Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Abril 2020

Katulad ninyo ako man ay humiling sa aking mga panalangin sana'y magbalik na dating normal na buhay natin bago mag-COVID-19. Ngunit nang aking suriin mali itong aking hiling at tiyak hindi diringgin ng Panginoon nating nagpakasakit upang baguhin kinamihasnang pagkakasala natin. Ano nga ba ibig sabihin pagbabalik sa dating normal na buhay natin? Hindi ba ito naging sanhi nitong COVID-19 kaya tayo ngayon ay naka-quarantine?

Bago pa man dumating itong social distancing magkakahiwalay at hindi natin pansin mga kapwa lalo mga nalilihis habang ang iba ay minamaliit tila baga buhay ng iba walang halaga sa atin?
Kaya dating normal na buhay natin hindi na dapat magbalik sa mga panahong... normal ang walang Diyos normnal ang hindi pagsisimba normal ang paglapastangan sa magulang at kapwa normal ang makasarili normal ang walang pakialam normal ang kasakiman normal ang patayan normal ang pakikiapid normal ang pagsisinungaling normal ang fake news at chismis normal ang pagnanakaw normal ang korapsiyon normal ang gulangan normal ang pagmumura at pag-alipusta normal ang kawalan ng kahihiyan normal ang mga trapo na pulitikong pulpol normal ang pagbebenta ng boto normal ang kawalan ng modo normal ang pagwasak sa kalikasan.

Iyan ang dating normal na buhay natin na hindi na dapat mabalik sari-saring mga diyos-diyosang sinasamba upang magkamal ng maraming pera hangaan at tingalain ng iba waring ang sarili'y angat sa karamihan. Iyan ang dating normal na buhay natin na hindi na dapat mabalik pagkaran nitong COVID-19: malayo sa Diyos at sa kapwa tao dahil itong Pasko ng Pagkabuhay ay pagbabalik sa landas ng kabutihan at kabanalan paglimot sa sarili, pagpapasan ng Krus upang si Kristo ay masundan. Kaya marahil matatagalan itong ating lockdown upang higit nating madalisay ating mga buhay nang sa gayon matapos pagdaanan mga kahirapan huwag nating malimutan ang Diyos na makapangyarihan hangad ang ating kabutihan at kapakanan.
