Ang demonyong cellphone, nasa loob ng simbahan!

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Pebrero 2024
Larawan kuha ni Stefano Rellandini ng Reuters sa Manila Cathedral, Enero 15, 2015. Binatikos at binash (dapat lang) ng mga netizens mga pari noong Misa ni Papa Francisco sa Manila Cathedral nang mapansing walang tigil nilang pagkuha ng mga video at larawan, di alintana kasagraduhan ng Banal na Misa.
Ang demonyong cellphone
palaging nasa loob ng simbahan
hindi upang magsimba o manalangin
kungdi upang tayo ay linlangin
mawala tuon at pansin
sa Diyos na lingid sa atin,
unti-unti na nating ipinagpapalit
sa demonyong cellphone na halos
sambahin natin!
At iyan ang pinakamalupit 
na panunukso sa atin ngayon
ng demonyong cellphone
na ating pahalagahan mismo sa
loob ng simbahan
habang nagdiriwang
ng Banal na Misa at iba pang mga
Sakramento gaya ng pag-iisang dibdib
ng mga magsing-ibig!
Isang kalapastanganan
hindi namamalayan
ng karamihan sa kanya-kanyang
katuwiran gaya ng emergency,
importanteng text o tawag
na inaabangan, higit sa lahat,
remembrance ng pagdiriwang:
nakalimutan dahilan ng paqsisimba
pagpapahayag ng pananampalataya
sa Diyos na hindi tayo pababayaan
kailanman; kung gayon,
bakit hindi maiwanan sa tahanan
o patayin man lamang
o i-silent sa bag at bulsa
ang demonyong cellphone?
Hindi man natin aminin
ang demonyong cellphone ang
pinapanginoon,
pinagkakatiwalaan
ng karamihan kaysa Diyos
at kapwa-tao natin
kaya pilit pa ring dadalhin,
gagamitin sa pagsisimba
at pananalangin!
Kung tunay ngang 
Diyos ang pinanaligan
habang ating pamilya
at mga kaibigan
ang pinahahalagahan,
bakit hinahayaang
mahalinhan ating buong pansin
ng pag-atupag sa demonyong
cellphone tangan natin?
Pagmasdan sa mga kasalan
sa halip ating maranasan
kahulugan ng pagdiriwang,
kagandahan at busilak ng lahat,
asahan aagaw ng eksena
demonyong cellphone kahit
mayroong mga retratista
naatasang kunan at ingatan
makasaysayang pagtataling-puso
kung saan tayo inanyayahan
upang ipanalangin na pagtibayin
pagmamahalan haggang kamatayan
na ating tuluyang nakalimutan
matapos tayo ay nalibang at nalinlang
ng demonyong cellphone.
Sa bingit ng kamatayan
naroon ating "last temptation"
ng demonyo sa anyo pa rin ay cellphone
upang sa halip na ipanalangin
naghihingalong mahal natin,
demonyong cellphone pa rin
sa kahuli-hulihan ang hawak habang
kinukunan huling sandali ng pagpanaw
Diyos na ating kaligtasan, tinalikuran!
Larawan mula sa rappler.com, Ash Wednesday 2023.

Ang demonyong cellphone

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Pebrero 2024
Larawan mula sa forbes.com, 2019.
Ang demonyong cellphone
tukso at ugat ng pagkakasala
sa maraming pagkakataon;
mga chismis, maling impormasyon
kinakalat agad namang kinakagat
ng marami sa pag-iisip
at pang-unawa ay salat.
Ang demonyong cellphone
hindi mabitiwan
hindi maiwanan
palaging iniingatan
mga tinatagong lihim
larawan at kahalayan
ng huwad nating katauhan.
Ang demonyong cellphone
istorbo at pang-gulo
panginoong hindi mapahindian
napakalaking kawalan
kung hindi matandaan
saan naiwanan,
katinuan nawala nang tuluyan.
Ang demonyong cellphone
winawasak ating katahimikan
nawala na rin ating kapanatagan
sa halip maghatid ng kaisahan
pagkakahiwa-hiwalay bunga
sa maraming karanasan
pinalitan pamilya at kaibigan.
Ang demonyong cellphone
lahat na lang ibinunyag
wala nang pitagan ni
paggalang sa kasagraduhan
ng bawat nilalang
ultimo kasamaan
nakabuyangyang, pinagpipistahan.
Ang demonyong cellphone
palagi nang namamagitan
sa ating mga ugnayan
atin nang nakalimutan
damhin kapanatilihan
pinalitan nitong malamig
na kasangkapan pintig ng kalooban.
Sa panahong ito ng Kuwaresma
iwanan at bitiwan ang cellphone
dumedemonyo, nagpapagulo
sa buhay nating mga tao;
manahimik katulad ni Kristo
sa ilang nitong ating buhay
upang Siya ay makaniig
at marinig Kanyang tinig
ika'y iniibig!


Ang painting na “Temptation in the Wilderness” ni Briton Riviere (1840-1920) mula sa commons.wikimedia.org.

Ka-patid

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Enero 2024
Photo by Teresa & Luis on Pexels.com
Kapatid.
Mula sa salitang ugat
na "patid" ibig sabihi'y
putol at hiwalay,
nag-iisa at walang
buhay ni saysay;
sa unlaping -ka,
nababago kahulugan,
nagkakaroon ng kasama
nabubuo ugnayan
di lamang sa pamilya
at tahanan kungdi
saanmang samahan.
Kapatid.
Ito ang tawagan
natin sa isa't-isa
na pinagbubuklod di
lamang ng dugo
kungdi higit sa lahat
ng puso at isipan
na kung mawawala
ang ka-patid,
nawawala katuturan
at saysay nitong buhay
kaya lahat handang
ialay habang may buhay.
Kapatid.
Turingan at diwa
di kayang mapatid
kahit ng kamatayan
dahil ugnayan
magpapatuloy
magpakailanman
di kayang putulin
o tabunan ng libingan
dahil batid natin sa pagpanaw
buhay di nagwawakas
samahan at ugnayan
nananatiling wagas.
Kapatid.
Kaputol.
Ng sarili.
Ng buhay.
Ng mithiin at adhika.
Kadugtong
ng tuwa
pati ng luha
tunay na pagpapala
ng Diyos na may likha
sa ating mga kapatid
at kaibigan upang tayo
ay samahan,
alalayan,
at abangan
sakali man
maunang pumanaw
upang maging ating
pisi at lubid sa langit
na hindi mapapatid.
Rest in peace, Dindo (larawan kuha ng kanyang ika-60 kaarawan, Marso 09, 2018).
Paalam, aking kinakapatid
Fernando "Dindo" R. Alberto Jr.;
ikumusta mo ako sa langit
sa mga pumanaw nating
idolo sa musika,
kami na lamang ni
Toby magdiriwang ng birthday
tuwing Marso dito
habang kayo at ang Ninong
magkasama na
sa buhay na walang hanggan.

Pagkukuwento – di pagkukuwenta- ang pag-aasawa

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Enero 2024
Homilya sa Kasal ng Inaanak ko sa binyag, Lorenz, kay Charmaine
Simbahan ni San Agustin, Intramuros, Maynila
Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Sigurado ako na alam na ninyong lahat, lalo na ng mga Gen Z dito, iyong trending sa social media na post ng isang dilag nang malaman niyang 299-pesos ang halaga ng engagement ring na binigay sa kanya ng boyfriend niya ng walong taon na nabili sa Shopee.

Kasing ingay ng mga paputok ng Bagong Taon ang talakayan noon sa social media hanggang sa naging isang katatawanan o meme ang naturang post gaya ng halos lahat ng nagiging viral. Sari-sari ang mga kuro-kuro at pananaw ng mga netizens, mahuhusay ang kanilang paglalahad, seryoso man o pabiro. Mayroong mga kumampi sa babae habang ang ilan naman ay naghusga sa kanya at sa boyfriend niya.

Hindi ko naman nasundan ang post na iyan. Katunayan, inalam ko lamang iyon kamakailan upang pagnilayan para sa homilya ko sa inyong kasal ngayong hapong ito, Lorenz at Charmaine.

At ito lang masasabi ko sa inyo: ang pag-aasawa ay tungkol sa kuwento ng pag-ibig, hindi ng kuwenta sa mga naibigay, materyal man o espiritwal.

Larawan mula sa YouTube.com

Maliwanag sa ating ebanghelyo na ang pag-aasawa ay kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Maniwala kayo Lorenz at Charmaine, Diyos ang nagtakda ng araw na ito ng inyong kasal. Hindi kahapon o bukas, at hindi rin noong isang taon gaya ng una ninyong plano. Iyan ang sinabi sa atin ni San Pablo sa Unang Pagbasa:

“Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos – pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.”

Roma 8:31, 39

Higit sa lahat, batid ninyong pareho sa inyong kuwento ng buhay kung paanong ang Diyos ang kumilos upang sa kabila ng magkaiba ninyong mga karanasan, pinagtagpo pa rin kayo ng Diyos, pinapanatili at higit sa lahat, ngayon ay pinagbubuklod sa Sakramento ng Kasal ngayong hapon.

Sa tuwing pinag-uusapan ninyo ang inyong kuwento ng buhay, palaging naroon din ang inyong kuwento ng pag-ibig maging sa iba’t ibang karanasan – matatamis at mapapait minsa’y mapakla at maisim marahil pero sa kabuuan, masarap ang inyong kuwento, hindi ba? Ilang beses ba kayong nag-away… at nagbati pa rin?

Humanga nga ako sa inyo pareho, lalo na sa iyo Lorenz. Ipinagmamalaki ko na inaanak kita kasi ikaw pala ay dakilang mangingibig. Hindi mo alintana ang nakaraan ni Charmaine. Katulad mo ay si San Jose nang lalo mo pang minahal si Charmaine at ang mga mahal niya! Wala sa iyo ang nakaraang kuwento ng buhay ni Charmaine dahil ang pinahalagahan mo ay ang kuwentong hinahabi ninyong pareho ngayon. Bihira na iyan at maliwanag na ito ay kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa inyo.

Paghanga at pagkabighani naman aking naramdaman sa iyo, Charmaine. Higit sa iyong kagandahan Charmaine ay ang busilak ng iyong puso at budhi. Wala kang inilihim kay Lorenz. Naging totoo ka sa kanya mula simula. Higit sa lahat, naging bukas ang isip at puso mo sa kabila ng iyong unang karanasan upang pagbigyan ang umibig muli. At hindi ka nabigo.

Kaya nga Lorenz at Charmaine, ipagpatuloy ninyo ang kuwento ng inyong pag-ibig sa isa’t isa na mula sa Diyos. 

Larawan kuha ng may-akda, 2017 sa Israel.

Kapag mahal mo ang isang tao, lagi mong kinakausap. Marami kang kuwento. At handa kang makinig kahit paulit-ulit ang kuwento kasi mahal mo siya. At kung mahal ninyo ang Diyos, palagi din kayong makikipag-kuwentuhan sa kanya sa pagdarasal at pagsisimba. 

Palagi ninyong isama sa buhay ninyo tulad sa araw na ito ang Diyos na pumili sa inyo. Wika ng Panginoong Jesus sa ating ebanghelyo, “Manatili kayo sa aking pag-ibig upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan” (Jn.15:9, 11). 

Hindi pagkukuwenta ang pag-aasawa. Hindi lamang pera at mga gastos ang kinukuwenta. Huwag na huwag ninyong gagawing mag-asawa ang magkuwentahan ng inyong naibigay o tinanggap na ano pa man sapagkat ang pag-aasawa ay hindi paligsahan o kompetisyon ng mga naibigay at naidulot. Hindi ito labanan ng sino ang higit na nagmamahal. Kaya, huwag kayong magkukwentahan, magbibilangan ng pagkukulang o ng pagpupuno sa isa’t-isa. 

Basta magmahal lang kayo ng magmahal nang hindi humahanap ng kapalit dahil ang pag-aasawa ay ang pagbibigay ng buong sarili sa kabiyak upang mapanatili inyong kabuuan. 

Paano ba nalalaman ng mga bata kung magkaaway ang tatay at nanay? 

Larawan kuha ng may-akda, 2019.

Kapag hindi sila nag-uusap. Kapag ang mag-asawa o mag-irog o maging magkakaibigan ay hindi nag-uusap ni hindi nagkikibuan, ibig sabihin mayroong tampuhan o alitan. Walang pag-ibig, walang ugnayan, walang usapan.

Kaya nga kapag nag-away ang mag-asawa, sino ang dapat maunang bumati o kumibo? Sabi ng iba yung daw lalake kasi lalake ang una palagi. Akala ko ba ay ladies first? Sabi ng ilan, kung sino daw may kasalanan. E, may aamin ba sa mag-asawa kung sino may kasalanan?

Ang tumpak na kasagutan ay kung sino mayroong higit na pagmamahal, siyang maunang kumibo at bumati dahil ang pag-aasawa ay paninindigang piliin na mahalin at mahalin pa rin araw-araw ang kanyang kabiyak sa kabila ng lahat. Kaya palaging maganda ang kuwento ng pag-ibig, hindi nagwawakas, nagpapatuloy hanggang kamatayan.

Aabangan namin at ipapanalangin inyong kuwento ng pag-ibig, Lorenz at Charmaine. Mabuhay kayo!

Ituloy pagbati ng Maligayang Pasko!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Disyembre 2023
Larawan mula sa Facebook, 23 Disyembre 2023 ng pagtutulungan ng Red Letter Christians at ng artist na si Kelly Latimore ng  @kellylatimoreicons upang lumikha ng bagong larawang ito na pinamagatang “Christ in the Rubble” nagsasaad na kung sakaling ngayong panahon isinilang si Jesus, malamang siya ay ipinanganak sa gitna ng mga durog na bato sanhi ng digmaan doon sa Gaza.

Maligayang Pasko!

Tayo raw mga Pilipino ang mayroong pinaka-tumpak na pagbati sa panahong ito dahil sinasaad ng salitang “pasko” ang buong katotohanan ng hiwaga ng pagkakatawang-tao (Incarnation) ng Diyos Anak na si Jesu-Kristo.

Mula sa wikang Hebreo na pesar o pesach na kahulugan ay “pagtawid”, ito ay pascua sa wikang Kastila na atin ding ginagamit na ugat ng Pasko at pasch naman sa Inggles. 

Una natin itong natunghayan sa Matandang Tipan, sa Aklat ng Exodus nang itawid ng Diyos sa pamumuno ni Moises ang mga Israelita mula Egipto patungong lupang pangako. Iyon ang larawang paulit-ulit na tinutukoy sa ating kasaysayan ng pagliligtas, sumasagisag sa pagtawid mula sa kaalipinan patungo sa kalayaan, pagtawid mula kadiliman patungo sa liwanag, pagtawid mula kasalanan tungo sa kapatawaran, at higit sa lahat, pagtawid mula kaparusahan tungo sa kaligtasan. 

Iyon din ang batayan ng tinutukoy na misteryo paskuwa o ng ating pananampalataya kay Kristo-Jesus na ating ipinahahayag tuwina sa Banal na Misa, “si Kristo ay namatay, si Kristo ay muling nabuhay, si Kristo ay babalik sa wakas ng panahon!

Larawan kuha ng may-akda, 2021.

Tumpak at ayon ang ating pagbati na Maligayang Pasko dahil nagsimula ang misteryo paskuwa ni Jesus nang Siya ay ipaglihi at isinilang ng Mahala na Birheng Maria sa Bethlehem mahigit 2000 tao na nakalilipas.

Sa pagkakatawang-tao ni Jesus, Siya ay tumawid mula sa kawalang-hanggan (eternity) tungo sa mayroong hanggan (temporal) dito sa lupa; mula sa kanyang ganap na pag-iral taglay ang lahat ng kapangyarihan tungo sa limitado niyang pagkatao tulad ng pagiging mahina at mahuna lalo na sa pagiging sanggol at bata. Kasama na doon ang kailangan Niyang mag-aral lumakad, magsulat, magbasa at magsalita na kung tutuusin ay alam Niya ang lahat.

Taong-tao talaga si Jesus bagamat hindi nawala ni nabawasan Kanyang pagka-Diyos sa Kanyang pagkakatawang-tao kaya lahat ng ating mga karanasan bilang tao ay Kanya ring naranasan maliban ang kasalanan at magkasala. Siya man ay nagutom, nauhaw, nahapis at tumangis nang mamatay ang kaibigan Niyang si Lazaro, nahabag sa mga tao mga may sakit at balo. Wika nga ni Papa Benedicto XVI na malapit na nating ipag-ibis luksa sa katapusan, ang Diyos na ganap na kung tutuusin ay hindi nahihirapan ni nasasaktan ay pinili na makiisa sa hirap at sakit nating mga tao pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristo (Spe Salvi, #39).

Napaka-ganda at husay ng paglalahad ni San Pablo sa pagtawid o paskuwa na ito ni Jesus na kanyang tinaguriang kenosis, ang paghuhubad ni Jesus ng Kanyang pagka-Diyos bagamat para sa akin mas angkop ang salin na “pagsasaid” dahil sinimot ni Jesus ang lahat ng sa Kanya para sa atin doon sa Kanyang pagkakatawang-tao na ang rurok ay doon sa Krus.

Larawan kuha ng may-akda, Baguio City, Agosto 2023.

Magpakababa kayo tulad ni Cristo Jesus: Na bagamat siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.

Filipos 2:5-8

Naalala ko isang araw ng Pasko noong bata ako nang kami ay papaalis patungo sa mga Nanay at kapatid ng aking ama sa Maynila, masungit ang panahon at maulan. Hindi ko matanggap na umuulan at masama ang panahon sa araw ng Pasko kaya tinanong ko aking ina, “Bakit po ganun, birthday ni Jesus may ulan, may bagyo? E hindi ba God Siya? Di ba Niya puwede ipahinto mga ulan sa birthday Niya?”

Di ko matandaan sagot ng mommy ko pero malamang hindi malayo sa luku-luko at gago!

Nang magka-isip na ako, natutuhan ko sa mga pagbabasa na sa maraming pagkakataon mayroong mga bagyo at kalamidad, digmaan at kung anu-ano pang mga sigalot at paghihirap na nangyari kasaysayan tuwing Pasko. 

Tayo man mismo, marahil sa ating personal na buhay, maraming pagkakataon na tayo ay lumuluha, nanlulumo, hapis na hapis sa buhay sa ilang mga masasakit na karanasan sa araw ng Pasko. Kaya marami sa ating habang tumatanda nasasabing para lamang sa mga bata ang Pasko na masaya.

Ngunit hindi po iyan totoo! Batid natin sa ating mga karanasan na sa padaraan ng panahon, lumalalim ding pag-unawa nating sa Paso.

Larawan kuha ng may-akda, Setyembre 2023.

Balikan natin mga panahon ng ating pagsubok sa buhay lalo na sa panahon ng kapaskuhan, higit tayong namamangha at tiyak sasang-ayon ng lubos na tumpak nga ang bati nating mga Pinoy ng “Maligayang Pasko!” dahil mas malalim at makabuluhan ang pagdiriwang ito o ano pa mang selebrasyon sa buhay kapag ating napagdaanan at nalampasan mga hirap at sakit.

Ito ang kagandahan at katotohanan ng buhay natin na isang paulit-ulit na pasko, ng pagtawid at paglampas sa mga hirap at hilahil, pagbubulaanan sa ano mang sakbibi at pag-aaalinlangan ating ikinakakaba.

Hindi inalis ng Diyos ating hirap at sakit maging kamatayan bagkus tayo ay Kanyang sinamahan sa pagbibigay Niya sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang Panginoong Jesu-Kristo na tumawid mula langit patungo dito sa atin sa lupa upang tayo naman Kanya ring maitawid patungong langit. 

Kaya naman, pakiusap ko sa lahat na ipagpatuloy natin pagbati ng Maligayang Pasko hanggang ika-pito ng Enero 2024, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita o Epiphany ng Panginoon. Napakasama at malaking kahangalan na kay tagal inabangan ang Pasko na nagsisimula ng hapon ng ika-24 ng Disyembre at pagkatapos ng ika-25 ay biglang magbabatian ng Happy New Year!?

Kalokohan! At marahil, hindi naunawaan diwa ng Pasko. Mababaw at puro happy, happy gusto ng mga maraming tao, di batid ang diwa at lalim ng kahulugan ng Pasko na sa paglalagom ay iisang salita lamang: PAG-IBIG o PAGMAMAHAL. Ng Diyos sa atin.

Ano man ang mangyari sa buhay natin, sa ating mundo, hindi mapipigil ang Pasko, tuloy ang Pasko dahil kasama natin palagi si Kristo. At kung ikaw man ay mayroong pinagdaraanan, matuwa ka at magalak, ikaw ay nasa paskuwa – pasko – kasama, kaisa si Kristo! Amen.

Larawan kuha ng may-akda, 2021.

Ang kalabisan (at katatawanan)ng long weekend

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Disyembre 2023
Larawan kuha ni G. Jay Javier, shooting ng pelikula sa Fort Santiago.

Madalas kong biruin mga kaibigan at kakilala lalo na sa social media na magtanong kung ano ang “long weekend”? Mula kasi nang maging pari ako, nilimot ko na ang salitang weekend dahil sa mga araw nito – Sabado at Linggo – ang aming gawain at gampanin sa simbahan. Inaasahan kami ng mga tao na makakasama nila tuwing weekend kaya naman lahat ng pagtitipon sa pamilya at mga kaibigan ay tinatapat namin sa ordinaryong araw upang ako ay makadalo.

Ngunit kung tutuusin, wala naman talagang weekend dahil hindi naman natatapos o nagwawakas – end – ang sanlinggo. Kaisipang Amerikano ang weekend kaya meron silang bukambibig na TGIF, Thank God It’s Friday na kung kailan natatapos o nagwawakas (end) lahat ng trabaho at opisina upang maglibang ng Sabado at Linggo, weekend. Pagkatapos ng weekend, kayod muli mula Lunes hanggang Biyernes.

Sa kabilang dako para sa ating mga Kristiyano, ang Linggo ang unang araw ng sanlinggo at hindi ito nagwawakas ng Biyernes o Sabado. Tingnan ninyong mabuti: Linggo, Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado, Linggo ulit!

Ulit lang nang ulit ang isang linggo kada araw ng Linggo, ang Araw ng Panginoon o Dies Domini sa wikang Latin kung kailan tayo obligadong magsimba bilang alaala at pagpapaging-ganap ng Misterio Pascua ng Panginoong Jesus, ang kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay.

Iyan ang buhay din natin na ang kaganapan ay sa Langit na wala nang wakas kungdi buhay na walang hanggan. Ito ang dahilan mayroon tayong tinatawag na octaves of Christmas at Easter, ang walong-araw ng Kapaskuhan ng Pagsilang at ng Pagkabuhay muli ni Jesus.

Oo nga at mayroong pitong araw sa isang linggo, ngunit ipinakikita sa atin lalo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ang walang hanggang buhay sa ikawalong araw na pumapatak na Linggo palagi, ang Divine Mercy Sunday. Kung Pasko ng Pagsilang, papatak ito palagi ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos ng Enero Primero na siyang ating ipinagdiriwang at hindi Bagong Taon kasi nga po Unang Linggo ng Adbiyento ang ating bagong taon sa Simbahan.

Tumpak din naman at may katotohanan ang awitin nina John, Paul, George at Ringo ng Beatles na “eight days a week, I lo—-ve you! Eight days a week, I lo—-ve you!

Snapshot mula sa post ni Kier Ofrasio sa Facebook, 30 Nobyembre 2023.

Kaya naman isang malaking kalokohan at kabaliwan itong naisipan noong panahon ni PGMA na ilipat mga piyesta opisyal sa Biyernes o Lunes upang magkaroon ng long weekend. Para daw sa ekonomiya. Sa madaling sabi, para sa pera.

Kuwarta. Kuwarta. At kuwarta pa rin ang usapan, hindi ba?

Nasaan na ang pagsasariwa ng diwa ng mga piyesta upisyal natin bilang isang sambayanan?

Pati ba naman kaarawan o kamatayan ng mga bayani natin na matapos maghandog ng buhay sa atin ay dadayain pa rin natin upang pagkakitaan?

Fer, fer! For real!

Bukod sa materyalismo, mayroon ding masamang implikasyon itong long weekend na ito sa ating moralidad at iyan ay ang kawalan natin ng matiyagang paghihintay – ang pagpapasensiya.

Lahat advanced sa atin. Hindi tayo makapaghintay sa araw ng suweldo. Kaya, vale dito, vale doon. Loan dito, loan doon. At hindi biro ang dami ng mga kababayan nating nasira ang buhay dahil sa pagkaubos ng kabuhayan nang malulong sa maling pag-gamit ng credit cards kung saan totoong-totoo ang kasabihang, “buy now, suffer later”. Kaya, heto ngayon, pati piyesta upisyal ina-advance natin!

Maaring nagkasiyahan tayo sa long weekend ngunit, lubos nga ba ating katuwaan at kagalakan? Napagyaman ba nito ating katauhan at mga ugnayan? O, nabaon lang tayo sa utang lalo ng kahangalan?

Larawan ng walang galawang trapik sa McArthur Highway mula sa Facebook ni Kier Ofrasio, 30 Nobyembre 2023.

Katawa-tawa tayong mga Pinoy simula nang mauso long weekend. Sa haba at tagal ng ating lockdown noong pandemya, long weekend pa rin sigaw natin?

Dapat siguro baguhin na ating taguring na Juan dela Cruz at gawing Juan Tamad.

O, Juan Tanga gaya nang naranasan noong a-trenta nang isara ng mga magagaling ang Monumento. Winalanghiya mga maralita at manggagawa na ipinaglaban ni Gat. Andres Bonifacio noong himagsikan na siyang dahilan kaya ating ipinagdiriwang kanyang kapanganakan noong ika-30 ng Nobyembre 1863.

Kung baga sa Inggles, iyon ang “the short of long weekend, an exercise in futility. And stupidity.” Sana magwakas na gawaing ito na dati naman ay wala sa ating kamalayan. Salamuch po!

Kristong Hari ng sanlibutan, tunay nga ba nasasalamin natin?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Nobyembre 2023

Habang naghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari ng Sanlibutan noong Linggo (26 Nobyembre 2023), pabalik-balik sa aking gunita at alaala ang unang taon ng COVID-19 pandemic kasi noong mga panahong iyon, tunay na tunay nga si Jesus ang Hari nating lahat.

Marahil dahil sa takot at kawalan ng katiyakan noong mga panahon iyon na kay daming namamatay sa COVID at wala pang gamot na lunas maging mga bakuna, sadyang sa Diyos lamang kumakapit ang karamihan.

Hindi ko malimutan mga larawang ito noon sa dati kong parokya na mga tao ay lumuluhod sa kalsada sa pagdaraan ng paglilibot namin ng Santisimo Sakramento noong Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari noog Nobyembre ng 2020.

Marubdob ang mga eksena noon at damang dama talaga pagpipitagan ng mga tao sa Santisimo Sakramento.

Sinimulan namin ito noong unang Linggo ng lockdown, ika-22 ng Marso 2020 na ikalimang linggo ng Kuwaresma. Tandang tanda ko iyon kasi birthday ko rin ang araw ng Linggong iyon.

At dahil walang nakapagsimba sa pagsasara ng mga simbahan noon, minabuti kong ilibot ang Santisimo Sakramento ng hapong iyon upang masilayan man lamang ng mga tao si Jesus, madama nilang buhay ang Panginoon at kaisa sila sa pagtitiis sa gitna ng pandemic.

Hiniram ko ang F-150 truck ng aming kapit-bahay. Hindi ko pinalagyan ng gayak ang truck maliban sa puting mantel sa bubong nito kung saan aking pinatong ang malaki naming monstrance. Nagsuot ako ng kapa at numeral veil habang mga kasama ko naman ay dala ang munting mga bell para magpaalala sa pagdaraan ng Santisimo.

Pinayagan kami ng aming Barangay chairman si Kuya Rejie Ramos sa paglilibot ng Santisimo at pinasama ang kanilang patrol kung saan sumakay ang aming mga social communications volunteer na Bb. Ria De Vera at Bb. Anne Ramos na silang may kuha ng lahat ng larawan noon hanggang sa aking pag-alis at paglipat ng assignment noong Pebrero 2021.

Nakakaiyak makita noon mga tao, bata at matanda, lumuluhod sa kalsada. Ang iba ay may sindi pang kandila at talagang inabangan paglilibot namin na aming inanunsiyo sa Facebook page ng parokya noong umaga sa aming online Mass.

Pati mga nakasakay sa mga sasakyan nagpupugay noon sa Santisimo Sakramento.

Nang maglaon, marami sa mga tahanan ang naglagay na ng mga munting altar sa harap ng bahay tuwing araw ng Linggo sa paglilibot namin ng Santisimo Sakramento.

Napakasarap balikan mga araw na iyon na bagama’t parang wakas na ng panahon o Parousia dahil sa takot sa salot ng COVID-19, buhay ang pananampalataya ng mga tao dahil nadama ng lahat kapanatilihan ng Diyos kay Jesu-Kristong Panginoon natin.

Katunayan, noong unang Linggo ng aming paglilibot ng Santisimo Sakramento, umulan ng kaunti nang kami ay papunta na sa huling sitio ng aming munting parokya. Nagtanong aking mga kasamahan, sina Pipoy na driver at Oliver na aking alalay kung itutuloy pa namin ang paglilibot. Sabi ko ay “oo”.

Pagkasagot ko noon ay isang bahag-hari ang tumambad sa amin kaya’t kami’y kinilabutan at naiyak sa eksena. Noon ko naramdaman ang Panginoon tinitiyak sa akin bilang kura noon na hindi niya kami pababayaan.

At tunay nga, hindi niya kami – tayong lahat- pinabayaan.

Kaya noong Biyernes, ika-24 ng Nobyembre 2023, napagnilayan ko sa mga pagbasa kung paanong itinalaga muli ni Judas Macabeo ang templo ng Jerusalem matapos nilang matalo at mapalayas ang mananakop na si Hariong Antiochos Epiphanes habang ang ebanghelyo noon ay ang tungkol sa paglilinis ni Jesus ng templo.

Bakit wala tayong pagdiriwang sa pagwawakas o panghihina ng epekto ng COVID-19? (https://lordmychef.com/2023/11/24/if-covid-is-over/)

Nakalulungkot isipin na matapos dinggin ng Diyos ating mga panalangin noong kasagsagan ng pandemya, tila nakalimutan na natin Siya. Kakaunti pa rin nagsisimba sa mga parokya at nahirati ang marami sa online Mass.

Walang pagdiriwang ni kapistahan ang Simbahan sa pagbabalik sa “normal” na buhay buhat nang mawala o manghina ang virus ng COVID.

At ang pinamakamasaklap sa lahat, hindi na yata si Jesus ang naghahari sa ating buhay ngayon.

Balik sa dating gawi ang maraming mga tao.

At nakakahiyang sabihin, hindi na nalampasan ng mga tao at pati ilang mga pari katamaran noong pandemic.

Nakakahiyang aminin na pagkaraan ng araw-araw na panawagan sa Facebook noong isang linggo na lumuhod at magbigay-galang kay Kristong Hari na nasa Banal na Sakramento mga tao, maraming mga pari noong Linggo ang kinatamaran magsuot na nararapat na damit tulad ng kapa at numeral veil. At pagkatapos, sasabihin, isisigaw, Mabuhay ang Kristong Hari?

Hindi pa lubusang tapos ang COVID, pero, ibang-iba na katayuan natin ngayon. Malayang muli nakakagalaw, walang face mask maliban sa ilang piling lugar tulad ng pagamutan. Ang tanong ngayong huling linggo ng ating kalendaryo sa Simbahan ay, si Jesus pa rin ba ang haring ating kinikilala, sinusunod at pinararangalan sa ating buhay, maging sa salita at mga gawa?

Nasasalamin ba natin si Kristong Hari sa ating mga sarili, lalo na kaming mga pari Niya?

Si Ned at si San Martin ng Tours

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Nobyembre 2023

Ang kauna-unahang may sakit na aking pinahiran ng Banal na Langis ay ang tiyahin ng aking ina na kung tawagin namin ay Ned. Ayon sa nanay ng aming ina na Ate ng Ned, utal daw kasi ang dalawang nauna niyang anak at hindi masabi ang Nana Cedeng (o Chedeng), ang palayaw ng kanyang tunay na pangalang Mercedes.

Kaya, naging Ned na ang nagisnang tawag ng mga mommy ko at pati na kaming magpipinsan na kanyang mga apo. Walang anak ang Ned dahil maaga siyang nabiyuda nang magka-cancer ang kanyang kabiyak na siyang tunay na taga-Bocaue, Bulacan. Mula sa Aliaga, Nueva Ecija ang mga lola ko sa panig ng aking ina na mula sa angkan ng mga Bocobo.

Nang ako ay magdiriwang ng aking Primera Misa Solemne bilang bagong orden na pari noong ika-26 ng Abril 1998, hindi na nakapaglalakad ang Ned kaya bago kami magprusisyon, siya ay aking dinalaw at pinahiran ng Langis ng Maysakit. Pagkaraan ng ilang Linggo, sinugod siya sa ospital dahil sa stroke at nag-comatose kaya kinailangang ipasok sa ICU. Hindi naman siya kaagad namatay tulad ng iba kong pinahiran ng Langis ng Maysakit….

Pagkaraan ng isang linggo, inilipat na siya ng regular na silid at aking dinalaw. Hindi naapektuhan ng stroke ang kanyang pananalita. Tumingin siya ng matagal sa akin at pagkaraan ay hiniling na lumapit sa kanya.

“Mayroon akong ikukuwento sa iyo, Father, pero hindi ko alam kung ikaw ay maniniwala” sabi niya sa akin. Hinagod ko kanyang noo gaya ng ginawa niya sa akin noong ako ay natigdas nang bata pa. “Ano po inyong sasabihin?”, tanong ko sa kanya.

Larawan kuha ni G. Bryan San Luis, Kapistahan ni San Martin ng Tours, Patron ng Bayan ng Bocaue, Bulacan, 11 Nobyembre 2023.

“Father… ako e namatay na. Ang natatandaan ko lang ay naglalakad ako mag-isa sa madilim na kalsada. Maya-maya may nakita akong liwanag at bigla mayroong sumalubong sa aking mama na naka-kabayong puti. Sinabi sa akin nung mama, ‘Cedeng, magbalik ka na ika… hindi mo pa oras.'”

Sabi ng Ned, kaagad naman siyang tumalikod at naglakad pabalik ngunit muli niyang nilingon yung mama na naka-kabayo. Tinanong daw niya, “Hindi ba kayo si San Martin ng Tours?” At sumagot naman daw yung mama na siya nga si San Martin ng Tours. “E paano po ninyo ako nakilalang si Cedeng?” tanong daw niya. Sumagot daw si San Martin, “Paanong hindi kita makikilala, Cedeng, e kada piyesta ng Mahal na Krus at kapistahan ko ay nagsisimba ka palagi sa Bocaue?” Nangiti raw si San Martin sa kanya at di na niya nalaman ang mga sumunod maliban sa makita sarili niya naroon na sa ospital.

Wala daw siyang pinagsabihan ng karanasang iyon maliban sa akin dahil ako ay pari. At muli niya akong tinanong, “naniniwala ka ba Father na pinabalik ako dito ni San Martin ng Tours?” Hinagod ko muli ang noo ng Ned at sinabi ko sa kanyang “Opo, naniniwala po ako sa inyo.”

Larawan kuha ni G. Bryan San Luis, si San Martin aming Patron kasama ang Mahal na Krus sa Wawa na amin ding ipinagpipista tuwing buwan ng Hulyo sakay ng pagoda sa Ilog ng Bocaue.

Tumagal pa ang Ned ng limang taon bago siya pumanaw noong ika-5 ng Hulyo, 2003. Mismong sa harap ko siya namatay nang siya ay aking dalawin matapos ako magmisa sa kapit-bahay niyang namatay.

Naku, kay laking isyu noon sa aming lugar ang pagkamatay ng Ned. Ako sinisisi ng matatanda kasi daw inuna kong puntahan ang patay bago ang buhay! Ewan ko sa kanila ngunit pagpapala ang aking naranasan at nakita sa pangyayari: nang malagutan ng hininga ang Ned sa harap ko, kaagad kong tinawag ang kanyang tagapag-alaga, pinahiran ko pa rin siya ng Banal na Langis, at nang matiyak na patay na siya, kaagad akong nagmisa mag-isa doon sa kanyang silid kasama malamig niyang bangkay. (Ewan ko ba. Dalawang pari na rin, parehong Monsignor, ang namatay sa harapan ko at sa pangangalaga ko.) .

Palagi ko ikinukuwento ang “near-death experience” na iyon ng aking Lola hindi lamang sa dahil kakaiba kungdi mayroong malalim na katotohanang inihahayag – ang pagmamahal sa ating parokya, ang pananalangin ng mga Banal sa atin at higit sa lahat, ang kahalagahan ng Banal na Misa na siyang “daluyan ng lahat ng biyaya at rurok ng buhay Kristiyano” ayon sa Vatican II. Wika ni San Juan Pablo II, sa Banal na Misa aniya ay mayroong cosmic reality

Nang magkaroon ako ng sariling parokya noong 2011, isa iyon sa mga una kong kinuwento sa mga tao upang ituro pagmamahal sa kanilang parokya. Ipinaliwanag ko sa kanilang ang mga Banal na mga Patron ng parokya ang unang nangangalaga sa mga mananampalataya, ang ating mga tagapagdasal doon sa langit, mga taga-pamagitan.

Larawan kuha ni G. Bryan San Luis, prusisyon noong Kapistahan ni San Martin ng Tours, Patron ng Bayan ng Bocaue, Bulacan, 11 Nobyembre 2023.

Naniniwala ako na si San Martin ng Tours ang sumalubong kay Ned kasi nga hindi pa naman niya oras, kaya wala pang paghuhukom na naganap sa kanya na tanging si Jesu-Kristo lang ang makagagawa.

Ang pinaka-gusto kong bahagi ng kanyang kuwento ay ang kanilang usapan kung paano nakilala ni San Martin ang aking Lola sa tunay niyang palayaw na Cedeng. At hindi Ned.

Ipinakikita nito sa atin ang kahalagahan ng pagsisimba tuwing Linggo at mga pistang pangilin sa simbahan lalo ngayon panahon na akala ng marami ay sapat na ang online Mass. Ang Banal na Misa ay “dress rehearsal” natin ng pagpasok sa Langit. Kay sarap isipin na bukod sa Panginoon at Mahal na Birheng Maria na sasalubong sa atin doon ay kasama din ang Patron ng ating Parokya na kinabibilangan natin. Nakalulungkot maraming tao ngayon ni hindi rin alam kung ano at saan kanilang parokya! Alalahanin mga nakita ni San Juan Ebanghelista sa langit habang siya ay nabubuhay pa upang isulat sa Aklat ng Pahayag:

At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mula ngayon, mapapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!” “Tunay nga,” sabi ng Espiritu. Magpapahinga na sila sa kanilang pagpapagal; sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa.”

Pahayag 14:13

Anu-ano nga ba ating mga pinagkakaabalahanan sa buhay ngayon? Anu-ano ating pinag-gagawa na susundan tayo sa kabilang buhay upang ating ipagpatuloy? Kabutihan ba o kasamaan? Huwag nating sayangin pagkakataong ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ngayon. Siya nawa.

San Martin ng Tours, ipanalangin mo kami.

Larawan mula sa flickr.com ng isang icon ni San Martin ng Tours hinahati kanyang kapa para sa isang pulubi.