Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Marso 2020
Larawan ng mosaic ng panaginip ni San Jose mula sa clarusonline.it
"Huwag kang matakot, Jose
na tuluyang pakasalan si Maria",
mga salita na atin ding kinakailangan
sa panahong ito ng pagsubok at kagipitan.
Ating tularan si San Jose
huwaran ng kabanalan
lalo ng mga kalalakihan
at ama ng tahanan.
Kaya naman katulad niya,
manalangin tayo na huwag matakot
magsama-sama muli sa tahanan
mabuo muli pamilyang ating pinabayaan.
Huwag matakot
mag-usap muli mag-asawa
di lamang makapakinig
kungdi muling magkaniig.
Huwag matakot
mga anak lumapit sa magulang,
magtapat ng saloobin
ihinga mga hinaing.
Gayon din mga magkakapatid
huwag matakot magkalapit-lapit
madalas kulang na sa malasakit
palaging mayroong hinanakit.
Larawan mula zenit.org, figurine ng “Let Mom Rest”.
Huwag matakot
tingnan din pangangailangan
ng mga maliliit sa lipunan
mga may-sakit, nag-iisa at aba.
Sila palagi nating
kinakalimutan at pinababayaan
higit ngayong nangangailangan
ng tulong at kaibigan.
Huwag matakot
ipadama pagmamahal
kapwa ay igalang
itigil na mga kabastusan.
Huwag matakot
humingi ng tawad
gayon din ng magpatawad
tunay na sukatan ng pagmamahalan.
Larawan kuha ng may-akda, dating gawaan ni San Jose sa kanilang tahanan sa Nazareth, Israel (Mayo 2017).
O aming San Jose
taong matuwid at banal
kami man ay ipinalangin
maging matapang tulad mo.
Huwag kaming matakot
lumuhod at manalangin muli
sa Diyos upang kanyang kalooban
aming malaman, masundan, at mapanindigan.
Higit sa lahat
katulad mo kami ay gumising
sa pagkakahimbing ng pagkamakasarili namin
upang si Kristo ay muling dumating! Amen.
Larawan kuha ng may-akda, kapilya ni San Jose sa Nazareth, Israel (Mayo 2017).
Like this:
Like Loading...
Related