Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-21 ng Pebrero 2022
Mula sa Facebook post ni P. Marc Ocariza, Abril 2020.
Kay daming nangyayari
palaging panawagan sa isa't-isa
ay pang-unawa at pang-intindi
ngunit hindi sasapat at laging kapos
ating kaisipan upang isang tao
ay lubusang makilala at maunawaan.
Kapag mayroong may-sakit
mayroong nagigipit
ano ba ang ating nasasambit?
Mag-usisa at magsalita
huwag lang walang masabi
sa akalang makapagpapabuti?
Kamakailan sa mga talakayan
mainit pinag-uusapan
respeto daw ang kailangan;
tama din naman
at nararapat lang
igalang bawat nilalang.
Ngunit paano na lang
kung sa ating pag-respeto
at pag-galang mayroong
ibang nalalapastangan
o nasasaktan at natatapakan,
sasapat ba itong panawagan?
Sa ating kasalukuyan,
marahil higit nating kailangan
kilalaning kapwa-tao isa't-isa
na katulad ko, higit sa respeto,
pang-unawa at pang-intindi
mayakap at matanggap kay Kristo.