Aral ng COVID 19, VI: disiplina ang gamot sa sakit natin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, Abril 2020
Habang tumatagal itong quarantine 
lalong ipinakikita hindi COVID-19
ang kalaban natin kungdi ating sarili din;
matagal nang sakit na hindi kayang gamutin
nakaugat nang malalim sa katauhan natin
kawalan ng disiplina kay hirap sugpuin.
Sa gitna ng kawalan ng maaasahan
sa pamahalaang abala sa kapalaluan
ayaw pakinggan mga paraan ng nakakaalam
disiplina nating mga mamamayan
ang pinaka-mabisang sanggalang
laban sa virus na galing sa Wuhan.
Tingnan, pag-aralan, at tularan
pamamaraan ng mga bansa kung saan
paglaganap ng COVID-19 ay nalabanan
laging matatagpuan dalawang bagay magkasabay:
mahusay at magaling na pamahalaan
disiplinadong mga mamamayan.
Masunurin ang turing sa taong may disiplina
na nagmula sa wikang Griyego na discipulos,
taga-sunod o alagad; sa wikang Latin, 
dalawang kataga ang pinagsama
"ob audire" na ibig sabihin "makinig na maigi"
kaya sa Inggles "obedient" ang isang masunurin.

Ang taong may disiplina
 masunurin sa tuwina
laging nakikinig sa mga sasabihin
upang kanyang tuparin 
mga ipinagbibilin
 ano mang atas na kanyang gawain.
Kung ating lilimihin lalim
ng kahulugan ng disiplina
ito rin ang siyang dahilan
upang ating matutuhan
kahalagahan ng pagtitiyaga
at paghihintay na atin nang tinalikuran.
Pagkaraan ng mahigit limang buwan
lahat na lamang sa atin ay dinaraan 
sa paspasan, pag-aagawan, at pagdarayaan
kaya hanggang ngayon wala tayong patunguhan;
kung bawat mamamayan mayroong disiplina
baka sakali tinablan ng kahihiyan mga kinauukulan
wala na silang dahilan sa kanilang kapabayaan 
dahil sila unang nagkulang sa disiplinang kinakailangan
hindi nila tayo maaring sisihin 
nagkulang sa pagsugpo sa COVID-19.
Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, Marso 2020.

Aral ng COVID-19, V: ang dapat dasalin, pagbabago natin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-06 ng Agosto 2020
Larawan kuha ni Ezra Acayan ng Getty Images, Marso 2020.
Sa ating pananalangin,
turo ng Panginoong Hesus sa atin,
bago pa man kayo humiling,
batid na ito ng Diyos nating mahabagin;
at kung kayo ay mananalangin, wika Niya,
inyong sabihin:  Ama namin...
Gayong batid pala ng Diyos kailangan natin,
tanong ng iba, bakit tayo mananalangin pa sa Kanya?
At ito ang hindi nalalaman ng karamihan
mahalagang katotohanang dapat tandaan:
sa pananalangin ang pinakamahalaga ay
mabatid natin ibig ng Diyos mula sa atin!
Kaya naman sa tagal nitong COVID-19
sa dami ng ating panalangin, tiyak noon pa man din
alam na ng Diyos kailangan upang wakasan
pandemyang malagim na bumabalot sa atin
kumitil at nagpatigil sa takbo ng buhay natin
dulot sa lahat ay hirap maging sa iba ay hilahil.
Marahil kailangan na nating baguhin
ating panalangin sa panahong ito ng COVID-19
sapagkat wala sa gamot at medisina
sa mga botelya at siringgilya ang sa atin magpapagaling
kungdi sa pagpapanibago nitong puso at kalooban natin
na siyang laging ibig naman ng Diyos mula sa atin.
Sa gitna nitong quarantine nabuking
masasamang pag-uugali maging mga gawi natin
na sa gitna ng kagipitan at kahirapan
marami pa rin ang nagsamantala
naging sakim at makasarili
ibig ang lahat ay kamkamin, kabigin at angkinin.
Pandaraya at panggugulang, hindi patas sa mga patakaran
marami sa pamahalaan at katungkulan naghari-harian
mga inaakalang kalaban hinigpitan
malayang pamamahayag pinigilan
mga karapatan at dangal ng mamamayan
niyurakan at tinapakan, lalo na mga walang pinanghahawakan.
Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, Marso 2020.
Kaya aking bayan 
ating pag-isipan at pagnilayan
batid ng Diyos ating pangangailangan
ngunit hindi Niya ito kaagad pagbibigyan
dahil tanging paraan sa pagsugpo sa salot na ito
naroroon sa ating mga puso, wala sa nguso.
Harapin natin hindi ang COVID-19
kungdi ating sarili at pag-uugali na dapat gamutin
sa mga sakit na naglalayo sa Diyos at kapwa natin;
karunungang kinakailangan ibinigay na ng Diyos
noon pa man upang solusyunan virus mula Wuhan
tangi Niyang kahilingan mamuhay tayo sa kabutihan at katuwiran.
Mahigit limang buwan na tayong nagdarasal
ugali at asal nati'y makapal pa rin sa kasamaan
kaya marahil lalo pang magtatagal 
pagdurusa sa pandemyang ito na nag-ugat 
 buhat sa puso ng tao na kung di magbabago
uulit at uulit sa iba't ibang anyo.

Hindi normal ang new normal

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Hulyo, 2020
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
mayroong mga nagpapasasa sa kayamanan
at luho sa katawan habang karamihan 
naghihikahos at pilit idinaraos bawat araw 
maski mamalimos dahil kabuhayan nila ay naubos.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
nakukuha ng iba na matuwa at magsaya
kapag mga kumpanya ay naipasara o nagsara
gayong ito ang panahon kay hirap kumita
di nila alintana pighati at dalamhati ng masawi.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
sariling kapakanan inaatupag ng mga congressman
lahat ng panggugulang at kabalastugan
naiisipan habang buong bayan nahihirapan
ni walang masakyan sa pupuntahan at uuwian.
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
na daanin sa biro at masasakit na salita
patutsada laban sa kapwa maging maralita 
na bantad sa banta ng gutom at kamatayan
simula umaga hanggang makatulugan na lang..
Hindi normal sa gitna nitong pandemya
kawalan ng katarungan kung saan
ang mga makapangyarihan di kakitaan ng 
kabutihan at pagka-uliran sa pagsunod sa mga
patakaran habang mga nasasakupan pinarurusahan.
Hindi normal kahit walang pandemya
ano pa mang katuwiran sabihin ninuman
ito ang panahon ng new normal dahil hindi
kailanman nababago ang normal
na siyang pamantayan ng kalakaran.
Kaya inyo nang tigilan
pagturing sa umiiral na takbo ng buhay
sa gitna ng pandemya bilang "new normal"
dahil ang karamihan kailanman 
ay hindi pa man naranasan tinuturing nating
normal na pamumuhay; 
sa tuwing ating ginigiit itong "new normal" 
lalo nang nababaon, nagigipit at naiipit mga maliliit.
Baguhin mga pananaw at kaisipan
ng umiiral na sitwasyon upang mapabuti
kalagayan ng mga kinalimutan ng lipunan
ngayon natagpuan kanilang dangal at kahalagahan.
Huwag nating hintaying dumating ang panahon
masahol pa sa sinapit natin ngayon 
na kung kailan sadyang kakalusin ang salop 
na ating napuno ng kalabisan
ng kawalan natin ng pakialam sa mga maling umiiral
sa ating lipunan at pamahalaan, simbahan at pamayanan
lalot higit sa ating tahanan at puso't kalooban.

*Mga larawan sa itaas ay mula kay G. Raffy Tima ng GMA-7 News maliban sa una at huling larawan na mula sa GMA News.

Isang tula para sa ating Kapamilya

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Hulyo 2020
Kaya pala himpapawirin nagdilim
bandang alas-tres pa man din
oras ng kanilang patayin
doon sa Krus nakabitin
si Hesus na Panginoon natin
nang kanyang sabihin
katotohanang hindi maatim
ng mga tao na ang puso ay ubod ng itim.
Bandang hapon ko na rin napagtagni-tagni
pangyayari bago magtanghali
nasunog matandang simbahan
ng Sto. Niño sa Pandacan
kabila ng Malacañang:
hindi ba nabuwang Haring Herodes
nang marinig niya balitang sumilang
Banal na Sanggol kaya mga bata pinagpapaslang?
Hindi ko nga malaman
sino nga ba aking tatangisan ---
apatnaput-dalawang binawian ng buhay
nitong COVID-19 na tunay na kalaban
o mga Kapamilya na tinanggihan kanilang 
prangkisa ng mga hunghang 
na tuta at alepores ng bagong Herodes
na walang malay gawin kungdi lahat ay patayin.
Bayan kong ginigiliw
bakit nga ba kung minsan
ang hirap mong mahalin?
Hindi mo pansin panloloko
ng mga matsing?
Aking dalangin
sana ikaw ay magising
o mahimasmasan iyong pagkalasing!
Matatala sa ating kasaysayan
pangalawang Biyernes Santo sa taong ito
ang ika-sampu ng Hulyo, dalawang libo dalawampu;
pinagluluksa natin hindi lamang
pagpatay sa prangkisa ng ating Kapamilya
kungdi pati na rin pagyurak sa ating dangal bilang tao
maging sa mga sandigan ng ating sambayanan.
Umasa at mananalig tayo kay Kristo
sa pagsapit ng Pasko ng Pagkabuhay;
bagaman ito'y natatagalan, hindi kailanman 
natalo ng kadiliman ang liwanag,
o ng kasinungalingan ang katotohanan,
kung tayo ay lilingon sa slogan noon:
"Ako ang simula" ng pagbabago 
dahil kung tinalo nila tayo kahapon sa boto, 
bukas talo sila sa ating boto!

Bago ang lahat, pag-ibig

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-29 ng Mayo 2020

Sa gitna ng aking pananalangin
minsa'y sumagi kung maari
itong alaala o gunita ay himayin 
upang tukuyin at tuntunin
kailan nga ba nagsimula
tayo natutong manalig at sumandig
sa Panginoong Diyos natin?
Napaka-hirap alamin
simula ng pananampalataya natin
ngunit marahil kung ating tutuusin
bago ang lahat ay nalaman natin
unang naranasan higit sa lahat ay ang pag-ibig.
Ang Diyos ay pag-ibig
at kaya tayo nakapagmamahal 
ay dahil una Niya tayong minahal;
kaya nga pag-ibig ang suma total
ng lahat ng pag-iral sapagkat
ito rin ang wika at salita ng Diyos 
nang lahat ay kanyang likhain.
Bago nabuo kamalayan natin,
naroon muna karanasan ng pag-ibig
na siyang unang pintig sa atin ay umantig
sa sinapupunan ng ating ina
hanggang tayo ay isilang niya at lumago sa ating pamilya.
Bago tayo maniwala
nauna muna tayong minahal
kaya tayo ay nakapagmahal
at saka nanampalataya;
kung mahihimay man na parang hibla
ng isang tela itong ating buhay
natitiyak ko na sa bawat isa
ang tanging matitira 
na panghahawakan niya
ay yaong huling sinulid 
na hindi na kayang mapatid
sa atin nagdurugtong, naghahatid bilang magkakapatid.
Kaya palagi po ninyong ipabatid,
Panginoong Diyos ng pag-ibig
sa mga isipan naming makikitid at makalimutin
mga pagkakataon ng iyong bumabalong na pagmamahal
kailan ma'y hindi masasaid
habang bumubuhos sa bawat isa sa amin;
huwag namin itong sarilinin o ipunin
bagkus ipamahagi, ipadama sa kapwa namin.
Itong pag-ibig na ipinadama sa amin
ang siyang maaasahang katibayan
nagpapatunay mayroong Diyos na buhay at umiiral
na sa atin ay dumatal bago ang lahat, sa Kanyang pagmamahal.

Bakit masarap balikan nakaraan?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Mayo 2020
Photo by Pixabay on Pexels.com
Mula nang mag-quarantine 
palagi nating hiling
sana'y maibalik dating takbo
nitong buhay natin.
Kung tutuusin bahagi ng sarili natin
ano mang luma laging kinagigiliwan 
basta mayroong kinalaman sa nakaraan:
lumang tugtugin at awitin,
naninilaw na mga liham, nalimot na nilalaman;
mga kupas at sepia na larawan,
sinaunang estilo at disenyo
ng mga gamit at damit, bahay at gusali;
lumang radyo, lumang kotse
antik at klasik kung ituring
tibay at husay walang kapantay.
Mga bakas ng kahapon
ayaw nating itapon
bagkus tinitipon, kinakahon
sa isang sulok ng bawat ngayon
upang kung may pagkakataon,
mga ito ay malingon
baka sakaling makabangon
at humakbang pasulong.
Madalas sa atin mga kahapon
tila palaging umaayon sa bawat ngayon
dahil alam na natin nangyari noon:
mga kinalabasan at hinantungan
ng ating pagsasapalaran
hatid man ay tuwa o luha
mga iyon atin nang nalampasan. 
Madali at masarap balikan nakaraan
dahil alam na natin ang nagdaan
habang sa bawat ngayon at kinabukasan
tayo ay laging kinakabahan
dahil wala tayong panghawakan
maliban pakikibaka at sapalaran
gaya noong nakaraan 
nang tayo ay pumailanglang
sa walang katiyakan.
Kaya nga huwag kabahan
sa kasalukuyan maging kinabukasan;
mahalaga ating matandaan 
matutuhan mga aral, kabuluhan, at kahulugan
ng kasaysayan upang itong kasalukuyan 
malampasan, mapagtagumpayan!
Photo by Essow Kedelina on Pexels.com

Buksan ang aming Puso

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Mayo 2020
Larawan kuha ng may-akda, tabernakulo na walang laman bago magsimula Misa ng Huwebes Santo, 2020.
Kay hirap maunawaan
at hindi ko mailarawan
matay ko mang isipin
ngayong panahon ng COVID-19
pinaiiral nati'y karahasan
sa halip na kahinahunan
at kabutihan.
Minsa'y aking napakinggan
kaya aking tinunghayan
balita sa telebisyon nang 
si Mang Dodong ay nakulong
mahigit sampung araw sa Navotas
nang siya ay dakpin dahil 
walang papeles ng quarantine.
Asawa niyang si Aling Patring
di malaman gagawin 
dahil ayon sa balita, 
walang gaanong napag-aralan
mabuti't tinulungan ng mayroong 
magagandang kalooban.
Kayo na mga mayroong pinag-aralan
napakaraming kaalaman at nalalaman
tingnan itong larawan kung pagdududahan
kakayahan at katauhan ni Mang Dodong
 na kailangan siyang pahirapan
sa tanging pagkukulang sa panahon ng lockdown
hindi nakakuha sa tirahan sa Kalookan
ng quarantine pass upang makahango ng isda sa Navotas.
Sino ang hindi mababagbag
at mababagabag sa mga kuwento
ng karahasan at karanasang ganito
sa panahon ng pandemya
na sa halip tayo ay magtulungan at magdamayan
nagpapahirapan at nagmamatigasan
sa mga bagay na mapapalampas naman.
Hindi ba puwedeng pagbigyan na lamang
kung hindi naman gaanong kabigatan, kalala ang kasalanan?
Nasaan ang katarungan kapag mga makapangyarihan
pinalalampas, kinakatuwiran taglay na husay at galing
samantalang nagkamali rin naman at masahol pa sa karamihan?!
Larawan kuha ng may-akda.
Hindi sasapat kailanman ating isipan
dapat mabuksan din ating puso at kalooban
dahil ang katotohanan hindi lamang
karunungang nababatid, naikakatuwiran
kungdi isang kapatid nararanasan
nararamdaman bawat pintig ng kalooban,
hangad makatawid sa gutom, mabuhay lamang.
Maraming pagkakataon sa iba't-ibang panahon
kapag nabubuksan isipan sa maraming kaalaman
mga kasangkapan pinahahalagahan, kapwa tao nalilimutan
tulad sa mga digmaan at labanan ng kanya-kanyang karapatan
hindi baleng tapakan at yurakan katauhan ng iba
pati sanggol sa sinapupunan
huwag lamang mahadlangan sariling kagustuhan.
O Diyos naming makapangyarihan,
Iyo sanang buksan aming puso at kalooban
upang sa amin Ika'y makapanahan;
Iyong mukha na puno ng awa at kabutihan 
sa amin ay mabanaagan, huwag mong hayaan
paghariin kapos naming isipan at baka kami magkaubusan.

Tunay na pagpapala

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Mayo 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
Madalas nating isipin
mapalad o pinagpala
ang taong walang tiisin
buhay ay sagana at magaan
walang pinapasang hirap at sakit
nabibili lahat ng magustuhan:
malaking tirahan, magarang sasakyan
hindi kinakailangan may pinag-aralan
basta't mayaman
wala tayong pakialam
saan nagmula kanyang kaban
na tila di nauubusan kahit baon sa utang.
Huwag nating lilimutin
ang tunay na pagpapala 
wala doon sa kayang bilhin
anoman ibigin, pagkain o inumin
o doon sa matatamo sa pagsisikap natin:
kapangyarihan at pangalan, maski pangangatawan.
Ang tunay na pagpapala
nagmumula lamang sa Diyos
hindi materyal kungdi espiritwal
kaya nang mangaral si Jesus sa burol
lahat ay nagimbal dahil kanyang pinangaral
salungat sa takbo at hangad ng sanlibutan. 
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019
Mapapalad kayong mga aba,
mga nahahapis at mapagkumbaba;
mapapalad din kayong mga mahabagin,
mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos,
lalo na mga gumagawa ng pagkakasundo
at mayroong malilinis na puso.
Mapalad din mga pinag-uusig
at inaalimura, 
pinagwiwikaan ng kasinungalingan
alang-alang sa Panginoong Hesus 
na di lang minsan tiniyak ang tunay na mapalad 
ay yaong nakikinig, tumatalima sa salita ng Diyos.
At sino ang unang tumanggap, 
tumalima sa Salitang naging Tao
kungdi si Maria na Ina ng Kristo
na bukod na pinagpala sa babaeng lahat!
Alalahanin matapos niyang tanggapin
bilin ng anghel ng pagsilang niya sa Emanuel
nagmadali siyang dalawin si Elizabeth
nakatatandang pinsang nagdadalantao rin;
pagkarinig sa kanyang tinig
kinasihan ng Espiritung Banal at ang nausal
"mapalad ka sapagkat nananalig kang matutupad
ang mga ipinasabi sa iyo ng Panginoon."
Larawan kuha ng may-akda, Simbahan ng Visitation sa Israel, Mayo 2017.
Ngayong panahon ng pandemya
hindi pa ba natin nakikita
walang saysay at kahulugan
mga inakala nating pagpapala
gaya ng kayamanan at kapangyarihan 
o maging kalusugan?
Sa lahat ng panahon na sadyang walang katiyakan
wala tayong ibang kaseguruhan, maaring sandigan
kungdi ang Panginoong Diyos lamang!
Kaya kung ikaw ay magdarasal
laging hilingin tanging pagpapala sa Maykapal 
pananalig at paniniwala salita niya di naglalaho parang bula. 
Larawang kuha ng may-akda, Linggo ng Bibliya, 26 Enero 2020.

Nang kalusin ng COVID-19 ang ating salop

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Mayo 2020
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Kapansin-pansin
mga pangyayari sa quarantine
nang tila kalusin ng COVID-19
mga kalabisan sa buhay natin
tulad nitong social distancing.
Kung tutuusin
ang sinasabing new normal
ay aral ating tinalikuran
ngayon ay naging sampal 
sa ating pagiging hangal
sa di pagpansin sa ating kapwa
dahil tuon ng ating mga paningin
ay mga bagay na maningning 
animo'y ginto na kumakalansing 
ngunit malansa nang amuyin 
dahil tanso lang rin!
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Halina at paglimi-limihan
pangunahing katotohanan
na ating kinalimutan, iniwan
ngayon ay binabalikan
kahalagahan ng bawat isa
bilang kapatid at kapwa
na dapat mahalin, huwag hamakin
sapagkat  itong buhay natin
kaloob ng Diyos na mahabagin
dapat ingatan, di dapat sirain o sayangin.
Ano mang kabutihan maaring gawin
ipadama ngayon din, 
huwag hintayin maagaw ng COVID-19
at baka maski sa paglilibing
hindi rin tayo makapaghabilin 
ng pabaon na pagmamahal natin.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Marami pang ibang kalabisan
na dapat nating pinagsisihan 
at ginawan ng paraan upang 
buhay sana'y naging makahulugan;
sa ating pagpapaliban,
inabutan nitong pandemya
na siyang kumalos sa punong salop
upang ipamukha sa atin
ang tunay na kapangyarihan
ay wala sa lakas at karahasan
kungdi naroon sa kahinaan at kawalan
tulad ng virus mula sa Wuhan -
hindi natatanawan ngunit bagsik 
ay napakalupit, lahat ng bansa
napahinuhod, napilitang dumapa
hanggang ngayon hindi makapagsimula.


Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Paano tatakbo ating buhay
ngayong quarantine 
kung wala mga tinagurian
mga frontliners na tahimik gumagawa, naglilingkod
kahit maliit ang sahod   
kumpara sa mga  bossing at mga titulado?
Nasaan mga artista at atleta pati na mga kongresista
 nagpasasa sa malalaking kita
ngayon hindi makapagpakita?
Ito nga namang tadhana 
madalas wala sa ating pantaha ni hindi sumagi sa isip
patutunguhan nitong kinabukasan
puno ng kabalintunaan na alalaong baga
walang maaring panghawakan bagkus pakaingatan
ng sino mang nakatindig, kahit pa nakasandig
tiyak mayroong higit na makadaraig! 
 

Bakas ng habag at awa ni Jesus

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Abril 2020

Nakita lamang kita
kamakalawa sa balita
ng social media
karga-karga isang matanda
habang lumilikas mga nasunugan
sa gitna nitong lockdown
doon sa inyong tirahan
kung tawagi'y "Happyland"
sa Tondo na napakaraming tao.
Hindi ko sukat akalain
sa sumunod na pagtingin
naiba at nabago ang lahat sa akin
sa larawan ng naturang balita pa rin
matapos ito ay guhitan at kulayan
dahil kinabukasan ay kapistahan
ng Divine Mercy
at ikaw pala iyan, Jesus
aming Panginoon at Diyos.
Sa gitna ng naglalagablab na apoy
nag-aalab mong pag-ibig Panginoon
ang umantig sa pananalig
ng Iyong dibuhista at pari
Marc Ocariza kaagad nagpinta
gamit bagong teknolohiya
upang ipakita kakaiba niyang nadama
na sadyang tamang tama naman pala 
upang itanghal iyong Mabathalang Awa talaga.
"Panginoon ko at Diyos ko!"
ang panalanging akin ding nasambit
katulad ni Tomas na apostol mo
nang muli Kang magpakita sa kanila;
tunay nga pala
mapapalad ang mga nananalig
kahit hindi ka nakikita
dahil hindi itong aming mga mata
ang ginagamit kungdi aming pagsampalataya.
Nawa ikaw ang aming makita
mahabaging Jesus
sa gitna ng dilim nitong COVID-19
Iyong Dakilang Awa aming maipadama
sa pamamagitan ng paglimot sa aming sarili
 at pagpapasan ng krus upang Ikaw ay masundan
tangi Mong kalooban ang bigyang katuparan
upang Ikaw ay maranasan at masaksihan
ng kapwa naming nahihirapan.
Turuan mo kami, maawaing Jesus
na muling magtiwala sa iyo
kumapit ng mahigpit
hindi lamang kapag nagigipit
at huwag nang ipinipilit
aming mga naiisip at mga panaginip
na kailanma'y hindi nakahagip
sa ginawa Mong pagsagip at malasakit
upang kami ngayo'y mapuno ng Iyong kariktan at kabutihan! *

*Maraming salamat kay Marivic Tribiana (hindi ko kakilala) na nagpost sa kanyang Facebook ng unang larawan ni kuya pasan-pasan lolo niya sa kainitan ng sunog sa Happyland noong Abril 18, 2020.

At higit ding pasasalamat ko kay P. Marc Ocariza sa pagmumulat sa aking mga mata ng kanyang pagninilay at obra gamit ang Digital Art Timelapse na kanyang tinaguriang “Nag-aalab na Pag-ibig”.

Ang lahat ng ito ay para sa higit na ikadadakila ng Diyos na nagbigay sa atin ng Kanyang Anak “hindi upang tayo ay mapahamak kungdi maligtas” lalo ngayong panahon ng pandemiya ng COVDI-19.

At sa inyo, maraming salamat po sa pagsubaybay sa Lawiswis ng Salita.