Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
Ngayong panahon ng COVID-19
sumagi sa akin mga turo ng dalawang pari
na napakalapit at mabuti sa akin:
Una ay si Padre Nanding
malimit sabihin sa akin
"Pinakamasarap makasama
tao na mayroong panlasa";
"iyong iba," aniya,
"pakanin mo ng buong baka,
hindi pa rin masaya!"
Ikalawang paring butihin
ay si Padre Johann
madalas ako paalalahanan
"Biyaya ng Diyos ang ganang kumain
dahil ibig sabihin
wala kang sakit na dapat intindihin
di tulad ng ibang hindi makakain."
Nakatutuwang isipin at malayin
kung paanong noong panahon natin
mga mumunting butil ng pagkain
pinahahalagahan upang huwag sayangin;
ngayon naman ating alalahanin
itong ating panlasa at ganang kumain
mga biyayang hindi napapansin;
magdildil ka man ng asin o
maalat man o maasim ulam na inihain
huwag nang punahin o laitin
sapagkat iyong nalalasap pa rin
ang pagkain at walang COVID-19!
Sa hapag ng pagkain
mga samahan at ugnayan natin
nabubuo, tumatatag at tumitibay
kaya sa ating buhay
masarap kasabay
sa paglalakbay
mayroong panlasa
at maganang kumain,
basta huwag lang sasairin
at uubusin ang sinaing
baka iba hindi na makakain
dahil ikaw pala ay sakim!
Ito naman ang habilin na galing sa akin:
basta nakaka-amoy ng masarap na lutuin
maski hindi sa iyo ang pagkain
matuwa ka na rin, wala ka pang COVID-19;
gayun din naman,
iyo nang kalimutan hindi man kagandahan
ilong na ngayon ay natatakpan
makaamoy man ng alimuong
makalanghap man ng masansang
at masamang hangin ay mabuti pa rin:
nakakahinga ka ng malalim
wala kang COVID-19!
great!!
LikeLiked by 1 person