Awit para sa Paminggalang Pampamayanan (Community Pantry)

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Abril 2021
Mula sa Facebook ni Jean Palma noong ika-18 ng Abril 2021 na nilagyan niya ng caption: “All these community pantries in four days, and counting. What a powerful movement.” #CommunityPantry

Tila magpapasko, presko at mahangin ang panahon noong Lunes ng umaga dito sa Pambansang Dambana ng Birhen ng Fatima sa Valenzuela.

Natutuwa ako noon sa napakabuting balita ng paglaganap nitong tinaguriang mga “community pantry” na nagsimula sa kalye Maginhawa sa Quezon City noong a-kinse lang ng Abril. Wala pang isang linggo ay kumalat na sa buong kapuluan ang kilusan na kung isasalin sa ating sariling wika ay “paminggalang pampamayanan”.

Sa mga kagaya ko na inabot ang singko sentimos na de bote ng Cosmos, bago dumating ang pridyider ay paminggalan ang puntahan ng lahat lalo na sa bahay na matanda kung saan nakatira ang mga impo at lola.

At ang turo sa aming mga bata noon, maaring kumuha ng pagkain sa paminggalan pero huwag uubusan ang ibang kasama sa tahanan.

Higit sa lahat, magsabi lagi upang mapalitan o mapunan sakaling mauubusan lalo na ng kape at asukal.

Kaya naman napakagandang makitang muli itong mga paminggalan hindi na sa tahanan kungdi sa lansangan na tila baga bawat pamayanan naging isang malaking pamilya pinamamayanihan ng pagkakapatiran.

Iyon ang pinaka-buod at kahulugan nitong mga paminggalang pampamayanan na siya rin namang ipinahayag ni Bb. Ana Patricia Non: hindi aniya ito pagkakawanggawa o “charity” kungdi pakikipagkapwa-tao o mutual aid upang matulungan ang bawat isang nangangailangan.

Sa Banal na Kasulatan ay ating natunghayan kamakailan paglalarawan ng pamumuhay ng mga unang Kristiyano:

At nagsasama-sama ang lahat ng sumasampalataya at para sa lahat ang kanilang ari-arian. Ipinagbibili nila ito at ang pinagbilhan ay ipinamamahagi sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa.

Mga Gawa ng Apostol 2:44-45
Larawan mula sa inquirer.net.

Isinaysay sa atin ni San Lucas ang naturang bahagi sa buhay ng mga unang Kristiyano upang muling mahimok sa atin ang pagkakapatiran, ang magising ating mga kaisipan at kamulatan na sa buhay hindi pinag-uusapan at batayan ang ano mang kakayahang gawin kungdi ang pagkakakilala sa bawat isa bilang ka-patid, ka-dugtong, at ka-putol. Alisin mo ang unlaping “ka”, ika’y patid at putol. Hiwalay at nag-iisa, walang karugtong.

Kapatiran, samahan ng magkakapatid, hindi ng mga gawain.

Kung babalikan natin yung tagpo matapos mag-ayuno at manalangin ang Panginoong Hesus sa ilang, ang unang panunukso sa kanya ng demonyo ay gawin niyang tinapay ang mga bato.

Ganyang-ganyan pa rin ginagawa ng diyablo at kanyang kampon sa ating panahon na ang palaging tanong ay “ano ba ang nagawa mo?” o “mayroon ka bang naambag?”: para sa kanila, pinakamahalaga yung nagagawa kesa makipag-kapwa.

Hindi nila batid na ang sino mang tunay sa pakikipag-kapwa, laging kasabay ang gumawa ng mabuti.

Kaya hindi rin kataka-taka sa kanila na ang mga addict at kriminal ay patayin dahil para sa kanila walang nagagawang mabuti mga ito sa lipunan.


Isang magandang pagkakataon itong pag-usbong 
ng maraming paminggalang pampamayanan 
na muli nating mapagtanto dangal ng bawat tao 
na dapat mahalin at igalang bilang larawan 
at wangis ng Diyos na lumikha sa tanan.

Larawan mula sa Dr. Yanga’s Colleges Inc. sa kanilang “community pantry” sa Bocaue, Bulacan, 20 Abril 2021.

Isang magandang pagkakataon itong pag-usbong ng maraming paminggalang pampamayanan na muli nating mapagtanto dangal ng bawat tao na dapat mahalin at igalang bilang larawan at wangis ng Diyos na lumikha sa tanan.

Inyong pagmasdan, madalas mga taong mapagbilang at mapaghanap ng mga nagawa ay siya ring mga mapanaghili, binibilang mga gawain na tila lahat dapat tumbasan o mayroong kapalit.

At ang pinaka-masaklap, sila din yaong mga wala ring ginagawa, puro salita kaya sila’y katawa-tawa parang sirang plaka katulad ng kanilang pamumula at “red tagging” sa mga nasa likod ng paminggalang pampamayanan o community pantry.

Ayaw nila sa paminggalang pampamayanan dahil doon ang batayan ay pagtuturingan bilang magkakapatid; walang ganid at sakim, nasa isip palagi ang kapwa na maaring mas kawawa kaysa sarili.

Kaya heto ang aking awit na handog sa mga nagpasimuno at nagpapalaganap nitong community pantry.

Kasama na rin ang mga hindi naniniwala, namumula.

At, sumasalaula.

Humuhuni ang ibon
Nagsasayaw sa hangin
At laging masaya
Bakit kaya ang tao may isip at talino
Nalulungkot pa siya

Matutuhan lang ng bawat nilikha
Ang umibig sa tao't daigdig
Lungkot nila'y mapapawi ligaya'y ngingiti

Pagibig at pag-asa
Ang damdaming gigising sa taong mahimbing
Ang tunay na ligaya sa ating puso
Muling magniningning

Ikaw at ako
Hindi man magkalahi
Ay dapat matutong magmahal
Ituring mong tayong lahat ay magkakapatid
(New Minstrels, 1980)

One thought on “Awit para sa Paminggalang Pampamayanan (Community Pantry)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s