Pagpapala sa paglisan

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Hunyo 2022
Larawan kuha ng may akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-19 ng Abril 2022.

Mahigit isang linggo ko nang pinagbubulay-bulay ang pananatili at paglisan hanggang sa aking mapakinggan kahapon sa libing ng kaibigan itong magandang awit ni Bb. Cookie Chua dalawang dekada na siguro ang nakalipas.

"Kung ang buhay ay isang umagang nakangiti
At ikaw ay ang lupang sinusuyo ng bituin
Di mo man silip ang langit
Di mo man silip, ito'y nandirito pa rin

Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig"

Noong nakaraan, ang tanong ko lang naman ay kailan tayo dapat manatili at kailan tayo dapat umalis o lumisan?

Dahil sa awit na aking napakinggan dala ng pagpanaw ng kaibigan, napalawig ang aking pagninilay ng panibagong katanungan: sa bawat paglisan, sino nga ba ang may higit na pag-ibig, ang umaalis o ang naiiwan?

Hayaan ninyo munang aking sagutin unang tanong, kailan ba tayo dapat umalis at kailan dapat manatili?

Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Japan, 2017.

Napagnilayan ko ito noong nakaraang Martes nang ang mga pagbasa sa Misa ay tungkol sa pagkakulong nina San Pablo at Silas sa Filipos nang biglang mayanig ng malakas na lindol ang naturang lungsod (https://lordmychef.com/2022/05/24/prayer-to-know-when-to-stay-and-when-to-go/). Magpapakamatay na sana ang kanilang bantay sa pag-aakalang tumakas sina San Pablo at Silas nang pigilan siya mismo ni San Pablo na naroon pa rin sa kanilang selda (Gawa 16:22-34).

Hindi ba madalas kapag tayo ay nasa mahirap na sitwasyon, napakadaling pumasok sa isip natin ang basta mawala na lamang at makaalis, gaya ng pagbibitiw sa trabaho o panginibang bansa marahil?

Iyon nga nakapagtataka kina San Pablo at Silas! Bakit hindi pa sila tumakas na lamang pagkaraan ng lindol na sumira sa kanilang kulungan?

Sa kabilang dako naman, doon sa Mabuting Balita ng araw na iyon, si Hesus ay panay ang paalam ng kanyang paglisan sa kanyang mga alagad noong kanilang Huling Hapunan. Sinabi pa niya na ang pag-alis niya ay sa ikabubuti ng mga alagad niya dahil sa pagdating ng Espiritu Santo na susuguin niya (Jn.16:7).

Dalawang magkaibang sitwasyon, kailan nagiging mabuti at tama, ang manatili at umalis?

Mga sagot:

Una, sa manatili man o lumisan, pinakamainam palagi ay sundin banal na kalooban ng Diyos. Parehong mabuti ang manatili at lumisan ngunit nagkakaroon lamang ito ng kabuluhan o katuturan kung makikita batay sa kalooban at plano ng Diyos para sa atin.

Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Japan, 2017.

Bakit nga ba hindi pa tumakas sina San Pablo at Silas nang mawasak ng lindol kanilang piitan habang nasa Filipos noon? Maliwanag nating makikita dito ang plano at misyon ng Diyos sa kanila upang masagip at mabinyagan bilang Kristiyano ang kanilang bantay sampu ng kanyang pamilya at angkan! Kung tumakas sina San Pablo at Silas, marahil ay nagpakamatay na nga kanilang bantay at hindi naging Kristiyano. Sayang!

Dito ipinakikita sa atin kahalagahan ng pananalangin upang maging maliwanag kung nasaan ang ating misyon sa buhay. Kung ika’y mananatili ngunit ibig ng Diyos ika’y lumayo tulad ni Abraham, kailanaman ay hindi ka mapapanatag sa buhay. Gayun din naman, kung ikaw naman ay magpipilit na umalis at lumipat dahil sa maraming magandang alok at pagkakataon ngunit hindi naman iyon ang layon sa iyo ng Panginoon, baka ikaw ay mabigo lamang sa iyong pupuntahan.

Minsan nais ko na liwanagin paborito nating salawikain na “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa” kasi madalas, nauuna ang gawa ng tao at kapag nagkaproblema na, saka hihingi ng awa sa Diyos. Totoong nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa kung bago tayo gumawa ay humingi muna tayo sa Diyos ng awa, liwanagin sa kanya ano ba ang dapat nating gawain? Hindi iyong kapag palpak na at marami nang sabit saka lalapit sa Panginoon.


Pangalawa, sa pagpapasya natin sa pananatili o paglisan batay sa pananalangin, isang bagay makikita natin palagi nangingibabaw sa Diyos ay kapakanan ng iba hindi ng sarili dahil tiyak palagi niya tayong pangangalagaan at hindi pababayaan.

Kaya, huwag matakot na manatili o lumisan, pangalawa sa Maykapal na ating batayan ng desisyon ay kapakanan ng iba, hindi ng sarili.

Batid ito ng maraming OFW at mga magulang na nangibang bansa. Mahirap at masakit ang lumisan ng bayan, iwanan mga mahal sa buhay at mahirap din naman ang maiwanan at mahiwalay sa kabiyak at magulang. Ngunit, kanilang tinitiis ang lahat para sa isa’t-isa, para sa minamahal at hindi para sa sarili.

Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Japan, 2017.

Ganoon ang Diyos parati: hinihiram tayo para sa kapakanan ng iba. Ito yung katotohanan ng sinabi mismo ni Hesus na “Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (Jn.15:13).

Yung nanatili at lumilisan, kapwa nagmamahal at nagmamalasakit, nagiging mabunga ang buhay at pagkatao kung ang pasya ay batay sa kalooban ng Diyos.


Pangatlo, makikita natin na kapag tumpak ang proseso ng pagpapasya natin kung tayo ba ay mananatili o aalis, naroon din palagi paglago ng ating pagkatao at ng mga maiiwan natin. Sa pananatili at paglisan, higit na mahalaga ang pamumunga o “fruitfulness” at di lamang success.

May mga tao na matagumpay, successful wika nga dahil nanatili at nagtiyaga o kaya’y lumayo at nasapalaran sa ibang lugar ngunit hindi naman ganap sa buhay at tila baga mayroong kulang pa sa kanila. Kasi nga, wala namang naging lalim sa kanilang katauhan kanilang mga ginawa sa pananatili man o sa paglisan. Marahil ay sa kabila ng kayaman at katanyagan, wala silang natagpuan kahulugan sa buhay. Palaging mayroong kulang. Tulad ng Diyos na siya lamang ating kaganapan sa buhay.

Larawan kuha ng may akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-20 ng Abril 2022.

Maituturing din ito bilang pagmamature o pagkakaroon ng gulang. May mga pagkakataon lalo na sa mga nakababata na kapag naiwanan at hinayaang mamahala sa kanilang sariling buhay, sila’y nagma-mature; gayun din naman kapag sila ay lumuwas ng lungsod upang mag-aral at manirahan ng sarili sa mga dorm, sila man ay nagma-mature.

Alalaong-baga, sa ating pananatili o paglisan, lagi ding dapat isaalang-alang paglago sa katauhan ng nanatili at lumilisan.

Kapwa puno ng biyaya at pagpapala ang pananatili at paglisan kung ito ay ating mapagpapasyahan ng mahusay at hindi ng padaskol-daskol lamang. Ito higit nating mapagtatanto kung ang usapin ng paglisan ay hindi lamang pansamantala at hindi ibang lunan na maaring marating.

Naiiba at lalong lumalalim ang kahulugan ng pananatili at paglisan kung ito ay sa larangan ng pangmagpakailanman, kapag ang paglisan ay kamatayan.

Iyan ang ating pagninilayang susunod upang sagutin ating pangalawang tanong, sa bawat paglisan, sino nga ba ang may higit na pag-ibig, ang umaalis o naiiwan?

Pansamantala, ay halina at pakinggan, sabayan kung mas mainam, itong awiting Paglisan at baka kayo man ay mayroong ibang mapagnilayan. Hanggang sa muli.

*Wala po kaming hangad na lumabag sa karapatang-pangsipi o copyrights ng may-ari ng awit at video na ito maliban sa namnamin kagandahan ng nitong musika.

Mula sa YouTube.com.

2 thoughts on “Pagpapala sa paglisan

  1. Salamat po.
    Sa inyong mga panulat lalo na po noong kayo ay nagsisimula diyan ang nagpaliwanag sa akin ng maraming bagay sa pananatili at paglisan. Pagpalain po kayo palagi ng Diyos!

    Like

Leave a comment