Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Abril 2020

Hindi lamang minsan sumagi sa aking isipan nakalulungkot nating kinagawian Diyos ay ating kinakawawa kapag may masamang karanasan Siya ating pinagbibintangang tayo ay pinarurusahan kulang na nga lang lahat ng kasamaan inatang lahat ng sisi sa Kanyang pangalan.
Kinakawawa natin ang Diyos sa tuwing siya ang tinuturing pinagmulan ng bawat kalamidad at kasawian; madalas idahilan pa ng karamihan sa pagaakalang mabuting katuwiran na mga ito ay pagsubok lamang ng Maykapal na hindi ibibigay kung hindi malalampasan gayong Siya ay purong kabutihan paanong ipaliliwanag iyan?

Kinakawawa natin ang Diyos katulad noong kanyang kapanahunan nilalapastangan at pinasasakitan gayong tao ang may kasalanan at palaging nagkukulang katulad doon sa ilang nang tuksuhin ng diyablo hinahamon Kanyang katuwiran pati katarungan bakit Niya pinababayaan mga kahirapan at hindi pakinggan mga karaingan?
Ang mahirap maintindihan Diyos ang laging tinatawagan sa maraming pangangailangan ngunit kapag napagkalooban Siya ay kinalilimutan, tinatalikuran habang ating inaangkin lahat ng husay at galing sa nakamit na katanyagan at magandang kapalaran na tila baga wala Siyang kinalaman?

Kay laking kabalintunaan kakatwang kahangalan at sukdulang kayabangan nating mga nilalang na Diyos ay kalimutan at talikuran sa paniniwalang lahat ating makakayanan pati kamatayan pilit iniiwasan mga kamay ng orasan pinipigilan habang hinahatulan sinong may karapatang mabuhay sanggol sa tiyan at mga tinotokhang!
Lingid sa ating kaalaman na pinalabo ng ating kapalaluan sa bawat kalungkutan at kahirapan pagtitiis at kabiguan Diyos ang higit sa ating nasasaktan sa pagpanaw ng maski isa lang Siya ang labis nahihirapan dahil sa ano mang ating kalagayan Diyos ay palagi tayong sinasamahan pilit naman nating iniiwan at sinusumbatan.

Sakaling tayo ay dumaraan sa kahirapan at ano mang kagipitan hindi ito nagmula sa Diyos dahil Siya ang kabutihan; gayon pa man ating maaasahan lahat ng ating nararanasan Kanyang nalalaman hindi Niya papayagang magwagi anumang dalamhati bagkus Kanyang titiyakin mga ito ay humantong sa ating luwalhati.
Hindi ang Diyos ang kawawa sa tuwing atin Siyang kinakawawa sa salita at sa gawa kungdi tayong kanyang mga tinubos pagkatao natin ang nauubos dangal nati'y nauupos sa tuwing aasta tayong boss gayong tayo ang nabubusabos nitong kapalaluan nating lipos na sana ay maubos, matapos kasabay ng corona virus.
