Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-21 ng Pebrero 2022
Mula sa Facebook post ni P. Marc Ocariza, Abril 2020.
Kay daming nangyayari
palaging panawagan sa isa't-isa
ay pang-unawa at pang-intindi
ngunit hindi sasapat at laging kapos
ating kaisipan upang isang tao
ay lubusang makilala at maunawaan.
Kapag mayroong may-sakit
mayroong nagigipit
ano ba ang ating nasasambit?
Mag-usisa at magsalita
huwag lang walang masabi
sa akalang makapagpapabuti?
Kamakailan sa mga talakayan
mainit pinag-uusapan
respeto daw ang kailangan;
tama din naman
at nararapat lang
igalang bawat nilalang.
Ngunit paano na lang
kung sa ating pag-respeto
at pag-galang mayroong
ibang nalalapastangan
o nasasaktan at natatapakan,
sasapat ba itong panawagan?
Sa ating kasalukuyan,
marahil higit nating kailangan
kilalaning kapwa-tao isa't-isa
na katulad ko, higit sa respeto,
pang-unawa at pang-intindi
mayakap at matanggap kay Kristo.
Salamin,
salamin sa dingding
sabihin sa akin at
ipakita rin
mga puwing
na hindi ko pansin
ni ayaw kilalanin
ni tanggapin!
Ayoko sanang sabihin
ngunit ito binubulong
ng aking damdamin:
paano nga ba tayo humantong
at ganito ating narating
sa tuwing halalan darating
nagpapanting mga tainga natin
sa mga usaping alam na natin?
Paulit-ulit pinag-uusapan
walang kinahihinatnan
pagkatapos ng halalan
kaya paulit-ulit na lamang
walang katapusang
mga pangakong binibitiwan
nakakalimutan, pinababayaan
pasan ng taong-bayan, di maibsan.
Tingnan nga natin
at suriin ang sarili
kung atin ding sinasalamin
magagandang adhikain
o mga paratang at
pambabatikos natin
dahil kung tutuusin
ang pamahalaan ay larawan natin.
Galit tayo sa mga sinungaling
dahil tunay nga sila'y magnanakaw rin;
nguni't paanong naaatim
ng marami sa atin araw-araw
magsinungaling sa kapwa
lalo na't nagtitiwala sa atin
maging Panginoong Diyos
pinagtataksilan natin?
Paanong diringgin
panawagan ng nagmamalinis
gayong batid kanilang
mga bahid na dungis
kaban ng simbahan
pinakialaman
para sa sariling kaluguran
maging kahalayan?
Sila ba'y naparusahan
marahil ni hindi pinagsabihan
at ang masaklap
hinayaan na lamang
alang-alang sa habag
at awa, palaging katwiran
kapatawaran
ng mga kasalanan.
Katapatan sa pangakong
sinumpaan, hindi rin mapangatawanan
kunwa'y maraming kaabalahanan
ang totoo'y puro kababalaghan
maraming pinupuntahan
kasama'y mayayaman
mga aba at walang-wala
kanila ring iniiwan.
Larawan kuha ng may-akda, 2020.
Totoo na malaki ang papel ng Simbahan
na ginagampanan tuwing halalan
ngunit huwag sanang makalimutan
sa araw-araw na katapatan ang tunay na labanan
kung saan mga alagad at pastol ng kawan
magsilbing huwaran sa paglilingkod
kaisa ang bayan ng Diyos
sa karukhaan, kagutuman at kapighatian.
Salamin, salamin sa dingding
kami ba'y marunong pang manalangin?
Bakit tila hindi dinggin ating mga panalangin
gayong mabuti ating layunin?
Diyos pa ba pinagtitiwalaan,
pinananaligan natin o baka naman
lumalabis mga salita natin
habang salat mabubuting gawa natin?
Salamin, salamin sa dingding
kung kami ay magising
maging kasing ingay ng batingaw
katapatan namin sa araw-araw
na gampanin, hindi katiting
pinagaganda lang ng kuliling
lalo na kung mayroong nakatingin
para lang mapansin.
Ang dapat nating ipanalangin
hindi lamang ang halalang darating
kungdi makatotohanang pagsusuri
at pag-amin sa mga kasalanan natin;
pagkaraan ng limang-daang taon
pagkakanya-kanyang dinatnan ni Magellan
umiiral pa rin habang mga puna at pansin
nina Rizal at GomBurZa nananatiling pangarap pa rin.
Huli ka!
Mga salitang
kinatatakutan,
hangga't maari ay
iniiwasan,
tinatakasan,
tinatakbuhan dahil sa
tiyak na kapahamakan.
Ngunit mayroong
bukod tanging pagkakataon
ang salitang "huli ka" ay
katuwa-tuwa,
dala ay galak
hindi takot at pangamba
bagkus kaluwagan
at kasaganaan.
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.
Pagkatapos ni Jesus magsalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayon nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira kanilang mga lambat.
Lucas 5:4-6
Ano nga ba nangyari
magdamag wala silang huli
nagkubli ba mga isda
sa dilim ng gabi?
Paano ang nangyari nang
si Jesus ay nagsabi,
mga isda ay dumaiti
mga bangka napuno ng huli?
Araw-araw
dumarating si Jesus
sa buhay natin
upang tayo ay hulihin:
hindi upang pagdusahin
sa mga pagkakasala natin
bagkus upang lubusin
mga pagpapala niya sa atin.
Larawan kuha ng may-akda, 2018.
Kasabihan ng matatanda
sa bibig nahuhuli ang isda,
ngunit sinabi ni Jesus
sa bibig ng Diyos nagmumula
tunay na pagkain sa atin nagpapala
lahat ng pagpapagal at pagsisikap natin
makabuluhan mayroon mang kabiguan
hindi mahuhuli ang Diyos sa kanyang kabutihan!
Parating abangan pagdaraan ni Jesus
pakinggan kanyang panawagan
at kung siya ay ating matagpuan
sana'y ating iwanan ang lahat
upang siya ay masundan
pamamalakaya sa sanlibutan
hindi mo pagsisihan, buhay na walang hanggan
tiyak makakamtan ngayon pa lamang!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-04 ng Pebrero 2022
Larawan mula sa Catholic News Agency.
Napag-isipan ko lang naman
hindi upang pagtawanan
kungdi upang makita iba pang
kahulugan ng kapistahan ng ating
pinagpipitaganang San Blas,
patron ng mga may sakit
sa leeg at lalamunan
matapos niyang masagip
sa kamatayan batang natinik
ang lalamunan.
Sa aking pagkakaalam,
tinik sa lalamunan nalulunasan
ng sino mang suhi nang isilang;
ngunit bago ninyo ako pagtawanan
ibig ko sanang inyo ring tingnan
hindi ba't tayo ay nabibilaukan,
nahihirinan, at natitinik sa lalamunan
kapag pilit nating sinusubo, nilulunok
higit sa kaya nating kainin,
pilit inaangkin maski hindi atin?
Pagmasdan at pagnilayan
leeg at lalamunan na pinapagaling
ni San Blas ang siyang bahagi
sa pagitan ng ulo at katawan kaya
marahil ang nalalaman ng isipan at
ang nararamdaman ng puso at kalooban
hindi magsalakupan dahil nababarahan
ng kamunduhan leeg at lalamunan
kaya katotohanan at kabutihan
hindi natin masundan at mapanindigan!
Ito rin ang karanasang inilalarawan
sa Banal na Kasulatan tungkol kay
Haring Herodes nang kanyang mabalitaan
mga himala ni Hesus sa pag-aakalang
nabuhay mag-uli si Juan Bautista na
kanyang pinapugatan ng ulo
dahil lamang sa sumpang binitiwan;
nahirinan siya sa kapangyarihan
at kapalaluan, kaya di kalaunan, gumawa
din ng sariling multong kinatakutan!
Bihag ng kasalanan
kaya si Herodes ay naguguluhan,
nalilito at hindi magawa ang kabutihan,
naliligalig sa mga ginawang kabuktutan
nang marinig ang Mabuting Balita
ni Hesus sa tanan;
ganyan din tayo kadalasan:
gumagawa ng sariling multo na katatakutan
nililibang sarili sa kasalanan, kunwa'y
kayang lampasan pinagdaraanan.
Tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.”
Marcos 6:7-9
Iyan ang bilin ng Panginoon
na sinikap sundin ni San Blas
na siya namang tinanggihan
ni Haring Herodes at mga kagaya niya
hanggang sa kasalukuyan, di alintana
pagdarahop ng karamihan,
nagpapasasa sa kapangyarihan
at karangyaan hanggang sa mahirinan,
nakalimutan na ang tunay na kayamanan
ay sa Diyos lamang matatagpuan!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II
Miyerkules, Paggunita kina San Timoteo at San Tito, mga Obispo, 26 Enero 2022
2 Timoteo 1:1-8 ><}}}}*> + ><}}}}*> + ><}}}}*> Lucas 10:1-9
Tatlong taon bago nagsimula ang pandemya noong 2017, naanyayahan ako na pangunahan ang pananalangin sa “retirement ceremony” ng kaibigan na dati ring kasamahan sa trabaho.
Nakatutuwa pala na makita at makausap muli mga dating kasamahan maging mga naging “bossing” namin na dati’y aming iniilagan dahil baka kami masabon. Ganoon pala ang magka-edad, ang pumalo sa 50 anyos pataas, pare-pareho kaming nakasalamin at malalabo mga mata, mapuputi ang mga buhok at bago kumain, umiinom ng iba’t ibang mga gamot.
At ang mga usapan, puro “noong araw”!
Kaya naman hindi maiwasan magkumparahan sa bagong henerasyon at isang nakatatanda na retiree dati naming boss ang nagsabi, “bakit kaya mga bata ngayon maski 40 anyos na, bata pa rin?”
Napagnilay ako ng katanungang iyon at habang nagkakasiyahan kami sa mga alaala ng aming kabataan, naalala ko ang mga kuwentuhan namin noon kasi ay bihirang-bihira mapag-usapan ang Diyos at mga tungkol sa Kanya gaya ng pagsisimba at mga paksang espiritwal maliban lamang na ako ay kanilang tatanungin lalo na kapag nasa lamayan.
Kaya nawika ko sa aking sarili “marahil kaya bata pa rin mga bata ngayon maski 40 anyos na” dahil nagkulang kaming nakatatanda, ang mga magulang at mga lolo at lola ngayon sa pagdiriin ng pangangaral at pagsasabuhay ng pananampalataya.
Pansinin po natin si San Pablo paano niya itinuring sina San Timoteo at San Tito bilang kanyang mga anak habang ipinagdiinan ang kanilang pagkamulat sa pananampalataya: “Hindi ko malilimutan ang tapat mong pananampalataya, katulad ng pananampalataya ng iyong Lola Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong taglay mo pa ngayon ang pananampalatayang iyon. Dahil dito, ipinaalala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil ng sarili” (1Tim.1:5-7).
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2017.
Hindi ba nakakahiyang isipin na sa ngayon, ang mag-igib at maglinis ng bahay ay pawang mga “reality games” na lang sa telebisyon gayong ganito ang ating buhay noon?
Hindi ba nakakabahala na parang malaking balita ngayon yung makarinig ng mga tao na nagsusumakit sa pagsisikap na maging mabuti at marangal sa buhay at gawain?
Bakit mangha-mangha mga tao ngayon sa mga kuwento ng pagmamalasakitan ng pamilya at magkakaibigan gayong dapat naman ganoon talaga tayo sa buhay?
Hindi kaya masyadong na-spoil mga henerasyon ngayon, lahat ng kanilang hilig ay ibinigay ng mga magulang at lolo at lola di alintana masamang epekto sa gawi at pag-uugali ng mga bata? At dahil nga “napanis” o na-spoil ang mga bata, pati ang disiplina ng buhay espiritwal gaya ng pagdarasal at pagsisimba ay napabayaan.
Opo, disiplina ang pagdarasal at pagsisimba. Kapag pinabayaan mga ito at nawala sa mga tao, wala na tayong igagalang na kapwa o lugar man lamang at pagkakataon dahil maski Diyos at simbahan hindi na kayang igalang pa.
Nananatili hanggang ngayon lalo sa ating nakatatanda at di lamang sa mga bata ang misyon ni Hesus kaya siya humirang pa ng pitumpu’t dalawang mga alagad na kanyang sinugo na mauna sa kanya (Luc.10:1-9).
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
Tayo ang mga iyon sa panahong ito, tayong mga nakatatanda na dapat puno ng alab para sa Panginoon at Kanyang mabuting balita na hatid sa lahat na sa panahong ito ay litong-lito maski na sagana sa mga bagay na materyal.
Tayo ang inaasahan ni Hesus na gagabay sa maraming naliligaw ng landas, lalo na mga kabataan na ibig siluin at lapain ng mga nagkalat na “asong-gubat” sa gitna ng saganang anihin.
Tayo ang mga makabagong San Timoteo at San Tito, dalawang banal na nagparubdob ng alab para sa Diyos sa pagpapahayag nila noon sa salita at gawa na “Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo” (Luc. 10:9) dahil sila rin mismong dalawa ay naranasan ang sigasig sa pananampalataya ng kanilang mga magulang at ninuno noon. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Nobyembre 2021
Larawan mula sa Parokya ni San Martin ng Tours sa Bocaue, Bulacan.
Mula pa sa aming kabataan
palaging nilalarawan kabutihan
ng Patron naming mahal
San Martin ng Tours sa France
kung paano niyang hinati
kanyang kapa upang damitan
at huwag malamigan dukhang
matanda nakasalubong sa daan.
Kinagabihan ay kanyang napanaginipan
Panginoong Jesus sa kanyang paanan
tangan-tangan kapang ibinigay sa
matandang tinulungan, kaganapan ng
kanyang katuruan na ano mang kabutihan
ang inyong gawin sa mga maliliit at
nahihirapan ay siya rin ninyong
ginagawa sa Kristo na sa atin nakipanahan.
Nguni't hindi lamang iyon ang hiwaga
ng kapa ng ating Patrong mahal
na dating kawal, sanay sa mga digmaan:
nang siya ay mabinyagan,
hinasa niya kanyang isipan upang matutunan
mga aral ng pananampalataya na kanyang
dinalisay sa taos-pusong pananalangin
kaya't lubos siyang napaangkin sa Panginoon natin.
Upang maging mataimtim
sa kanyang pananalangin,
nagtutungo si San Martin sa kagubatan
at hinuhubad suot niyang kapa upang
isampay at ibitin upang sakali man
siya ay kailanganin,
madali siyang tuntunin
tanging kapa niya ang hahanapin.
Mula sa "kapa" ni San Martin
na noo'y kawal sa France
nanggaling salita na "kapilya"
na mula sa "chapele" ng mga Pranses
na tumutukoy sa kanyang kapa na hinuhubad
tuwing nananalangin at ngayon gamit natin
sa munting pook-dalanginan upang tulad
ni San Martin taimtim din tayong makapanalangin.
Kay sarap pagnilayan at tularan
halimbawa ni San Martin ng Tours:
hinubad kanyang "kapa" ---
kapangyarihan at katanyagan
upang maramtan ng katauhan
ni Kristo-Jesus na "hinubad kanyang
pagiging katulad ng Diyos upang mamuhay
bilang alipin tulad natin" (Fil.2:7)!
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Oktubre 2021
Larawan kuha ni G. Cristian Pasion, Pambansang Dambana ng Fatima sa Valenzuela, Abril 2021.
Siya ang ikasampung Apostol
ng Panginoon ayon sa hanay ng
pagkakahirang, tinaguriang Simon
na Makabayan, kabilang sa pakikibaka
laban sa mga mananakop na Romano
noon; isang Cananeo mula sa bayan ng
Cana kung saan naganap unang himala
ng Kristo nang gawin niyang alak ang
tubig sa piging ng mga bagong kasal.
Kay gandang paglimilimihan
paglalarawan sa kanyang katauhan,
mayaman sa kahulugan dapat
nating tularan upang masundan
lubusan ang Panginoon
bilang kanyang mga alagad
sa makabagong panahon
tulungan mga tao na makaahon
at makatugon sa maraming paghamon.
Kung tutuusin
magkatulad ang dalawang
taguring na sa kanya ay ginamit:
Makabayan at Cananeo
na sa wikang Hebreo nagpapahayag
ng alab at rubdob na kapwa
mga katangian ng Diyos nating
mahabagin na tanging hiling
Siya lamang ang sambahin at susundin.
Kilalanin man siya sa kanyang
mga taguring Makabayan
o taga-Cana, Galilea,
itong ating patron si San Simon
naging masigasig, puno ng alab at
rubdob sa paglilingkod hanggang
kamatayan kasama si San Judas Tadeo
sa Persia, nagpapaalala sa ating
isabuhay tuwina pananampalataya kay Kristo!
*Una ko itong nilathala
noong ika-30 ng Oktubre 2018;
isinaayos ngayon kaugnay
ng ebanghelyo sa Linggo.
Anong buti na ating pagnilayan
kuwento ng bulag na si Bartimeo
sa gilid ng daan nananahan
inaasam na siya ay limusan
dahil sa kanyang kapansanan;
ngunit nang kanyang marinig
at mabalitaan pagdaraan ng Panginoon,
dumalangin siya nang pasigaw:
"Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
Nang siya ay pagsabihang manahimik,
lalo pa niyang ipinilit kanyang giit,
"Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
Kaya't napatingin at napatigil si Hesus
upang siya ay tawagin at tanungin:
"Ano ang ibig mong aking gawin?"
Ang agad niyang mariing hiniling,
"Panginoon, ibalit po ninyo
aking paningin."
Kung ikaw si Bartimeo at ngayon
ay tatanungin ng Panginoon natin,
"Ano ang ibig mong aking gawin?"
Ano kaya ang iyong hihilingin?
Mga palagiang alalahanin tulad ng
salapit at pagkain? Mga lugar
na minimithing marating?
O marahil ay alisin pasanin
at dalahin sa balikat natin?
Sadyang marami tayong naisin
at ibig hilingin sa Panginoon natin
ngunit kung ating lilimiin bulong
nitong saloobin at damdamin natin,
isa lang naman kung tutuusin
kailangan natin: mapalalim
pananampalataya natin
at maliwanagan sa buhay natin
upang matahak landasin patungong langit.
Aanhin mga malinaw na mata
na sa kinang ng ginto at pilak nahahalina
ngunit hindi makita ni makilala
mga taong tunay at tapat nagmamahal
mga sumasalamin sa Diyos nating butihin!
Kaya kung ikaw ay hihiling, si Bartimeo ang gayahin
hiniling kaliwanagan sa puso't loobin
upang Diyos ang makita at kamtin
at Siyang maghari sa atin!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Setyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda, La Niña Maria sa Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela, 07 Setyembre 2021.
Bisperas ng kaarawan
ng Mahal na Birheng Maria
matapos manalangin
bumati si Andrei ng
"Happy birthday, Mama Mary!"
sabay sabi sa kanyang mommy:
"Bibili ko sana siya ng cake
pero paano ako mapupunta
sa langit?"
Tunay ang sinabi
ng Panginoon noong dati:
mula sa mga labi ng bata
nahahabi karunungang
walang pagkukunwari;
pawang katotohanan
kay dali nilang bitiwan
nakakatuwa dahil puno ng karunungan
tila bugtong na palaisipan.
Madali namang malaman
kasagutan sa kanilang mga tanong
ngunit bakit nga ba ganoon
sa pagkakaroon ng gulang ng taon,
kamusmusan nati'y
nawawala, napapalitan
ng pagmamaang-maangan
kunwa'y hindi alam
pangunahing kaalaman sa buhay.
Katulad ng paano nga ba
pumunta sa langit?
Hindi natin masambit
gayong palagi nating
nilulungating masapit
dahil mayroong pagsusulit
at baka tayo sumabit
kaya hangga't maari
sa kasalukuyang buhay kumakapit.
Paano nga ba pumunta
sa langit?
Hindi ka naman mamatay
daglit
Ngunit ang turo ni Hesus
palagi niyang sambit,
limutin ang sarili, pasanin ating krus
kada araw at sa Kanya'y sumunod -
papuntang langit!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Agosto 2021
Larawan kuha ng may-akda sa Tam-Awan, Baguio City, 2018.
Minsan isang umagang kay panglaw
sikat at busilak ng araw aking tinatanaw
ako ay gininaw sa malagim na katotohanan
hindi pa rin papanaw
at patuloy pang hahataw
pananalasa nitong pandemya;
Kahit mayroon nang bakuna
dumarami pa rin mga nahahawa
isang paalala maaring lumala pa
bago humupa at tuluyang mawala na.
Noon din ay aking namataan
mga tumutubong halaman
sa kapaligiran tila nagsasabi
huwag susuko
magpatuloy sa paglago
ano man ang panahon
tagtuyot o pag-ulan
manatiling luntian
maski mga dahon lamang
saka na mga bulaklak at bunga.
Larawan kuha ng may-akda, Malagos Gardens, Davao City, Agosto 2017.
Pinakamahalaga
manatiling buhay at umunlad
sa gitna ng karahasan
aral ng mga halaman
sa ati'y kay lalim at
napakayaman sa
kahulugan na maari nating
tularan at gamiting aral
na gagabay sa ating buhay
ngayong panahon ng pandemya.
Sa lahat ng halaman
na lubos kong kinagigiliwan
bukod sa hindi ko kailangang
mga ito ay alagaan
ay ang mga lumot
sa sumusulpot
maski sa mga sulok-sulok
na kahit malimot
tutubo at lalago, kakapal
parang alpombra sa mga paa!
Hindi gaanong naabot
ng liwanag itong lumot
ngunit kay lamig sa paningin
kay gandang tanawin
kung ating susuriin
nagsasabi sa atin
ng himig ng lilim at dilim
tinig na mahalumigmig;
hindi man masikatan ng araw
mayroon din busilak sa kadiliman!
Paalala sa atin ng mga lumot
ngayon ang panahon ay masalimuot
katotohanan at kagandahan
nitong ating buhay
bumubukal saan man malagay;
Maykapal sa ati'y hindi humihiwalay
pahalagahan at pangalagaan
lahat ng ating taglay
dahil walang kapantay ating buhay,
mas makulay sa ano mang halaman
lalo't higit sa lumot
huwag sanang iyan ay malimot.