalakbay
gabay mga salita ng Diyos
sa atin ay bumubuhay
higit pa sa tinapay.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng pagtitiis
marami ang naiinis, naiinip
dahil sa kinagisnang buhay
na mabilis at madali
budhi ay di mapanatili
pati sarili hindi maibahagi.
KUWARESMA.
Apatnapung araw ng pananalangin
sa atin ay hiling
upang makapiling, maranasan
Diyos na mahabagin
namnamin at lasapin
pag-ibig Niyang ibinubuhos sa atin.
Sa panahon ng Kuwaresma
iwasang magkuwenta
at magbilang ng mga sakripisyo
dahil lingid sa ating kaalaman
higit ang biyaya at pagpapala
kapag tayo ay nagpaparaya;
marami ang may maling akala
sila ay nawawalan, nababawasan
kapag naglilimos o nag-aayuno
gayong ang totoo,
doon tayo napupuno
ng Espiritu Santo;
kung tutuusin
itong buhay natin ay araw-araw
na Kuwaresma kung saan
ating pananaw ay namumulat
na ang pinakamahalaga sa buhay
ay hindi kung ano ating taglay
kungdi yaong ating inaalay
at ibinibigay!