Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Setyembre 2020Halaw sa mga pagbasa mula sa 1 Corinto 3:1-9 at Lukas 4:38-44Miyerkules sa Ikadalawampu't-Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Larawan kuha ng may-akda, Pulilan, Bulacan, Pebrero 2020.
Panginoong Hesus,
tulungan mo kaming makalaya
sa aming sakit ng pagkakanya-kanya
liwanagan aming mga puso at kalooban
upang iwanan mga hinahangaan naming sinusundan
na nagiging sanhi ng mga kampi-kampihan at labanan
mula sa tahanan hanggang paaralan,
sa pamayanan at maging sa simbahan
lalong-lalo na sa larangan ng pulitika.
Buksan mo ang aming mga isipan at kalooban,
punuin ng Iyong Espiritu Santo ng katotohanan
na kaming lahat ay pawang Iyong mga manggagawa
sa iisang bukirin na tanging Ikaw lamang
ang nagpapatubo at nagpapalago
sa pananampalataya at mabubuting gawaing
aming inihahasik at dinidiligan (1Cor.3:8-9).
Higit sa lahat,
amin sanang mapagtanto
sa tuwing kami ay mayroong iniidolo
maliban sa Iyo, Panginoong Jesu-Kristo,
lalo kaming nagiging palalo
tulad ng kuwento sa Ebanghelyo:
ayaw kang paalisin ng mga tao sa kanilang lugar
hindi lamang sa sila'y bilib na bilib sa Iyong kapangyarihan
kungdi dahil higit silang makikinabang
sa Iyong kapanatilihan.
Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog IIPaggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan Bautista, Ika-29 ng Agosto 2020
Ama naming mahabagin,
ngayong ginugunita namin
pagpapakasakit ni San Juan Bautista,
Inyo sanang dinggin aming panalangin
para sa maraming kapatid namin na ginigipit, iniipit;
ang iba sa kanila ay nakapiit
marami ang lugmok sa pait at sakit na sinapit
mula sa mga makabagong Herodes at Herodias
na prinsipyo at pagkatao, ipinagpalit sa ginto.
Inyong patatagin paninindigan sa katotohanan
katulad ni San Juan Bautista
upang ipagpatuloy pakikipaglaban
nasaid man ang kabuhayan
at tanging pinanghahawakan
dangal ng katauhan.
Ikaw lamang Panginoon
ang nakaaalam ng higit na mainam
kami ay Iyong turuan at tulungan
katulad ni San Juan loob mo ay masundan
kami ma'y maging palatandaan
ng Iyong kapanatilihan sa gitna ng mga
pag-uusig at kahirapan.
Amen.
*Mga larawan sa itaas: una ang painting ni Caravaggio ng pagpupugot sa ulo ni Juan Bautista mula sa wikimedia.org; biktima ng tokhang mula sa Philippine Daily Inquirer; umiiyak na empleyado ng ABS-CBN mula sa Reuters.org; at mga locally stranded individuals sa ilalim ng flyover malapit sa NAIA kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Agosto 2020
Larawan nina Sta. Monica at San Agustin mula sa Google.
O Santa Monica,
matimtimang ina ni San Agustin
tulungan mong makarating aming dalangin
sa Diyos Ama nating mahabagin
na Kanya sanang pagpalain, ibigay mga hiling
ng lahat ng ina sa Kanya dumaraing
sa araw-araw na mga pasanin at gawain;
pagaanin kanilang mga tiisin
pahirin ang mga luha sa kanilang mga mata
ibalik ang sigla at tuwa sa kanilang mga mukha
samahan sa kanilang pangungulila
lalo na mga biyuda at nawalan ng anak;
higit sa lahat, Santa Monica
iyong ipanalangin mga ina na katulad mo
mapagbago asawa at anak na barumbado
tularan iyong pananampalataya at pag-asa
kay Kristo Hesus na nagkaloob sa atin
ng Kanyang Ina si Maria
upang ating maging Ina
na siyang iyong ginaya
at tinularan hanggang kamatayan.
Amen.
Larawan ng painting ni Titian ng “Assumption of the Virgin” (1518) mula sa wikidata.org.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, takipsilim sa aming parokya, 13 Agosto 2020.
Maraming salamat po,
O Panginoon,
sa lumipas na maghapon;
nawa bukas sa aking pagbangon
Dakilang Ngalan Mo
ang unang mamutawi sa aking mga labi,
ngiti at galak sa aking puso
maibahagi upang iyong pagkandili
lalo sa mga namimighati
nawa ay mapawi.
Amen.
*Mga larawan kuha ng may-akda, takipsilim sa loob ng aming parokya, 24 Agosto 2020.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Agosto 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Pulilan, Bulacan, Enero 2020.
Ang sabi nila
buhay ay parang isang pelikula
tayong lahat ang bida at artista;
kaya lalo nang malaking pelikula
at tiyak patok sa takilya
pelikula ng ating republika!
Siyempre, lahat ay pabida
gusto umeksena
hindi lang sa Palasyo at Kongreso
pati na rin sa mga paseo basta matao.
Ang nakakatawa pero bumebenta
lalo na sa mga tanga
mga artista nagpipilit sa pulitika
mga pulitiko umaarte, nagpapabebe!
Dating pelikula ng ating republika
makasaysayan at makahulugan
maituturing na isang sining
nababanaagan maningning na liwanag
katulad din ng pinilakang tabing
kapupulutan ng mga ginintuang aral
mga talastasan at eksena
mula sa mga aninong gumagalaw;
nang magdeklara ng Martial Law
nagsimula rin ang kasalaulaan
ng pamahalaan maging sa sinehan
kung saan mga hubad na katawan
pinagpipistahan, kunwari'y film festival
ang totoo ay karnabal.
Nagwakas din at nagsara ang tabing
ng malagim na yugto ng kasaysayan natin
bagong simula ang dokyu ng EDSA
kinalaunan naging trahedya
pelikula ng republika, naging telenovela at komedya
nang maupo tunay na artista ng masa,
nagreyna sa media at chika
puro artista, kaya dumagsa na rin sila
naging zarzuela pelikula ng ating republika
naglabo-labo at moro-moro, gumulo nang gumulo
kaya heto tayo horror na nakakatakot
nakapangingilabot kadiliman
at kasamaang bumabalot parang bangungot
hugot sa isang eksena ng pelikula na sana'y matapos na.
Ngunit kung titingnan
mga pelikulang horror walang laman
puro kabobohan at katangahan
dinaraan lang sa gulatan
hanggang maging katatawanan.
Hindi ba't ganyang-ganyan
ating lipunan at pamahalaan
isang malaking pelikulang katatakutan
na puro kabalastugan at kahangalan?
Kaya aking payong kaibigan,
sa susunod na halalan
tanggihan, huwag nang pagbigyan
mga artista sa pulitika,
mga pulitiko na payaso!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
Ngayong panahon ng COVID-19
sumagi sa akin mga turo ng dalawang pari
na napakalapit at mabuti sa akin:
Una ay si Padre Nanding
malimit sabihin sa akin
"Pinakamasarap makasama
tao na mayroong panlasa";
"iyong iba," aniya,
"pakanin mo ng buong baka,
hindi pa rin masaya!"
Ikalawang paring butihin
ay si Padre Johann
madalas ako paalalahanan
"Biyaya ng Diyos ang ganang kumain
dahil ibig sabihin
wala kang sakit na dapat intindihin
di tulad ng ibang hindi makakain."
Nakatutuwang isipin at malayin
kung paanong noong panahon natin
mga mumunting butil ng pagkain
pinahahalagahan upang huwag sayangin;
ngayon naman ating alalahanin
itong ating panlasa at ganang kumain
mga biyayang hindi napapansin;
magdildil ka man ng asin o
maalat man o maasim ulam na inihain
huwag nang punahin o laitin
sapagkat iyong nalalasap pa rin
ang pagkain at walang COVID-19!
Sa hapag ng pagkain
mga samahan at ugnayan natin
nabubuo, tumatatag at tumitibay
kaya sa ating buhay
masarap kasabay
sa paglalakbay
mayroong panlasa
at maganang kumain,
basta huwag lang sasairin
at uubusin ang sinaing
baka iba hindi na makakain
dahil ikaw pala ay sakim!
Ito naman ang habilin na galing sa akin:
basta nakaka-amoy ng masarap na lutuin
maski hindi sa iyo ang pagkain
matuwa ka na rin, wala ka pang COVID-19;
gayun din naman,
iyo nang kalimutan hindi man kagandahan
ilong na ngayon ay natatakpan
makaamoy man ng alimuong
makalanghap man ng masansang
at masamang hangin ay mabuti pa rin:
nakakahinga ka ng malalim
wala kang COVID-19!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Agosto 2020
Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, 2018.
Minsa'y lumapit kay Hesus
kabataan na ibig malaman
tunay na kabutihan
upang maranasan
kaganapang inaasam;
kulang aniya sa kanya
pagtalima sa mga utos
at tuntunin ng Diyos
kaya sinundan niya
ng isa pang tanong ang Panginoon:
"Ano pa po ang kulang
upang aking makamtan
buhay na walang hanggan?"
ngunit nang mapakinggan
anyayang talikuran mga ari-arian,
dagli siyang lumisan na luhaan
si Hesus ay iniwanan,
kayamanan hindi niya kayang talikuran..
Marahil iyo ring naranasan
maging katulad niyong kabataan
na maguluhan at mag-asam
sa kabila ng marami nang nakamtam
bakit parang kulang pa rin
itong buhay natin
walang kahulugan at kaganapan
hindi na tayo masiyahan
sa dating kinagawian;
anong laking kabalintunaan
sa tuwing nagtatanong
sa gitna ng katahimikan
itong ating kalooban
"Ano pa nga ba ang sa akin ay kulang?"
samantalang ating katayuan
sapat lamang sa pangangailangan
hindi nagkukulang maging sa
mga kaibigan at gawang kabutihan.
Pagmasdan bugtong at palaisipan
nitong ating buhay at kapalaran
kailanman hindi kayang tapatan
ng ano mang kayamanan o katanyagan
maging ng sino pa mang nilalang
sapagkat itong ating kalooban
sadyang nilikha upang panahanan
ng Panginoong Diyos na ating pinagmulan
at siyang ring hahantungan;
tuwing sumasagi itong katanungan
"Ano pa nga ba ang sa akin ay kulang?"
iyan ay tiyak na palatandaan
na tayo ay nasosobrahan
kailangan nang mabawasan
at mawalan
upang mapunan
tangi ng Diyos lamang
na Siya nating kapanatagan at kapayapaan.
Larawan kuha ng may-akda, Lawa ng Galilea (Tiberias) sa Israel, Mayo 2017.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.
Noong aking kabataan
aking natutunan sa mga harutan
naming magpipinsan at magkakaibigan
habang nakapila sa poso na iniigiban
ang baldeng walang lamang
ang siyang pinaka-maingay.
Ngayon sa aking katandaan
higit kong naunawaan yaring katotohanan
habang nagninilay sa gitna ng lockdown
na siya ngang tunay mga taong maiingay
karamihan sanga-sanga kanilang mga dila
pinagsasasabi'y walang katotohanan o kabuluhan.
Hindi nila batid sa pag-iisip nilang makitid
katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan
pinakikinggan bawat pintig, dinarama maski ang kalma
tinitimbang ano mang katotohanan at kabuluhan
upang pagkaabalahan, pag-usapan
kung hindi man ay kalimutan at isantabi na lamang.
Larawan kuha ng may-akda, talon sa Taiwan, Enero 2019.
Sa pakikipag-talastasan ng Diyos
masdan lagi itong pinangungnahan ng katahimikan:
sa Matandang Tipan matatagpuan
bago likhain ng Diyos ang sanlibutan,
walang ano man kungdi dilim at katahimikan
saka lamang Siya nagsalita upang lahat ay malikha;
doon sa Bagong Tipan ganito rin ang napagnilayan
ni San Juan bago si Hesus ay isinilang:
aniya, sa pasimula naroon na ang Salita
kasama ng Salita ang Diyos
sa Kanya nalikha ang lahat
at naging tao ang Salita
tinawag na Kristo
humango sa makasalanang tao.
Hindi natin kailanman mauunawaan
mga salita ng Diyos na makapangyarihan
kung hindi tayo handang manahimik
upang sa Kanya ay makinig;
noong si Hesus ay isinilang
tatlumpung taon ang binilang
bago Siya napakinggan
pagkaraang binyagan sa Jordan
maliban nang Siya ay matagpuan
sa templo nakikipagtalastasan
noong Kanyang kamusmusan;
gayun pa man sa Kanyang pangangaral
madalas Siya ay manahimik at magdasal
kaya lahat namamangha sa kanyang salita pati gawa.
Saanman mayroong katahimikan
pagtitiwala tiyak matatagpuan;
at kung saan man walang katahimikan
bukod sa maingay, walang kaayusan.
Magandang pagkakataon ngayong lockdown
pagsikapan, huwag katakautan ang katahimikan
dahil dito nalalantad, nakakatagpo ang katotohanan
na palagi nating tinatakasan, iniiwasan
kung kaya ang kalayaan hindi nating makamtan;
sa katahimikan lahat pinakikinggan -
sariling kalooban, kapwa at Diyos maging kalikasan
tungo sa pagmamahalan, kaisahan, at kaganapan ng buhay.
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, bukang liwayway sa aming parokya, Abril 2020.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, Abril 2020
Habang tumatagal itong quarantine
lalong ipinakikita hindi COVID-19
ang kalaban natin kungdi ating sarili din;
matagal nang sakit na hindi kayang gamutin
nakaugat nang malalim sa katauhan natin
kawalan ng disiplina kay hirap sugpuin.
Sa gitna ng kawalan ng maaasahan
sa pamahalaang abala sa kapalaluan
ayaw pakinggan mga paraan ng nakakaalam
disiplina nating mga mamamayan
ang pinaka-mabisang sanggalang
laban sa virus na galing sa Wuhan.
Tingnan, pag-aralan, at tularan
pamamaraan ng mga bansa kung saan
paglaganap ng COVID-19 ay nalabanan
laging matatagpuan dalawang bagay magkasabay:
mahusay at magaling na pamahalaan
disiplinadong mga mamamayan.
Masunurin ang turing sa taong may disiplina
na nagmula sa wikang Griyego na discipulos,
taga-sunod o alagad; sa wikang Latin,
dalawang kataga ang pinagsama
"ob audire" na ibig sabihin "makinig na maigi"
kaya sa Inggles "obedient" ang isang masunurin.
Ang taong may disiplina
masunurin sa tuwina
laging nakikinig sa mga sasabihin
upang kanyang tuparin
mga ipinagbibilin
ano mang atas na kanyang gawain.
Kung ating lilimihin lalim
ng kahulugan ng disiplina
ito rin ang siyang dahilan
upang ating matutuhan
kahalagahan ng pagtitiyaga
at paghihintay na atin nang tinalikuran.
Pagkaraan ng mahigit limang buwan
lahat na lamang sa atin ay dinaraan
sa paspasan, pag-aagawan, at pagdarayaan
kaya hanggang ngayon wala tayong patunguhan;
kung bawat mamamayan mayroong disiplina
baka sakali tinablan ng kahihiyan mga kinauukulan
wala na silang dahilan sa kanilang kapabayaan
dahil sila unang nagkulang sa disiplinang kinakailangan
hindi nila tayo maaring sisihin
nagkulang sa pagsugpo sa COVID-19.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Hulyo, 2020
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
mayroong mga nagpapasasa sa kayamanan
at luho sa katawan habang karamihan
naghihikahos at pilit idinaraos bawat araw
maski mamalimos dahil kabuhayan nila ay naubos.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
nakukuha ng iba na matuwa at magsaya
kapag mga kumpanya ay naipasara o nagsara
gayong ito ang panahon kay hirap kumita
di nila alintana pighati at dalamhati ng masawi.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
sariling kapakanan inaatupag ng mga congressman
lahat ng panggugulang at kabalastugan
naiisipan habang buong bayan nahihirapan
ni walang masakyan sa pupuntahan at uuwian.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
na daanin sa biro at masasakit na salita
patutsada laban sa kapwa maging maralita
na bantad sa banta ng gutom at kamatayan
simula umaga hanggang makatulugan na lang..
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
kawalan ng katarungan kung saan
ang mga makapangyarihan di kakitaan ng
kabutihan at pagka-uliran sa pagsunod sa mga
patakaran habang mga nasasakupan pinarurusahan.
Hindi normal kahit walang pandemya
ano pa mang katuwiran sabihin ninuman
ito ang panahon ng new normal dahil hindi
kailanman nababago ang normal
na siyang pamantayan ng kalakaran.
Kaya inyo nang tigilan
pagturing sa umiiral na takbo ng buhay
sa gitna ng pandemya bilang "new normal"
dahil ang karamihan kailanman
ay hindi pa man naranasan tinuturing nating
normal na pamumuhay;
sa tuwing ating ginigiit itong "new normal"
lalo nang nababaon, nagigipit at naiipit mga maliliit.
Baguhin mga pananaw at kaisipan
ng umiiral na sitwasyon upang mapabuti
kalagayan ng mga kinalimutan ng lipunan
ngayon natagpuan kanilang dangal at kahalagahan.
Huwag nating hintaying dumating ang panahon
masahol pa sa sinapit natin ngayon
na kung kailan sadyang kakalusin ang salop
na ating napuno ng kalabisan
ng kawalan natin ng pakialam sa mga maling umiiral
sa ating lipunan at pamahalaan, simbahan at pamayanan
lalot higit sa ating tahanan at puso't kalooban.
*Mga larawan sa itaas ay mula kay G. Raffy Tima ng GMA-7 News maliban sa una at huling larawan na mula sa GMA News.