Salamin, sabihin sa akin

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Pebrero 2022
Larawan kuha ni Jenna Hamra sa Pexels.com
Salamin, 
salamin sa dingding
sabihin sa akin at
ipakita rin
mga puwing 
na hindi ko pansin
ni ayaw kilalanin
ni tanggapin!
Ayoko sanang sabihin
ngunit ito binubulong
ng aking damdamin:
paano nga ba tayo humantong
at ganito ating narating
sa tuwing halalan darating
nagpapanting mga tainga natin
sa mga usaping alam na natin?
Paulit-ulit pinag-uusapan
walang kinahihinatnan
pagkatapos ng halalan
kaya paulit-ulit na lamang
walang katapusang 
mga pangakong binibitiwan
nakakalimutan, pinababayaan
pasan ng taong-bayan, di maibsan.
Tingnan nga natin
at suriin ang sarili
kung atin ding sinasalamin
magagandang adhikain
o mga paratang at
pambabatikos natin
dahil kung tutuusin
ang pamahalaan ay larawan natin.
Larawan kuha ni STANLEY NGUMA sa Pexels.com
Galit tayo sa mga sinungaling
dahil tunay nga sila'y magnanakaw rin;
nguni't paanong naaatim
ng marami sa atin araw-araw
magsinungaling sa kapwa
lalo na't nagtitiwala sa atin
maging Panginoong Diyos
pinagtataksilan natin?
Paanong diringgin
panawagan ng nagmamalinis
gayong batid kanilang
mga bahid na dungis
kaban ng simbahan
pinakialaman
para sa sariling kaluguran
maging kahalayan?
Sila ba'y naparusahan
marahil ni hindi pinagsabihan
at ang masaklap
hinayaan na lamang
alang-alang sa habag
at awa, palaging katwiran
kapatawaran
ng mga kasalanan.
Katapatan sa pangakong
sinumpaan, hindi rin mapangatawanan
kunwa'y maraming kaabalahanan
 ang totoo'y puro kababalaghan
maraming pinupuntahan
kasama'y mayayaman
mga aba at walang-wala
kanila ring iniiwan.
Larawan kuha ng may-akda, 2020.
Totoo na malaki ang papel ng Simbahan
na ginagampanan tuwing halalan
ngunit huwag sanang makalimutan
sa araw-araw na katapatan ang tunay na labanan
kung saan mga alagad at pastol ng kawan
magsilbing huwaran sa paglilingkod
kaisa ang bayan ng Diyos
sa karukhaan, kagutuman at kapighatian.
Salamin, salamin sa dingding
kami ba'y marunong pang manalangin?
Bakit tila hindi dinggin ating mga panalangin
gayong mabuti ating layunin?
Diyos pa ba pinagtitiwalaan,
pinananaligan natin o baka naman
lumalabis mga salita natin
habang salat mabubuting gawa natin?
Salamin, salamin sa dingding
kung kami ay magising
maging kasing ingay ng batingaw
katapatan namin sa araw-araw
na gampanin, hindi katiting
pinagaganda lang ng kuliling
lalo na kung mayroong nakatingin
para lang mapansin.
Ang dapat nating ipanalangin
hindi lamang ang halalang darating
kungdi makatotohanang pagsusuri
at pag-amin sa mga kasalanan natin;
pagkaraan ng limang-daang taon
pagkakanya-kanyang dinatnan ni Magellan
umiiral pa rin habang mga puna at pansin 
nina Rizal at GomBurZa nananatiling pangarap pa rin.
Larawan mula sa commons.wikimedia.org

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s