Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-8 ng Pebrero 2022

Huli ka! Mga salitang kinatatakutan, hangga't maari ay iniiwasan, tinatakasan, tinatakbuhan dahil sa tiyak na kapahamakan.
Ngunit mayroong bukod tanging pagkakataon ang salitang "huli ka" ay katuwa-tuwa, dala ay galak hindi takot at pangamba bagkus kaluwagan at kasaganaan.

Pagkatapos ni Jesus magsalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayon nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira kanilang mga lambat.
Lucas 5:4-6
Ano nga ba nangyari magdamag wala silang huli nagkubli ba mga isda sa dilim ng gabi? Paano ang nangyari nang si Jesus ay nagsabi, mga isda ay dumaiti mga bangka napuno ng huli?
Araw-araw dumarating si Jesus sa buhay natin upang tayo ay hulihin: hindi upang pagdusahin sa mga pagkakasala natin bagkus upang lubusin mga pagpapala niya sa atin.

Kasabihan ng matatanda sa bibig nahuhuli ang isda, ngunit sinabi ni Jesus sa bibig ng Diyos nagmumula tunay na pagkain sa atin nagpapala lahat ng pagpapagal at pagsisikap natin makabuluhan mayroon mang kabiguan hindi mahuhuli ang Diyos sa kanyang kabutihan!
Parating abangan pagdaraan ni Jesus pakinggan kanyang panawagan at kung siya ay ating matagpuan sana'y ating iwanan ang lahat upang siya ay masundan pamamalakaya sa sanlibutan hindi mo pagsisihan, buhay na walang hanggan tiyak makakamtan ngayon pa lamang!
