Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. LaLog II, 18 Pebrero 2020
Larawan kuha ng may-akda sa Mt. St. Paul, Trinidad, Benguet, 05 Pebrero 2020.
Buhat nung isang gabi
hindi ako mapakali
nang si Hesus ay hindi makapagtimpi
napabuntung-hininga ng malalim
nang makipagtalo sa kanya
mga Pariseo humihingi ng tanda
na siya nga ang Kristo.
Hindi ba turo ng matatanda
hanggang ngayon siyang laging paalala
masama magbuntung-hininga
na tila baga wala ka nang pag-asa?
Gayun pa man maski ito ay ating alam
madalas hindi natin mapigilan
kapag nahihirapan at nabibigatan.
Katulad natin marahil
si Hesus napupuno na rin:
nagbubuntung-hininga,
humuhugot ng kabutihan
sa kanyang kaibuturan
upang malampasan
mga kasamaan ng kalaban.
Iyan ang kabutihan
magandang kahulugan
nitong pagbubuntung-hininga
na pilit tinatanggihan, di naman maiwasan
dahil ating nang nakagawian
pumaloob sa kaibuturan
kaysa makipag-awayan
Hindi kaduwagan
bagkus katapangan kung minsan
dahil iyong sinasaalang-alang
katiwasayan ng ating mga ugnayan
kaya pilit sinisisid, sinasaid kabutihan
doon sa kalaliman ng kalooban
kung saan nanahan Panginoon ng Kapayapaan.
Larawan kuha ng may-akda, Poblacion ng Los Baños, Laguna, 13 Pebrero 2020.