Jopay, kumusta ka na?

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Enero 2023
Photo by Pixabay on Pexels.com
Kumusta?
Paborito nating pagbati
pero ano nga ba ating minimithi?
Mausisa kalagayan ng binabati,
madama kanyang pighati kung sakali,
O sadyang bukambibig lang
dahil wala tayong masabi?
Minsan sa aking 
pagpakumpisal ng mga kabataan,
kinumusta ko isang dalagita
at sukat bigla na lamang 
siyang naluha!
Sa pag-asang mapipigil 
kanyang pag-iyak, muli ko siyang
kinamusta nang kami'y nakaupo na
ngunit, bagkus ay lalong bumaha 
kanyang mga luha!
Sa pagitan ng mga hikbi
at pagpahid ng kanyang mga mata
siya ay nangingiti, nagsusuri 
kung bakit nga siya umiiyak?
Akala ko'y nasisiraan ng bait
o may dala-dalang hapdi at pait
mula sa malalim na sugat o sakit
gaya ng ibang nakausap ko na;
ilang sandali pa nang siya ay
mahimasmasan sa pag-iyak
inamin niya sa akin
bakit siya umiiyak 
at ito ang kanyang sinabi: 
wala naman kasi sa kanya
ay nangangamusta
o nagaalala 
kung napano na siya!
Nang sandaling iyon
nagbalik sa aking alaala
mga pagkakataon
ako ay kinakamusta
ng iba maski sa simpleng text
na wala akong pagpapahalaga
sa pagaakala
wala lang silang masabi;
iniiwan ko sila sa "seen zone"
at sasagutin lang kung
may oras at pagkakataon
di alintana nilaan nila
sa akin na panahon;
pinakamainam nga palang
pagbati itong "kumusta ka"
gaya ng sa kanta na "Jopay,
kumusta ka na?" kasi
 nagpapahayag ito
ng pagkakandili at pagmamahal
na salat na salat ngayon sa mundo!
Sa pangungumusta
maraming iba pang Jopay
ang nabubuhayan, nabibigyan
 ng pag-asa na sila naaalala
kahit tila nalimot na.
Sabi nga sa kanta
"Jopay, kumusta ka na?"
kasi maski mukha tayong masaya
 mabibigat ating mga dala-dala
at kadalasan ang tanging nagpapagaan
 ay ang simpleng pagbati ng
Kumusta?
*Tingnang ating
tula ng nakaraan,
"Jopay"
https://lordmychef.com/2022/12/29/jopay/
Larawan kuha ni G. John Ryan Jacob, Isla ng Liputan, Meycauayan, Bulacan, 10 Enero 2023.

Ulan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Hulyo 2022
Larawan kuha ng may-akda, 2016.
Itong ulan
ay kay buting paalala
sa atin ng kalikasan  
na kailanma'y hindi tayo nalilimutan
ng Panginoong Maykapal
sa ating mga pangangailangan;
dinidiligan nanunuyot na kapaligiran
maging ating katauhan, minsa'y
nagwiwilig lamang upang maibsan 
ang alinsangan at kung tag-ulan, 
bumubuhos upang lubluban 
labis nating karumihan!
Larawan kuha ng may-akda, 2020.
Itong ulan
maraming kahulugan
kadalasa'y pagpapala at
biyaya, tubig mula sa kalangitan
bagaman kung minsan
ay parang sumpa o parusa
tila mga patak ng luha 
tayo ay binabaha ng hirap
at hilahil, nalulunod sa pighati
at kalungkutan na tila walang katapusan.
Larawan mula Pixabay sa Pexels.com.
Itong ulan
mayroong taglay na katangian
wala sa ibang kalikasan
ang mangusap at magparamdam
dampian buong katawan tulad
ng isa pang kapwa nilalang
upang maranasan kalinisan at
kadalisayan nitong buhay
luntiang mga dahon, damdaming naaantig 
ng magkasabay na lamig at halumigmig!
Larawan kuha ni Peter Fazekas sa Pexels.com.

Pag-ibig sa paglisan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Hunyo, 2022
Larawan kuha ng may-akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-20 ng Abril 2022.

Habang tayo ay nagbulay-bulay sa pagpapala at biyaya ng bawat paglisan noong kamakalawang araw, noon din naman nag-trending sa social media ang hiwalayan ng mag-asawang Jason Hernandez at Moira dela Torre, dalawang sikat daw na mga mang-aawit na ni hindi ko alam ni kilala.

Sumabay din naman kinagabihan ding iyon ang desisyon ng korte pagkaraan ng anim na linggong hearing na sinubaybayan ng marami sa social media (ako po hindi) ang demandahan ng mas sikat na mga taga-Hollywood at dating mag-asawa na Johnny Depp at Amber Heard. Magandang pagkakataon ang dalawang naturang balitang showbiz upang suriin nating mabuti ating mga ugnayan o relationships at tingnan nasaan na nga ba ang pag-ibig sa isa’t isa.

Gaya ng ating napag-nilayan noong Miyerkules, ang bawat paglisan ay biyaya at pagpapala sa kapwa umaalis at naiiwan kapag ang pagpapasiyang lumisan ay napagnilayan at napagdasalang mabuti.

At higit na lumalalim ang ugnayan ng isa’t-isa at pag-ibig sa bawat paglisan kapag ito ay humahantong sa wakas ng buhay at kamatayan.

Kaya ang aking tanong na bunsod ng awit ni Bb. Cookie Chua noong dekada 90, sa bawat paglisan, sino nga ba ang may higit na pag-ibig, ang umaalis o naiiwan?

Larawan kuha ni Bb. Jing Rey Henderson sa Taroytoy, Aklan noong ika-30 ng Abril, 2022.

Palagi ko sinasabi sa bawat kinakasal ko na hindi paligsahan ang pag-ibig. Sino mang mayroong higit na pag-ibig, siyang dapat magmahal nang magmahal, umunawa at magpatawad, unang kumibo at bumati sakaling sila ay may di-pagkakasundo o tampuhan.

Hindi rin paligsahan sa pag-ibig ang aking nais mabatid sa aking naturang tanong kungdi ito’y sumagitsit sa aking puso at isip noong ilibing ng Martes kapatid ng yumao kong kaibigan.

Unang pumanaw noong Enero si Ate Priscilla sa sakit na kanser. Simple at tahimik na nakaibigan ko siya sa dati kong parokya na pinaglingkuran. Apat silang magkakapatid na mga dalaga na iniukol ang mga sarili sa mga pamangkin at simbahan. Nitong pagpasok ng 2022, nagkasakit si Ate Illa at ako pa ang nagkumbinsi sa kanyang pumasok na sa pagamutan kasi, ayaw niyang mahirapan sa pag-aalaga sa kanya at sa gastusin ang mga kapatid.

Kuha namin noong Enero 01, 2022 nang dumalaw sa akin si Ate Illa at mga kapatid. Hindi kasama si Ditseng Baby.

Ngunit huli na pala ang lahat.

Biglang lumala kanyang kalagayan at binawian ng buhay pagkaraan ng dalawang araw sa ospital. Noong kanyang lamay, palaging sinasabi ng nakababata niyang kapatid, si Ditseng Baby, na siya man ay ayaw nang pahirapan mga kapatid niya sa kanyang pagkakasakit din ng kanser. Halos magkasunod silang nagkaroon ng kanser bago mag-COVID pandemic. Hindi nga nagtagal, noong ika-27 ng Mayo, biglang inatake sa bahay si Ditseng Baby at pumanaw.

Kaya ako ay bumalik sa kanilang tahanan at simbahan upang siya naman ang Misahan at ihatid sa huling hantungan kamakailan.

Isa na namang paglisan na biglaan ngunit napaghandaan ng mga pumanaw.

Hindi naman natakot ang magkapatid na Ate Illa at Ditseng Baby sa buhay at kamatayan; katunayan sa aking pananaw, buong tapang nilang hinarap lalo ang kamatayan. Mas mahirap sa may katawan siguro ang maramdaman na ikaw ay papanaw at buong tapang itong tanggapin at sabihin.

Larawan kuha ni Dr. Mylene A. Santos, MD, 2021.

Biyaya pa rin ng Diyos ang magkaroon ng gayong lakas ng loob sa gitna ng panghihina ng katawan. At ang pangunahing biyaya na binubuhos ng Diyos sa isang lumilisan ay pag-ibig, lalo na kung ito ay hahantong sa kamatayan. Pag-ibig ang dahilan kaya ayaw na nilang mahirapan pa mga kapatid nila sa pag-aalaga at gastusin kahit mayroon silang kakayahang magpagamot. Pag-ibig hanggang sa huling sandali ang kanilang handog at ibinahagi sa lahat.

Kaya nga kapag mayroong isang taong lumilisan – pansamantala man tulad ng pangingibang- bayan o panghabang-buhay tulad ng mga naghahabilin sa banig ng karadaman – higit ang kanilang pag-ibig na binibigay sa mga naiiwan o nauulila.

Mas marami silang pabaon na pag-ibig sa mga naiiwan kung titingnan.

"Kung ang buhay ay isang umagang nakangiti
At ikaw ay ang lupang sinusuyo ng bituin
Di mo man silip ang langit
Di mo man silip, ito'y nandirito pa rin

Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig"
- Bb. Cookie Chua ng Color It Red, "Paglisan"
Larawan kuha ng may-akda sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 2016.

Sino man ang magpasyang lumisan batay sa maka-Diyos na pamantayan at konsiderasyon, nakatitiyak ako siya ang mayroong higit na pag-ibig dahil handa siyang iwanan ang lahat para sa mga minamahal.

Pang-apat sa walong pagpapala o beatitudes na ipinahayag ni Hesus sa kanyang sermon sa bundok ay mayroong kinalaman sa paglisan:

“Pinagpala ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”

Mateo 5:4

Kapag mayroon umaalis, tayo ay nagdadalamhati, lumuluha kasi masakit ang maiwan, pansamantala man o pangmagpakailanman.

Nasaan ang pagpapalang sinasabi ni Hesus kung tayo ay lumuluha, nagdadalamhati dahil naiwan ng isang lumisan o pumanaw?

Naroon sa pag-ibig!

Pinagpala ang mga nagdadalamahati kasi mayroon silang pagmamahal, sila’y nagmamahal kaya lumuluha sa lumisan na kamag-anak o kaibigan; subalit, higit ang kanilang pagpapala dahil sila ay minahal ng lumisan!

Higit pa rin ang pag-ibig ng lumilisan kung tutuusin.

Kaya tayong naiiwan ay umiiyak, nasasaktan.

Subalit, lahat ng kalungkutan ating mararanasan sa paglisan ay pagbabadya ng higit na tuwa at kagalakan. Wika din ni Hesus sa kanyang mga alagad noong Huling Hapunan nila na mas mabuti na siya ay lumisan upang sa gayon ay maisugo niya ang Patnubay o Espiritu Santo (Jn. 16:7).

Gaya ng ating napagnilayan noong Miyerkules, ito yung ikalawang mahalagang bagay dapat nating pakaisipin sa pagpapasya kung tayo ay mananatili o lilisan: ang ating kaganapan at paglago ng katauhan (https://lordmychef.com/2022/06/01/pagpapala-sa-paglisan/).

Muli, ating makikita ang higit na pag-ibig na bigay pa rin ng lumilisan dahil sa bawat pag-alis, naroon din ang pagkakataong lumago ang katauhan ng naiiwan gaya ng lumilisan.

Larawan kuha ng may-akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-19 ng Abril 2022.

Ganyan ang paraan paanong lumago ating pananampalatayang Kristiyano dahil sa paglisan ni Hesus, lalong nag-ibayo sa pagmamahal at pagsusumakit ang kanyang mga naiwan sa pagpapahayag sa salita at gawa ng ipinadama niyang pag-ibig para sa ating kaligtasang lahat.

Dahil sa pag-ibig na iyan ni Hesus, naging pagpapala ang bawat paglisan dahil hindi na lamang ito pagtungo sa isang dakong malayo kungdi pagpasok sa panibagong antas ng ugnayan. Wika nga ng mga kabataan, level up ang ating mga relationships.

Sa bawat paglisan, hindi tayo nababawasan o nawawalan kapag pag-ibig ang dahilan nito.

Kaya sana, ngayon pa lamang atin nang pakaingatan at pahalagahan bawat isa upang bawat paglisan ay maging makabuluhan. Nawa sa ating paglisan, bantayan at pagpalain tayo ng Diyos palagi. Mizpah (Gen.31:49)!

Pagpapala sa paglisan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Hunyo 2022
Larawan kuha ng may akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-19 ng Abril 2022.

Mahigit isang linggo ko nang pinagbubulay-bulay ang pananatili at paglisan hanggang sa aking mapakinggan kahapon sa libing ng kaibigan itong magandang awit ni Bb. Cookie Chua dalawang dekada na siguro ang nakalipas.

"Kung ang buhay ay isang umagang nakangiti
At ikaw ay ang lupang sinusuyo ng bituin
Di mo man silip ang langit
Di mo man silip, ito'y nandirito pa rin

Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig"

Noong nakaraan, ang tanong ko lang naman ay kailan tayo dapat manatili at kailan tayo dapat umalis o lumisan?

Dahil sa awit na aking napakinggan dala ng pagpanaw ng kaibigan, napalawig ang aking pagninilay ng panibagong katanungan: sa bawat paglisan, sino nga ba ang may higit na pag-ibig, ang umaalis o ang naiiwan?

Hayaan ninyo munang aking sagutin unang tanong, kailan ba tayo dapat umalis at kailan dapat manatili?

Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Japan, 2017.

Napagnilayan ko ito noong nakaraang Martes nang ang mga pagbasa sa Misa ay tungkol sa pagkakulong nina San Pablo at Silas sa Filipos nang biglang mayanig ng malakas na lindol ang naturang lungsod (https://lordmychef.com/2022/05/24/prayer-to-know-when-to-stay-and-when-to-go/). Magpapakamatay na sana ang kanilang bantay sa pag-aakalang tumakas sina San Pablo at Silas nang pigilan siya mismo ni San Pablo na naroon pa rin sa kanilang selda (Gawa 16:22-34).

Hindi ba madalas kapag tayo ay nasa mahirap na sitwasyon, napakadaling pumasok sa isip natin ang basta mawala na lamang at makaalis, gaya ng pagbibitiw sa trabaho o panginibang bansa marahil?

Iyon nga nakapagtataka kina San Pablo at Silas! Bakit hindi pa sila tumakas na lamang pagkaraan ng lindol na sumira sa kanilang kulungan?

Sa kabilang dako naman, doon sa Mabuting Balita ng araw na iyon, si Hesus ay panay ang paalam ng kanyang paglisan sa kanyang mga alagad noong kanilang Huling Hapunan. Sinabi pa niya na ang pag-alis niya ay sa ikabubuti ng mga alagad niya dahil sa pagdating ng Espiritu Santo na susuguin niya (Jn.16:7).

Dalawang magkaibang sitwasyon, kailan nagiging mabuti at tama, ang manatili at umalis?

Mga sagot:

Una, sa manatili man o lumisan, pinakamainam palagi ay sundin banal na kalooban ng Diyos. Parehong mabuti ang manatili at lumisan ngunit nagkakaroon lamang ito ng kabuluhan o katuturan kung makikita batay sa kalooban at plano ng Diyos para sa atin.

Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Japan, 2017.

Bakit nga ba hindi pa tumakas sina San Pablo at Silas nang mawasak ng lindol kanilang piitan habang nasa Filipos noon? Maliwanag nating makikita dito ang plano at misyon ng Diyos sa kanila upang masagip at mabinyagan bilang Kristiyano ang kanilang bantay sampu ng kanyang pamilya at angkan! Kung tumakas sina San Pablo at Silas, marahil ay nagpakamatay na nga kanilang bantay at hindi naging Kristiyano. Sayang!

Dito ipinakikita sa atin kahalagahan ng pananalangin upang maging maliwanag kung nasaan ang ating misyon sa buhay. Kung ika’y mananatili ngunit ibig ng Diyos ika’y lumayo tulad ni Abraham, kailanaman ay hindi ka mapapanatag sa buhay. Gayun din naman, kung ikaw naman ay magpipilit na umalis at lumipat dahil sa maraming magandang alok at pagkakataon ngunit hindi naman iyon ang layon sa iyo ng Panginoon, baka ikaw ay mabigo lamang sa iyong pupuntahan.

Minsan nais ko na liwanagin paborito nating salawikain na “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa” kasi madalas, nauuna ang gawa ng tao at kapag nagkaproblema na, saka hihingi ng awa sa Diyos. Totoong nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa kung bago tayo gumawa ay humingi muna tayo sa Diyos ng awa, liwanagin sa kanya ano ba ang dapat nating gawain? Hindi iyong kapag palpak na at marami nang sabit saka lalapit sa Panginoon.


Pangalawa, sa pagpapasya natin sa pananatili o paglisan batay sa pananalangin, isang bagay makikita natin palagi nangingibabaw sa Diyos ay kapakanan ng iba hindi ng sarili dahil tiyak palagi niya tayong pangangalagaan at hindi pababayaan.

Kaya, huwag matakot na manatili o lumisan, pangalawa sa Maykapal na ating batayan ng desisyon ay kapakanan ng iba, hindi ng sarili.

Batid ito ng maraming OFW at mga magulang na nangibang bansa. Mahirap at masakit ang lumisan ng bayan, iwanan mga mahal sa buhay at mahirap din naman ang maiwanan at mahiwalay sa kabiyak at magulang. Ngunit, kanilang tinitiis ang lahat para sa isa’t-isa, para sa minamahal at hindi para sa sarili.

Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Japan, 2017.

Ganoon ang Diyos parati: hinihiram tayo para sa kapakanan ng iba. Ito yung katotohanan ng sinabi mismo ni Hesus na “Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (Jn.15:13).

Yung nanatili at lumilisan, kapwa nagmamahal at nagmamalasakit, nagiging mabunga ang buhay at pagkatao kung ang pasya ay batay sa kalooban ng Diyos.


Pangatlo, makikita natin na kapag tumpak ang proseso ng pagpapasya natin kung tayo ba ay mananatili o aalis, naroon din palagi paglago ng ating pagkatao at ng mga maiiwan natin. Sa pananatili at paglisan, higit na mahalaga ang pamumunga o “fruitfulness” at di lamang success.

May mga tao na matagumpay, successful wika nga dahil nanatili at nagtiyaga o kaya’y lumayo at nasapalaran sa ibang lugar ngunit hindi naman ganap sa buhay at tila baga mayroong kulang pa sa kanila. Kasi nga, wala namang naging lalim sa kanilang katauhan kanilang mga ginawa sa pananatili man o sa paglisan. Marahil ay sa kabila ng kayaman at katanyagan, wala silang natagpuan kahulugan sa buhay. Palaging mayroong kulang. Tulad ng Diyos na siya lamang ating kaganapan sa buhay.

Larawan kuha ng may akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-20 ng Abril 2022.

Maituturing din ito bilang pagmamature o pagkakaroon ng gulang. May mga pagkakataon lalo na sa mga nakababata na kapag naiwanan at hinayaang mamahala sa kanilang sariling buhay, sila’y nagma-mature; gayun din naman kapag sila ay lumuwas ng lungsod upang mag-aral at manirahan ng sarili sa mga dorm, sila man ay nagma-mature.

Alalaong-baga, sa ating pananatili o paglisan, lagi ding dapat isaalang-alang paglago sa katauhan ng nanatili at lumilisan.

Kapwa puno ng biyaya at pagpapala ang pananatili at paglisan kung ito ay ating mapagpapasyahan ng mahusay at hindi ng padaskol-daskol lamang. Ito higit nating mapagtatanto kung ang usapin ng paglisan ay hindi lamang pansamantala at hindi ibang lunan na maaring marating.

Naiiba at lalong lumalalim ang kahulugan ng pananatili at paglisan kung ito ay sa larangan ng pangmagpakailanman, kapag ang paglisan ay kamatayan.

Iyan ang ating pagninilayang susunod upang sagutin ating pangalawang tanong, sa bawat paglisan, sino nga ba ang may higit na pag-ibig, ang umaalis o naiiwan?

Pansamantala, ay halina at pakinggan, sabayan kung mas mainam, itong awiting Paglisan at baka kayo man ay mayroong ibang mapagnilayan. Hanggang sa muli.

*Wala po kaming hangad na lumabag sa karapatang-pangsipi o copyrights ng may-ari ng awit at video na ito maliban sa namnamin kagandahan ng nitong musika.

Mula sa YouTube.com.

TikTok ngayon, Tiktik Magasin noon?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Mayo 2022
Larawan mula sa gettyimages.com at bbc.com.
Huwag sanang masamain
aking pagkagambala
pagkahumaling sa app 
na kung tawagin ay TikTok;
batid ko ang maraming kabutihan
dulot nito sa pakikipagtalastasan
at ugnayan ngunit bakit tila
nauungusan ng mga kahalayan
at kabastusan makabagong laruan?
Nakakaaliw mga katatawanan
at kalokohang napapanood
ngunit nakakabagabag mga
kalaswaan nilalarawan at
napapakinggang usapang
natutungahayan sa munting screen
buong kamalayan ang winawasak,
murang isipan nalilinlang
habang oras at panahon nasasayang.
Hindi sa pagmamarunong
ibig ko ring itanong,
"kailangan pa bang picturan"
maski sa lansangan, dalampasigan 
at may pampang mga pasiklaban
sa pag-giling ng katawan at
suot-suot ay kakapiranggot?
"Kailangan pa bang picturan"
ipangalandakan kagandahan ng katawan?
Kung ating babalikan
sariling kapanahunan 
dekada ochenta mayroong
lathalain kung tawagin Tiktik Magasin, 
mga kuwento at dibuho pulos 
seksuwal at kabastusan 
pinararaan sa panitikan 
bilang pagsasalang-alang 
sa karamihang tao na maselan.
Ang kahalayan saan mang
paraan ipahayag ay masagwa
at masama pa rin; ngunit may
higit na banta sa lahat, lalo samga bata  
nababantad sa mahahalay na 
panoorin lalo na sa TikTok at Youtube:
mga mura nilang kaisipan at kamalayan 
nasisira at nalalason na tila ang buhay
ay puro palabas na lamang.
Kaya sana ay pagnilayan
makabagong teknolohiya 
sa pakikipagtalastasan 
ay biyaya ng Diyos upang
mga tao ay mapaglapit at
mabuklod sa kanilang ugnayan,
mapalawak ang kanyang kamalayan
sa kagandahan nitong buhay at 
sariling dangal bilang kalarawan ng Maykapal! 
Larawan mula sa pinterest.com.

Huli ka!

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-8 ng Pebrero 2022
Photo by RODNAE Productions on Pexels.com
Huli ka!
Mga salitang 
kinatatakutan,
hangga't maari ay
iniiwasan, 
tinatakasan,
tinatakbuhan dahil sa
tiyak na kapahamakan.
Ngunit mayroong 
bukod tanging pagkakataon 
ang salitang "huli ka" ay
katuwa-tuwa, 
dala ay galak
hindi takot at pangamba
bagkus kaluwagan
at kasaganaan.
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.

Pagkatapos ni Jesus magsalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayon nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira kanilang mga lambat.

Lucas 5:4-6
Ano nga ba nangyari
magdamag wala silang huli
nagkubli ba mga isda
sa dilim ng gabi?
Paano ang nangyari nang
si Jesus ay nagsabi,
mga isda ay dumaiti
mga bangka napuno ng huli?
Araw-araw
dumarating si Jesus
sa buhay natin
upang tayo ay hulihin:
hindi upang pagdusahin
sa mga pagkakasala natin
bagkus upang lubusin
mga pagpapala niya sa atin.
Larawan kuha ng may-akda, 2018.
Kasabihan ng matatanda
sa bibig nahuhuli ang isda,
ngunit sinabi ni Jesus
sa bibig ng Diyos nagmumula
tunay na pagkain sa atin nagpapala
lahat ng pagpapagal at pagsisikap natin
 makabuluhan mayroon mang kabiguan
hindi mahuhuli ang Diyos sa kanyang kabutihan!
Parating abangan pagdaraan ni Jesus
pakinggan kanyang panawagan
at kung siya ay ating matagpuan
sana'y ating iwanan ang lahat
upang siya ay masundan
pamamalakaya sa sanlibutan
hindi mo pagsisihan, buhay na walang hanggan 
tiyak makakamtan ngayon pa lamang!
Larawan kuha ng may-akda, 31 Disyembre 2021.

Ano – o Sino – ang Inaabangan sa Pasko?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Disyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, 18 Nobyembre 2021.
Taun-taon, 
halos lahat ng tao
nasasabik sa Pasko
palaging inaabangan
sa mga countdown.
Ngunit bakit nga ba
inaabangan natin ang Pasko?
Petsa lamang ba ito 
at panahon na dumarating,
lumilipas din? 
Kung gayon lang ang Pasko,
bakit hindi na lang tayo 
magbilang ng araw
Bagong Taon pa man?
Higit sa petsa 
at panahon ang Pasko
dahil ito ay ang Diyos na naging Tao;
ang Pasko ay si Hesu-Kristo 
na sumilang noon sa mundo 
at dumarating pa rin sa puso 
ng bawat tao kaya't itong Pasko 
ay isang katotohanan, isang kaganapan
nang ang Diyos ay makialam
at pumasok sa ating kaguluhan,
pinunan marami nating kakulangan,
pinawi mga kasalanan, pinalitan 
ng kanyang kabanalan upang 
buhay natin ay maging makabuluhan.
Sa panahon pa ring ito 
ng pandemya, sana atin nang 
mapagtanto ang Pasko 
ay hindi tanong ng kung ANO 
kungdi ng kung SINO inaabangan 
na tanging si Hesu-Kristo,
dumarating hindi sa sabsaban
kungdi sa ating puso at kalooban
kung saan nagmumula ating mga
gulo at kadiliman; sikaping matagpuan
Kanyang bakas sa ating mga mukha
upang tayo'y makipag-kapwa at 
maranasan Kanyang kapanatilihan
kesa tayo magbilang ng mga petsa at buwan. 
Larawan kuha ng may-akda sa San Fernando, Pampanga, 18 Nobyembre 2021.

Parol ating pastol

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Nobyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda, 11 Nobyembre 2021.
Hindi ko maiwasang umindak
sa awiting "kumukuti-kutitap,
bumubusi-busilak" tuwing 
makakakita ng mga parol 
nakasabit sa mga binatana,
binebenta sa kalsada
kahit malayo pa ang Pasko.
Ang mga parol ay tulad ng pastol
umaakay sa atin sa gitna ng dilim
hatid ay liwanag at galak
upang matunton at marating
Sanggol na sumilang sa sabsaban
habang mundo ay balot sa kasamaan
upang tayo ay tubusin sa ating mga kasalanan.
Larawan kuha ng may-akda, 11 Nobyembre 2021.
Makukulay, puno ng sigla
alalaong-baga, buhay na buhay
itong mga parol at iba pang mga palamuti
hatid ay hindi lamang ngiti sa labi
kungdi tuwa at kagalakan sa puso at kalooban
isang taon na naman matatagpusan
kahit COVID-19 kayang lampasan!
Katulad ng mga bituin at tala
mga parol at palamuti ng Kapaskuhan
matutunghayan lamang sa gitna
ng malaking kadiliman kagaya sa ating buhay
kung kailan mayroong kapighatian 
at lahat ay nalalabuan, doon naman
nagiging maliwanag at makulay ang lahat!
Larawan kuha ng may-akda, 11 Nobyembre 2021.
Isang kabalintunaang tunay
ganda at busilak ng mga parol
sa atin nagpapastol tungo sa
liwanag ng kinabukasan;
sana manatiling nagningning 
liwanag ni Kristo sa puso at 
kalooban natin. 
Aking dasal at hiling
ngayong Paskong darating
sana matapos na itong COVID-19;
matularan sana natin mga parol
magpastol sa kawan, huwag silang maligaw
sa kadiliman  ng mga mapanlinlang 
tanging Diyos ang maging sandigan.
Larawan kuha ng may-akda, 11 Nobyembre 2021.

Alab at rubdob ng mga Apostol

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Oktubre 2021
Larawan kuha ni G. Cristian Pasion, Pambansang Dambana ng Fatima sa Valenzuela, Abril 2021.
Siya ang ikasampung Apostol
ng Panginoon ayon sa hanay ng
pagkakahirang, tinaguriang Simon
na Makabayan, kabilang sa pakikibaka
laban sa mga mananakop na Romano
noon; isang Cananeo mula sa bayan ng
Cana kung saan naganap unang himala
ng Kristo nang gawin niyang alak ang
tubig sa piging ng mga bagong kasal. 
Kay gandang paglimilimihan
paglalarawan sa kanyang katauhan,
mayaman sa kahulugan dapat
nating tularan upang masundan
lubusan ang Panginoon
bilang kanyang mga alagad
sa makabagong panahon
tulungan mga tao na makaahon
at makatugon sa maraming paghamon.
Kung tutuusin
 magkatulad  ang dalawang
taguring na sa kanya ay ginamit:
Makabayan at Cananeo
 na sa wikang Hebreo nagpapahayag
 ng alab at rubdob na kapwa
 mga katangian ng Diyos nating
mahabagin na tanging hiling
Siya lamang ang sambahin at susundin.
Kilalanin man siya sa kanyang 
mga taguring Makabayan 
o taga-Cana, Galilea,
itong ating patron si San Simon 
naging masigasig, puno ng alab at 
rubdob sa paglilingkod hanggang
kamatayan kasama si San Judas Tadeo 
sa Persia, nagpapaalala sa ating
isabuhay tuwina pananampalataya kay Kristo!
Mula sa catholicnewsagency.com.

Kung Ikaw si Bartimeo?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-23 ng Oktubre 2021
“Jesus healing the Blind Man”, painting ni G. Brian Jekel noong 2008; mula sa http://www.Christian.Art.com.
*Una ko itong nilathala
noong ika-30 ng Oktubre 2018;
isinaayos ngayon kaugnay
ng ebanghelyo sa Linggo.
Anong buti na ating pagnilayan
kuwento ng bulag na si Bartimeo
sa gilid ng daan nananahan
inaasam na siya ay limusan
dahil sa kanyang kapansanan;
ngunit nang kanyang marinig
at mabalitaan pagdaraan ng Panginoon,
dumalangin siya nang pasigaw:
"Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
Nang siya ay pagsabihang manahimik,
lalo pa niyang ipinilit kanyang giit,
"Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
Kaya't napatingin at napatigil si Hesus
upang siya ay tawagin at tanungin:
"Ano ang ibig mong aking gawin?"
Ang agad niyang mariing hiniling,
"Panginoon, ibalit po ninyo
aking paningin."
Kung ikaw si Bartimeo at ngayon
ay tatanungin ng Panginoon natin,
"Ano ang ibig mong aking gawin?"
Ano kaya ang iyong hihilingin?
Mga palagiang alalahanin tulad ng 
salapit at pagkain?  Mga lugar
na minimithing marating?
O marahil ay alisin pasanin
at dalahin sa balikat natin?
Sadyang marami tayong naisin
at ibig hilingin sa Panginoon natin
ngunit kung ating lilimiin bulong
 nitong saloobin at damdamin natin,
isa lang naman kung tutuusin 
kailangan natin:  mapalalim
pananampalataya natin
at maliwanagan sa buhay natin
upang matahak landasin patungong langit.
Aanhin mga malinaw na mata
na sa kinang ng ginto at pilak nahahalina
ngunit hindi makita ni makilala 
mga taong tunay at tapat nagmamahal 
 mga sumasalamin sa Diyos nating butihin!
Kaya kung ikaw ay hihiling, si Bartimeo ang gayahin
hiniling kaliwanagan sa puso't loobin
upang Diyos ang makita at kamtin
at Siyang maghari sa atin!