Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ng may-akda, Tagaytay, 17 Enero 2025.
Pansamantalang titigil sa mga kinikilig pag-inog nitong daigdig sa araw na ito ng mga pusong umiibig; tiyak bibigay din ano mang hinhin at yumi ng sinomang dilag kapag nakatanggap ng bulaklak kanino man magbuhat.
Ngunit ang masaklap tuwing katorse ng Pebrero ang maraming pag-ibig katulad na lamang ng petsang dumaraan, wala nang katapatan at kadalisayan mga magkasintahan pag-ibig dinurumihan isa't isa'y sinasaktan at dinudungisan.
Pagmasdan ating kapanahunan pilit binibigyang katuwiran kasalanan at kasamaan matutunghayan saanman mga larawan ng kataksilan wala nang kahihiyan ipinangangalandakan mga kapalaluan sa gitna ng kapangahasang magmaang-maangan na wala silang kalaswaan.
Alalahanin
at balikan tagpo sa
halamanan
nang magkasala
una nating mga magulang
sila'y nagulantang
sa kanilang kahubaran
nabuksan murang malay
at kaisipan
nang kainin bawal na bunga
ng puno ng kaalaman
ng mabuti at masama;
mabuti pa sila noon
nahiya at nagtago
habang ngayon
namamayagpag
sa yabang at kapalaluan
ang karamihan
kanya-kanyang rason
maraming palusot
puro baluktot
at paninindigan
2day
2morrow
4ever
nakalimutang
pag-ibig
ay panig
sa katotohanan
hindi kasinungalingan;
ang tunay na pag-ibig
hatid ay kaayusan
hindi kaguluhan,
kapayapaan at kapanatagan
hindi takot
at kahihiyan
ang diwa
nitong Valentine's.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-7 ng Nobyembre 2024
First time ko sa Dumaguete City.
Kabilin-bilinan ng mommy ko noong bata pa ako na basta first time ko saan mang lugar, una kong pupuntahan ang simbahan.
Kaya kanina pagdatng dito sa Dumaguete, una kong hinanap ang simbahan kahit ako ay nagugutom na. Nakakatuwa may kasabay din kaming mga panauhin at iyon din ang pakay nila bagamat inuna ang sikmura bago bumaba ang sugar.
Pagdating doon sa Katedral ni Santa Catherine ng Alexandria, ito ang eksenang bumungad sa akin.
Noong bata pa ako, magkahalong takot at pagkamangha aking nadarama tuwing isasama ako ng aking lola sa Quiapo at makakita ng maraming ganito magdasal – lumalakad ng paluhod.
Sa paglipas ng panahon, unti-unti nang nawala mga eksenang ito hanggang sa makakita ako muli kanina sa katedral ng Dumaguete.
Kay sarap pagmasdan at pagnilayan yaong mama na lumakad paluhod sa kanyang pagrorosaryo.
Sa panahong ito ng social media na lahat gusto siya ang bida, nawala na itong pagluhod na tanda ng pagpapakababa sa Diyos na higit na dakila sa lahat.
Ni hindi na rin nga alam ng karamihan ang pag-genuflect o pagluhod ng isang tuhod o “one-hod” kung aking tawagin bago pumasok ng upuan ng simbahan o “pew” tanda ng pag galang at pagkilala sa kasagraduhan ng lunan.
Ilang taon na nakakalipas pinuna ni Obispo Soc Villegas ang nawawalang gawi ng pagluhod ng mga tao; sa halip aniya, tayo ay nagiging “clap generation” – dinaraan ang lahat sa palakpakan. Sabi nga sa akin kamakailan ng isang kaibigan hindi raw niya maintindihan mga pari na magsasabi lang ng amen ay magpapalakpakan nang walang humpay mga tao. “I cannot”, eka niya.
Nanalangin ako ng ilang sandali sa katedral ng Dumaguete ng nakaluhod bago tumayo upang magtanghalian. Para na kasi akong nanghihina…
Hindi ba isang kabalintunaan kung pagninilayan, ang pagluhod ay tanda rin ng lakas ng katawan at tatag ng kalooban? Bakit nga ba tayo ngayon, sa dami ng mga gamot at pagkain, tila mahina pa rin, hindi na makaluhod para manalangin? Gaya nung mama na aking nakita, tila napakalakas pa rin niya at kayang-kaya pa ring lumakad paluhod.
O, iyon ding pagluhod niya ng madalas ang sa kanya nagpalakas?
Kasabay ko siya natapos sa pagdarasal. Hindi ko na siya kinunan ng larawan taglay kanyang aral ng kababaang-loob sa Diyos. At sa kapwa. Oras nang lumuhod. Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-31 ng Oktubre 2024
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.
“Say it with flowers” ang marahil isa na sa mga pinakamabisa at totoong pagpapahayag ng saloobin sa lahat ng pagkakataon. Wala ka na talagang sasabihin pa kapag ikaw ay nagbigay ng bulaklak kanino man. Ano man ang okasyon. Buhay man. O patay na.
Mababango at makukulay na bulaklak. Mas maganda at mas mahal, pinakamabuti lalo’t higit kung ibibigay sa sinisinta upang mabatid nilalaman ng dibdib ng isang mangingibig.
Larawan kuha ng may-akda sa Benguet, 12 Hulyo 2023.
Sa buong daigdig, nag-iisang wika at salita ang mga bulaklak na ginagamit upang ihatid ang tuwa at kagalakan sa sino man nagdiriwang ng buhay at tagumpay, maging ng kagalingan at lakas sa may tinitiis na sakit at hilahil. Sari-saring kulay, hugis at anyo, iisa ang pinangungusap ng bulaklak sa lahat ng pagkakataon, buhay at kagalakan at kaisahan ng magkakaibigan at magkasintahan, mag-asawa at mag-anak, magkaano-ano man.
Marahil kasunod nating mga tao, ang mga bulaklak na ang pinakamagagandang nilikha ng Diyos upang ipadama at ilarawan sa atin Kanya at maging atin ding katapatan at kadalisayan ng loobin at hangarin. Alalahanin paalala ni Jesus sa atin, “Isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang…maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng isa sa mga bulaklak na ito, bagamat napakariringal ang mga damit niya” (Mt. 6:28, 29).
Larawan kuha ng may-akda sa Benguet, 12 Hulyo 2023.
Kapag ako ay nagkakasal, palagi kong ipinaaalala sa magsing-ibig ang kahulugan ng maraming gayak na bulaklak sa dambana ng simbahan na nagpapahiwatig ng larawan ng Paraiso.
Alalaong baga, bawat Sakramento ng Kasal ay “marriage made in heaven” – malayang ginawa at pinagtibay ng magsing-ibig sa harap ng Diyos at ng Kanyang Bayan sa loob ng simbahan. Kaya wika ko sa kanila, ipagpatuloy ang pagbibigay ng bulaklak sa maybahay kahit hindi anibersaryo, lalo na kapag mayroon silang “lover’s quarrel” bilang tanda ng “ceasefire”.
Kaya naman maski sa kamatayan, mayroon pa ring mga bulaklak na ibinibigay tanda hindi lamang ng pagmamahal kungdi ng pag-asa na harinawa, makapiling na ng yumao ang Diyos at Kanyang mga Banal sa langit. Gayon din naman, dapat katakutan ng sino mang buhay pa ang padalhan ng korona ng patay o bulaklak sa patay dahil babala ito ng masamang balak laban sa kanyang buhay.
Lamay ni Mommy noong Mayo 7, 2024; paborito niya ang kulay pink at bulaklak na carnation.
Dagdag kaalaman ukol sa mga bulaklak sa patay: isang dahilan kaya pinupuno ng maraming mababangong bulaklak ang pinaglalamayan ng patay ay upang matakpan masamang amoy ng yumao dahil noong unang panahon, wala pa namang maayos na sistema ng pag-eembalsamo maging ng mga gamot para ma-preserve ang labi ng yumao. Kapansin-pansin ngayon lalo sa social media kapag mayroong namamatay, ipinapahayag ng mga naulila na huwag nang magbigay o mag-alay ng mga bulaklak bagkus ay ibigay na lamang sa favorite charity ng yumao. Kundangan kasi ay malaking halaga ng pera ang magagarang bulaklak sa patay; kesa ipambili yamang malalanta rin naman, minamabuti ng mga naulila ng yumao na mag-donate na lamang sa favorite charity ng pumanaw nilang mahal sa buhay.
Marahil ay hindi ito matatanggap hindi lamang ng mga Pilipino kungdi ng karamihan ng tao sa buong mundo; higit pa ring napapahayag ang pakikiramay at pagmamahal sa namatay at mga naulila sa pamamagitan ng bulaklak dahil malalim na katotohanang taglay ng mga ito.
Larawan kuha ng may-akda, 2018.
Tuwing Sabado Santo noong nasa parokya pa ako, gustung-gusto ko palagi sa aming umagang panalangin (lauds) na ipinahahayag iyong tagpo ng paglilibing kay Hesus.
Sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito’y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Yamang noo’y araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus (Juan 19:41-42).
Inilibing si Jesus sa may halamanan, garden sa Inggles. Nagpapahiwatig muli ng Paraiso, hindi ba.
Kay sarap namnamin ng tagpo ng Pasko ng Pagkabuhay ni Jesus doon sa “halamanan” na muli ay paalala sa atin ng “return to Paradise”, “return to Eden” ika nga. Kaya nang lapitan ni Jesus si Magdalena nang umiiyak dahil wala ang Panginoon sa libingan, napagkamalan niya si Jesus bilang hardinero.
Larawan kuha ng may-akda, halamanan sa St. Agnes Catholic Church, Jerusalem, Mayo 2017.
Noong Martes, sinabi ni Jesus sa ebanghelyo na ang paghahari ng Diyos ay “Katulad ng isang butil ng mustasa na itinamin ng isang tao sa kanyang halaman” (Lk.13:19).
Bawat isa sa atin ay halamanan ng Diyos, a garden of God. A paradise in ourselves.
Maraming pagkakataon pinababayaan natin ating mga sarili tulad ng halamanang hindi dinidilig ni nililinang. Kung minsan naman, hindi nating maintindihan sa kabila ng ating pangangalaga, tila walang nangyayari sa ating sarili, tulad ng halamanang walang tumubo o lumago, mamunga o mamulaklak sa kabila ng pagaasikaso?
Nguni’t maraming pagkakataon din naman na namumulaklak, nagbubunga tayo tulad ng halamanan dahil ang tunay na lumilinang sa atin ay ang Panginoong Diyos na mapagmahal!
Ilang araw pagkaraan ng Pasko nang kami’y magtanghalian ng barkada, 2023.
Noong Disyembre 2022, umuwi isa naming dating teacher at kaming magkakaibigan ay nagsama-sama para sa isa pang dati naming kasama sa ICSM-Malolos, si Teacher Ceh.
Umuwi siya mula Bahrain noong 2020 dahil sa cancer at sumailalim siya ng chemotherapy.
Dahil Pasko, niregaluhan ko siya ng orchid.
Enero 2023 namasyal kami sa Tagaytay at napakasaya namin noon. Gustung-gusto niyang pinupuntahan ang Caleruega tuwing umuuwi siya mula Bahrain kung saan siya nagturo matapos mag-resign sa aming diocesan school.
Ang akala namin ay papagaling na si Teacher Ceh at dadalas na aming pagkikitang magkakaibigan mula noong simula ng 2023. Pagkatapos ng huli niyang chemotherapy noong Setyembre, nabatid na mababagsik kanyang cancer cells at hindi nagtagal, pumanaw si Teacher Ceh noong ika-16 ng Oktubre 2023.
Larawan kuha ng may-akda, 16 Oktubre 2024.
Isang araw bago sumapit kanyang babang-luksa, ibinalita sa amin ng kanyang Ate na umuwi mula Amerika na buhay at namumulaklak ang bigay kong orchid kay Teacher Ceh. Dinala niya ito nang magmisa ako sa kanyang puntod kinabukasan para sa kanyang ibis luksa.
Laking tuwa namin sa gitna ng nakakikilabot na pagkamangha nang makita naming magkakaibigan ang regalo kong orchids kay Teacher Ceh.
Isa’t kalahating taon pagkaraan naming huling magsama-samang magkakaibigan, isang taon makalipas ng kanyang pagpanaw, buhay at namulaklak pa rin ang orchid kong bigay sa kanya na tila nangungusap na masayang-masaya, buhay na buhay si Teacher Ceh doon sa langit!
Sa aking silid; bigay lamang po iyang halaman na iyan at di ko alam pangalan.
Ako man ay nagtataka. Kung kailan wala na aking Mommy, saka ako nakakabuhay ng mga halaman. Green thumb kasi si Mommy.
Kahit maliit lamang aming lupain, sagana siya sa pananim mula sa mga rosas at orchids, cactus at mga mayana, mga sari-saring halaman sa paso maging papaya, atis, langka, pati kamote at sili sa gilid ng bahay namin ay mayroon siya.
Ito yung flower vase ng mga napatay kong waterplant sa dati kong assignment; ayaw ko sanang dalhin sa paglipat dito sa Valenzuela pero awa ng Diyos, buhay pa halaman mula 2021.
Nakakatawa, ako hindi makabuhay ng halaman. Muntik pa akong bumagsak ng first year high school sa gardening kasi hindi ako makabuhay ng ano mang panananim maliban sa kamote. Sabi ni Mommy sa akin noon, kapag iyong kamote hindi ko pa nabuhay, ako ang talagang kamote!
Nang magkaroon ako ng sariling parokya noong 2011, nakakadalaw pa siya at simba sa amin noon tuwing Linggo. Ipinagyabang ko sa kanya mga alaga kong water plants sa kuwarto ngunit pagkaraan ng ilang buwan, namatay mga iyon. Sabi niya ulit sa akin, “ano ka ba naman anak, water plant na lang napapatay mo pa? Masyadong mainit iyong mga kamay,” aniya.
Hoya daw ito na nakuha ko noong aking personal retreat sa Sacred Heart Novaliches noong 2022; buhay pa rin hanggang ngayon sa aking banyo.
Isang bagay nakalimutan kong sabihin kay Mommy bago siya mamatay ay nakakabuhay na ako ng water plant sa kuwarto ko sa bago kong assignment sa Fatima Valenzuela.
Ako ay nagugulat sa sarili ko ngunit ngayon ko lamang napagnilayan nang makita ko ang orchids na regalo ko kay Teacher Ceh: apat na taon nang buhay aking mga water plant sa kwarto mula nang malipat ako dito noong 2021.
Hindi ko rin alam pangalan ng halamang ito na bigay sa akin pero nakapagpatubo na ako ng isa pa niyang sanga nasa aking office sa University; yung orchids bigay sa akin noong Abril, wala nang bulaklak pero buhayn pa rin. Himala!
Parang sinasabi sa akin ng mga alagang kong water plant na marahil, buhay na buhay at tuwang tuwa na rin si Mommy at nakabuhay ako ng halaman.
Kasi sabi niya kasi sa aking noong maliit pa ako, dapat daw marunong akong mag-alaga ng halaman at hayop dahil tanda raw iyon na makakabuhay na rin ako ng tao.
Siguro nga. Kaya ko nang mabuhay maski wala na siya, paalala marahil nitong aking mga halaman. Flowers for you, kaibigan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Agosto 2024
Larawan mula sa Facebook, 29 Agosto 2024.
Tayong mga Pinoy
hindi mauunahan sa katatawanan
mga biru-biruang makatotohanan
sadya namang makahulugan
sumasalamin sa kasalukuyang
kabulukang umiiral
sakit na kumakalat
lumalason sa lipunan.
Pagmamaang-maangan
ng matataas nating upisyal
sa kanilang mga kasinungalingan
kapalaluang pilit pinagtatakpan
sa kahuli-hulihan kanila ring bibitiwan
sa pananalitang akala'y maanghang
kanilang unang matitikman pain sa simang
silang sumasakmal hanggang masakal;
nguni't kakaibang tunay si Inday
hindi nga siya isda, walang hasang
kungdi pusit hatid ay pusikit na kadiliman
tintang itim ikinakalat
upang kalaban ay marumihan
di alintana kanyang kasamaan
di kayang pagtakpan.
Sa pagtatapos nitong buwan ng wika English pa more asar pa more kanyang binitiwan hanggang maging pambansang katatawanan nang siya ay mag-slang "shiminet" na tanging kahuluga'y "she-may-not-like-my-answer" lamang ngayon sana kanyang malaman hindi rin namin gusto kanyang answer mga pangangatuwiran sana'y manahimik na lang at maghintay sa halalan.
Bago man pandinig ang "shiminet" matagal na nating ginagamit upang pagtakpan katotohanan; mag-isip, laging tandaan kasinungalingan at kasamaan ay iisang "puwersa ng kadiliman" at "puwersa rin ng karahasan" ng magkakaibigang hangal!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may-akda, Sacred heart Novitiate, Novaliches, QC, 20 Marso 2024.
Halina't magpahingalay hindi lamang upang mapawi pagod at hirap kungdi sarili ay mabawi sa kawalang kabuluhan at mga kaguluhan, pagkawindang mapigilan kaayusan ng buhay ay mabalikan; limang tanong sana makatulong upang landas ng makatuturang buhay ating masundan:
Larawan kuha ng may-akda sa Alfonso, Cavite, Abril 2024.
"Nasaan ka?"
Kay gandang balikan nang ang Diyos ay unang mangusap sa tao, ito ang kanyang tanong sa lalaking nagkasala at nagtago, "nasaan ka?" Nang maganap unang krimen, Diyos ay nagtanong din kay Cain, "nasaan kapatid mong si Abel?"
"Nasaan" lagi nating tanong lalo na't sarili ang nawawala tumutukoy di lamang sa lunan kungdi sa kalagayan at katayuan ng sarili madalas ay sablay at mabuway; magpahingalay upang tumatag at maging matiwasay.
Larawan kuha ng may-akda sa Camp John Hay, Baguio City, 12 Hulyo 2023.
Susunod na dalawang tanong ay magkadugtong: "Saan ka pupunta?" at "Paano ka makakarating doon?"
Walang mararating at kahihinatnan sino mang hindi alam kanyang pupuntahan maski na moon na tinitingala hindi matingnan, magroadtrip broom broom man lamang! Muling mangarap libre at masarap higit sa lahat magkaroon ng layon na inaasam-asam!
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera sa Banff, Alberta, Canada, 07 Agosto 2024.
Nasaan ka? Saan ka pupunta? Paano ka makakarating doon? Ang mga unang tatlong tanong sa ating pamamahingalay nitong paglalakbay ng buhay; ika-apat na tanong naman dapat nating pagnilayan ay "Ano aking dadalhin sa paglalakbay?"
Marahil pinakamahalagang dalhin ang ating sarili hindi mga gamit o kasangkapan dahil kaalinsabay ng mga dalahin ay ating mga iiwanan din; huwag nang magkalat ng gamit bagkus iwanan ay bakas ng mabuting katauhan pagmamalasakit sa iba pang naglalakbay sa landas nitong buhay!
Larawan kuha ng may-akda, St. Scholastica Spiritual Center, Tagaytay, 21 Agosto 2024.
Ngayo'y dumako tayo sa huling tanong nitong pagpapahingalay upang mabawi ating sarii di lamang pagod ay mapawi: "Sino iyong kasama sa paglalakbay sa buhay?"
Ito marahil pinakamahirap sagutin maski harapin dahil problema natin hindi naman mga nabigong pangarap at adhikain kungdi nasira at nawasak nating mga ugnayan bilang pamilya at magkakaibigan; may kasabihan mga African, kung ibig mong maglakbay ng mabilis, lumakad kang mag-isa ngunit kung ibig mong malayo marating, magsama ka ng kasabay sa paglalakbay.
Dito ating makikita diwa at buod ng tunay na pagpapahingalay o pagpapahinga: mula sa salitang "hinga" ang magpahinga ay mahingahan ng iba, mapuno ng iba; mauubos tayo parang upos sa dami ng ibig nating maabot at marating, huwag mag-atubiling tumigil, mamahinga, magpahingalay sa Panginoong Diyos na Siya nating buhay at kaganapan na tiyak din nating hahantungan sa walang hanggang pahingalay. Hayaang Siya sa ating umalalay at pumuno ng hininga ng buhay!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may akda sa kanyang silid, 14 Agosto 2024.
*Salamuch sa Orange and Lemons.
Umuwi ka na Mommy: yan lang mithi ko palagi hindi lang masabi nitong aking mga labi dangan kasi hindi mangyayari; akala ko noong dati makakaya ko ang pighati ng iyong pagpanaw ngunit aking akala pala ay mali tunay na damdamin namnamin, ilahad at aminin sa sarili huwag ikubli huwag magkunwari tiyak madadali sa huli.
Umuwi ka na Mommy: kailanma'y hindi namin iyan nasabi dangan nga kasi ikaw palagi nasa tahanan at tindahan naghihintay sa amin at pagsapit ng takipsilim tulad ng mga alaga mong inahin isa-isa kaming iyong hahanapin parang mga sisiw bubusugin sa halimhim ng iyong mga pangangaral at dalangin saka ipaghahain ng masarap at mainit na pagkain mahirap limutin.
Umuwi ka na Mommy: ikaw lang kasi sa akin ang walang atubili nakapagsasabi, nakakaramdam at nakababatid ng lahat dangan nga kasi ikaw ang sa akin nagsilang sa iyong sinapupunan hanggang libingan dama ko ating kaisahan pilit ko noon hinihiwalayan kaya ngayon aking ramdam kay laking kawalan kahit nag-iisa ka lang.
Larawan kuha ng may akda sa kanyang silid, 14 Agosto 2024.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-02 ng Agosto 2024
Larawan mula sa foxnews.com.
Hindi mawala sa aking gunita larawang bumantad sa balita tila isang punyal idinarak tagos pagkakasaksak baon na baon hanggang buto ang kirot at sakit nitong kasamaan at kasalaulaan doon sa France.
Pilit nilang ipinaliwanag paglapastangan sa Huling Hapunan hanggang kami pa ang hatulan ng kamangmangan at kawalan ng pakialam sa mga kakaiba ang kasarian; abot-abot kanilang pagpapaliwanag ngunit nabaon lamang sila sa balon ng kadiliman.
Heto ngayon ang larawan inyong pagmasdan: walang kinakailangang pagpapaliwanag sapagkat hindi kailanman magliliwanag ang kadiliman dahil ang maliwanag na katotohanan tanging babae at lalake lamang ang nilalang.
Sakali mang mayroon pumailang ang gawi ng katauhan o oryentasyon maliwanag sa katawan dalawa lamang ang kasarian kahit palitan nasa labas ang nasa loob kailanman hindi manglilinlang.
Tiyak marami silang sagot at mga paliwanag kaya namang tila baga itong Olympics ngayon ay hindi na tagisan ng husay at galing sa larangan ng pangangatawan kungdi ng isipan at paninindigan;
tanging hiling ko lang, muling pagmasdan itong larawan ano inyong nararamdaman? sa boksing pa na sukdalan ang karahasan doon pa matatagpuan natitirang liwanag at katinuan ng makabagong sangkatauhan?
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Agosto 2024
Larawan kuha ng may-akda, bukang liwayway sa Lawa ng Galilea, Israel, Mayo 2019.
Unang araw sa buwan ng Agosto, buwan ng wika ako ay nakatunganga sa pagkamangha sa isang salita: PALIWANAG sa wikang Inggles, "explanation" at kung gagamiting pandiwa "to explain" ito ay magPALIWANAG.
Kay sarap namnamin
at damhin mga kataga
nitong ating wika
tulad ng PALIWANAG
nagsasaad ng pagbibigay
liwanag dahil mayroong
kadiliman minsa'y panlalabo
kaya nililinaw upang
matanaw, makita kahit man lang
maaninag upang matukoy, makilala.
Mahirap kasi mag-apuhap sa gitna ng kadiliman na kawalan ng katiyakan: ika'y nangangapa at nangangamba kung ano iyong mahawakan, makuha kaya nakakatakot sa dilim na wala kang nakikita dahil pati ikaw baka tuluyang mawala pa!
Inyong pagmasdan malaking kadiliman na sa ati'y bumabalot kamakailan kaya kay raming nagpapaliwanag naglilinaw dahil sa mga ginawa at ipinahayag na puro kaguluhan:
Waiter sa Cebu pinagpaliwanagan ng halos dalawang oras habang nakatindig sa harapan ng customer na tinawag niyang "Sir" na ibig ituring siya na "Mam"; kay daming paliwanag ni "Mam" pero malabo pa rin dahil malinaw pa sa araw maski sa mga larawan na siya ay Sir!
Hanggang ngayon nagpapaliwanag pa rin mga pasimuno ng paglapastangan sa Huling Hapunan ng Panginoon na lalong nababaon dahil maliwanag kanilang kasinungalingan na ang kadiliman ng kapalaluan at kasamaan kanilang pagpugayan taliwas sa layuning magkaroon ng pagbubuklod at kaisahan.
Hindi lang minsan ating narinig masabihang "ang labo mo naman" kaya kinakailangang magpaliwanag upang maunawaan at maintindihan na siyang daan sa magandang pagsasamahan.
Heto ngayon ating pagnilayan pagbulayan aking katanungan: nagPALIWANAG ba ang Panginoong Jesus sa Kanyang mga pangangaral? Maliban sa pagpapaliwanag ng mga talinghaga ng sarilinan sa mga alagad, walang ipinaliwanag si Jesus dahil maliwanag Siyang palagi at higit sa lahat Siya ang Liwanag ng Sanlibutan.
Madalas hindi Siya maunawaan, maintindihan at matanggap ng mga tao noon hanggang ngayon ngunit kailanman walang binawi na salita ang Panginoong Jesus dahil maliwanag ang lahat: "Ako ang daan at katotohanan" (Jn.14:6), "Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay" (Jn. 11:25) "Ako ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw" (Jn. 6:54).
Nang linisin ni Jesus ang templo sinabi sa mga tao na gibain iyon at kanyang itatayo sa loob ng tatlong araw; Siya ay pinagtawanan ng mga kalaban ngunit malinaw na sinasaad sa kasulatan nang muli Siyang mabuhay ay naunawaan ng mga alagad ang tinutukoy Niyang templo ay ang Kanyang Banal na Katawan (Jn. 2:18-22); maliwanag si Jesus ay palaging malinaw kaya kahit sa gitna ng kadiliman Siya ay maliwanag.
Lumapit tayo kay Jesus at hayaang liwanagan Niya kadiliman sa ating puso at kalooban katulad nina Nicodemo at Dimas na umamin sa kanilang kamangmangan at kasalanan kaya natamo ang liwanag at kaligtasan; hindi mahirap tuntunin katotohanan at liwanag ng Panginoon natin kung ating aaminin at aalisin mga piring sa ating paningin upang mabuksan puso at kalooban sa kagandahan at dangal ng kabutihan ng bawat nilalang hindi ang ipangalandakan sariling husay at kaalaman maging antas ng kalinangan!
Tandaan at panghawakan, tiyak na kaliwanagan ng mga salitang binitiwan ng Panginoon sa atin sana ay magpaalaala: "Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas" (Mt.23:12)
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-12 ng Hunyo 2024
Mula sa Colombo Plan Staff College, cpstech.org, 12 June 2020.
Tuwing sasapit petsa dose ng Hunyo problema nating mga Filipino nahahayag sa pagdiriwang na ito: alin nga ba ang wasto at totoo, Araw ng Kalayaan o Araw ng Kasarinlan?
Parehong totoo, magkahawig sinasaad ng mga ito ngunit malalim at malaki kaibahan ng mga ugat nito: kung pagbabatayan ating kasaysaysan araw ito ng kasarinlan nang magsarili tayo bilang isang bansa pinatatakbo ng sariling mamamayan, magkakababayan; ngunit totoo rin namang sabihing higit pa sa kasarinlan ating nakamtan nang lumaya ating Inang Bayan sa pang-aalipin ng mga dayuhan!
Kuha ng may akda, Camp John Hay, 2018.
Maituturing bang mayroon tayong kasarinlan kung wala namang kalayaang linangin at pakinabangan ating likas na kayamanan lalo na ang karagatan gayong tayo ay bansang binubuo ng mga kapuluan? Tayo nga ba ay mayroong kasarinlan at nagsasariling bansa kung turing sa atin ay mga dayuhan sa sariling bayan walang matirhan lalo mga maliliit at maralitang kababayan dahil sa kasakiman ng mga makapangyarihan sa pangangamkam?
Gayon din naman ating tingnan kung tunay itong ating kalayaan marami pa ring nabubulagan, ayaw kilalanin dangal ng kapwa madalas tinatapakan dahil ang tunay na kalayaan ay ang piliin at gawin ang kabutihan kaya ito man ay kasarinlan dahil kumawala at lumaya sa panunupil ng sariling pagpapasya na walang impluwensiya ng iba kundi dikta ng konsiyensiya!
Larawan kuha ni G. Jay Javier sa Luneta, 2022.
Kalayaan at kasarinlan kung pagninilayan dalawang katotohanang nagsasalapungan kung saan din matatagpuan ang kabutihan, paglago at pagyabong ng ating buhay!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Mayo 2024
Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove sa Morong, Bataan, ika-15 ng Abril 2024.
Sana'y dinggin itong aking awit tungkol sa pananahimik na higit sa pagwawalang-imik o kunwari'y pagiging bingi bagkus pakikinig na mabuti sa bawat tinig dahil ang katahimikan ay hindi kawalan kungdi kapunuan; sa katahimikan tayo ay bumabalik sa ating pinagmulan namumuhay tulad nang sa sinapupunan nakikiramdam, lahat pinakikinggan dahil nagtitiwala kaya naman sa pananahimik tayo ay nakakapakinig, nagkaka-niig, higit sa lahat ay umiibig dahil ang tunay na pag-ibig tiyak na tahimik hindi ipinaririnig sa bibig kungdi kinakabig ng dibdib maski nakapikit dama palagi ang init!
Ganyan ang katahimikan, hindi lamang napapakinggan kungdi nararamdaman nakabibinging katotohanan kaya laging kinatatakutan ayaw pakinggan iniiwasan di alintana sa kahuli-hulihan katahimikan ang tiyak nating hahantungan magpakailanman kaya ngayon pa lang ating nang kaibiganin ang katahimikan, matutunang harapin at tanggapin tulad ng sa salamin tunay na pagkatao natin upang pabutihin, dalisayin sa katahimikan pa rin.
Larawan kuha ng may-akda sa Bgy. Kaysuyo, Alfonso, Cavite, 27 Abril 2024.