Mula nang mag-quarantine
palagi nating hiling
sana'y maibalik dating takbo
nitong buhay natin.
Kung tutuusin bahagi ng sarili natin
ano mang luma laging kinagigiliwan
basta mayroong kinalaman sa nakaraan:
lumang tugtugin at awitin,
naninilaw na mga liham, nalimot na nilalaman;
mga kupas at sepia na larawan,
sinaunang estilo at disenyo
ng mga gamit at damit, bahay at gusali;
lumang radyo, lumang kotse
antik at klasik kung ituring
tibay at husay walang kapantay.
Mga bakas ng kahapon
ayaw nating itapon
bagkus tinitipon, kinakahon
sa isang sulok ng bawat ngayon
upang kung may pagkakataon,
mga ito ay malingon
baka sakaling makabangon
at humakbang pasulong.
Madalas sa atin mga kahapon
tila palaging umaayon sa bawat ngayon
dahil alam na natin nangyari noon:
mga kinalabasan at hinantungan
ng ating pagsasapalaran
hatid man ay tuwa o luha
mga iyon atin nang nalampasan.
Madali at masarap balikan nakaraan
dahil alam na natin ang nagdaan
habang sa bawat ngayon at kinabukasan
tayo ay laging kinakabahan
dahil wala tayong panghawakan
maliban pakikibaka at sapalaran
gaya noong nakaraan
nang tayo ay pumailanglang
sa walang katiyakan.
Kaya nga huwag kabahan
sa kasalukuyan maging kinabukasan;
mahalaga ating matandaan
matutuhan mga aral, kabuluhan, at kahulugan
ng kasaysayan upang itong kasalukuyan
malampasan, mapagtagumpayan!