Sana ay huwag ninyong masamain
itong aking puna at pansin
sa marami nating kababayan
ngayong panahon ng COVID-19
palaging daing walang makain
ating sinasambit
saan mang bahagi ng mundo sumapit
kapag tayo ay nagigipit.
Hindi naman sa kung ano pa man
pagkain lamang ba ang sadya nating kailangan
na siyang laging pinahahalagahan
kaya naman kadalasan ito ang sanhi
ng ating mga alitan at di pagkakaunawaan?
Anong sakit mapakinggan, malaman na
nag-aagawan, pinag-aawayan
ay pagkain lamang?
Larawan mula sa Google.
Sa Banal na Kasulatan ating matutunghayan
habilin ng Diyos sa ating unang magulang
maari nilang kainin mga munting butil
pati na rin mga bunga ng punong kahoy sa hardin
huwag na huwag lamang nilang kakanin
mahigpit Niyang bilin
bunga ng puno ng karunungan
dahil magiging sanhi ng ikasasawi natin.
Hindi napigilan kanilang tinikman
pinagbabawal na bunga kaya lumuwa mga mata
sa katotohanang lumantad sa kanila na di nakaya
kaya't dating kapwa hubad ay nagdamit na!
Nang pumarito si Jesu-Kristo upang tubusin ang tao
unang tukso na kanyang pinagdaanan sa ilang
sa gitna ng kanyang kagutuman
ay gawing tinapay mga bato upang busugin Kanyang tiyan.
Hindi nalito si Kristo nang sagurtin niya ang diyablo
na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao
kungdi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos;
kaya noong gabing ipagkanulo siya habang kumakain sila,
nangunsap Siya sa mga alagad Niya
habang hawak-hawak ang tinapay na pinaghati-hati
"Tanggapin ninyong lahat ito at kanin
ito ang aking katawan na ihahandog para sa inyo."
Mula noon hanggang ngayon
nakikilala, naaalala natin ang Panginoon
sa hapag ng kanyang piging, sa mesa ng Misa
nang kanyang inangat katayuan at kahulugan
nitong pangkaraniwang gawain natin na kumain:
hindi lamang upang busugin mga tiyan at laman natin
kungdi upang punuin din kamalayan at kaluluwa natin
ng diwa ng piging na mismo tayo ay maging pagkain din!
Larawan ng “Supper at Emmaus” ni Caravaggio mula sa Google.
Nakikila pag-uugali ng tao
kapag nakita paano siyang kumain
sapagkat doon lamang sa mesa ng piging
nawawala mga pagkukunwari natin
nabubunyag tunay nating saloobin
kaya naman sa bawat pagdiriwang natin
palaging mayroon pagkain upang
magkasalu-salo, magkaniig at magkaisa mga kumakain.
Alalahanin si Hudas noong Huling Hapunan
lumisan na kaagad dahil siya ay tumiwalag
di lamang sa hapag kungdi sa kaisahan at
pakikipag-kaibigan kay Jesus at mga kasamahan;
iyon din ang sinasaad sa bawat piging ng mga
dumadalo at hindi dumarating
mga kumakain at nanginginain
kay daming pagkain ngunit makasarili pa rin!
Sa tuwing tayo ay kumakain
laging alalahanin kaisa palagi natin
Diyos na bukal ng lahat ng pagpapala sa atin:
huwag mangangamba o mag-aalinlangan
kung sakali mang tayo ay gutumin
sapagkat hindi iyan ikamamatay natin
kungdi pagkabunsol sa labis na pagkain
lahat-lahat ay inaangkin.
Ang tunay na sarap ng pagkain
nalalasap pa rin
maski tapos nang kumain
kapag nabusog di lamang tiyan
kungdi puso at kalooban;
mga alitan nahuhugasan sa inuman
mapanghahawakan pagsasamahan at pagkakapatiran
upang huwag masabi ninuman na wala silang makain!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Abril 2020
Isang matandang kasabihan
itong ating masasandigan
na nagsasaad ng katotohanan
na hindi nalilikha ating pag-uugali
sa panahon ng krisis, bagkus dito
ito nahahayag at nalalantad din.
Sa gitna nitong quarantine ng COVID-19,
maraming pag-uugali natin ang nabuking:
nakilala sino ang may tunay at dalisay
na pagtingin at malasakit sa kapwa
sariling kaluguran at kapakanan ipinagkait
upang madamayan, masamahan higit nangangailangan.
Gayon din naman napatunayan higit kailanman
hindi lahat ng kumikinang ay ginto
kungdi tanso din naman
dahil sa asal at pag-uugali
hindi lamang magaspang
kungdi kamuhi-muhi, nakakapangiwi!
Sa kaunting halaga
o anumang ayuda maaring makuha
ipinagpalit ang kaluluwa
dangal ay ipagpapaliban
matiyak lamang hindi siya malalamang
sapagkat sariling kaluguran tanging panuntunan.
Pagkaraan nitong lockdown
kawawa mga nanlamang
hindi na sila pagkakatiwalaan
makitid na isipan, sarili lamang ang tanaw
kaya pag-uugali ay gayon na lamang;
sa kabilang dako naman, pakatandaan
yaong mga sa gitna ng kagipitan
nanatili sa atin at hindi nang iwan
pasalamatan at ituring na tunay na kaibigan
dahil kanilang pagdamay at pag-agapay
nadalisay pang tunay nitong kahirapan.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-21 ng Abril 2020
Pananampalataya
ang simula kaya tayo
ay kaisa ng Maylikha;
Pananampalataya sa kanya
kaya tayo nagkakaisa
nabubuklod bilang kanyang
katawan na siyang pinagmumulan
nitong ating katipunan
na Kanyang sinusugo
para sa misyon at dakilang layon.
Sa tuwing ating nakikita
ating misyon sa Panginoon
hindi malayong makita rin
mismo ang Panginoon
sa lahat ng sitwasyon
at pagkakataon.
Kaya manatiling nakatuon
sa ating misyon mula sa Panginoon
hindi magtatagal mararating
at matutupad natin iyon
sa Kanyang takdang panahon!
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Abril 2020
Nakita lamang kita
kamakalawa sa balita
ng social media
karga-karga isang matanda
habang lumilikas mga nasunugan
sa gitna nitong lockdown
doon sa inyong tirahan
kung tawagi'y "Happyland"
sa Tondo na napakaraming tao.
Hindi ko sukat akalain
sa sumunod na pagtingin
naiba at nabago ang lahat sa akin
sa larawan ng naturang balita pa rin
matapos ito ay guhitan at kulayan
dahil kinabukasan ay kapistahan
ng Divine Mercy
at ikaw pala iyan, Jesus
aming Panginoon at Diyos.
Sa gitna ng naglalagablab na apoy
nag-aalab mong pag-ibig Panginoon
ang umantig sa pananalig
ng Iyong dibuhista at pari
Marc Ocariza kaagad nagpinta
gamit bagong teknolohiya
upang ipakita kakaiba niyang nadama
na sadyang tamang tama naman pala
upang itanghal iyong Mabathalang Awa talaga.
"Panginoon ko at Diyos ko!"
ang panalanging akin ding nasambit
katulad ni Tomas na apostol mo
nang muli Kang magpakita sa kanila;
tunay nga pala
mapapalad ang mga nananalig
kahit hindi ka nakikita
dahil hindi itong aming mga mata
ang ginagamit kungdi aming pagsampalataya.
Nawa ikaw ang aming makita
mahabaging Jesus
sa gitna ng dilim nitong COVID-19
Iyong Dakilang Awa aming maipadama
sa pamamagitan ng paglimot sa aming sarili
at pagpapasan ng krus upang Ikaw ay masundan
tangi Mong kalooban ang bigyang katuparan
upang Ikaw ay maranasan at masaksihan
ng kapwa naming nahihirapan.
Turuan mo kami, maawaing Jesus
na muling magtiwala sa iyo
kumapit ng mahigpit
hindi lamang kapag nagigipit
at huwag nang ipinipilit
aming mga naiisip at mga panaginip
na kailanma'y hindi nakahagip
sa ginawa Mong pagsagip at malasakit
upang kami ngayo'y mapuno ng Iyong kariktan at kabutihan! *
*Maraming salamat kay Marivic Tribiana (hindi ko kakilala) na nagpost sa kanyang Facebook ng unang larawan ni kuya pasan-pasan lolo niya sa kainitan ng sunog sa Happyland noong Abril 18, 2020.
At higit ding pasasalamat ko kay P. Marc Ocariza sa pagmumulat sa aking mga mata ng kanyang pagninilay at obra gamit ang Digital Art Timelapse na kanyang tinaguriang “Nag-aalab na Pag-ibig”.
Ang lahat ng ito ay para sa higit na ikadadakila ng Diyos na nagbigay sa atin ng Kanyang Anak “hindi upang tayo ay mapahamak kungdi maligtas” lalo ngayong panahon ng pandemiya ng COVDI-19.
At sa inyo, maraming salamat po sa pagsubaybay sa Lawiswis ng Salita.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Abril 2020
Maraming aral sa atin
itong COVID-19
ngunit ito muna ibig kong sabihin
dahil kung mayroong mga ningning
sa gitna nitong dilim
na bumabalot sa atin
ay ang tila pagkagising sa kahalagahan
ng pag-ibig at pagtingin
sa bawat kapwa natin.
Bago pa man dumating
itong social distancing
matagal na tayong malamig
at manhid sa nasa paligid natin;
nagsasarili, kapwa di pansinin
nahuhumaling sa texting,
gaming, at social media networking.
Kaya ngayon nakita natin
bagsik at bangis ng COVID-19
hindi malaman gagawin
lahat ibig dalawin
maski makipag-lamayan gagawin
mapadama lang kalinga natin.
Nakakatawang isipin
na mga microorganism
nakapagpagising sa katauhan natin
mahalin at pahalagahan kapwa natin
buhay di natin matitiyak
kung ito'y magniningning
o magdidilim, papanaw sa lilim.
Panatilihin sa puso at kalooban natin
isang buhay hindi kayang himayin
biliangin man o tuuusin
dahil maski isang buhay lang
ito ay mahalaga at napakarami pa rin.
*lahat ng larawan ay kuha ni g. raffy tima ng gma-7 news maliban yaong una sa ibaba, kaliwa na kuha ni bb. lane blackwater nagpost sa kanyang facebook ng kabutihang loob ng mga nagpapanic buying sa isang supermarket nang mapansin ng isang babae ang kakaunting pinamili ni manong na mukhang hirap sa buhay; lahat ng namimili ay nag-ambag sa kanya ng iba’t ibang de lata at pangangailangan kaugnay ng banta ng covid-19.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Abril 2020
Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News nang sumabog ang Bulkang Taal, Enero 2020.
Hindi lamang minsan
sumagi sa aking isipan
nakalulungkot nating kinagawian
Diyos ay ating kinakawawa
kapag may masamang karanasan
Siya ating pinagbibintangang
tayo ay pinarurusahan
kulang na nga lang
lahat ng kasamaan inatang
lahat ng sisi sa Kanyang pangalan.
Kinakawawa natin ang Diyos
sa tuwing siya ang tinuturing pinagmulan
ng bawat kalamidad at kasawian;
madalas idahilan pa ng karamihan
sa pagaakalang mabuting katuwiran
na mga ito ay pagsubok lamang
ng Maykapal na hindi ibibigay
kung hindi malalampasan
gayong Siya ay purong kabutihan
paanong ipaliliwanag iyan?
Kinakawawa natin ang Diyos
katulad noong kanyang kapanahunan
nilalapastangan at pinasasakitan
gayong tao ang may kasalanan
at palaging nagkukulang
katulad doon sa ilang nang tuksuhin ng diyablo
hinahamon Kanyang katuwiran
pati katarungan bakit Niya
pinababayaan mga kahirapan
at hindi pakinggan mga karaingan?
Ang mahirap maintindihan
Diyos ang laging tinatawagan
sa maraming pangangailangan
ngunit kapag napagkalooban
Siya ay kinalilimutan, tinatalikuran
habang ating inaangkin
lahat ng husay at galing
sa nakamit na katanyagan
at magandang kapalaran
na tila baga wala Siyang kinalaman?
Kay laking kabalintunaan
kakatwang kahangalan
at sukdulang kayabangan
nating mga nilalang
na Diyos ay kalimutan at talikuran
sa paniniwalang lahat ating makakayanan
pati kamatayan pilit iniiwasan
mga kamay ng orasan pinipigilan
habang hinahatulan sinong may karapatang mabuhay
sanggol sa tiyan at mga tinotokhang!
Lingid sa ating kaalaman
na pinalabo ng ating kapalaluan
sa bawat kalungkutan at kahirapan
pagtitiis at kabiguan
Diyos ang higit sa ating nasasaktan
sa pagpanaw ng maski isa lang
Siya ang labis nahihirapan
dahil sa ano mang ating kalagayan
Diyos ay palagi tayong sinasamahan
pilit naman nating iniiwan at sinusumbatan.
Sakaling tayo ay dumaraan
sa kahirapan at ano mang kagipitan
hindi ito nagmula sa Diyos
dahil Siya ang kabutihan;
gayon pa man ating maaasahan
lahat ng ating nararanasan
Kanyang nalalaman
hindi Niya papayagang magwagi
anumang dalamhati bagkus Kanyang titiyakin
mga ito ay humantong sa ating luwalhati.
Hindi ang Diyos ang kawawa
sa tuwing atin Siyang kinakawawa
sa salita at sa gawa
kungdi tayong kanyang mga tinubos
pagkatao natin ang nauubos
dangal nati'y nauupos
sa tuwing aasta tayong boss
gayong tayo ang nabubusabos
nitong kapalaluan nating lipos
na sana ay maubos, matapos kasabay ng corona virus.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Abril 2020
Nakapanlulumo kung iisipin
itong sinapit natin sa COVID-19
sa isang iglap, kaagad-agad
takbo ng ating buhay tila nasagad
tayo ay sumadsad sa kaabahan
na dati ni hindi sumagi sa ating isipan
na tayo ay walang puwedeng panghawakang
kapangyarihan na maaring ipagyabang.
Aanhin ang pera at kayamanan
wala ka namang mabili o mapuntahan
sarado ang lahat pati ang simbahan
lansangan walang laman
lahat natigilan, natauhan
sa katotohanan tayo ay tao lamang
sa mahabang panahon ay nahibang
sarili ay nalinlang sa maling katotohanan.
Kay gandang pagmasdan
nakakakilabot hanggang kaibuturan
pananabik ng mga tao masilayan
Panginoong Jesu-Kristo
sa Santisimo Sakramento at Santo Entierro
hanggang sa Señor Resuscitado
ng Pasko ng Pagkabuhay nang lahat kumaway
maging sundalo tinaas mga kamay sa pagpugay.
Suko kami sa inyo, Panginoon
tinalikuran ka namin noon:
ang pagkamakasarili sa amin ay lumamon
at sa nakakalasong ilusyon, kami naluom
kaya kami ay iyong hanguin sa pagkakabaon
ibangon upang muling makatugon
sa iyong tawag at hamon limutin ang sarili
pasanin ang Krus upang kasama mo kami makaahon.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Abril 2020
Katulad ninyo
ako man ay humiling
sa aking mga panalangin
sana'y magbalik na
dating normal na buhay natin
bago mag-COVID-19.
Ngunit nang aking suriin
mali itong aking hiling
at tiyak hindi diringgin
ng Panginoon nating
nagpakasakit upang baguhin
kinamihasnang pagkakasala natin.
Ano nga ba ibig sabihin
pagbabalik sa dating normal
na buhay natin?
Hindi ba ito naging sanhi
nitong COVID-19 kaya
tayo ngayon ay naka-quarantine?
Bago pa man dumating
itong social distancing
magkakahiwalay at hindi natin pansin
mga kapwa lalo mga nalilihis
habang ang iba ay minamaliit
tila baga buhay ng iba walang halaga sa atin?
Kaya dating normal na buhay natin
hindi na dapat magbalik sa mga panahong...
normal ang walang Diyos
normnal ang hindi pagsisimba
normal ang paglapastangan sa magulang at kapwa
normal ang makasarili
normal ang walang pakialam
normal ang kasakiman
normal ang patayan
normal ang pakikiapid
normal ang pagsisinungaling
normal ang fake news at chismis
normal ang pagnanakaw
normal ang korapsiyon
normal ang gulangan
normal ang pagmumura at pag-alipusta
normal ang kawalan ng kahihiyan
normal ang mga trapo na pulitikong pulpol
normal ang pagbebenta ng boto
normal ang kawalan ng modo
normal ang pagwasak sa kalikasan.
Iyan ang dating normal na buhay natin
na hindi na dapat mabalik
sari-saring mga diyos-diyosang
sinasamba upang magkamal ng maraming pera
hangaan at tingalain ng iba
waring ang sarili'y angat sa karamihan.
Iyan ang dating normal na buhay natin
na hindi na dapat mabalik pagkaran nitong COVID-19:
malayo sa Diyos at sa kapwa tao
dahil itong Pasko ng Pagkabuhay
ay pagbabalik sa landas ng kabutihan at kabanalan
paglimot sa sarili, pagpapasan ng Krus upang si Kristo ay masundan.
Kaya marahil matatagalan itong ating lockdown
upang higit nating madalisay ating mga buhay
nang sa gayon matapos pagdaanan mga kahirapan
huwag nating malimutan ang Diyos na makapangyarihan
hangad ang ating kabutihan at kapakanan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Biyernes Santo, Ika-10 ng Abril 2020
Larawan kuha ng may akda, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan, ika-02 ng Abril 2020.
Katulad ng Huwebes Santo
ito na ang pinakamalungkot
at hindi malilimutang
Biyernes Santo dahil binago
ng corona virus ang kalbaryo ng krus
ni Kristo Hesus.
Dama sa buong kapaligiran
pighati at sakit na pinagdaanan
noon sa nakaraan: mapanglaw ang kalangitan
sarado pa rin mga simbahan
pagdiriwang mapapanood lamang
dahil sa umiiral na lockdown.
Kaya ang katanungang tiyak
na pag-uusapan sa kinabukasan
nasaan ka nang mangyari ang lockdown
nang manalasa itong COVID-19
na kumitil sa libu-libong buhay
nagpasakit sa buong sangkatauhan?
Larawan kuha ni G. Ryan Cajanding, 09 Abril 2020.
Nasaan ka nang ipako sa krus si Hesus
nitong corona virus nagpasakit sa mga maliliit?
Ikaw ba yaong nakipagsiksikan, nag-panic buying
lahat ng pagkain inangkin
hinakot mga alcohol at face masks
dahil takot magutom at madapuan ng sakit?
Nasaan ka nang ipako sa krus si Hesus
nitong corona virus na habang lahat ay aligaga
sa pag-iisip ng mga paraan maibsan kahirapan
ikaw naman ang siyang pinapasan
sa iyong walang katapusang pamumuna
at reklamo, ibig mo ikaw ang inaamo at inaalo?
Nasaan ka nang ipako sa krus si Hesus
nitong corona virus kaya naglockdown
upang maiwasan paglaganap ng sakit?
Nasa chismisan at daldalan
inuman at sugalan tulad ng mga kawal
damit ni Hesus pinagsapalaran?
Larawan kuha ng may-akda, Kuwaresma sa Parokya noong 2019.
Kay ganda at butihing larawan
sa panahon nitong Covid-19
ang dalawang alagad na pinili manatili
sa paanan ng krus ni Kristo Hesus:
si Maria kanyang ina unang nanalig sa kanya
at si Juan Ebanghelista na tunay na nagmahal sa kanya.
Silang dalawa ang kailangan ng panahon ngayon
upang samahan si Hesus sa bagong kalbaryo
ng pandemiya ng corona virus
tulad ng mga duktor at nurse
lahat ng nasa larangan ng kalusugan
at medisina upang lunasan sakit at karamdaman.
Hindi naman kailangan gumawa malalaking hakbang
mga munting kabutihan na maaring magpagaan
sa labis na kahirapang pinagdaraanan
sapat na at makahulugan pamamaraan
upang samahan sa paanan ng krus si Hesus
na siyang nasa bawat isa nating pinaglilingkuran.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Huwebes Santo, Ika-09 ng Abril 2020
Ulan katanghalian ng Huwebes Santo, ika-09 ng Abril 2020. Kuha ng may-akda.
Mula pa pagkabata
ipinamulat na ng aking ama at ina
na tuwing Semana Santa
bawal ang magsaya
dahil Panginoong Hesus ay
nagpakasakit para tayo ay sumapit
sa langit na dating ipinagkait.
Kaya nga sa aking pagdarasal
iisang tanong sa akin ang bumabalong:
sino nga ba mas malungkot
ngayong Huwebes Santo
habang sarado mga simbahan
tigil mga tao sa tahanan
dahil sa lockdown?
Katanghalian habang nagninilay
bumuhos malakas na ulan
bagama't sasandali lamang
sa aking pakiramdam sinagot
aking katanungan:
higit na malungkot
sa ating katayuan si Hesus ating kaibigan.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Quiapo, Maynila, ika-09 ng Enero 2020.
Batid natin mga pangyayari
pagkaraan nilang maghapunan
hinugasan ni Hesus paa ng mga kaibigan
ngunit anong saklap ng kapalaran
isa sa kanila Hudas ang pangalan
pinagkatiwalaan upang maging ingat yaman
pagmamahal at kapatiran, sinuklian ng kataksilan.
Hanggang ngayon sa ating panahon
nauulit ang masaklap na kapalaran
na sa kabila ng kanyang kabutihan
nagagawa pa rin natin siyang talikuran;
alalahanin at balikan, salitang binitiwan
ni Hesus sa Huling Hapunan
nang tanggihan ni Simon paa niya ay hugasan.
Ang sabi ng Panginoon kay Simon
paalala sa ating mga makasalanan
huwag kalilimutan binyag na ating tinanggap
na siyang tinutukoy niya:
"maliban sa mga paa,
hindi na kailangan hugasan ang naligo na
dahil malinis na kayo ngunit hindi ang lahat" aniya.
Tuwing nagkakasala tayo
naghuhudas din tayo:
nakapaligo at nahugasan na sa kasalanan
ngunit ulit-ulit narurumihan
si Kristo ay iniiwan, tinatalikuran
sa tuwing tumatanggi tayo
sa pagmamahalan at pagkakapatiran.
Larawan kuha ng may-akda bago magsimula Misa ng Huwebes Santo 2020.
Hindi nga natin malilimutan
kalungkutan sa pagdiriwang
nitong Semana Santa sa panahon ng corona:
walang tao sa Misa
walang paghuhugas ng mga paa
walang bihilya
walang Visita Iglesia.
Ngunit itong ating mga kalungkutan
wala sa kalingkingan ng kalungkutan ni Hesus:
mas malungkot si Hesus para sa mga frontliners
nahaharap sa maraming panganib;
mas malungkot si Hesus para sa mga maysakit
at sa mga namamatay sa panahong ito;
mas nalulungkot si Hesus sa mga kinakapos, naghihikahos.
Mas malungkot si Hesus
ngayong Semana Santa
sa mga mag-asawa nagkakasawaan na
o marahil ay naghiwalay na;
mas malungkot si Hesus
sa mga magkakapatid na kanya-kanya
magkakaibigan na nagkalimutan na.
Mas malungkot si Hesus
sa mga gumagawa ng kasamaan
may tinatagong relasyon
mga addiction at bisyo na hindi matalikuran;
mas malungkot si Hesus sa mga naliligaw
nawawala at lalo sa mga bigo at sugatan
pati na rin mga kinalimutan ng lipunan.
Pinakamalungkot si Hesus ngayon
dahil tuwing tayo ay nasasaktan
higit ang kanyang sakit nadarama
kaya kung tunay na siya ay ating kaisa
sa mga pagdurusa at kalungkutan niya
atin sanang makita at madama
sakit at hinagpis ng iba
na sana'y ating masamahan, aliwin, at patatagin
upang sa gayon sama-sama tayong bumangon
sa Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon.
Kuha ng stained glass sa likod ng aming simbahan ng pagkabuhay ni Hesus kasama mga alagad.