Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Oktubre 2021
Larawan kuha ni G. Cristian Pasion, Pambansang Dambana ng Fatima sa Valenzuela, Abril 2021.
Siya ang ikasampung Apostol
ng Panginoon ayon sa hanay ng
pagkakahirang, tinaguriang Simon
na Makabayan, kabilang sa pakikibaka
laban sa mga mananakop na Romano
noon; isang Cananeo mula sa bayan ng
Cana kung saan naganap unang himala
ng Kristo nang gawin niyang alak ang
tubig sa piging ng mga bagong kasal.
Kay gandang paglimilimihan
paglalarawan sa kanyang katauhan,
mayaman sa kahulugan dapat
nating tularan upang masundan
lubusan ang Panginoon
bilang kanyang mga alagad
sa makabagong panahon
tulungan mga tao na makaahon
at makatugon sa maraming paghamon.
Kung tutuusin
magkatulad ang dalawang
taguring na sa kanya ay ginamit:
Makabayan at Cananeo
na sa wikang Hebreo nagpapahayag
ng alab at rubdob na kapwa
mga katangian ng Diyos nating
mahabagin na tanging hiling
Siya lamang ang sambahin at susundin.
Kilalanin man siya sa kanyang
mga taguring Makabayan
o taga-Cana, Galilea,
itong ating patron si San Simon
naging masigasig, puno ng alab at
rubdob sa paglilingkod hanggang
kamatayan kasama si San Judas Tadeo
sa Persia, nagpapaalala sa ating
isabuhay tuwina pananampalataya kay Kristo!