Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Hulyo, 2020






Hindi normal sa gitna nitong pandemya mayroong mga nagpapasasa sa kayamanan at luho sa katawan habang karamihan naghihikahos at pilit idinaraos bawat araw maski mamalimos dahil kabuhayan nila ay naubos.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya nakukuha ng iba na matuwa at magsaya kapag mga kumpanya ay naipasara o nagsara gayong ito ang panahon kay hirap kumita di nila alintana pighati at dalamhati ng masawi.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya sariling kapakanan inaatupag ng mga congressman lahat ng panggugulang at kabalastugan naiisipan habang buong bayan nahihirapan ni walang masakyan sa pupuntahan at uuwian.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya na daanin sa biro at masasakit na salita patutsada laban sa kapwa maging maralita na bantad sa banta ng gutom at kamatayan simula umaga hanggang makatulugan na lang..
Hindi normal sa gitna nitong pandemya kawalan ng katarungan kung saan ang mga makapangyarihan di kakitaan ng kabutihan at pagka-uliran sa pagsunod sa mga patakaran habang mga nasasakupan pinarurusahan.
Hindi normal kahit walang pandemya ano pa mang katuwiran sabihin ninuman ito ang panahon ng new normal dahil hindi kailanman nababago ang normal na siyang pamantayan ng kalakaran.
Kaya inyo nang tigilan pagturing sa umiiral na takbo ng buhay sa gitna ng pandemya bilang "new normal" dahil ang karamihan kailanman ay hindi pa man naranasan tinuturing nating normal na pamumuhay; sa tuwing ating ginigiit itong "new normal" lalo nang nababaon, nagigipit at naiipit mga maliliit. Baguhin mga pananaw at kaisipan ng umiiral na sitwasyon upang mapabuti kalagayan ng mga kinalimutan ng lipunan ngayon natagpuan kanilang dangal at kahalagahan. Huwag nating hintaying dumating ang panahon masahol pa sa sinapit natin ngayon na kung kailan sadyang kakalusin ang salop na ating napuno ng kalabisan ng kawalan natin ng pakialam sa mga maling umiiral sa ating lipunan at pamahalaan, simbahan at pamayanan lalot higit sa ating tahanan at puso't kalooban.
*Mga larawan sa itaas ay mula kay G. Raffy Tima ng GMA-7 News maliban sa una at huling larawan na mula sa GMA News.