Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Agosto 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Pulilan, Bulacan, Enero 2020.
Ang sabi nila
buhay ay parang isang pelikula
tayong lahat ang bida at artista;
kaya lalo nang malaking pelikula
at tiyak patok sa takilya
pelikula ng ating republika!
Siyempre, lahat ay pabida
gusto umeksena
hindi lang sa Palasyo at Kongreso
pati na rin sa mga paseo basta matao.
Ang nakakatawa pero bumebenta
lalo na sa mga tanga
mga artista nagpipilit sa pulitika
mga pulitiko umaarte, nagpapabebe!
Dating pelikula ng ating republika
makasaysayan at makahulugan
maituturing na isang sining
nababanaagan maningning na liwanag
katulad din ng pinilakang tabing
kapupulutan ng mga ginintuang aral
mga talastasan at eksena
mula sa mga aninong gumagalaw;
nang magdeklara ng Martial Law
nagsimula rin ang kasalaulaan
ng pamahalaan maging sa sinehan
kung saan mga hubad na katawan
pinagpipistahan, kunwari'y film festival
ang totoo ay karnabal.
Nagwakas din at nagsara ang tabing
ng malagim na yugto ng kasaysayan natin
bagong simula ang dokyu ng EDSA
kinalaunan naging trahedya
pelikula ng republika, naging telenovela at komedya
nang maupo tunay na artista ng masa,
nagreyna sa media at chika
puro artista, kaya dumagsa na rin sila
naging zarzuela pelikula ng ating republika
naglabo-labo at moro-moro, gumulo nang gumulo
kaya heto tayo horror na nakakatakot
nakapangingilabot kadiliman
at kasamaang bumabalot parang bangungot
hugot sa isang eksena ng pelikula na sana'y matapos na.
Ngunit kung titingnan
mga pelikulang horror walang laman
puro kabobohan at katangahan
dinaraan lang sa gulatan
hanggang maging katatawanan.
Hindi ba't ganyang-ganyan
ating lipunan at pamahalaan
isang malaking pelikulang katatakutan
na puro kabalastugan at kahangalan?
Kaya aking payong kaibigan,
sa susunod na halalan
tanggihan, huwag nang pagbigyan
mga artista sa pulitika,
mga pulitiko na payaso!