Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Nobyembre 2023

Ang kauna-unahang may sakit na aking pinahiran ng Banal na Langis ay ang tiyahin ng aking ina na kung tawagin namin ay Ned. Ayon sa nanay ng aming ina na Ate ng Ned, utal daw kasi ang dalawang nauna niyang anak at hindi masabi ang Nana Cedeng (o Chedeng), ang palayaw ng kanyang tunay na pangalang Mercedes.
Kaya, naging Ned na ang nagisnang tawag ng mga mommy ko at pati na kaming magpipinsan na kanyang mga apo. Walang anak ang Ned dahil maaga siyang nabiyuda nang magka-cancer ang kanyang kabiyak na siyang tunay na taga-Bocaue, Bulacan. Mula sa Aliaga, Nueva Ecija ang mga lola ko sa panig ng aking ina na mula sa angkan ng mga Bocobo.
Nang ako ay magdiriwang ng aking Primera Misa Solemne bilang bagong orden na pari noong ika-26 ng Abril 1998, hindi na nakapaglalakad ang Ned kaya bago kami magprusisyon, siya ay aking dinalaw at pinahiran ng Langis ng Maysakit. Pagkaraan ng ilang Linggo, sinugod siya sa ospital dahil sa stroke at nag-comatose kaya kinailangang ipasok sa ICU. Hindi naman siya kaagad namatay tulad ng iba kong pinahiran ng Langis ng Maysakit….
Pagkaraan ng isang linggo, inilipat na siya ng regular na silid at aking dinalaw. Hindi naapektuhan ng stroke ang kanyang pananalita. Tumingin siya ng matagal sa akin at pagkaraan ay hiniling na lumapit sa kanya.
“Mayroon akong ikukuwento sa iyo, Father, pero hindi ko alam kung ikaw ay maniniwala” sabi niya sa akin. Hinagod ko kanyang noo gaya ng ginawa niya sa akin noong ako ay natigdas nang bata pa. “Ano po inyong sasabihin?”, tanong ko sa kanya.

“Father… ako e namatay na. Ang natatandaan ko lang ay naglalakad ako mag-isa sa madilim na kalsada. Maya-maya may nakita akong liwanag at bigla mayroong sumalubong sa aking mama na naka-kabayong puti. Sinabi sa akin nung mama, ‘Cedeng, magbalik ka na ika… hindi mo pa oras.'”
Sabi ng Ned, kaagad naman siyang tumalikod at naglakad pabalik ngunit muli niyang nilingon yung mama na naka-kabayo. Tinanong daw niya, “Hindi ba kayo si San Martin ng Tours?” At sumagot naman daw yung mama na siya nga si San Martin ng Tours. “E paano po ninyo ako nakilalang si Cedeng?” tanong daw niya. Sumagot daw si San Martin, “Paanong hindi kita makikilala, Cedeng, e kada piyesta ng Mahal na Krus at kapistahan ko ay nagsisimba ka palagi sa Bocaue?” Nangiti raw si San Martin sa kanya at di na niya nalaman ang mga sumunod maliban sa makita sarili niya naroon na sa ospital.
Wala daw siyang pinagsabihan ng karanasang iyon maliban sa akin dahil ako ay pari. At muli niya akong tinanong, “naniniwala ka ba Father na pinabalik ako dito ni San Martin ng Tours?” Hinagod ko muli ang noo ng Ned at sinabi ko sa kanyang “Opo, naniniwala po ako sa inyo.”

Tumagal pa ang Ned ng limang taon bago siya pumanaw noong ika-5 ng Hulyo, 2003. Mismong sa harap ko siya namatay nang siya ay aking dalawin matapos ako magmisa sa kapit-bahay niyang namatay.
Naku, kay laking isyu noon sa aming lugar ang pagkamatay ng Ned. Ako sinisisi ng matatanda kasi daw inuna kong puntahan ang patay bago ang buhay! Ewan ko sa kanila ngunit pagpapala ang aking naranasan at nakita sa pangyayari: nang malagutan ng hininga ang Ned sa harap ko, kaagad kong tinawag ang kanyang tagapag-alaga, pinahiran ko pa rin siya ng Banal na Langis, at nang matiyak na patay na siya, kaagad akong nagmisa mag-isa doon sa kanyang silid kasama malamig niyang bangkay. (Ewan ko ba. Dalawang pari na rin, parehong Monsignor, ang namatay sa harapan ko at sa pangangalaga ko.) .
Palagi ko ikinukuwento ang “near-death experience” na iyon ng aking Lola hindi lamang sa dahil kakaiba kungdi mayroong malalim na katotohanang inihahayag – ang pagmamahal sa ating parokya, ang pananalangin ng mga Banal sa atin at higit sa lahat, ang kahalagahan ng Banal na Misa na siyang “daluyan ng lahat ng biyaya at rurok ng buhay Kristiyano” ayon sa Vatican II. Wika ni San Juan Pablo II, sa Banal na Misa aniya ay mayroong cosmic reality
Nang magkaroon ako ng sariling parokya noong 2011, isa iyon sa mga una kong kinuwento sa mga tao upang ituro pagmamahal sa kanilang parokya. Ipinaliwanag ko sa kanilang ang mga Banal na mga Patron ng parokya ang unang nangangalaga sa mga mananampalataya, ang ating mga tagapagdasal doon sa langit, mga taga-pamagitan.

Naniniwala ako na si San Martin ng Tours ang sumalubong kay Ned kasi nga hindi pa naman niya oras, kaya wala pang paghuhukom na naganap sa kanya na tanging si Jesu-Kristo lang ang makagagawa.
Ang pinaka-gusto kong bahagi ng kanyang kuwento ay ang kanilang usapan kung paano nakilala ni San Martin ang aking Lola sa tunay niyang palayaw na Cedeng. At hindi Ned.
Ipinakikita nito sa atin ang kahalagahan ng pagsisimba tuwing Linggo at mga pistang pangilin sa simbahan lalo ngayon panahon na akala ng marami ay sapat na ang online Mass. Ang Banal na Misa ay “dress rehearsal” natin ng pagpasok sa Langit. Kay sarap isipin na bukod sa Panginoon at Mahal na Birheng Maria na sasalubong sa atin doon ay kasama din ang Patron ng ating Parokya na kinabibilangan natin. Nakalulungkot maraming tao ngayon ni hindi rin alam kung ano at saan kanilang parokya! Alalahanin mga nakita ni San Juan Ebanghelista sa langit habang siya ay nabubuhay pa upang isulat sa Aklat ng Pahayag:
At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mula ngayon, mapapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!” “Tunay nga,” sabi ng Espiritu. Magpapahinga na sila sa kanilang pagpapagal; sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa.”
Pahayag 14:13
Anu-ano nga ba ating mga pinagkakaabalahanan sa buhay ngayon? Anu-ano ating pinag-gagawa na susundan tayo sa kabilang buhay upang ating ipagpatuloy? Kabutihan ba o kasamaan? Huwag nating sayangin pagkakataong ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ngayon. Siya nawa.
San Martin ng Tours, ipanalangin mo kami.
















