Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Setyembre 2021
Larawan kuha ng may-akda, La Niña Maria sa Pambansang Dambana ng Fatima, Valenzuela, 07 Setyembre 2021.
Bisperas ng kaarawan
ng Mahal na Birheng Maria
matapos manalangin
bumati si Andrei ng
"Happy birthday, Mama Mary!"
sabay sabi sa kanyang mommy:
"Bibili ko sana siya ng cake
pero paano ako mapupunta
sa langit?"
Tunay ang sinabi
ng Panginoon noong dati:
mula sa mga labi ng bata
nahahabi karunungang
walang pagkukunwari;
pawang katotohanan
kay dali nilang bitiwan
nakakatuwa dahil puno ng karunungan
tila bugtong na palaisipan.
Madali namang malaman
kasagutan sa kanilang mga tanong
ngunit bakit nga ba ganoon
sa pagkakaroon ng gulang ng taon,
kamusmusan nati'y
nawawala, napapalitan
ng pagmamaang-maangan
kunwa'y hindi alam
pangunahing kaalaman sa buhay.
Katulad ng paano nga ba
pumunta sa langit?
Hindi natin masambit
gayong palagi nating
nilulungating masapit
dahil mayroong pagsusulit
at baka tayo sumabit
kaya hangga't maari
sa kasalukuyang buhay kumakapit.
Paano nga ba pumunta
sa langit?
Hindi ka naman mamatay
daglit
Ngunit ang turo ni Hesus
palagi niyang sambit,
limutin ang sarili, pasanin ating krus
kada araw at sa Kanya'y sumunod -
papuntang langit!