Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Abril 2020

Sana ay huwag ninyong masamain itong aking puna at pansin sa marami nating kababayan ngayong panahon ng COVID-19 palaging daing walang makain ating sinasambit saan mang bahagi ng mundo sumapit kapag tayo ay nagigipit.
Hindi naman sa kung ano pa man pagkain lamang ba ang sadya nating kailangan na siyang laging pinahahalagahan kaya naman kadalasan ito ang sanhi ng ating mga alitan at di pagkakaunawaan? Anong sakit mapakinggan, malaman na nag-aagawan, pinag-aawayan ay pagkain lamang?

Sa Banal na Kasulatan ating matutunghayan habilin ng Diyos sa ating unang magulang maari nilang kainin mga munting butil pati na rin mga bunga ng punong kahoy sa hardin huwag na huwag lamang nilang kakanin mahigpit Niyang bilin bunga ng puno ng karunungan dahil magiging sanhi ng ikasasawi natin.
Hindi napigilan kanilang tinikman pinagbabawal na bunga kaya lumuwa mga mata sa katotohanang lumantad sa kanila na di nakaya kaya't dating kapwa hubad ay nagdamit na! Nang pumarito si Jesu-Kristo upang tubusin ang tao unang tukso na kanyang pinagdaanan sa ilang sa gitna ng kanyang kagutuman ay gawing tinapay mga bato upang busugin Kanyang tiyan.
Hindi nalito si Kristo nang sagurtin niya ang diyablo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kungdi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos; kaya noong gabing ipagkanulo siya habang kumakain sila, nangunsap Siya sa mga alagad Niya habang hawak-hawak ang tinapay na pinaghati-hati "Tanggapin ninyong lahat ito at kanin ito ang aking katawan na ihahandog para sa inyo."
Mula noon hanggang ngayon nakikilala, naaalala natin ang Panginoon sa hapag ng kanyang piging, sa mesa ng Misa nang kanyang inangat katayuan at kahulugan nitong pangkaraniwang gawain natin na kumain: hindi lamang upang busugin mga tiyan at laman natin kungdi upang punuin din kamalayan at kaluluwa natin ng diwa ng piging na mismo tayo ay maging pagkain din!

Nakikila pag-uugali ng tao kapag nakita paano siyang kumain sapagkat doon lamang sa mesa ng piging nawawala mga pagkukunwari natin nabubunyag tunay nating saloobin kaya naman sa bawat pagdiriwang natin palaging mayroon pagkain upang magkasalu-salo, magkaniig at magkaisa mga kumakain.
Alalahanin si Hudas noong Huling Hapunan lumisan na kaagad dahil siya ay tumiwalag di lamang sa hapag kungdi sa kaisahan at pakikipag-kaibigan kay Jesus at mga kasamahan; iyon din ang sinasaad sa bawat piging ng mga dumadalo at hindi dumarating mga kumakain at nanginginain kay daming pagkain ngunit makasarili pa rin!
Sa tuwing tayo ay kumakain laging alalahanin kaisa palagi natin Diyos na bukal ng lahat ng pagpapala sa atin: huwag mangangamba o mag-aalinlangan kung sakali mang tayo ay gutumin sapagkat hindi iyan ikamamatay natin kungdi pagkabunsol sa labis na pagkain lahat-lahat ay inaangkin.
Ang tunay na sarap ng pagkain nalalasap pa rin maski tapos nang kumain kapag nabusog di lamang tiyan kungdi puso at kalooban; mga alitan nahuhugasan sa inuman mapanghahawakan pagsasamahan at pagkakapatiran upang huwag masabi ninuman na wala silang makain!
