Ang kinawawang Diyos ng kawawang tao

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Abril 2020

Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News nang sumabog ang Bulkang Taal, Enero 2020.
Hindi lamang minsan
sumagi sa aking isipan
nakalulungkot nating kinagawian
Diyos ay ating kinakawawa 
kapag may masamang karanasan
Siya ating pinagbibintangang
tayo ay pinarurusahan
kulang na nga lang
lahat ng kasamaan inatang
lahat ng sisi sa Kanyang pangalan.
Kinakawawa natin ang Diyos
sa tuwing siya ang tinuturing pinagmulan
ng bawat kalamidad at kasawian;
madalas idahilan pa ng karamihan
sa pagaakalang mabuting katuwiran
na mga ito ay pagsubok lamang
ng Maykapal na hindi ibibigay  
kung hindi malalampasan
gayong Siya ay purong kabutihan
paanong ipaliliwanag iyan? 
Kinakawawa natin ang Diyos
katulad noong kanyang kapanahunan
nilalapastangan at pinasasakitan
gayong tao ang may kasalanan
at palaging nagkukulang
katulad doon sa ilang nang tuksuhin ng diyablo
hinahamon Kanyang katuwiran
pati katarungan bakit Niya
pinababayaan mga kahirapan
at hindi pakinggan mga karaingan?
Ang mahirap maintindihan
Diyos ang laging tinatawagan
sa maraming pangangailangan
ngunit kapag napagkalooban
Siya ay kinalilimutan, tinatalikuran
habang ating inaangkin
lahat ng husay at galing
sa nakamit na katanyagan
at magandang kapalaran
na tila baga wala Siyang kinalaman?
Kay laking kabalintunaan
kakatwang kahangalan
at sukdulang kayabangan
nating mga nilalang
na Diyos ay kalimutan at talikuran
sa paniniwalang lahat ating makakayanan
pati kamatayan pilit iniiwasan
mga kamay ng orasan pinipigilan
habang hinahatulan sinong may karapatang mabuhay
sanggol sa tiyan at mga tinotokhang!
Lingid sa ating kaalaman
na pinalabo ng ating kapalaluan
sa bawat kalungkutan at kahirapan
pagtitiis at kabiguan
Diyos ang higit sa ating nasasaktan
sa pagpanaw ng maski isa lang
Siya ang labis nahihirapan
dahil sa ano mang ating kalagayan
Diyos ay palagi tayong sinasamahan
pilit naman nating iniiwan at sinusumbatan.
Sakaling tayo ay dumaraan
sa kahirapan at ano mang kagipitan
hindi ito nagmula sa Diyos
dahil Siya ang kabutihan;
gayon pa man ating maaasahan
lahat ng ating nararanasan 
Kanyang nalalaman
hindi Niya papayagang magwagi 
anumang dalamhati bagkus Kanyang titiyakin
mga ito ay humantong sa ating luwalhati.
Hindi ang Diyos ang kawawa
sa tuwing atin Siyang kinakawawa
sa salita at sa gawa
kungdi tayong kanyang mga tinubos
pagkatao natin ang nauubos
dangal nati'y nauupos
sa tuwing aasta tayong boss
gayong tayo ang nabubusabos
nitong kapalaluan nating lipos
na sana ay maubos, matapos kasabay ng corona virus.
Photo by icon0.com on Pexels.com

Pasko ng Pagkabuhay sa panahon ng nakamamatay na COVID-19

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Abril 2020

Katulad ninyo 
ako man ay humiling
sa aking mga panalangin
sana'y magbalik na 
dating normal na buhay natin 
bago mag-COVID-19.



Ngunit nang aking suriin
mali itong aking hiling
at tiyak hindi diringgin
ng Panginoon nating
nagpakasakit upang baguhin
kinamihasnang pagkakasala natin.


Ano nga ba ibig sabihin
pagbabalik sa dating normal
na buhay natin?
Hindi ba ito naging sanhi
nitong COVID-19 kaya 
tayo ngayon ay naka-quarantine?
Bago pa man dumating 
itong social distancing
magkakahiwalay at hindi natin pansin
mga kapwa lalo mga nalilihis 
habang ang iba ay minamaliit 
tila baga buhay ng iba walang halaga sa atin?
Kaya dating normal na buhay natin
hindi na dapat magbalik sa mga panahong...
normal ang walang Diyos
normnal ang hindi pagsisimba
normal ang paglapastangan sa magulang at kapwa
normal ang makasarili
normal ang walang pakialam
normal ang kasakiman
normal ang patayan
normal ang pakikiapid
normal ang pagsisinungaling
normal ang fake news at chismis
normal ang pagnanakaw
normal ang korapsiyon
normal ang gulangan
normal ang pagmumura at pag-alipusta
normal ang kawalan ng kahihiyan
normal ang mga trapo na pulitikong pulpol
normal ang pagbebenta ng boto
normal ang kawalan ng modo
normal ang pagwasak sa kalikasan.
Iyan ang dating normal na buhay natin
na hindi na dapat mabalik
sari-saring mga diyos-diyosang
sinasamba upang magkamal ng maraming pera
hangaan at tingalain ng iba
waring ang sarili'y angat sa karamihan.

Iyan ang dating normal na buhay natin
na hindi na dapat mabalik pagkaran nitong COVID-19:
malayo sa Diyos at sa kapwa tao
dahil itong Pasko ng Pagkabuhay
ay pagbabalik sa landas ng kabutihan at kabanalan
paglimot sa sarili, pagpapasan ng Krus upang si Kristo ay masundan.

Kaya marahil matatagalan itong ating lockdown
upang higit nating madalisay ating mga buhay
nang sa gayon matapos pagdaanan mga kahirapan
huwag nating malimutan ang Diyos na makapangyarihan
hangad ang ating kabutihan at kapakanan.

Nasaan ka nang ipako sa krus ng corona virus si Hesus?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Biyernes Santo, Ika-10 ng Abril 2020

Larawan kuha ng may akda, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan, ika-02 ng Abril 2020.
Katulad ng Huwebes Santo
ito na ang pinakamalungkot
at hindi malilimutang
Biyernes Santo dahil binago
ng corona virus ang kalbaryo ng krus
ni Kristo Hesus.
Dama sa buong kapaligiran
pighati at sakit na pinagdaanan
noon sa nakaraan:  mapanglaw ang kalangitan
sarado pa rin mga simbahan
pagdiriwang mapapanood lamang
dahil sa umiiral na lockdown. 
Kaya ang katanungang tiyak
na pag-uusapan sa kinabukasan
nasaan ka nang mangyari ang lockdown
nang manalasa itong COVID-19
na kumitil sa libu-libong buhay
nagpasakit sa buong sangkatauhan? 
Larawan kuha ni G. Ryan Cajanding, 09 Abril 2020.
Nasaan ka nang ipako sa krus si Hesus
nitong corona virus nagpasakit sa mga maliliit?
Ikaw ba yaong nakipagsiksikan, nag-panic buying
lahat ng pagkain inangkin
hinakot mga alcohol at face masks
dahil takot magutom at madapuan ng sakit?
Nasaan ka nang ipako sa krus si Hesus
nitong corona virus na habang lahat ay aligaga
sa pag-iisip ng mga paraan maibsan kahirapan
ikaw naman ang siyang pinapasan 
sa iyong walang katapusang pamumuna
at reklamo, ibig mo ikaw ang inaamo at inaalo?
Nasaan ka nang ipako sa krus si Hesus
nitong corona virus kaya naglockdown
upang maiwasan paglaganap ng sakit?
Nasa chismisan at daldalan
inuman at sugalan tulad ng mga kawal
damit ni Hesus pinagsapalaran?
Larawan kuha ng may-akda, Kuwaresma sa Parokya noong 2019.
Kay ganda at butihing larawan
sa panahon nitong Covid-19
ang dalawang alagad na pinili manatili
sa paanan ng krus ni Kristo Hesus:
si Maria kanyang ina unang nanalig sa kanya
at si Juan Ebanghelista na tunay na nagmahal sa kanya.
Silang dalawa ang kailangan ng panahon ngayon
upang samahan si Hesus sa bagong kalbaryo  
ng pandemiya ng corona virus
tulad ng mga duktor at nurse
lahat ng nasa larangan ng kalusugan
at medisina upang lunasan sakit at karamdaman.
Hindi naman kailangan gumawa malalaking hakbang
mga munting kabutihan na maaring magpagaan
sa labis na kahirapang pinagdaraanan
sapat na at makahulugan pamamaraan
upang samahan sa paanan ng krus si Hesus
na siyang nasa bawat isa nating pinaglilingkuran.

Huwag matakot tulad ni San Jose

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Marso 2020
Larawan ng mosaic ng panaginip ni San Jose mula sa clarusonline.it
"Huwag kang matakot, Jose
na tuluyang pakasalan si Maria",
mga salita na atin ding kinakailangan
sa panahong ito ng pagsubok at kagipitan.
Ating tularan si San Jose
huwaran ng kabanalan 
lalo ng mga kalalakihan 
at ama ng tahanan.
Kaya naman katulad niya,
manalangin tayo na huwag matakot
magsama-sama muli sa tahanan
mabuo muli pamilyang ating pinabayaan.
Huwag matakot 
mag-usap muli mag-asawa
di lamang makapakinig
kungdi muling magkaniig.
Huwag matakot
mga anak lumapit sa magulang,
magtapat ng saloobin
ihinga mga hinaing.
Gayon din mga magkakapatid
huwag matakot magkalapit-lapit
madalas kulang na sa malasakit
palaging mayroong hinanakit.
Larawan mula zenit.org, figurine ng “Let Mom Rest”.
Huwag matakot
tingnan din pangangailangan
ng mga maliliit sa lipunan
mga may-sakit, nag-iisa at aba.
Sila palagi nating
kinakalimutan at pinababayaan
higit ngayong nangangailangan
ng tulong at kaibigan.
Huwag matakot
ipadama pagmamahal
kapwa ay igalang
itigil na mga kabastusan.
Huwag matakot
humingi ng tawad
gayon din ng magpatawad
tunay na sukatan ng pagmamahalan.
Larawan kuha ng may-akda, dating gawaan ni San Jose sa kanilang tahanan sa Nazareth, Israel (Mayo 2017).
O aming San Jose
taong matuwid at banal
kami man ay ipinalangin
maging matapang tulad mo.
Huwag kaming matakot
lumuhod at manalangin muli
sa Diyos upang kanyang kalooban
aming malaman, masundan, at mapanindigan.
Higit sa lahat
katulad mo kami ay gumising
sa pagkakahimbing ng pagkamakasarili namin
upang si Kristo ay muling dumating!  Amen. 
Larawan kuha ng may-akda, kapilya ni San Jose sa Nazareth, Israel (Mayo 2017).

Pagkakataon… ng COVID-19

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Marso 2020
Larawan ay kuha ni Angelo Nicolas Carpio ng krus ng aming parokya, Enero 2020.
Pagkakataon.
Ito ang kataga 
na tumimo sa akin 
mula sa Ebanghelyo ngayon.
Wika ng alipin sa kanyang panginoon
"bigyan ninyo ako ng pagkakataon
mabayaran mga utang sa inyo"
at siya nama'y pinagbigyan nito.
Ngunit nang masalubong
kapwa alipin may utang
hamak maliit kaysa kanya,
pinagkait pagkakataon bagkus ipinakulong.
Kaya nang siya ay sinumbong
sa kanilang panginoon
tinawag siyang "napakasama" dahil
pagkakataon binigay sa kanya, pinagkait sa iba.
Larawan kuha ng may-akda, Kuwaresma 2020.
Pagkakataon.
Ito ang kaloob sa atin ngayon
ng pagkukulong sa mga tahanan 
at maiwasan pagkalat nitong COVID-19.
Sa mahabang panahon
tinalikuran natin Panginoon
nang sariling pamilya binalewala
di pinansin, ang iba inaway natin.
Kay inam na pagkakataon
mabuklod mga pamilya ngayon
bilang isang tahanan at pamayanan
na pinagmulan noon ng ating simbahan.
Habang walang pasok
mga magulang at anak
balikan katesismong binaon 
unahin mga panalangin nilimot.
Basahin din at limihin
Banal na Kasulatan ating tinalikuran
sapagkat ito ang siyang gagabay
sa buhay natin sa gitna ng karimlan.
Kuha ng may-akda, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, 2019.
Pagkakataon.
Marami tayong pinalampas noon
binalewala Panginoon at kapwa
kaya tayo ganito ngayon.
Hindi ito parusa ng Panginoon
kungdi kasalanan at pagkukulang
nating lahat sa mahabang panahon
Diyos at kapwa hindi natin nilingon.
Kaya ngayon sa gitna nitong hamon
kinakaharap natin sa pagkakataon
tama narinig kong nawika 
ng punong ministro doon sa Italya:
"Maghiwa-hiwalay muna tayo ngayon
upang mayakap ang isa't-isa sa kinabukasan"
kaya naman pagyamanin natin itong
pagkakataon makulong sa iisang bubong!

Kung ikaw…?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Marso 2020

Ang panunukso ng diyablo kay Hesus sa ilang, isang mosaic sa loob ng Basilika ni San Markos sa Venice, Italy. Larawan mula sa psephizo.com.
Palagi na lang kung 
ating titingnan
iisa lang napapakinggan
nang tuksuhin ng diyablo si Kristo: 
"Kung ika'y anak ng Diyos... 
gawin mong tinapay mga batong ito!"
"Kung ika'y anak ng Diyos...
magpatihulog ka mula taluktok ng templo!"
Puro "kung ika'y anak ng Diyos"
ang tukso ng diyablo kay Kristo
pati ng mga tao nang ipako siya sa Krus
patuyang hiniyawan, "Kung ikaw ang anak ng Diyos...!"
Larawan kuha ng may akda, gayak ng altar sa unang Linggo ng Kuwaresma, 01 Marso 2020, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista.
Ano kahulugan nito
sa ating mga tao?
Hindi ba ganito rin ang takbo
ng panunukso ng diyablo?
Sinisira ating pagkatao
tulad ni Kristo
upang tumalikod tayo
sa Diyos na tanging Absoluto sa mundo?
Ginugulo, nililito tayo ng diyablo
tanong niya ay "kung ikaw ang anak ng Diyos"
gayong ang totoo at sigurado tayo
taguri sa Diyos nati'y ,"Ako'y si Ako nga"!
Kuha ng may-akda, 01 Marso 2020.
Alalahanin huling tukso pa
ng diyablo kay Kristo
garapal at tahasang binigay 
buong mundo kung siya ay sasambahin nito.
Ganyan din tayo
kung hindi malilito ng diyablo
bibilhin niya tayo
sa presyo na nakagugulo.
Kung ating tutuusin
maliwanag naman lahat sa atin:
iisa lang ang Diyos na sasambahin
na tunay nagmamahal sa atin.
Larawan kuha ng may-akda, 01 Marso 2020.
Ito ang diwa ng pag-aayuno at sakripisyo
sa panahon ng Kuwaresma
sarili'y dinadalisay, ang ilang ay tinutunguhan
upang Diyos muling matagpuan at maranasan.
Sarili'y huwag nang pag-alinlanganan
tayo ay sinasamahan ni Hesus 
na dumaan din at nagtagumpay sa lahat ng
pagsubok at paghihirap (Hebreo 2:18).
Sa gitna ng kawalan ay ating katiyakan
at kaseguruhan sa Diyos Anak na sa sariling dugo 
ating kasalanan ay hinugasan
upang tayo ay mapabanal at malampasan mga kasamaan.

Para saan, daan sa kabukiran?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Pebrero 2020

Larawan kuha ng may-akda sa Pulilan, Bulacan, 25 Pebrero 2020.
Sa aming lalawigan 
na tinuturing luntian
maraming halamanan at kabukiran
unti-unti nang napapalitan yaring kalikasan.
Ako'y kinakabahan 
sa darating na kinabukasan
ating mga palabigasan wala nang laman
mga bata'y kumakalam sa gutom kanilang tiyan.
Ang sabi ng karamihan 
ito'y para sa kaunlaran
ngunit kung ating titingnan 
malayo sa katotohanan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan, 25 Pebrero 2020.
Kailangan daw ay kongkretong daan
upang mapabilis kalakalan 
nguni't paano naman
kung wala nang aanihan?
Repormang pangsakahan, tinalikuran
mga magsasaka tinatapakan 
lupaing ginawang daanan di binayaran 
presyo ng palay kulang at alangan!
Hindi masama ang kaunlaran
ngunit kung ang maliliit ay kinalilimutan
kapakanan nila ay pinababayaan
wala rin itong patutunguhan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan.
Hindi ba natin namamalayan
sa pagkawala ng ating mga kabukiran
kasabay nababaluktot ating katuwiran
pati katinuan at katarungan nasasalansang?
Buksan natin ating isipan
sa sasapiting pagkawasak at kawalan
kapag mga sakahan ating pinabayaan
hindi lamang tiyan mawawalan ng laman.
Sementuhin mo man maraming daan
ngunit sarado naman puso at kalooban
sa higit na malalim na mga katotohan
wala patutunguhan kungdi kapahamakan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan.

Walang laman

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-26 ng Pebrero 2020

Mula sa Google.
Mierculés de ceniza
araw ng pag-aayuno at abstinensiya
ngunit tila wala nang nagpapahalaga
ni nakaka-alala.
Marahil ay nalimot na nga
at binalewala mga banal na gawain
tuwing cuaresma na nagpapa-alala
kahalgahan ng Diyos higit sa lahat.
Nagtitiis ng gutom
hindi pinapayagang sayaran 
ng anumang laman ang tiyan
alang-alang sa kaganapan at kabanalan.
Kaya nga kung titingnan
pag-aayuno ay higit pa sa sakripisyo
na kung saan tiyan ay walang laman
upang magkapuwang Tagapagligtas ng tanan.
Ngayong cuaresma sana iyong mabuksan
puso at kalooban tingnan ano ba kanilang mga laman
baka naman mga wala nang kabuluhan
pabigat lamang sa kalooban.
Bigyan ng puwang upang makapanahan
sa ating puso at kalooban si Kristong maasahan
upang ngayon pa lamang maranasan
hatid ng Diyos na kaligtasan sa mga sa kanya'y mayroong puwang.

Trahedya ng EDSA o trahedya sa EDSA

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Pebrero 2020
Mula sa Inquirer.net
Tuwing maiisip ko pangalang EDSA
ako ay naluluha at naaalala noong una
ang tuwa ng mapayapang pagbabago
nagmula sa makasaysayang kalsada.
Naluluha pa rin ako ngayon
tuwing masasambit pangalang EDSA
ngunit mayroon na parating sumasagitsit
mula sa langit lungkot at pait sa ating sinapit. 
Masakit para sa amin na noon pa ma'y
tumutol sa mga ulol at hibang na K-B-L
ngunit pagkaraan ng EDSA,
mga halimaw din pala aming nakasama!
Inuna kanilang mga hacienda
makinarya sa pulitika
reporma anila sa ekonomiya
pagkakanya-kanya lang din naman pala.
Ano nga ba talaga nangyari 
noong Pebrero mil-nueve-ochenta'y-sais?
Trahedya ng EDSA o
Trahedya sa EDSA?
Kung maari sana'y pakinggan nating muli
hindi tinig ko o ng kung sinu-sinong 
magkomentaryong pilosopo o lalo naman
pinagsasabi ng sino mang pulitiko at relihiyoso!
Bawat isa sana ay magtika
dahil alin mang trahedya - ng EDSA o sa EDSA -
ay iisa:  Panginoong Diyos na siyang kumilos noon, 
ating tinalikuran at kinalimutan ngayon! 
Mula sa Google.

Hayyyy… buntung-hininga!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. LaLog II, 18 Pebrero 2020

Larawan kuha ng may-akda sa Mt. St. Paul, Trinidad, Benguet, 05 Pebrero 2020.
Buhat nung isang gabi
hindi ako mapakali
nang si Hesus ay hindi makapagtimpi
napabuntung-hininga ng malalim
nang makipagtalo sa kanya
mga Pariseo humihingi ng tanda 
na siya nga ang Kristo.
Hindi ba turo ng matatanda
hanggang ngayon siyang laging paalala
masama magbuntung-hininga
na tila baga wala ka nang pag-asa?
Gayun pa man maski ito ay ating alam
madalas hindi natin mapigilan
kapag nahihirapan at nabibigatan.
Katulad natin marahil
si Hesus napupuno na rin:
nagbubuntung-hininga,
humuhugot ng kabutihan
sa kanyang kaibuturan 
upang malampasan
mga kasamaan ng kalaban.
Iyan ang kabutihan
magandang kahulugan
nitong pagbubuntung-hininga
na pilit tinatanggihan, di naman maiwasan
dahil ating nang nakagawian
pumaloob sa kaibuturan 
kaysa makipag-awayan
Hindi kaduwagan
bagkus katapangan kung minsan
dahil iyong sinasaalang-alang 
katiwasayan ng ating mga ugnayan 
kaya pilit sinisisid, sinasaid kabutihan
doon sa kalaliman ng kalooban
kung saan nanahan Panginoon ng Kapayapaan.
Larawan kuha ng may-akda, Poblacion ng Los Baños, Laguna, 13 Pebrero 2020.