Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Mayo 2023

Kailan ko lamang napag-ukulan ng pansin – at pagninilay – itong isang bagay ukol sa mga tinagurian nating “special child”, yaong mga isinilang na mayroong iba’t-ibang kapansanan sa pangangatawan, pag-iisip at pandamdam (emotional).
Mabuti nga sa panahong ito ay “special” na ang tawag sa kanila kesa noong dating panahon namin na wala pang mga “sped” o special education. At least, hindi pa laganap lalo sa mga lalawigan. Noon basta hindi normal ika nga ang isang tao lalo na mga bata na ipinanganak na mayroong kapansanan na tinatawag na Down Syndrome, “mongoloid” ang tawag. Kaya naman ako noon sa mura kong isipan at katangahan, hindi ko mawari bakit siya kumain ng lapis o pencil na noo’y Mongol ang tatak?! Sorry po pero yun talaga naisip ko noong elementary ako lalo na nang biniro ng guro namin isang kaklase na palaging kagat-kagat ang lapis niya na magiging mongoloid siya sa ginagawa niya! Siyempre, ako man noo’y palaging kinakagat ang lapis at marahil kaya ako kung minsan ay parang special din.
Pero wala pong biro at mabalik tayo sa ating paksa, pansin ko lang sa pamilya ng mga kapatid nating mayroong mga naturang kapansanan na madalas at mabilis nila kaagad sinasabi na ang kanilang anak o kapatid ay “special”. Minsan mararamdaman mo rin kanilang lungkot marahil hindi sa ano pa man kungdi ang pag-aalala paano magiging buhay ng kanilang special child lalo na sa pagtanda nila.
Noong ako ay batang pari pa sa isang barrio na aking minimisahan ay mayroong special child na palaging nagsisimba. Masayang-masaya ang batang iyon sa pagsisimba at halos sumigaw sa pagsagot at pag-awit sa Misa. Napansin ko tumatahimik siya at masugid niyang tinitingnan ang lahat ng nangungumunyon.
Kinausap ko ang bata na siguro ay labing-limang taong gulang na noon. “Ibig mo ba na magkomunyon? Alam mo ba ko kung ano yun tinatanggap?” Sabi niya sa akin ay si Jesus daw iyong nasa Banal na Ostiya. Kaya kinausap ko kanyang magulang na di makapaniwalang pwede iyon. Inihanda ko ang special child at makaraan ang ilang linggo, siya ay binigyan namin ng “first communion”. Tuwang-tuwa ang bata at kanyang mga magulang. Hanggang ngayon siya ay masayang nagsisimba sa kanilang bisita.
Dati naman sa pinanggalingan kong parokya ay ipinahanap ko sa mga katekista ang lahat ng mga bata na sampung taong gulang pataas na hindi pa nakukumpilan. Isang teenager na special child ang kanilang natagpuan sa aming depressed area. Pinuntahan namin upang kausapain at himukin ang mga magulang ng special child na siya ay pakumpilan yamang libre naman. Nagulat ang ama na puwede daw palang kumpilan kanyang anak at noon siya ay naiyak nang ikuwento sa akin na kaya dalawa lang kanilang anak. Natakot daw siyang special muli ang ikatlong anak nila.

Bakit nga ba tinatawag na special child mga batang isinilang na mayroong iba’t-ibang kapansanan at pangangailangan? Hindi ba kapag special dapat ay mahusay at magaling. Halos perfect, hindi ba?
Special child ang tawag sa kanila kasi sila ay espesyal sa Diyos. At higit na espesyal sa lahat ang kanilang mga magulang at kapatid na pinili ng Diyos upang ipagkatiwala sa kanila ang Kanyang mga special children. Sila lang marahil sa dami ng iba pang ama at ina at mga kapatid ang may higit na pagmamahal at malasakit upang arugain at palakihin ang special child ng Diyos.
Noong magbuntis ang kapatid ko sa kanyang ikatlong anak, siya ay nakunan. Malungkot na malungkot ang kapatid ko noon dahil hirap siya sa pagbubuntis. Ipinaliwanag sa akin ng kanyang doctora na kapag daw ang sanggol sa sinapupunan ng ina ay na-detect na magkakaroon ng kapansanan o sakit, mayroon daw mekanismo mismo yung baby na mag automatic shut off para di na siya lumaki at mabuhay pa. Kaya nakukunan ng baby.
Samakatwid, natural sa plano ng Diyos na lahat ng isisilang ay buo at walang kapansanan ngunit kung sakaling mayroong makalusot at mabuhay hanggang mailuwal ng kanyang ina bilang special child, ito ay kalooban ng Diyos. Siya ay biyaya ng Diyos. Regalo ng Diyos. Kaya sinasabi ng iba “suwerte” daw ang special child. Malaking biyaya ng Diyos ang bawat buhay, lalo na kung mayroong kapansanan dahil sila ay pinahintulutan niyang isilang at mabuhay para sa isang misyon para sa ating lahat. At ito iyon: espesyal bawat isa sa atin sa Diyos.
Noong isang linggo ay nagmisa ako sa pumanaw na kapatid na special child ng isang ka-opisina. Natapat noong araw na iyon ang ebanghelyo ay napakaganda sa wikang Inggles na ganito ang sinasabi:
Lifting up his eyes to heaven, Jesus prayed, saying: “Father, they are your gift to me. I wish that where I am they also may be with me, that they may see my glory that you gave me, because you loved me before the foundation of the world.”
John 17:24
Kay sarap namnamin mga salita ni Jesus, “Father, they are your gift to me.” Sa Tagalog ay hindi ganoon ang pagkakasalin at hindi binanggit ang kataga na regalo o gift. Ito yung tagpo ng kanyang pananalangin para sa kanyang mga alagad matapos ang kanilang Huling Hapunan bago siya dakpin noong Huwebes Santo.
Sino ba tayo para ituring ni Jesus na regalo o gift sa kanya ng Ama?
Sa kabila ng ating maraming kapintasan, kakulangan at kasalanan, iyan ang katotohanan: regalo tayo ng Diyos Ama di lamang sa isa’t-isa kungdi maging sa Anak niyang si Jesus.
Tayong lahat ay regalo ng Diyos. Napakahalaga, lalo na yaong mga mayroong kapansanan at iba’t ibang kahinaan sa pangangatawan at buhay.
Sa bawat special child ay mayroong extra-special na ina at ama at mga kapatid. Kaya kung ibig mo ring maging extra-special sa Diyos, kaibiganin, tulungan, at pahalagahan mga special children at kanilang pamilya. Amen.
