Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Hulyo 2022

Itong ulan ay kay buting paalala sa atin ng kalikasan na kailanma'y hindi tayo nalilimutan ng Panginoong Maykapal sa ating mga pangangailangan; dinidiligan nanunuyot na kapaligiran maging ating katauhan, minsa'y nagwiwilig lamang upang maibsan ang alinsangan at kung tag-ulan, bumubuhos upang lubluban labis nating karumihan!

Itong ulan maraming kahulugan kadalasa'y pagpapala at biyaya, tubig mula sa kalangitan bagaman kung minsan ay parang sumpa o parusa tila mga patak ng luha tayo ay binabaha ng hirap at hilahil, nalulunod sa pighati at kalungkutan na tila walang katapusan.

Itong ulan mayroong taglay na katangian wala sa ibang kalikasan ang mangusap at magparamdam dampian buong katawan tulad ng isa pang kapwa nilalang upang maranasan kalinisan at kadalisayan nitong buhay luntiang mga dahon, damdaming naaantig ng magkasabay na lamig at halumigmig!
