Kumusta?
Paborito nating pagbati
pero ano nga ba ating minimithi?
Mausisa kalagayan ng binabati,
madama kanyang pighati kung sakali,
O sadyang bukambibig lang
dahil wala tayong masabi?
Minsan sa aking
pagpakumpisal ng mga kabataan,
kinumusta ko isang dalagita
at sukat bigla na lamang
siyang naluha!
Sa pag-asang mapipigil
kanyang pag-iyak, muli ko siyang
kinamusta nang kami'y nakaupo na
ngunit, bagkus ay lalong bumaha
kanyang mga luha!
Sa pagitan ng mga hikbi
at pagpahid ng kanyang mga mata
siya ay nangingiti, nagsusuri
kung bakit nga siya umiiyak?
Akala ko'y nasisiraan ng bait
o may dala-dalang hapdi at pait
mula sa malalim na sugat o sakit
gaya ng ibang nakausap ko na;
ilang sandali pa nang siya ay
mahimasmasan sa pag-iyak
inamin niya sa akin
bakit siya umiiyak
at ito ang kanyang sinabi:
wala naman kasi sa kanya
ay nangangamusta
o nagaalala
kung napano na siya!
Nang sandaling iyon
nagbalik sa aking alaala
mga pagkakataon
ako ay kinakamusta
ng iba maski sa simpleng text
na wala akong pagpapahalaga
sa pagaakala
wala lang silang masabi;
iniiwan ko sila sa "seen zone"
at sasagutin lang kung
may oras at pagkakataon
di alintana nilaan nila
sa akin na panahon;
pinakamainam nga palang
pagbati itong "kumusta ka"
gaya ng sa kanta na "Jopay,
kumusta ka na?" kasi
nagpapahayag ito
ng pagkakandili at pagmamahal
na salat na salat ngayon sa mundo!
Sa pangungumusta
maraming iba pang Jopay
ang nabubuhayan, nabibigyan
ng pag-asa na sila naaalala
kahit tila nalimot na.
Sabi nga sa kanta
"Jopay, kumusta ka na?"
kasi maski mukha tayong masaya
mabibigat ating mga dala-dala
at kadalasan ang tanging nagpapagaan
ay ang simpleng pagbati ng
Kumusta?
*Tingnang ating
tula ng nakaraan,
"Jopay"
https://lordmychef.com/2022/12/29/jopay/
Larawan kuha ni G. John Ryan Jacob, Isla ng Liputan, Meycauayan, Bulacan, 10 Enero 2023.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Setyembre 2022
Larawan mula sa bloomberg.com ng isang homeless sa New York habang dinaraos noon ang fashion week, 2019.
Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo, “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat.
Lukas 16:19-21
Alam na alam natin
ang talinghagang ito
na marahil isasaysay muli
sa atin ni Kristo
upang magising ating pagkatao,
makilala sinu-sino
mga tinutukoy
nitong kuwento
na walang iba kungdi tayo.
Tayo ang mayaman
sagana sa pagpapala di lamang
ng magagarang damit at gamit,
pagkain at inumin
kungdi ng biyaya ng buhay
handog ng Maykapal
na sawimpalad ay ating
sinasarili, manhid sa kapwa
sarili ang sa tuwina ay tama.
Mayaman tayo
sa mga pagpapala
ngunit hindi mabanaagan
ni masilayan aliwalas
nitong mukha, ipinagkakait
mga ngiti sa labi, hindi mabati
nakakasalubong upang mahawi
lambong ng kalungkutan,
mapawi pati mga sakbibi.
Ang tunay na mayaman
Diyos ang kayamanan
kanyang nababanaagan
sa mukha ng bawat kapwa
na kanyang pinahahalagahan
kesa sa gamit o kasangkapan;
hindi siya kailangang lapitan
ni daingan sapagkat dama niya
hirap at kapighatian ng nahihirapan.
Huwag tayong pakasigurado
na tayo ay mabuting tao
hindi tulad ng mayaman
sa talinghaga ni Kristo
sapagkat si Lazaro
ang taong pinakamalapit
sa iyo, nakalupasay,
nariyan lang sa tabi mo
nilalapitan ng aso maliban sa iyo.
Si Lazaro ang nanay
at ginang ng tahanan
tadtad sa sugat ang katawan
mula sa paglapastangan
ng mga anak at panloloko
ng sariling esposo;
ang mga lola at lolo rin
si Lazaro na namumulot ng mumo
ng pansin at kalinga mula sa mga apo.
Kung minsan si Lazaro
yaong nagtatrabaho sa barko
o malayong dako ng mundo
gaya ni tatay o nanay, ate o kuya
nasaan man sila, tanging pamilya
ang nasa puso nila
hindi alintana kanilang
pagtitiis at pagpapagal
winawalwal ng kanilang minamahal.
Sino nga ba ako
sa talinghagang ito?
Ang mayaman na manhid
walang pakialam sa kapatid
o si Lazaro nagtitiis ng tahimik
walang imik sa kanyang sinapit
tanging sa Diyos nakakapit
nananalig sa Kanyang pagsagip
upang langit ay masapit!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Hunyo, 2022
Larawan kuha ng may-akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-20 ng Abril 2022.
Habang tayo ay nagbulay-bulay sa pagpapala at biyaya ng bawat paglisan noong kamakalawang araw, noon din naman nag-trending sa social media ang hiwalayan ng mag-asawang Jason Hernandez at Moira dela Torre, dalawang sikat daw na mga mang-aawit na ni hindi ko alam ni kilala.
Sumabay din naman kinagabihan ding iyon ang desisyon ng korte pagkaraan ng anim na linggong hearing na sinubaybayan ng marami sa social media (ako po hindi) ang demandahan ng mas sikat na mga taga-Hollywood at dating mag-asawa na Johnny Depp at Amber Heard. Magandang pagkakataon ang dalawang naturang balitang showbiz upang suriin nating mabuti ating mga ugnayan o relationships at tingnan nasaan na nga ba ang pag-ibig sa isa’t isa.
Gaya ng ating napag-nilayan noong Miyerkules, ang bawat paglisan ay biyaya at pagpapala sa kapwa umaalis at naiiwan kapag ang pagpapasiyang lumisan ay napagnilayan at napagdasalang mabuti.
At higit na lumalalim ang ugnayan ng isa’t-isa at pag-ibig sa bawat paglisan kapag ito ay humahantong sa wakas ng buhay at kamatayan.
Kaya ang aking tanong na bunsod ng awit ni Bb. Cookie Chua noong dekada 90, sa bawat paglisan, sino nga ba ang may higit na pag-ibig, ang umaalis o naiiwan?
Larawan kuha ni Bb. Jing Rey Henderson sa Taroytoy, Aklan noong ika-30 ng Abril, 2022.
Palagi ko sinasabi sa bawat kinakasal ko na hindi paligsahan ang pag-ibig. Sino mang mayroong higit na pag-ibig, siyang dapat magmahal nang magmahal, umunawa at magpatawad, unang kumibo at bumati sakaling sila ay may di-pagkakasundo o tampuhan.
Hindi rin paligsahan sa pag-ibig ang aking nais mabatid sa aking naturang tanong kungdi ito’y sumagitsit sa aking puso at isip noong ilibing ng Martes kapatid ng yumao kong kaibigan.
Unang pumanaw noong Enero si Ate Priscilla sa sakit na kanser. Simple at tahimik na nakaibigan ko siya sa dati kong parokya na pinaglingkuran. Apat silang magkakapatid na mga dalaga na iniukol ang mga sarili sa mga pamangkin at simbahan. Nitong pagpasok ng 2022, nagkasakit si Ate Illa at ako pa ang nagkumbinsi sa kanyang pumasok na sa pagamutan kasi, ayaw niyang mahirapan sa pag-aalaga sa kanya at sa gastusin ang mga kapatid.
Kuha namin noong Enero 01, 2022 nang dumalaw sa akin si Ate Illa at mga kapatid. Hindi kasama si Ditseng Baby.
Ngunit huli na pala ang lahat.
Biglang lumala kanyang kalagayan at binawian ng buhay pagkaraan ng dalawang araw sa ospital. Noong kanyang lamay, palaging sinasabi ng nakababata niyang kapatid, si Ditseng Baby, na siya man ay ayaw nang pahirapan mga kapatid niya sa kanyang pagkakasakit din ng kanser. Halos magkasunod silang nagkaroon ng kanser bago mag-COVID pandemic. Hindi nga nagtagal, noong ika-27 ng Mayo, biglang inatake sa bahay si Ditseng Baby at pumanaw.
Kaya ako ay bumalik sa kanilang tahanan at simbahan upang siya naman ang Misahan at ihatid sa huling hantungan kamakailan.
Isa na namang paglisan na biglaan ngunit napaghandaan ng mga pumanaw.
Hindi naman natakot ang magkapatid na Ate Illa at Ditseng Baby sa buhay at kamatayan; katunayan sa aking pananaw, buong tapang nilang hinarap lalo ang kamatayan. Mas mahirap sa may katawan siguro ang maramdaman na ikaw ay papanaw at buong tapang itong tanggapin at sabihin.
Larawan kuha ni Dr. Mylene A. Santos, MD, 2021.
Biyaya pa rin ng Diyos ang magkaroon ng gayong lakas ng loob sa gitna ng panghihina ng katawan. At ang pangunahing biyaya na binubuhos ng Diyos sa isang lumilisan ay pag-ibig, lalo na kung ito ay hahantong sa kamatayan. Pag-ibig ang dahilan kaya ayaw na nilang mahirapan pa mga kapatid nila sa pag-aalaga at gastusin kahit mayroon silang kakayahang magpagamot. Pag-ibig hanggang sa huling sandali ang kanilang handog at ibinahagi sa lahat.
Kaya nga kapag mayroong isang taong lumilisan – pansamantala man tulad ng pangingibang- bayan o panghabang-buhay tulad ng mga naghahabilin sa banig ng karadaman – higit ang kanilang pag-ibig na binibigay sa mga naiiwan o nauulila.
Mas marami silang pabaon na pag-ibig sa mga naiiwan kung titingnan.
"Kung ang buhay ay isang umagang nakangiti
At ikaw ay ang lupang sinusuyo ng bituin
Di mo man silip ang langit
Di mo man silip, ito'y nandirito pa rin
Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig"
- Bb. Cookie Chua ng Color It Red, "Paglisan"
Larawan kuha ng may-akda sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 2016.
Sino man ang magpasyang lumisan batay sa maka-Diyos na pamantayan at konsiderasyon, nakatitiyak ako siya ang mayroong higit na pag-ibig dahil handa siyang iwanan ang lahat para sa mga minamahal.
Pang-apat sa walong pagpapala o beatitudes na ipinahayag ni Hesus sa kanyang sermon sa bundok ay mayroong kinalaman sa paglisan:
“Pinagpala ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”
Mateo 5:4
Kapag mayroon umaalis, tayo ay nagdadalamhati, lumuluha kasi masakit ang maiwan, pansamantala man o pangmagpakailanman.
Nasaan ang pagpapalang sinasabi ni Hesus kung tayo ay lumuluha, nagdadalamhati dahil naiwan ng isang lumisan o pumanaw?
Naroon sa pag-ibig!
Pinagpala ang mga nagdadalamahati kasi mayroon silang pagmamahal, sila’y nagmamahal kaya lumuluha sa lumisan na kamag-anak o kaibigan; subalit, higit ang kanilang pagpapala dahil sila ay minahal ng lumisan!
Higit pa rin ang pag-ibig ng lumilisan kung tutuusin.
Kaya tayong naiiwan ay umiiyak, nasasaktan.
Subalit, lahat ng kalungkutan ating mararanasan sa paglisan ay pagbabadya ng higit na tuwa at kagalakan. Wika din ni Hesus sa kanyang mga alagad noong Huling Hapunan nila na mas mabuti na siya ay lumisan upang sa gayon ay maisugo niya ang Patnubay o Espiritu Santo (Jn. 16:7).
Gaya ng ating napagnilayan noong Miyerkules, ito yung ikalawang mahalagang bagay dapat nating pakaisipin sa pagpapasya kung tayo ay mananatili o lilisan: ang ating kaganapan at paglago ng katauhan (https://lordmychef.com/2022/06/01/pagpapala-sa-paglisan/).
Muli, ating makikita ang higit na pag-ibig na bigay pa rin ng lumilisan dahil sa bawat pag-alis, naroon din ang pagkakataong lumago ang katauhan ng naiiwan gaya ng lumilisan.
Larawan kuha ng may-akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-19 ng Abril 2022.
Ganyan ang paraan paanong lumago ating pananampalatayang Kristiyano dahil sa paglisan ni Hesus, lalong nag-ibayo sa pagmamahal at pagsusumakit ang kanyang mga naiwan sa pagpapahayag sa salita at gawa ng ipinadama niyang pag-ibig para sa ating kaligtasang lahat.
Dahil sa pag-ibig na iyan ni Hesus, naging pagpapala ang bawat paglisan dahil hindi na lamang ito pagtungo sa isang dakong malayo kungdi pagpasok sa panibagong antas ng ugnayan. Wika nga ng mga kabataan, level up ang ating mga relationships.
Sa bawat paglisan, hindi tayo nababawasan o nawawalan kapag pag-ibig ang dahilan nito.
Kaya sana, ngayon pa lamang atin nang pakaingatan at pahalagahan bawat isa upang bawat paglisan ay maging makabuluhan. Nawa sa ating paglisan, bantayan at pagpalain tayo ng Diyos palagi. Mizpah (Gen.31:49)!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Mayo 2022
Larawan mula sa gettyimages.com at bbc.com.
Huwag sanang masamain
aking pagkagambala
pagkahumaling sa app
na kung tawagin ay TikTok;
batid ko ang maraming kabutihan
dulot nito sa pakikipagtalastasan
at ugnayan ngunit bakit tila
nauungusan ng mga kahalayan
at kabastusan makabagong laruan?
Nakakaaliw mga katatawanan
at kalokohang napapanood
ngunit nakakabagabag mga
kalaswaan nilalarawan at
napapakinggang usapang
natutungahayan sa munting screen
buong kamalayan ang winawasak,
murang isipan nalilinlang
habang oras at panahon nasasayang.
Hindi sa pagmamarunong
ibig ko ring itanong,
"kailangan pa bang picturan"
maski sa lansangan, dalampasigan
at may pampang mga pasiklaban
sa pag-giling ng katawan at
suot-suot ay kakapiranggot?
"Kailangan pa bang picturan"
ipangalandakan kagandahan ng katawan?
Kung ating babalikan
sariling kapanahunan
dekada ochenta mayroong
lathalain kung tawagin Tiktik Magasin,
mga kuwento at dibuho pulos
seksuwal at kabastusan
pinararaan sa panitikan
bilang pagsasalang-alang
sa karamihang tao na maselan.
Ang kahalayan saan mang
paraan ipahayag ay masagwa
at masama pa rin; ngunit may
higit na banta sa lahat, lalo samga bata
nababantad sa mahahalay na
panoorin lalo na sa TikTok at Youtube:
mga mura nilang kaisipan at kamalayan
nasisira at nalalason na tila ang buhay
ay puro palabas na lamang.
Kaya sana ay pagnilayan
makabagong teknolohiya
sa pakikipagtalastasan
ay biyaya ng Diyos upang
mga tao ay mapaglapit at
mabuklod sa kanilang ugnayan,
mapalawak ang kanyang kamalayan
sa kagandahan nitong buhay at
sariling dangal bilang kalarawan ng Maykapal!
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Pebrero 2022
Kapistahan ng Paghahandog kay Jesus sa Templo
Malakias 3:1-4 ><}}}}*> Hebreo 2:14-18 ><}}}}*> Lucas 2:22-40
Larawan mula sa crossroadinitiative.com.
Ngayon ang ika-40 araw mula ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesus sa Bethlehem, Kapistahan ng Paghahandog sa Kanya sa Templo ng kanyang mga magulang na sina Maria at Jose.
Bukod tangi lamang itong salaysay na matatagpuan sa ebanghelyo ni San Lucas sapagkat ibig niyang ipakita noon sa kanyang mga mambabasa at mga taga-sunod na pumarito si Hesus para sa lahat ng tao, hindi lamang sa mga Hudyo.
Una itong pinagdiwang ng mga Kristiyano sa Jerusalem at lumaganap sa Silangan noong taong 500 kung saan ito tinawag sa wikang Griyego na “Ypapante” na ibig sabihi’y ang “Pagtatagpo” nina Hesus at ng dalawang matanda sa templo na sina Simeon at Anna.
Mula Silangan, umabot ang pagdiriwang na ito sa Europa na nakilala bilang kapistahan din ng Paglilinis ni Maria o “Purification of Mary”. Sa France, nagkaroon ng seremonyas ang mga Kristiyano ng pagbabasbas at pagsisindi ng mga kandila bago pumasok ng simbahan bilang pagkilala kay Hesus na tanglaw ng mundo ayon sa pahayag ni Simeon sa templo, “Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil, At magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel” (Luc. 2:32).
Kaya nang makarating sa Roma ang tradisyong ito noong taong 800, ito rin ang ginawang seremonya ni Papa Sergio I kaya tinagurian itong Candelaria (kandila). Makalipas ang mahigit isang libong taon noong 1962 sa Vatican II, ibinalik sa tunay na pangalan ito bilang Kapistahan ng Paghahandog sa Templo ngunit pinanatili ng mga obispo ang tradisyon ng pagbabasbas at pagsisindi ng mga kandila upang ipakita na si Hesus ang tunay na liwanag sa mundo sa aakay sa atin pabalik sa Diyos.
Kuha ni G. Cristian Pasion, Pasko ng Pagkabuhay, 2021.
Mahalaga na ating mapagnilayang muli at makita sa panahong ito na si Hesus ang tanging liwanag sa ating buhay na tumatanglaw sa gitna ng maraming artipisyal na mga ilaw, mga ilaw na ang binibigyang liwanag ay mga tao at kung sinu-sinong ibig na maging sikat o ibig kilalanin.
Ito yaong mga artipisyal na ilaw ng mga kamera at media na ang pinakikita o ang tinatampok bilang “highlight” ay mga karangyaan, kapangyarihan, katanyagan at mga kapalaluan sa mundo.
Inaanyayahan tayo ng kapistahang ito na tularan sina Simeon at Anna na inabangan buong buhay nila si Hesus na siyang tunay na liwanag ng ating buhay na dapat din nating hanapin, lapitan at sundan.
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon.
Lucas 2:25-26
Bukod sa tanging si San Lucas lamang ang may kuwento ng tagpong ito, mayroon din siyang ginamit na kataga na hindi ginamit ng sinumang manunulat ng Bagong Tipan o maging ng alin mang aklat sa buong Bibliya.
Ito yung salitang naglalarawan kay Simeon bilang , “malapit sa Diyos” na sa Inggles ay “devout”.
Alam na natin yung salitang “righteous” o “matapat” na ginamit din ni San Mateo upang ilarawan si San Jose bilang taong matuwid o banal na tumutupad sa mga batas at alituntunin ng kanilang relihiyon.
Ngunit iyong “malapit” o “devout” sa Inggles o “deboto” sa pangkaraniwang pananalita, tanging si San Lucas lamang ang gumamit niyon sa buong Bibliya. Apat na ulit niya itong ginamit: minsan sa ebanghelyo na ating napakinggan at tatlong ulit sa ikalawang aklat niyang sinulat, Gawa ng mga Apostol.
Mas maliwanag ito sa Inggles nang tawagin ni San Lukas ang mga Hudyong pumunta sa Jerusalem noong Pentecostes bilang mga “devout Jews” o “mga taong palasamba sa Diyos” (Gawa 2:5); tinawag din niyang mga “devout men” o “mga taong may takot sa Diyos” yaong mga naglibing sa ating unang Martir na si San Esteban (Gawa 8:2); at sa pagsasalaysay ni San Pablo ng kanyang pagbabalik-loob, ginamit na salita muli ni San Lucas sa kanyang kuwento upang ilarawan si Ananias bilang “a devout observer of the law” o “taong may takot sa Diyos” (Gawa 22:12).
Alalaong-baga, para kay San Lucas, ang isang “devout” na tao, o wika nga natin deboto ay isang taong malapit sa Diyos dahil siya ay mayroong takot sa Diyos kaya tumutupad sa Kanyang mga utos! Hindi lamang sila matapat o faithful kungdi mayroong malinis na puso at laging handang tumupad ng buong tapang sa kalooban ng Diyos.
Kaya nga sa ating mga Pinoy, ang deboto ay taong malapit, yaong mayroong matalik na ugnayan sa Diyos at sa kapwa!
Sila yaong mga kaibigang maaasahan, mayroong sariling kusa at hindi naghihintay na pagsabihan pa kung ano ang gagawain. Mayroong sariling-palo katulad nina Simeon at Anna na kusang naghihintay, lumalapit sa Diyos at Panginoon.
“Presentation at the Temple” painting ng Italian Renaissance artist Andrea Mantegna noong 1455; hawak ni Mari ang Banal na Sanggol habang si San Jose naman sa gitna ay nakatingin kay Simeon na mayroong balbas na puti. Larawan buhat sa wikipedia.org.
Nadadalisay ang ating pagiging malapit sa Diyos sa isang buhay-panalangin na kung saan mayroong disiplina sa pagdarasal na hindi lamang mga salitang inuusal ng bibig kungdi sinasapuso.
Masdan paanong sinabi ni San Lucas sina Simeon at Anna na palaging nasa templo nananalangin. Higit sa lahat, ang pananalangin ay kaisahan sa Diyos kaya nabatid kaagad ng dalawang matanda na dumating na si Hesus sa pag-uudyok sa kanila ng Espiritu Santo.
Katulad din yan ng pagkakaroon ng matalik na kaibigan: palagi kayong nag-uusap, nagbabahaginan at nag-uunawaan kaya mayroong kaisahan.
Ang pagiging malapit sa Diyos o deboto ay hindi lamang pagaalaga at pagkolekta ng mga imahen at aklat dasalan kungdi pumapaloob sa kalooban ng Diyos na siyang sinasabi ni propeta Malakias sa unang pagbasa na biglang darating ang Panginoon sa kanyang templo na siyang ating mga sarili.
Gayun din naman, ang taong malapit sa Diyos palaging malapit sa kapwa, lalo na sa mga maliliit at nahihirapan sa buhay gaya ng mga may-sakit at kapansanan. Pagmasdan paanong kinilala ni Simeon mga magulang ni Hesus sina Maria at Jose. Binigyan niya ng halaga kanyang mga kapwa-tao hindi lamang ang Panginoong Hesus.
Ang tunay na kaibigang matalik ay yaong naglalapit sa atin sa Diyos at kabutihan, hindi kasalanan at kapahamakan. Nakakatagpo natin si Hesus sa ating mga kapwa tao gaya ng sinasabi ng may-akda ng sulat sa mga Hebreo na ating napakinggan.
Higit sa lahat, ang taong malapit sa Diyos o isang deboto ay puno ng tuwa at kagalakan. Damang-dama ang tuwa at galak nina Simeon at Anna nang makatagpo at makalong si Hesus na sa sobrang tuwa nila sila’y handa nang mamatay.
Iyon ang tunay na palatandaan ng malapit at nakatagpo sa Diyos: puno ng tuwa na anuman ang sapitin sa buhay, hindi niya alintana ang mga takot at pangamba, maging kamatayan sapagkat ito ang maghahatid sa tunay na paglapit at pagbuklod sa Ama kay Kristo Hesus. Amen.
Larawan kuha ng may-akda, Santo Niño Exhibit sa katedral ng Malolos, Enero 2022.
Sa tuwing umuulan,
unan at higaan ating tinutunguhan
lahat ang hanap ay kapahingahan
sa gitna ng panahong malamig
at kay inam ipahinga pagod na
katawan at isipan habang may
ilan sa ating ay walang masilungan
walang uuwiang kama na malamig
ni upuang mahalumigmig
habang ang iba naman
lagaslas ng ulan sa loob at
labas ng tahanan ay pareho lang
dahil sa butas butas na bubungan
barong-barong na tirahan.
Sa tuwing umuulan,
mga tiyan at sikmura
mabilis kumalam kahit
puno ng laman
kaya naman kay raming dahilan
tumungo sa kalan at magluto
ng mga pagkaing masarap
tikman tuwing umuulan
pinaiinit nanlalamig na katawan
nagigising mga kalamnan
habang mayroon namang ilan
kape lang ang nakakayanan
maibsan lang lamig at kalam
ng tiyan na walang laman.
Sa tuwing umuulan
huwag sana natin makalimutan
ang maraming walang masilungan
ni matulugan dahil kanilang mga
pinananahanan nasira o lumubog
sa baha na dala ng ulan;
Sa tuwing umuulan
huwag sana natin makalimutan
ang maraming kapatid natin
wala nang damit at gamit
wala ding pagkaing mainit
ni tubig na malinis
pagkakasakit tinitiis
inaasam pagsikat ng araw kinabukasan.
Sa tuwing umuulan
tayo ay manalangin
upang ipagpasalamat mga
biyaya at pagpapala natin
na tayo ay magkakapiling
nakakatulog ng mahimbing
nakakakain ng mga paboritong lutuin;
tangi ko lang hiling
lubusin ating pananalangin
bukod sa pagtulong at pagdamay natin
dagdagan ating pandamdam
huwag maging manhid
iwasan pagpopost ng pagkain
dahil sadyang di maganda ang dating
sa panahon at buhay
ay napakakulimlim.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Abril 2021
Mula sa Facebook ni Jean Palma noong ika-18 ng Abril 2021 na nilagyan niya ng caption: “All these community pantries in four days, and counting. What a powerful movement.” #CommunityPantry
Tila magpapasko, presko at mahangin ang panahon noong Lunes ng umaga dito sa Pambansang Dambana ng Birhen ng Fatima sa Valenzuela.
Natutuwa ako noon sa napakabuting balita ng paglaganap nitong tinaguriang mga “community pantry” na nagsimula sa kalye Maginhawa sa Quezon City noong a-kinse lang ng Abril. Wala pang isang linggo ay kumalat na sa buong kapuluan ang kilusan na kung isasalin sa ating sariling wika ay “paminggalang pampamayanan”.
Sa mga kagaya ko na inabot ang singko sentimos na de bote ng Cosmos, bago dumating ang pridyider ay paminggalan ang puntahan ng lahat lalo na sa bahay na matanda kung saan nakatira ang mga impo at lola.
At ang turo sa aming mga bata noon, maaring kumuha ng pagkain sa paminggalan pero huwag uubusan ang ibang kasama sa tahanan.
Higit sa lahat, magsabi lagi upang mapalitan o mapunan sakaling mauubusan lalo na ng kape at asukal.
Kaya naman napakagandang makitang muli itong mga paminggalan hindi na sa tahanan kungdi sa lansangan na tila baga bawat pamayanan naging isang malaking pamilya pinamamayanihan ng pagkakapatiran.
Iyon ang pinaka-buod at kahulugan nitong mga paminggalang pampamayanan na siya rin namang ipinahayag ni Bb. Ana Patricia Non: hindi aniya ito pagkakawanggawa o “charity” kungdi pakikipagkapwa-tao o mutual aid upang matulungan ang bawat isang nangangailangan.
Sa Banal na Kasulatan ay ating natunghayan kamakailan paglalarawan ng pamumuhay ng mga unang Kristiyano:
At nagsasama-sama ang lahat ng sumasampalataya at para sa lahat ang kanilang ari-arian. Ipinagbibili nila ito at ang pinagbilhan ay ipinamamahagi sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
Mga Gawa ng Apostol 2:44-45
Larawan mula sa inquirer.net.
Isinaysay sa atin ni San Lucas ang naturang bahagi sa buhay ng mga unang Kristiyano upang muling mahimok sa atin ang pagkakapatiran, ang magising ating mga kaisipan at kamulatan na sa buhay hindi pinag-uusapan at batayan ang ano mang kakayahang gawin kungdi ang pagkakakilala sa bawat isa bilang ka-patid, ka-dugtong, at ka-putol. Alisin mo ang unlaping “ka”, ika’y patid at putol. Hiwalay at nag-iisa, walang karugtong.
Kapatiran, samahan ng magkakapatid, hindi ng mga gawain.
Kung babalikan natin yung tagpo matapos mag-ayuno at manalangin ang Panginoong Hesus sa ilang, ang unang panunukso sa kanya ng demonyo ay gawin niyang tinapay ang mga bato.
Ganyang-ganyan pa rin ginagawa ng diyablo at kanyang kampon sa ating panahon na ang palaging tanong ay “ano ba ang nagawa mo?” o “mayroon ka bang naambag?”: para sa kanila, pinakamahalaga yung nagagawa kesa makipag-kapwa.
Hindi nila batid na ang sino mang tunay sa pakikipag-kapwa, laging kasabay ang gumawa ng mabuti.
Kaya hindi rin kataka-taka sa kanila na ang mga addict at kriminal ay patayin dahil para sa kanila walang nagagawang mabuti mga ito sa lipunan.
Isang magandang pagkakataon itong pag-usbong
ng maraming paminggalang pampamayanan
na muli nating mapagtanto dangal ng bawat tao
na dapat mahalin at igalang bilang larawan
at wangis ng Diyos na lumikha sa tanan.
Larawan mula sa Dr. Yanga’s Colleges Inc. sa kanilang “community pantry” sa Bocaue, Bulacan, 20 Abril 2021.
Isang magandang pagkakataon itong pag-usbong ng maraming paminggalang pampamayanan na muli nating mapagtanto dangal ng bawat tao na dapat mahalin at igalang bilang larawan at wangis ng Diyos na lumikha sa tanan.
Inyong pagmasdan, madalas mga taong mapagbilang at mapaghanap ng mga nagawa ay siya ring mga mapanaghili, binibilang mga gawain na tila lahat dapat tumbasan o mayroong kapalit.
At ang pinaka-masaklap, sila din yaong mga wala ring ginagawa, puro salita kaya sila’y katawa-tawa parang sirang plaka katulad ng kanilang pamumula at “red tagging” sa mga nasa likod ng paminggalang pampamayanan o community pantry.
Ayaw nila sa paminggalang pampamayanan dahil doon ang batayan ay pagtuturingan bilang magkakapatid; walang ganid at sakim, nasa isip palagi ang kapwa na maaring mas kawawa kaysa sarili.
Kaya heto ang aking awit na handog sa mga nagpasimuno at nagpapalaganap nitong community pantry.
Kasama na rin ang mga hindi naniniwala, namumula.
At, sumasalaula.
Humuhuni ang ibon
Nagsasayaw sa hangin
At laging masaya
Bakit kaya ang tao may isip at talino
Nalulungkot pa siya
Matutuhan lang ng bawat nilikha
Ang umibig sa tao't daigdig
Lungkot nila'y mapapawi ligaya'y ngingiti
Pagibig at pag-asa
Ang damdaming gigising sa taong mahimbing
Ang tunay na ligaya sa ating puso
Muling magniningning
Ikaw at ako
Hindi man magkalahi
Ay dapat matutong magmahal
Ituring mong tayong lahat ay magkakapatid
(New Minstrels, 1980)
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Biyernes Santo, Ika-02 ng Abril 2021
Larawan mula sa wikipediacommons.org ng “Ecce Homo” ni El Greco.
Kung mayroon mang higit na malungkot
ngayong Biyernes Santo
habang tayo ay muling binalot
saka pinalaot sa gitna ng bulok
at kawalang sistema sa pandemya
noon pa, iyan ay tiyak walang dili iba
kungdi si Hesus na ating Panginoon
at Manunubos; marahil hindi Niya maubos
isipin sa gitna ng masasamang nangyayari sa atin
mas binibigyang pansin ng maraming hangal
sa ating pamahalaan mga bagay-bagay
kay daling isipin habang mga paksa
nagiging usapin dahil sa pagsisinungaling!
Ngayong Biyernes Santo
araw ng pag-aayuno
upang ating mapagtanto
Panginoong Hesus ay naririto
sa ating pagtitiis ng kagutuman
nalilinis ang puso at kalooban
nawawalan ng laman
upang tayo ay mapunan
ng Diyos ng kanyang kabanalan;
kay laking kahibangan
lalo ng mga nasa kapangyarihan
kalimutan at talikuran tuluyan
mga payak at aba, lugaw ang kumakatawan!
Pinakamalungkot pa rin
ngayong Biyernes Santo
ang Panginoong Hesu-Kristo
dahil katulad niya noon
patuloy pangungutya sa kapwa
lahat hinahamak at minamaliit
gayong kanilang mga isipan
ang walang laman, sadyang
mapupurol at makikitid
na hindi nababatid
ang tao na higit na dakila
hindi masalita, nakikilala sa
busilak ng kanilang puso at diwa.
Huwag nating kalimutan
bago sumapit ang Biyernes Santo
noong gabing ipagkanulo si Kristo
pinili niyang walang hanggang tanda
ng kanyang kapanatilihan sa atin
tinapay na walang lebadura
na alalaong-baga sa atin dito sa Asya
kapantay ay lugaw na siyang inihahain
sa mga panahong alanganin
ito ang kinakain upang maging sapin
sa tiyan na dumaraing sa maraming hinaing
di lamang sa gutom kungdi pati
kawalan ng mga pumapansin.
Alalahanin tuwing ikaw ay kumakain
nitong paborito nating pagkain
lugaw marahil ang hihilingin
ni Hesus na Panginoong natin;
napakadaling pakisamahan
lasap kanyang linamnam
hindi maselang lutuin
walang ulam na aalalahanin
ano man maaring isahog at i-pares
sarap at ginhawang walang kaparis
kaya nakakainis mga nagmamalinis
sana'y umalis na
dahil sila ang mga panis!
Salamat sa mga taong simple at payak, maasahan kailanman tulad ng lugaw: mahalaga at mainam sa katawan!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Nobyembre 2020
“Ecce Homo” ni Murillo, mula sa wikipediacommons.com.
"Utos ng hari
hindi mababali!"
Iyan ang kasabihang
ating kinalakhan
tumutukoy sa kapangyarihan
ng sino mang naghahari
o naghahari-harian
sa lansangan o tahanan
tanggapan at paaralan
maging sa simbahan
kung saan ang pari ---
O kay laking sawi!---
para ding hari...
Bawat utos,
ano man magustuhan
hindi maaring ipagpaliban,
ipagpipilitan upang makamtan;
parurusahan sino man
lumiban sa utos
na batas ang katumbas!
Nguni't
ito nga ba ang tamang gawi
ng sino mang hari
na ituring kanyang pag-aari
parang mga aliping nagapi
kanyang nasasakupan
at pinaghaharian?
Masdan
mga salitang binitiwan
ng Hari ng mga hari
at ating Dakilang Pari:
"Ito ang dahilan
kung bakit ako ipinanganak
at naparito sa sanlibutan:
upang magsalita
ng katotohanan"
na "ang Diyos ay pag-ibig"
naparito "upang maglingkod
hindi upang paglingkuran".
Iyan sana ating tandaan
katangian
ni Kristo Hesus
Hari ng sanlibutan
SINUSUNOD
hindi NASUSUNOD,
sinusundan, tinutularan
sa kanyang kabutihan.
Kaya kung si Hesus
nga ang ating Hari
Siya ang ating tularan
sa pagmamahal at kabutihan
huwag sirain yaring kaisahan sa sangkatauhan
dahil ano man gawin o ipagkait sa maliliit
siyang Kanyang pagsusulit sa pagbabalik!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-18 ng Nobyembre 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
"Walang kuwenta"
madalas masambit ng matatanda
sa maraming bagay noong araw
panahon pa ni Kopong-Kopong
kung sino man iyon...
"Walang kuwenta"
ay walang suma,
walang halaga,
walang kabuluhan
kaya hindi na binibilang.
Nguni't kung ating
tutuusin
lahat sa buhay natin
ay mahalaga kaya
mayroong kuwenta ang bawat isa.
Walang
walang kuwenta
sa mundong ito
dahil sa kahuli-hulihan
ang lahat ay kukuwentahin
upang tingnan
kung tayo ay sapat o
kulang sa timbang
batay sa ipinagkatiwala
ng Diyos na biyaya sa atin.
Hindi mahalaga kung
marami o kakaunti
binigay Niya sa atin
dahil iisa pa rin
ang pagsusuma
na Kanyang gagawin:
naging tapat ba tayo
sa atas Niyang gampanin
palaguin, pagyamanin
kaloob Niyang bigay sa atin?
Mapalad
ang aliping tapat,
pinagyaman, pinalago
kanyang buhay at talento
sa langit kanyang makakapiling
itong Panginoon natin!
Ngunit sa aba
na sinayang ang lahat
sa paghuhukom
siya ay titimbangin
at kung kukulangin
magngangalit mga ngipin
sa walang hanggang apoy
siya susunugin.
Pagyamanin
biyaya sa atin
ng Panginoong butihin
na siyang puhunan
din natin
sa buhay pang darating!