Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Nobyembre 2025

Hindi ko po napanood ang pelikulang iyan noong 1982 pero usap-usapan dahil daw sa sobrang ganda lalo ng aming mga mommy at tita na libang na libang sa Betamax. First year college ako noon at sa sobrang sikat ng pelikulang iyan, isang drayber ang nagpinta sa jeepney niyang nasasakyan ko patungong Recto ng signage na “gaano kadulas ang minsan?”
Pero iba po ang kuwento ko sa inyo. Hindi pelikula o pakuwela kungdi sa Bibliya.
Naalala ko ang pelikulang iyan dahil sa Unang Pagbasa sa Misa ngayong araw ng Martes mula sa ikalawang aklat ng Macabeo kung saan ang isang nobenta anyos na Hudyo, si Eleazar ay hinimok ng kanyang mga kaibigan na kunwari ay kumain ng baboy upang hindi siya patayin ng mga paganong mananakop.
Mas gusto ko ang salin sa Ingles nang sabihin ni Eleazar sa kanyang mga kababayan na patayin na lang siya ngayon din kesa magkunwari pa. Aniya ano ang mabuting halimbawa ang maiiwan niya sa mga kabataan kung sa kanyang katandaan ay magtataksil siya sa Diyos sa pagkain ng ipinagbabawal.
“At our age it would be unbecoming to make such a pretense… should I thus pretend for the sake of a brief moment of life, they would be led astray by me, while I would bring shame and dishonor on my old age” (2 Maccabees 6:24, 25).
Ito yung nagustuhan kong sinabi ni Eleazar, should I thus pretend for the sake of a brief moment of life?”

Iyon yung matindi sa sinabi niya, pretend for the sake of a brief moment of life.
Magkukunwari o magsisinungaling ba ako maski minsan sandali sa buhay ko?
Hindi ba kadalasan iyan ang palusot natin mula pa noong panahon nina Eba at Adan marahil? Minsan lang naman titikim… minsan lang naman gagawin… minsan lang naman nagkamali o nagkasala.
Totoo naman minsan-minsan ay sablay ating mga desisyon at nasasabi. Hindi rin maiwasan minsan minsan ang pagkakasala at pagkakamali. Pero, iyon nga ang punto ni Eleazar marahil upang ating pagnilayan, gaano kadalas ang minsan?
Yung minsan-minsan na iyan ang nakakatakot dahil madalas ang minsan katumbas ay wala ng wakas. Minsan ka lang magkamali o magkasala o magkunwari, maaring ikawasak o gumuho at maglaho lahat ng ating mga plano at pangarap na ilang taong pinagpagalan at pinagpagurang mabuti. Kadalasan, marami sa ating mga sablay sa buhay ay dahil lang sa binale-walang minsan.
Mapapatawad tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan pati ng ating mga kapwa tao subalit, yung minsang pagkakamali o pagkakasala ay hindi na maibabalik ang dating kaayusan. Madalas yang minsang pagkakamali o pagkakasala ay mayroong tinatawag kong “irreversible consequences”.

Kapag ikaw ay nakapatay o maski nga lang masangkot sa krimen ng murder, siguradong maiiba ang takbo ng iyong buhay. Tiyak iyon, kahit na ika’y matapagtago at hindi makulong dahil habang buhay kang uusigin ng iyong konsiyensiya. Iyang minsan lang na pagkakamali dala ng init ng ulo o kalasingan ay hindi na mababago ng gaano mang kataimtim na pagsisisi dahil hindi na maibabalik ang buhay na nawala.
Ikalawang halimbawa na palagi kong sinasabi sa mga kabataan noon pa man na mayroong irreversible consequences ay ang mabuntis ng wala sa panahon. Patatawarin kayo ng Diyos maging ng inyong mga magulang ngunit kapwa ang babae at lalake maiiba na takbo ng buhay pagkatapos ng minsang pangyayari. Mapanagutan man o hindi.

Ikatlong halimbawa naisip ko ngayon lang ay ang maling pagboto sa bawat halalan.
Isang lingkod ng simbahan ang nagtanong sa akin na pagtitiisan na lang daw ba natin ang kasalukuyang pangulo gayong sinabi na ng kapatid nitong siya ay adik?
Bagamat batid kong siya ay DDS, pinagsikapan ko pa ring pagpaliwanagan. Sabi ko sa kanya, sila lang ang magtitiis, hindi kami kasi sila lang ang bumoto sa tambalang BBM at Sara noon.
Hindi sila nakinig sa sinasabi at paliwanag nating iba ang kandidato sa pagkapangulo at bise nito.
Ganyan kako ang demokrasya, parang pag-aasawa: hindi ka nakinig sa paliwanag ng iba, tapos nagkamali ka sa iyong pinili – aba, pagtiiisan mo. Minsan ka lang nga gumawa ng desisyon ngunit hindi mo sinuring mabuti ni pinagdasalan, pagdusahan mo. Ganun talaga. Kaya hindi uubra ang pagpapababa sa kasalukuyang pangulo na katulad ng sinasabi ng ilan na magdiborsiyo ang mag-asawa dahil minsan lang nagkamali.
Huwag tayong palilinlang sa minsan. May kasabihan sa Ingles na the devil is in the details: nasa mumunting bagay o detalye ang demonyo na mismong uri ng ating minsan na madalas ituring lang naman.
Pag-aralang mabuti mga bagay-bagay lahat na may kinalaman sa pagpapasya na makaka-apekto sa takbo ng buhay natin. Hindi maaring sabihin minsan lang dahil kung madalas ang minsan-minsan, bisyo na iyan!
Pagnilayan po natin yung minsan… gaano kadalas yung ating minsan na sa atin ay nagpahamak? Salamuch kaibigan. God bless!


































