Mga gawa-gawa nating multo

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Agosto 2023
Larawan kuha ng may-akda, mga puno ng balite sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 21 Marso 2023.
*Isang tula aking kinatha batay sa mga pagbasa at kapistahan
ngayong ika-siyam ng Agosto, 
Aklat ng mga Bilang 13:31-14:1, 26-29, 34-35 
at Mateo 15:21-28.
Itong ating wika
kay yaman ng mga salita
binibigkas pa lamang ng
dila naroon na sa puso
at isip ang kanyang diwa.
Halimbawa ang kasabihang
gumawa ka ng multo
na iyo ring kinatatakutan
na siya namang totoong-totoo!
Katulad nito isa pang kasabihan
para kang kumuha ng 
bato na pinukpok sa ulo.
Madalas sa ating karanasan,
tayo may kagagawan
kaya tayo nahihirapan;
Diyos ay tinatanggihang
sundin at pagkatiwalaan
katulad ng karanasan 
doon sa ilang nang gumawa
ng usapang mahirap sakupin
lupaing binibigay ni Yahweh
dahil anila mga higante naninirahan
doon, animo sila'y parang
mga tipaklong lamang.
Nagalit ang Diyos
sa kanyang bayan kaya
dinagdagan isang taon
kada araw ng kanilang paglalakbay
na puno ng pagrereklamo at
pagbubulungan upang umabot
ng apatnapung taon
sila doon sa ilang bago pumasok
sa kanilang lupang pangako,
ginawa nilang multo
naging totoo
sila mga naperwisyo!
Larawan kuha ng may-akda, mga puno ng balite sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 21 Marso 2023.
Anu-ano
 mga gawa mong multo
 at halimaw sa iyo nananakot
parang bangungot
maski ikaw ay gising?
Mga guni-guni
huwag linangin
bagkus manalig kay Kristo
lagi nating kapiling
lalo sa mga ilang na lupain
siya ay ating salubungin
at sambahin!
Pagmasdan
at pagnilayan pananalig
at tibay ng dibdib
ng babaeng Cananea,
pagano ngunit nagsumamo
kay Kristo upang palayasin
demonyong umaali
sa anak na babae;
sinubok ng Panginoon
kanyang pagpupursigi
hanggang makumbinsi at pinuri
matibay niyang pananampalataya!
Kay laking kabalintunaan
na sa ating panahong tinaguriang
makabago, lahat naiimbento
ngunit isip pa rin ng tao
ay litong-lito;
gumagawa pa rin ng 
maraming multo
ilan ay nagkakatotoo,
lumalason sa isipan
mga kasamaan at kasalanan
takot mahirapan kaya Krus
tinatalikuran.
Ito ang pinabulaanan ni
Santa Teresa Benedicta dela Cruz;
isinilang na Hudyo sa pangalang Edith Stein
tumalikod sa Diyos sa sobrang dunong
di naglaon, bumalik sa Panginoon,
nagpabinyag sa Katoliko
at pumasok sa monasteryo;
namatay kasama mga kababayan
niyang Hudyo sa gas chamber ng
mga Nazi hanggang sa huli 
pinanindigan Krus ni Kristo
kay inam nating huwaran
sa kasalukuyan na marami pa ring
kinatatakutan lalo na ang pag-gawa
ng kabutihan!
Sta. Teresa Benedicta dela Cruz,
Ipanalangin mo kami!
Larawan kuha ng may-akda, Bgy. Bahong, La Trinidad, Benguet, 12 Hulyo 2023

Masama magreklamo, pananalangin ang dumaing

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-7 ng Agosto 2023
Larawan kuha ng may-akda, takipsilim sa Tagaytay, ika-8 ng Pebrero 2023.

Madalas maitanong sa akin ng mga tao kung kasalanan daw ba, o masama, ang magreklamo sa Diyos? Bago sila sagutin, lagi kong hiling na liwanagin muna kung sila ba ay nagrereklamo o dumaraing sa Diyos?

Malaki pagkakaiba ng dalawang salitang ito na tila magkapareho lalo na kung ating uugatin ang kanilang pinagmulang wika na Latin, Pranses, Kastila at Inggles. Marahil dahil sa pagsasalin-salin ng mga salitang reklamo at daing, naiba kanilang kahulugan kaya mahalaga nating maunawaan upang makatulong sa ating wastong pakikipag-ugnayan sa isa’t-isa at sa Panginoong Diyos.

Hindi po ako dalubhasa sa linguistika o pag-aaral ng mga wika ngunit ibig ko na pagnilayan ang pagkakaiba ng reklamo at daing mula sa kanilang pinagmumulan o pinagbubuhatan. Ang reklamo ay mula sa isipan habang ang daing ay buhat sa puso at kaibuturan ng kalooban. Sa pagkakaibang ito ng kanilang pinagmumulan natin makikita kanilang kasamaan at kabutihan.

Larawan kuha ng may-akda mula sa Jordan tanawin ang ilang ng Israel noong Mayo 2019.

Masama ang pagrereklamo dahil ito ay sinasadya o wilfull sa Inggles. Mayroong malisya at masamang paglalayon bunsod ng maling pag-gamit ng kaisipan o intellect na kung saan pinangingibabawan ito ng kasamaan.

Sa pagrereklamo, mayroong pagpaplano at pag-aaral sa paglalahad ng hangad na hindi lamang maaksiyunan at solusyunan ang hinaharap na suliranin o katayuan kungdi maungkat pa ang ibang mga isyu ng nagrereklamo. Katulad lamang ito noong tayo ay mga bata pa na bubulung- bulong kapag masama ang loob kung nauutusan.

Sa pagrereklamo, naroon ang isang proseso ng kaisipan at hindi lamang bunga ng emosyon o damdamin na kapag naibulalas na ay tapos na. Naroon palagi ang paghahanap ng butas at kung anu-ano pang mga bagay na maaring isisi at ipula saan man at kanino man.

Kitang-kita ito sa karanasan ng mga Israelita doon sa ilang matapos sila ay hanguin ng Diyos sa pamumuno ni Moises mula sa pagkaalipin sa Egipto. Tingnan at suriin paanong nagreklamo mga Israelita noon kay Moises nang sila ay magutom at mahirapan sa paglalakbay.

Kaya, nagreklamo na naman sila. Ang sabi nila, “Kailan pa ba tayo makatitikim ng masarap na pagkain? Mabuti pa sa Egipto! Doon, isang hingi lamang namin ay mayroon na agad isda, pipino, pakwan, sibuyas, at bawang. Dito walang makain kundi manna.

Bilang 11:4-6
Ang eskultura ng ginawang ahas na tanso ni Moises sa tikin sa lugar kung saan mismo nangyari na ngayon nasa pangangalaga ng mga Paring Franciscano sa Jordan. Larawan kuha ng may-akda, Mayo 2019.

Pagmasdan ang masakit na bahagi ng bawat reklamo, masdan paanong magsalita mga reklamador na tila wala kang nagawang mabuti para sa kanila.

Kadalasan ang problema ng mga reklamador ay hindi lamang sa ayaw na ayaw nila ng hirap at tiisin sa buhay kungdi wala din silang tiwala sa kapwa kaya naman puno sila ng pangungutya at paghahamon. Dito natin mababakas ang malalim na kasamaan ng reklamo na isang uri ng manipulasyon at pambabraso upang maimaniobra at maipilit ang sariling kagustuhan na tanda ng kawalan ng pasensiya sa buhay at ng pagtitiwala sa iba lalo na sa Diyos.

Maraming pagkakataon ang pagrereklamo ay nagiging isang panunumbat, panunukat, at paghahamon maging sa Diyos na maaring ikabunga ng hindi maganda.

Mula sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga israelita patungong Dagat ng mga Tambo upang lihisan ang Edom. Dahil dito, nainip sila sa pasikut-sikot na paglalakbay na yaon. Nagreklamo sila kay Moises, “Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa ilang na ito? Walang kaming makain ni mainom! Sawa na kami sa walang kwentang pagkaing ito.” Dahil dito, sila’y pinadalhan ni Yahweh ng makamandag na ahas at sinumang matuka nito ay nmamatay.

Bilang 21:4-6
Larawan kuha ng may-akda sa Mt. St. Paul, La Trinidad, Benguet noong 2017.

Sa kabilang dako naman, hindi masama, lalong hindi rin kasalanan ang dumaing sa Diyos. Kung tutuusin ay maituturing na isang pananalangin ang ating pagdaing sa Diyos!

Bakit?

Muli, makikita natin ang pinagmumulan ng ating pagdaing na walang iba kungdi puso natin.

Maraming pagkakataon, ang ating pagdaing ay bumubukal mula sa kaibuturan ng ating sarili dahil sa matinding hirap at pagtitiis. Wala kang mapagsabihan dahil labis na ang kawalan ng pagpapahalaga sa iyo ng ilang tao na dapat sana’y kumilala sa iyong mga pagpapagal at, hindi sa anu pa mang dahilan, ay tumanaw ng utang na loob man lamang sa iyong kagandahang-loob.

Kaya naman natural at hindi mo na rin mapigilan pag-uwal mula sa puso at kalooban mga nararamdaman lalo na sama ng loob maging pagtatampo sa ilang tao. At maski sa Diyos na tila baga walang pakialam sa iyo. Pero ganoon nga ba? Hindi!

Dumaraing tayo sa Diyos kahit tila pakiwari natin malayo siya o walang pakialam dahil wala na tayong ibang matakbuhan kungdi siya na lamang. Hindi masama na tayo ay dumaing sa Diyos at ihayag pagtatampo sa kanya dahil pagiging totoo ito sa sariling nararamdaman.

Dito sa nararamdamang ito rin nakatago ang kagandahan nitong pagdaing na isang panalangin din sapagkat sa bawat hinaing, naroon ang pagsusumamo sa Poong Maykapal na siya lamang ang mayroong magagawa sa atin. Hindi magagalit ang Diyos sa atin dahil batid niya kung baga tayo ay “naglalambing” sa kanya katulad ni Moises sa ilang pagkakataon.

Hindi kaila kay Moises ang iyakan ng lahat ng sambahayan na nakatayo sa pintuan ng kani-kanilang tolda. Nagalit nang labis ang Diyos, kaya nabalisa si Moises. Itinanong ni Moises kay Yahweh, “Bakit ninyo ako isunuong sa ganitong kalaking pasanin? Bakit ninyo ako ginaganito? May nagawa ba akong laban sa inyo? Ako ba ang nagsilang sa kanila? Hindi ko sila kayang alagaang mag-isa. Napakalaki ng gawaing ito para sa akin! Kung ganito rin lamang ang gagawin ninyo sa akin, mabuti pa’y mamatay na ako ngayon din kaysa maghirap nang matagal.”

Bilang 11:10-12, 14-15
Larawan kuha ng may-akda sa may St. Catherine Monastery, Mt. Sinai, Egypt, Mayo 2019.

Tayo ma’y nakapagdrama na rin siguro ng kung ilang ulit tulad ni Moises sa Diyos ng ganito. E, pinansin ba tayo ng Diyos? Siyempre hindi! Bagamat hirap na hirap tayo ngunit, heto pa rin tayo, buhay na buhay!

Ganoon kaganda ang pagdaing – maihinga lang ay naaayos na ang lahat sa atin, gumagaan ating pasanin dahil ang totoo dama natin ang Diyos sa piling natin.

Kapag tayo dumaraing sa Diyos, doon niya tayo tiyak dinirinig dahil doon tayo pinakamalapit sa kanya kay Kristo Jesus doon sa Krus. Tuwing tayo ay batbat ng hirap at sakit lalo na sa mga pula at reklamo ng mga taong tinutulungan at kinakalinga natin, doon tayo nakabayubay sa krus kasama si Jesus at katulad ni Jesus.

Kapag wala tayong narinig kungdi reklamo ng maraming tao sa kabila ng ating pagsisikap para sa kanila, doon tayo nagmamahal na tunay gaya ni Jesus.

Hindi tayo makareklamo kanino man maliban sa Diyos dahil sa ating kaibuturan, batid natin siya lang ating maaasahan. Hindi labi ang nangungusap sa atin kungdi puso at kalooban sa kapangyarihan ng Espiritung Banal gaya ng sinasaad ni San Pablo (Rom. 8:26-27).

Kayo kung ikaw ay pagod na sa bigat ng mga pasanin sa buhay, nabibingi na sa mga reklamo at patutsada ng mga “magagaling” na tao sa paligid mo, chill lang. Okey lang magbuntung-hininga tulad ni Jesus (tingnan Marcos 8:11-13) nang mapuno sa kakulitan ng mga kalaban.

Ibuhos iyong daing, pati luha, sa Diyos na tanging sa ating nakauunawa. Higit sa lahat, nagmamahal at natutuwa dahil sa kabila ng maraming reklamo ng iba, gumaganap tayo sa kanyang misyon at ipinagagawa. Amen.

Larawan kuha ng may-akda sa San Juan, La Union, ika-24 ng Hulyo 2023.

Halika nga!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-31 ng Hulyo 2023
Larawan kuha ng may akda sa Anvaya Cove, Bataan, 19 Mayo 2023.
*Ito ay tula na aking nakatha
dahil sa pagkamangha
sa mga katagang "Halika nga"
ng awiting "Habang Buhay"
ni Zack Tabudlo.
Halika nga!
Madalas sinasambit
upang tayo ay lumapit
upang makita at marinig
ng higit
tumatawag
o sumisitsit;
malimit
kapag nabanggit
hatid ay tuwa at galak
sa nakakarinig
lalo na kung
may kasabay na kaway
ng kamay at
pagngiti
ng labi!
Halika nga!
Kay sarap balikan
itong pagtawag
noon sa amin
 ng mga magulang
na puno ng lambing
at pagmamahal;
kapag ito'y tutugunin
tiyak ikaw ay pupupugin
ng halik sa pisngi
tila sinasabing
ika'y nakaaaliw
kaya sana ay inyong
dinggin
kanilang pangangaral
at habilin.
Halika nga!
Iyan din ang
tawag sa atin
ng Diyos nating butihin
ngunit hindi natin
pinapansin.

Halika nga!
ang paanyaya
ng Diyos sa atin
upang ating pasanin
ay Kanyang pagaanin,
sa Kanya tayo pagpapahingahin.

Halika nga!
Tanging hiling
ng Diyos sa atin
huwag nang tumingin
sa iba, Siya lang
ang mahalin, sambahin 
at sundin; huwag mahumaling 
sa magaan at madaling 
pamamaraan ng mundo
na siyang tukso at pangloloko
nitong diyablo
na sinungaling
at tuso!
Larawan kuha ng may akda sa Anvaya Cove, Bataan, 19 Mayo 2023.

May birthday pa ba sa langit?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Hulyo 2023
Larawan kuha ng may-akda, takip-silim sa may Silang, Cavite noong Agosto 2020.

Sa araw na ito, ika-26 ng Hulyo ay ating pinararangalan ang mga nakatatanda sa atin bilang paggunita kina San Joaquin at Sta. Ana, mga magulang ng Mahal na Birheng Maria, Lolo at Lola ng Panginoong Jesus.

Sa aming pamilya, espesyal ito noon pa man dahil kaarawan ng aking yumaong ama na si Wilfredo na isinilang noong Hulyo 26, 1932. Pumanaw siya noong ika-17 ng Hunyo 2000, kaarawan ng aming Ina. Kaya mula noon hanggang ngayon ay parang drama ang aming buhay na magkakapatid tuwing sasapit ang mga buwan ng Hunyo at Hulyo dahil naroon ang magkahalong tuwa at lungkot sa birthday ng aming mga magulang gayon din ang pagpapanaw ni Daddy.

Dahil dalawang taon pa lamang ako na pari nang pumanaw aking ama, hindi pa ako nakapagmisa patungkol sa kanyang kaarawan tuwing ika-26 ng Hulyo. Gayun din sa aking ina. Dahil sa napakasakit niyang karanasan, hindi ko pa rin siya naipagmimisa nang patungkol sa kanyang birthday na death anniversary nga ng kanyang kabiyak ng puso at aming ama. Dangan din kasi ay mahigpit ang bilin ni Mommy nang mamatay si Daddy, hindi na siya magbe-birthday celebration.

Ang aking yumaong ama sa kanyang opisina, Bureau of Forestry, 1972.

Nakakatawang isipin, puwede nga bang hindi magbirthday dito sa lupang ibabaw? Bagaman palaging death anniversary ni Daddy ang aming pagdiriwang tuwing June 17 na birthday ni Mommy, mayroon pa rin kaming pansit o spaghetti, cake at ice cream para sa kanya!

Darating at darating ating birthday na parang kuliling ng tindero ng ice cream ngunit kapag tayo ay namatay, wala na tayong birthday celebration. Ang kamatayan natin sa lupa ang birthday natin sa langit kaya iyon ang higit nating dapat alalahanin!

Kaya sana po ay huwag ninyo masamain itong aking sasabihin: tigilan na po natin itong kalokohan at kahibangan ng pagbati ng “Happy Birthday in Heaven” sa mga yumao nating mahal na buhay.

Inaamin ko na ako man ay ilang ulit napatangay sa kamaliang ito ng pagbati ng happy birthday in heaven sa Facebook. Nguni’t simula ngayon na sana ay ika-91 kaarawang ng aking ama kung nabubuhay pa siya, hinding hindi na ako babati kanino man ng happy birthday in heaven.

Wala na pong birthday sa langit o kabilang-buhay dahil iyon ay kawalang hanggan na po.

Larawan kuha ng may-akda, Mt. St. Paul, La Trinidad, Benguet, Mayo 2017.

Noong mamatay ang aking ama sa kaarawan ng aking ina, iyon ang paliwanag ko sa kanya: ganyan po kayo kamahal ng Daddy; birthday niya sa langit, birthday po ninyo dito sa lupa.

Kaya nga ang kapistahan palagi ng mga banal ay ang petsa ng kanilang kamatayan o nang paglilipat ng kanilang labi. Bukod tangi lamang sina Jesus, Birheng Maria at San Juan Bautista ang ipinagdiriwang natin ang mga kaarawan ng pagsilang sa lupang ibabaw.

Ang kamatayan natin ang ating petsa ng pagsilang sa buhay na walang hanggan. Move on na tayo…

Sa dalawamput-limang taon ko sa pagkapari, isang bagay napansin ko na madalas ang mga petsa ng kamatayan ay sadyang makahulugan kesa petsa ng kapanganakan. Palagi mga petsa ng kamatayan ng mga mahal natin sa buhay malapit o may kinalaman sa mahalalagang petsa sa buhay natin. Sabi nga ng iba, madalas namamatay ang tao malapit sa petsa ng birthday nila.

Larawan kuha ng may-akda, Anvaya Cove sa Bataan, Mayo 2023.

Sa dati kong parokya, nagrereunion ang isang angkan tuwing araw ng Pasko, Disyembre 25 dahil iyon ang kamatayan ng kanilang Lola. Nang suriin ko, ipinanganak ang Lola nila ika-24 ng Marso! Sabi ko sa kanilang angkan ay napakaganda ng petsa ng kamatayan ng Lola nila bagamat masakit kung iisipin dahil araw iyon ng kasiyahan dapat. Nguni’t wika ko sa kanila, isinilang sa lupa inyong Lola sa bisperas ng petsa ng pagkakatawang-tao ni Jesus o Annunciation (Marso 25) habang isinilang naman Lola nila sa langit nang pumanaw siya ng ika-25 ng Disyembre. Tuwang-tuwa sila sa paliwanag ko kaya tuwing Pasko, ako ay pinamamaskuhan ng magkakamag-anak!

Pagmasdan ninyo mga lapida sa sementeryo: palagi naroon ang petsa ng kapanganakan at kamatayan. At pagkatapos ay wala nang kasunod kasi nga wala nang hanggan!

Noong wala pang social media lalo na iyang Facebook na dahilan ng pagkabobo nating mga tao dahil nga puro tayo palabas, kapag dumarating petsa ng pagsilang ng yumao nating mahal sa buhay, ang palaging sinasabi ay “nobenta’y uno na sana siya kung buhay pa ngayon” (he would have been 91 years old today had he not died).

Tingnang ninyo. Mas tumpak ang kaisipan at pananalita ng matatanda kesa sa atin ngayon. Kung araw ng kapanganakan ng yumaong mahal sa buhay, magpost na lang ng simpleng “naaalala ka pa rin namin” o “buhay kang palagi sa aking alaala” o “ikaw pa rin ang aking tanging mahal” na siyang tunay at totoo kesa “happy birthday sa langit” na isang kasinungalingan.

Inuulit ko, wala na pong birthday sa langit.

Huwag na kayong babati ng happy birthday in heaven. Ang birthday ay sa lupa lamang. Mag-level up na tayo ng pananaw, kaisipan at kamalayan katulad ng mga pumanaw na nasa kabilang buhay na. “Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panglupa sapagkat namatay na kayo at ang inyong tunay na buhay ay natatago sa Diyos, kasama ni Kristo” (Col. 3:1-2).

Maraming salamat po at maligayang kapistahan sa mga Lolo at Lola muli!

Larawan kuha ng may-akda, takip-silim sa Bagbaguin, Sta. Maria, Bulacan, Hunyo 2020.

Ang “Ama Namin” at ang mga Ama natin

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-20 ng Hulyo, 2023
Larawan kuha ng may-akda, Pater Noster Church sa Jerusalem, Israel, Mayo 2019.

Noong batang pari pa ako sa isang parokya sa Malolos, tinanong ko mga matatanda na nagrorosaryo araw-araw, “Bakit po kayo nagmamadali sa pagdarasal at kaagad-agad kayong sumasagot hindi pa tapos unang bahagi ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria?”

Sa mga lumaki sa probinsiya na tulad ko, alam ninyo aking tinutukoy. Iyon bang papatapos pa lamang mga salitang “sunding ang loob mo dito sa lupa para nang…” biglang sasagot yung kabilang grupo ng matatanda ng “bigyan mo kami ng kakanin sa araw-araw”.

Nagsasalakupan (merge) ang wakas at simula ng dalawang bahagi ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria kaya madalas ay nakatatawa o nakaaaliw pakinggan. Lalo naman ang kanilang dahilan – anila, iyon daw ay upang hindi makasingit ang demonyo sa kanilang pagdarasal!

Naalala ko ang kuwentong ito nang mangyari ang paglapastangan noong isang linggo sa ating panalanging Ama Namin sa isang drag concert ng mga LGBTQ+. Sa aking pakiwari ay iyon nga ang nangyari – nasingitan tayo ng demonyo sa pamamagitan ng tanging panalanging itinuro mismo ng Panginoong Jesus sa atin na kung tawagin ay “the Lord’s Prayer.”

At huwag nating hanapin ang demonyo o kasamaan doon sa iba kungdi mismo sa ating mga sarili lalo na kaming mga pari at obispo ng Simbahan, ang tinaguriang mga ama natin. Malaki ang aming pagkukulang bilang mga pari at obispo sa nangyaring paglapastangang ito sa Ama Namin.

Pagmasdan mga pangyayari na matalinghaga rin.

Unang-unang ang nakapagtataka na gawing malaking isyu naming mga pari at ng ilang Obispo kung ano dapat ang posisyon ng mga kamay ng mga mananampalataya o layko sa pagdarasal at pag-awit ng Ama Namin sa loob ng Banal na Misa.

Bakit ito naging usapin gayong mayroon namang nakasaad sa aklat ng pagmimisa na “Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat” ang Ama Namin?

Hindi ba sapat ang nakatakda sa liturhiya at mga aklat? Kaya hindi maiwasan puna ng maraming tao sa aming mga pari na para daw wala kaming natutunan ni alam sa kabila ng maraming taon sa seminaryo. Juicecolored. Sabi nga ni Shakespeare, “much ado about nothing.”

Ikalawa ay ang nakalulungkot na naging tugon ng mga Obispo natin: sa halip na panghawakan at panindigan ang sinasaad ng alituntunin, mas pinili nilang magkaroon ng interpretasyon ng batas. Naliwanagan ba mga tao? Sa palagay ko po ay hindi. Lalo silang naguluhan dahil hanggang ngayon mayroon pa ring nagtatanong.

Hindi ko kinakalaban kapasyahan ng mga Obispo natin. Sila ang mga ama natin sa Simbahan ngunit ibig kong ihayag ang aking kabiguan na hindi nila pinanindigan ang sinasaad ng batas na pari lamang ang maglalahad ng kanyang mga kamay sa Ama Namin. Walang kulang sa batas at sakto lang. Sa ginawa ng CBCP, nadagdagan ang batas ng kanilang sariling interpretasyon na kung tutuusin din naman ay malagihay. Nagtatanong ang mga tao kung ano ang dapat, sa kanilang pahayag ay para nang sinabi nilang “bahala kayo kung ano gusto ninyo kasi wala namang sinasabi ang batas na masama ang ilahad ang mga kamay.”

Diyan ako hindi mapalagay dahil ano ang susunod na isyu? Pagpalakpak na talamak na rin sa mga pagdiriwang ng Misa na nawala na ang kasagraduhan. Para nang concert, showbiz parang That’s Entertainment! Pansinin maraming pari pati na mga choir, sakristan, lektor at eucharistic lay minister na puro pasikat ginagawa sa Misa. Natabunan at nawala na si Kristo!

Totoong walang sinasabi saan man sa mga aklat, sa mga turo at tradisyon ng Simbahan na ipinagbabawal ang paglalahad ng mga kamay ng mga layko sa pagdarasal ng Ama Namin.

Ngunit hindi rin naman nangangahulugang maari o puwede at tama na rin iyong gawin dahil simple lang sinasabi ng aklat, pari ang nakalahad ang mga kamay. Tapos.

Magtiwala tayo sa salita, sa alituntunin ng liturhiya tulad ng sinasaad sa ebanghelyo noong Linggo nang ilabas ng CBCP ang paliwanag sa naturang usapin. Kay gandang balikan ang talinghaga ng maghahasik na ukol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos at kahalagahan ng pakikinig at pagsunod dito na nangangailangan ng pagtitiwala at kababaang-loob natin natin. Lalo namin!

Sa ganang akin, pinanghawakan at pinanindigan sana ng mga Obispo ang sinasaad sa aklat upang lalo itong mag-ugat at lumago.

Larawan kuha ni Emre Kuzu sa Pexels.com

Ikatlo, ang talinghaga at laro ng tadhana. Tingnan habang abala – at aligaga ilang mga pari at obispo na pangunahan pati paglathala na nakatakda pa sa ika-16 ng Hulyo 2023 ng kalatas sa simpleng bagay ng posisyon ng kamay ng mga tao sa pagdarasal ng Ama Namin ay saka nangyari ang drag concert.

Ang masakit sa lahat, walang diyosesis at obispo kaagad naglabas ng opisyal na pahayag sa nangyaring paglapastangan sa Ama Namin maliban makaraan ang ilang araw na lamang na pawang mga bantilawan din, kasi nga, mas pinahalagahan nila kanilang paliwanag sa posisyon ng kamay ng mga tao sa pagdarasal nito.

Pagmasdan na tayo sa simbahan ay naroon pa rin sa posisyon ng kamay ang usapin habang yaong mga lumapastangan sa Ama Namin ay nasa kanta at sayaw na? Paurong ang asenso, eka nga. Hindi nila binago ang titik pero kanilang pamamaraan ng pagdarasal ay sadyang mali at hindi tama ngunit, gahibla na lamang ng buhok ang pagkakaiba ng drag qeen na si Pura at ng mga tao na ibig ilahad ang kamay sa pagdarasal ng Ama Namin – parehong nasa larangan ng interpretasyon! Sasabihin ng iba na malayong-malayo iyon pero, paka-ingat tayo dahil baka doon mapadpad ang pagbibigay-laya sa mga tao na ilahad mga kamay sa Ama Namin. Hindi ba ito rin ay binhi na maaring lumago sa higit na malaking pagkakaligaw at pagkakamali balang araw? Gaya ng nasabi ko na, hindi magtatagal isasabatas na rin pagpalakpak sa loob ng Misa na talamak na ngang nangyayari.

Totoo na mayroong higit na mahalagang mga bagay dapat talakayin at pagnilayan kesa sa ginawang drag performance ng Ama Namin tulad ng mga palalang sitwasyon ng kawalan natin ng moralidad sa bansa tulad ng pikit-mata nating paghaya sa EJK noon, ang patuloy na paghahalal sa mga bugok at bulok na pulitiko at marami pang iba.

Subalit, gayon din sana naging pamantayan ng CBCP sa pagtalakay ng posisyon ng kamay sa pagdarasal ng Ama Namin. Ito ang mabigat sa mga lumabas na paliwanag at pagninilay na sadyang tama at magaganda: isang bahagi lang ng kuwento ating sinaysay.

Aminin natin malaking pagkukulang nating mga pari at obispo ng Simbahan bilang mga ama ng sambayanan.

Aminin natin sadyang nagkulang tayo sa ating mga tungkulin at naging abala sa maraming bagay at nakalimutan pinakamahalaga, ang Diyos mismo na hanggang ngayon siyang hangad ng lahat. Hindi pa ba tumitimo sa atin ang bigat ng tunay na isyu, ang panalanging Ama Namin na saklaw at tungkulin nating mga pari at Obispo? Malayo na nga siguro tayo sa paghahayag, pagtuturo at pagsasabuhay ng salita ng Diyos.

Bukod sa mga oras na ginugugol sa mga maliliit na bagay gaya ng posisyon ng kamay sa Ama Namin, matagal nang maraming interpretasyon mga ama natin sa Simbahan sa mga nangyayari sa ating kapaligiran. Ang mga tahasang pamumulitika sa mga nagdaang halalan na kahit mga kandidatong umaayon sa diborsiyo, abortion at contraceptives, at same sex union ay inendorso. Higit sa lahat, ang pagbubulag-bulagan ng maraming obispo at pari sa kalabisan ng ilang sa amin na namumuhay taliwas sa halimbawa ni Kristo. Marami sa aming mga pari at obispo ang hindi kapulutan ng halimbawa ng karukhaan at kababaang-loob, langong-lango sa kapangyarihan at katanyagan, malayong-malayo sa mga tao maliban sa mga makapangyarihan, mayayaman, at mababango. Wala na kaming pinag-usapan maski sa loob ng Misa kungdi kolekta, pinagandang pangalan ng pera, kwarta at salapi!

Masakit po sabihin na kung ang isang pangungusap sa Aklat ng Pagmimisa na “Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat” ang Ama Namin ay hindi natin napanghawakan at napanindigan, paano pa yaong mga salita sa Banal na Kasulatan? Sa mga bulto-bultong dokumento nagsasabing tayo ay Simbahan ng mga aba at maralita?

Suriin po natin ang lahat ng panig. Lalo na ating mga sarili ng buong kababaang-loob sa liwanag ni Kristo na ating Panginoon na siyang “daan at katotohanan at buhay”. Una siyang natatagpuan sa kanyang mga salita dahil siya nga ang Salita na naging tao na naroon palagi sa Santisimo Sakramento ng simbahan. Ito sana ang aming tingnan at pagnilayan bilang mga pari at obispo sa gitna ng mga pangyayaring paglapastangan sa Ama Namin ng isang drag concert at ang usapin ng paano dasalin panalanging itinuro ng Panginoon natin. Nasaan na nga ba si Kristo sa aming mga pari at obispo? Nagdarasal pa rin ba tayo na mga pari at obispo?

Salamat po sa pagbabasa. Kung sakaling nakatulong, pagyamanin; kung hindi naman, kalimutan at huwag na ninyong pansinin.

Sirit na… Eat Bulaga!

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-21 ng Hunyo 2023
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.

Nakatutuwang isipin noong araw na isa sa mga madalas naming sabihing magpipinsan at magkakalaro ay ang mga salitang “sirit na” at “bulaga”! Sirit kapag ikaw ay suko na sa palaisipan ng bugtungan habang bulaga naman ang pang-gulat lalo na sa mga sanggol at bata.

Wala na sigurong mas-shunga pa sa akin sa showbiz na hindi alam ang mga bagay-bagay na ito bunsod ng pamamaalam nina Tito, Vic, at Joey sa producer ng “Eat Bulaga” na TAPE Productions pagkaraan ng ilang linggo ding mga usap-usapan at intrigahan. Ako man ay nagtanung-tanong sa mga pamangkin at kaibigan kung ano ba iyong mga usapan sa social media tungkol sa “Eat Bulaga” at sina TVJ.

Nakatutuwa sa mga bata. Pero kung sa takbo ng mga usapan at paksa ngayon, nakakatawa at nakakaawa – pathetic ang sabi ng mga burgis – na mula pa noong katapusan ng Mayo hanggang ngayon, mula Aparri hanggang Jolo, umiikot ang buhay sa ating bansa sa “longest running noontime show” na “Eat Bulaga.”

Nakakatawa.

Hindi nakatutuwa.

At nakakaawa nga sa ating bansa, sa ating lahat.

Juice colored, wala na ba ibang mahalaga sa ating mga Pilipino kungdi mga katatawan nina TVJ at kanilang Dabarkads?

Hindi ko kinukuwestiyon kahalagahan ng paglilibang at pag-aaliw natin subalit, araw-araw na lamang mula Lunes hanggang Sabado?

Ano nga ba naging impact ng Eat Bulaga sa lipunang Pilipino maliban sa naaliw, naiyak, at pansamantalang naibsan mga paghihirap ng ilang kababayan? Marahil marami ring nabigyan ng pagkakataon lumago sa kanilang buhay nguni’t nabago ba antas ng ating tingin at pahalaga sa sarili at kapwa habang pikit-mata at nagbibingi-bingihang pinalalampas natin ilang mga eksena, karakter at pananalita alang-alang sa kasiyahan at katatawanan.

Wala po akong TV set dahil hindi naman ako mahilig manood maliban ng mga balita at dokumentaryo. Minsan-minsan ay nakakapanood ako ng “Eat Bulaga” at iba pang mga katulad na programa. Napapahanga din naman ako sa kanilang pagmumulat sa mga kababayan nating Pilipino sa ilang bagay ngunit sa tingin ko ay mas maraming hindi mabuti at kaaya-aya.

Isa sa mga hindi ko magustuhan sa mga palabas na iyan ay ang tila pinaglalaruan ang mga tao, ang kanilang kamang-mangan, karukahaan at sa maraming pagkakataon, pagkababae ng marami nating ate. Siya nga pala…

Akalain ba ninyo na noong May 31, 2023 nang kumalas mula sa TAPE ang TVJ bilang hosts ng “Eat Bulaga” matapos silang hindi payagang umere ng live, iyon din ang ika-38 taon ng pagpapakamatay ni Pepsi Paloma, May 31, 1985? Kung inyong matatandaan, inakusahan ni Pepsi Paloma sina Vic Sotto, Joey De leon at Ritchie d’Horsie ng diumano’y pang-aabuso sa kanya sa isang hotel noong June 21, 1982.

Minsan ang buhay nga naman ay mapagbiro at matalinghaga. At ganyan ang sitwasyon nitong mga noontime at iba pang variety shows, matalinghaga tulad ng tanong na kung alin ang nauna, itlog o manok?

Tama na sumusunod lamang ang telebisyon sa pintig ng mga mamamayan, sa sitwasyon ng lipunan. Alalaong-baga, sinasalamin ng telebisyon maging ng sining ang kinalalagyan nilang lipunan sa bawat panahon. Sabi ng marami, dahil sa TVJ at “Eat Bulaga” na ginaya ng maraming iba pa, nabigyan ng pagkakilala at tinig ang masang Pilipino. Tama rin naman. Hirap maka-relate noon sa mga burgis na hosts ng “Student Canteen”.

Totoo iyon at mabuti. Kaya lang, kulang.

Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.

Sa aking pananaw, sinamantala nila at ng iba pang mga palabas sa telebisyon ang kahinaan ng mga tao. Hindi nahimok ang mga Pilipino ng pagmamahal sa bansa, pagpapahalaga sa kalikasan, pagsisikap mapabuti ang kanilang buhay at paghahasa ng kaisipan at karunungan sa pamamagitan ng edukasyon. Ang lahat ay dinaan sa biruan at katatawanan maging kalokohan.

At naaliw naman ang bayan. Kaya hindi rin kataka-taka ilang ulit nahalal bilang senador si G. Tito Sotto na tanging dahilan ay ang kanyang pagiging komedyante at host ng “Eat Bulaga”. Ang malala, ginaya siya ng ibang artista na sumabak na rin sa pulitika na tanging kuwalipikasyon ay sikat. Kaya hayun, naging karnabal at perya ating Kongreso na puno ng mga mambabatas na pulpolotiko, artista, at ilang mga sadyang sira ulo o basag ang pula. Lahat dinaan sa entertainment kaya ang ating bansa ay malaking showbiz ngayon. Pati na rin simbahan!

Simple lang naman ibig kong sabihin. Sana pagsikapan ng mga nasa media lumago at lumalim pagkatao ng mga manonood upang mabuksan kanilang kamalayan sa mga higit na mahahalagang bagay sa buhay.

Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo’y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”

Mateo 6:20-21

Totoo sinasabi na mahirap ang buhay at dapat ngang pagaanin. Ngunit hindi lamang mga tawanan at sayawan, biruan at harutan. Pagkatapos maaliw at tumawa, maski manalo ng ilang halaga ng pera, naroon pa rin problema ng mga tao. At kung susuriin, dumarami pa problema ng mga tao sa halip na mabawasan dahil sa mga noontime shows na ito. Yung iba nga nagkakagalit na at nag-aaway dahil sa lipatan na iyan ng mga noontime shows at hosts.

Hindi rin totoo sinasabi ng ilan na itong nangyayaring lipatan ng mga hosts at noontime shows ay makakabuti sa mga tao dahil anila magkakaroon ng higit na mainam at magandang programa. Sa tingin ko ay hindi iyon mangyayari dahil istasyon lang ng TV ang nababago, lumilipat lang mga shows at hosts. Sila pa ring mga artista dala kanilang mga dating gimik at patawa na sa kahuli-hulihan, iisang katotohanan ang nangingibabaw sa lahat ng ito – kuwarta, salapi, at pera.

Iyan ang tunay na bugtong nitong “Eat Bulaga”, TVJ kasama kanilang Dabarkads pati na rin ang It’s Showtime ni Vice Ganda: Sino ngayon ang natatawa at katawa-tawa?

Sirit?

Bulaga!

Larawan buhat Pixabay sa Pexels.com

Hindi mabuti ang mabait

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-05 ng Hunyo 2023
Hindi mabuti
ang mabait.
Malaki kaibahan 
ng mabait sa mabuti;
akala ng marami
sila ay magkatulad
ngunit kung susuriin
sila na rin ang nagsasabi
kabaitan ay kaluwagan,
lahat pinapayagan
pati na rin kasamaan;
madalas tinuturing 
ng karamihan kabaligtaran
ng mabait ay mahigpit
na nagpapatupad ng tama
at wasto ayon sa prinsipyo, 
naaayon sa patakaran at kaayusan
na inaayawan ng mga 
nasa kadiliman 
upang maitago kanilang
kabuktutan
at kasamaan. 
Inyong tingnan 
kaisipan ng karamihan:
sasabihin nila mas
mainam ang mabait
kesa mahigpit,
lahat maipipilit
kahit katuwiran ay pilipit;
at ang mapait
kung sakaling iyong
igigiit kabutihan 
at kaayusan,
ikaw ay pag-iinitan
upang kampihan
tinuturing nilang mabait
sa kanila ay sunud-sunuran
walang paninindigan
lahat pinagbibigyan
at pinapayagan
manatili lang sila
sa kapangyarihan!
Wala sa pagkakampi-
kampihan ang kabutihan
di tulad ng kabaitan 
naroon sa maling pakisamahan
ng mga bata-bata at alaga;
minsa'y nagsumbong si Juan
kay Jesus upang pigilan 
nagpapalayas ng demonyo sa 
kanyang pangalan na hindi nila
kasamahan; sila ay sinabihan
ng Panginoon na iyon ay hayaan
sa ginagawang kabutihan sapagkat
aniya, "ang di laban sa atin 
ay panig sa atin" habang mariin
niya silang pinagbilinan 
mabuti pang talian sa leeg 
ng gilingan bato ang sino mang 
sanhi ng katitisuran sa kasalanan
(Mk.10:38-42) na mas malamang, 
siyang napakabait!
Hindi kalaunan
mahahayag kabulukan
at karumihan
ng mababait
na tawag sa mga bubwit
at daga huwag lang 
makapambuwisit,
aamuin, uutuin
ngunit ang katotohanan
sila ay pinagdududahan
at pinaglalaruan lang din
ng akala nilang mga 
kaibigan;
kitang-kita naman
kawalan nila ng paninindigan
kaya lahat pinapayagan
huwag lang masaling
hungkag nilang katauhan
sa palakpakan lamang
nasisiyahan.
Kaya nga, 
paano nga ba ilalarawan
itong katotohanang 
hindi natin matutunan
na magkaibang-magkaiba
ang mabait at mabuti;
pagmasdan kahit saan -
sa paaralan o tanggapan,
sa tahanan maging sa simbahan
palaging kinakampihan
at pinipili, nagugustuhan
ang mabait
kaya ganito ating larawan
bilang sambayanan:
asong kalye
sa lansangan
inaabangan halalan
hanap ay hindi
husay at kagalingan
kungdi kapakinabangan!
Larawan kuha ni Lauren DeCicca/Getty Images sa Laoag City, 08 Mayo 2022.

	

Sino ang “special”?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda, exhibit ng Sto. Nino sa Malolos Cathedral, Enero 2022.

Kailan ko lamang napag-ukulan ng pansin – at pagninilay – itong isang bagay ukol sa mga tinagurian nating “special child”, yaong mga isinilang na mayroong iba’t-ibang kapansanan sa pangangatawan, pag-iisip at pandamdam (emotional).

Mabuti nga sa panahong ito ay “special” na ang tawag sa kanila kesa noong dating panahon namin na wala pang mga “sped” o special education. At least, hindi pa laganap lalo sa mga lalawigan. Noon basta hindi normal ika nga ang isang tao lalo na mga bata na ipinanganak na mayroong kapansanan na tinatawag na Down Syndrome, “mongoloid” ang tawag. Kaya naman ako noon sa mura kong isipan at katangahan, hindi ko mawari bakit siya kumain ng lapis o pencil na noo’y Mongol ang tatak?! Sorry po pero yun talaga naisip ko noong elementary ako lalo na nang biniro ng guro namin isang kaklase na palaging kagat-kagat ang lapis niya na magiging mongoloid siya sa ginagawa niya! Siyempre, ako man noo’y palaging kinakagat ang lapis at marahil kaya ako kung minsan ay parang special din.

Pero wala pong biro at mabalik tayo sa ating paksa, pansin ko lang sa pamilya ng mga kapatid nating mayroong mga naturang kapansanan na madalas at mabilis nila kaagad sinasabi na ang kanilang anak o kapatid ay “special”. Minsan mararamdaman mo rin kanilang lungkot marahil hindi sa ano pa man kungdi ang pag-aalala paano magiging buhay ng kanilang special child lalo na sa pagtanda nila.

Noong ako ay batang pari pa sa isang barrio na aking minimisahan ay mayroong special child na palaging nagsisimba. Masayang-masaya ang batang iyon sa pagsisimba at halos sumigaw sa pagsagot at pag-awit sa Misa. Napansin ko tumatahimik siya at masugid niyang tinitingnan ang lahat ng nangungumunyon.

Kinausap ko ang bata na siguro ay labing-limang taong gulang na noon. “Ibig mo ba na magkomunyon? Alam mo ba ko kung ano yun tinatanggap?” Sabi niya sa akin ay si Jesus daw iyong nasa Banal na Ostiya. Kaya kinausap ko kanyang magulang na di makapaniwalang pwede iyon. Inihanda ko ang special child at makaraan ang ilang linggo, siya ay binigyan namin ng “first communion”. Tuwang-tuwa ang bata at kanyang mga magulang. Hanggang ngayon siya ay masayang nagsisimba sa kanilang bisita.

Dati naman sa pinanggalingan kong parokya ay ipinahanap ko sa mga katekista ang lahat ng mga bata na sampung taong gulang pataas na hindi pa nakukumpilan. Isang teenager na special child ang kanilang natagpuan sa aming depressed area. Pinuntahan namin upang kausapain at himukin ang mga magulang ng special child na siya ay pakumpilan yamang libre naman. Nagulat ang ama na puwede daw palang kumpilan kanyang anak at noon siya ay naiyak nang ikuwento sa akin na kaya dalawa lang kanilang anak. Natakot daw siyang special muli ang ikatlong anak nila.

Larawan kuha ng may-akda, Baguio Cathedral, 2018.

Bakit nga ba tinatawag na special child mga batang isinilang na mayroong iba’t-ibang kapansanan at pangangailangan? Hindi ba kapag special dapat ay mahusay at magaling. Halos perfect, hindi ba?

Special child ang tawag sa kanila kasi sila ay espesyal sa Diyos. At higit na espesyal sa lahat ang kanilang mga magulang at kapatid na pinili ng Diyos upang ipagkatiwala sa kanila ang Kanyang mga special children. Sila lang marahil sa dami ng iba pang ama at ina at mga kapatid ang may higit na pagmamahal at malasakit upang arugain at palakihin ang special child ng Diyos.

Noong magbuntis ang kapatid ko sa kanyang ikatlong anak, siya ay nakunan. Malungkot na malungkot ang kapatid ko noon dahil hirap siya sa pagbubuntis. Ipinaliwanag sa akin ng kanyang doctora na kapag daw ang sanggol sa sinapupunan ng ina ay na-detect na magkakaroon ng kapansanan o sakit, mayroon daw mekanismo mismo yung baby na mag automatic shut off para di na siya lumaki at mabuhay pa. Kaya nakukunan ng baby.

Samakatwid, natural sa plano ng Diyos na lahat ng isisilang ay buo at walang kapansanan ngunit kung sakaling mayroong makalusot at mabuhay hanggang mailuwal ng kanyang ina bilang special child, ito ay kalooban ng Diyos. Siya ay biyaya ng Diyos. Regalo ng Diyos. Kaya sinasabi ng iba “suwerte” daw ang special child. Malaking biyaya ng Diyos ang bawat buhay, lalo na kung mayroong kapansanan dahil sila ay pinahintulutan niyang isilang at mabuhay para sa isang misyon para sa ating lahat. At ito iyon: espesyal bawat isa sa atin sa Diyos.

Noong isang linggo ay nagmisa ako sa pumanaw na kapatid na special child ng isang ka-opisina. Natapat noong araw na iyon ang ebanghelyo ay napakaganda sa wikang Inggles na ganito ang sinasabi:

Lifting up his eyes to heaven, Jesus prayed, saying: “Father, they are your gift to me. I wish that where I am they also may be with me, that they may see my glory that you gave me, because you loved me before the foundation of the world.”

John 17:24

Kay sarap namnamin mga salita ni Jesus, “Father, they are your gift to me.” Sa Tagalog ay hindi ganoon ang pagkakasalin at hindi binanggit ang kataga na regalo o gift. Ito yung tagpo ng kanyang pananalangin para sa kanyang mga alagad matapos ang kanilang Huling Hapunan bago siya dakpin noong Huwebes Santo.

Sino ba tayo para ituring ni Jesus na regalo o gift sa kanya ng Ama?

Sa kabila ng ating maraming kapintasan, kakulangan at kasalanan, iyan ang katotohanan: regalo tayo ng Diyos Ama di lamang sa isa’t-isa kungdi maging sa Anak niyang si Jesus.

Tayong lahat ay regalo ng Diyos. Napakahalaga, lalo na yaong mga mayroong kapansanan at iba’t ibang kahinaan sa pangangatawan at buhay.

Sa bawat special child ay mayroong extra-special na ina at ama at mga kapatid. Kaya kung ibig mo ring maging extra-special sa Diyos, kaibiganin, tulungan, at pahalagahan mga special children at kanilang pamilya. Amen.

Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2018.

Pakikiramay at paglalamay bilang pagpapala

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-24 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Bago pa man ako naging pari ay madalas ko nang naririnig ang tanong ng karamihan na bakit nga ba tayo nagkikita-kita lamang kung mayroong namamatay? Bakit nga ba hindi tayo magkita-kita ng madalas habang buhay pa upang ipahayag ating pagmamahal sa kaibigan o kamag-anak kesa yung sila ay patay na?

Bakas sa mga katanungang ito ang malungkot na katotohanan ng buhay lalo na sa mga nagkaka-edad tulad ko. Minsan naroon din ang panghihinayang at pagiging-guilty na kung bakit nga ba hindi tayo nagsasama-sama habang malakas at buhay pa mga yumaong mahal natin sa buhay?

Pero ang nakakatawa sa ganitong mga usapan ay ang katotohanan na pagkaraan ng ilang buwan o taon, magkikita-kita muli tayo pa ring magkakamag-anak at magkakaibigan sa susunod na lamayan nang hindi pa rin nagkasama-sama habang mga buhay pa!

Ano nangyari? Hindi na nga ba tayo natuto sa aral ng mga naunang yumao, na magsama-sama habang buhay at malakas?

Sa aking palagay ay hindi naman sa hindi na tayo natuto kungdi ang totoo, higit pa ring mainam ang magkita-kita sa lamayan kesa saan pa mang pagtitipon dahil sa ilang mas malalim na kadahilanan.

“Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako’y sumasa-Ama, kayo’y sumasaakin, at ako’y sumasainyo.”

Juan 14:19-20
Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Una, sa ating pakikiramay buhay ang pinararangalan at hindi ang kamatayan. Nakikiramay tayo upang ipagdiwang mabuting pamumuhay at magandang pakikisama ng yumao. Wika nga sa amin sa Bulacan, ang lamay lang ang hindi ipinag-iimbita. Ito ang sukatan ng kabutihan ng isang tao na siya ay parangalan hanggang magkapuyatan. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na maging handa palagi dahil hindi natin alam ang oras ng ating pagpanaw. Alalaong-baga, mamuhay tayo sa kabutihan.

Isa sa mga paborito kong pelikula ay ang The Last Samurai ni Tom Cruise. Sa huling bahagi ng pelikula bago siya bumalik ng Amerika, namaalam siya sa batang emperador ng Hapon na nagsabi sa kanya, “Tell me how did my samurai die.” Sumagot si Tom Cruise, “I will not tell you how he died but I will tell you how he lived.”

Kaya nga sa lamayan hindi naman pinag-uusapan kung ano at paanong namatay kungdi paanong namuhay ang mahal nating pumanaw. Narito ang malaking kaibahan ng mga pagtitipon ng buhay gaya ng mga handaan at party na nauuwi lamang sa kainan, inuman, at tawanan o kantahan hanggang magkalasingan at di matunawan sa kabusugan. Minsan nauuwi pa sa away mga ito.

Ang ibig ko lang sabihin ay ito: sa patay mayroon ding kainan at inuman kung minsan pero iba ang lalim ng usapan at kuwentuhan. Lalong higit ng pagsasalo-salo – walang nagbabalot! – kasi iba ang level ng pagtitipon sa lamayan. Mayroong rubdob. Nahirapan lang ako sa isang bagay na sadyang makabago at hirap pa rin akong tanggapin. Ang pagpapakuha ng litrato sa mga lamayan. Mula pagkabata kasi aking nagisnan ay seryoso ang lamayan at dahil noon ay wala pang mga camera phone kaya asiwa ako na pumorma o mag-pose sabay ngiti kasama mga naulila sa tabi ng mga labi ng giliw na pumanaw. Maliban doon, ito ang unang kagandahan at biyaya ng pakikiramay at paglalamay – ito ay pagdiriwang ng buhay hindi ng kamatayan.

Larawan kuha ng may-akda, Jesuit Cemetery sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 21 Marso 2023.

Ikalawang biyaya ng pakikiramay at paglalamay sa patay ay ang pagpapahayag ng patuloy nating pagmamahal at pagpapahalaga sa ating ugnayan hindi lamang sa pumanaw kungdi pati sa kanyang mga naulila. Hindi lamang tayo nakikibahagi sa kanilang dalamhati na siyang kahulugan ng pakikiramay o pagdamay, kungdi higit sa lahat ay ang ating pagtitiyak sa kanila na kahit wala na ang giliw nating pumanaw, nananatili pa rin tayong kamag-anak at kaibigan.

Pinakamasakit na bahagi ng pagmamahal ang paghihiwalay, pansamantala man o pang-magpakailanman tulad ng kamatayan. Isa itong katotohanang ating naranasang lahat dahil walang permanente sa buhay na ito. Darating at darating ang sandali na tayo ay mahihiwalay sa ating minamahal kapag ang mga anak ay nagsipag-kolehiyo o kapag sila ay nagsipag-asawa upang bumuo ng sariling pamilya. At ang pinaka-masakit sa lahat ng paghihiwalay, ang pagpanaw ng mahal sa buhay.

Gayon pa man, naroon sa kamatayan ang pinakamatinding hamon ng pagmamahal na ating ipinahahayag at ipinadarama sa pakikiramay. Alalaong-baga kapag tayo pumupunta sa lamayan, ating pinagtitibay sa kanilang naulila ang ating ugnayan, na tayo ay magkakamag-anak pa rin, magkakaibigan pa rin. Kahit mawala ang isang kamag-anak o pamilya at kaibigan, hindi mawawala ating ugnayan. Sama-sama pa rin tayo hanggang sa kabilang buhay kung saan magiging ganap at lubos ating mga ugnayan sa Diyos kay Kristo Jesus.

Kitang-kita ang ugnayang ito na hindi kayang putulin ng kamatayan sa paraan ng ating pagpapaalam. Walang nagsasabing “aalis na ako” o “lalayas na ako” maliban kung siya ay galit. Kapag tayo nagpapaalam saan man, ating sinasabi palagi ay “mauuna na po ako” gayong wala namang susunod sa ating pag-alis. Atin ding sinasabi bilang pamamaalam ang “tutuloy na po ako” e lumalabas nga ang isang nagpapaalam paanong tutuloy?!

Ang mga ito ay tanda ng pagtimo sa ating katauhan ng katotohanan ng kamatayan at buhay na walang hanggan. Sinasabi nating mauuna na ako dahil batid natin lahat ang katotohanan na una-una lang sa kamatayan. Gayon din ang pagsasabi ng tutuloy na ako tuwing nagpapaalam kasi isa lang ating hahantungang lahat, ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa kalangitan.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Kaya hindi rin kataka-taka minsan kung kailan pumanaw at nawala na ang isang mahal sa buhay saka lumalalim ating ugnayan. Iyan ang ikatlong biyaya ng pakikiramay at paglalamay, ang pananatili ng pag-ibig. Higit nating nadarama lalim ng ating pagmamahal kanino man kapag siya ay pumanaw na. Ito yung hiwaga ng aral ni Jesus sa bundok, “Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos” (Mt.5:4).

Mapapalad ang nahahapis dahil una, sila ay nagmamahal. Sabi ni San Agustin, kaya tayo umiiyak kapag namatay ang isang mahal sa buhay kasi tayo ay nagmamahal. Masakit ang mawalan at hindi na makita ang isang minamahal.

Higit sa lahat, mapapalad ang nahahapis dahil silay ay minahal. Iyon ang pinaka-masakit sa pagmamahal. Matapos maranasan ikaw ay mahalin, saka naman siya mawawala sa piling. Ngunit iyon din ang pagpapala. Kaya masakit mamamatayn kasi nga tayo ay minahal. Sabi ng isang makata, “kung ikaw ay mayroong pagmamahal, ikaw ay pinagpala; kung ikaw ay minahal, ikaw ay hinipo ng Diyos.” Tuwing tayo ay nakikiramay, naglalamay, ating ipinahahayag ating pagmamahal gayun din ang biyaya na tayo ay minahal ng pumanaw.

Tama si San Pablo na sa kahuli-hulihan, lahat ay maglalaho at tanging pag-ibig lang ang mananatili (1Cor. 13:13). Gayon din ang inawit ni Bb. Cookie Chua sa Paglisan.

Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig

Manatili sa pag-ibig ni Kristo! Amen. Salamuch po.

Larawan kuha ng may-akda, Bolinao, Pangasinan, 19 Abril 2022.

Ang nakababalisa

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-09 ng Mayo 2023
Larawan kuha ng may-akda, Sacred Heart Novitiate, Novaliches, Quezon City, 20 Marso 2023.
Paano nga ba
pananaligan
panghahawakan
katiyakan sa atin 
ni Jesus, 
"huwag kayong mabalisa"
sa dami ng sakbibi
nitong buhay
walang katapusan
di malaman hahantungan?
Ngunit kung susuriin
pagkabalisa natin
ay hindi naman 
mga bagay-bagay
sa labas kungdi yaong
nasa loob
mismong sarili
ang sumisinsay
upang manalig
at pumanatag.
Nababalisa
sa pagkakasakit
hindi dahil sa hirap
at sakit kungdi 
sa panahon at pagkakataong
winaldas, lahat natapon
walang naipon;
nababalisa
sa kamatayan 
hindi dahil sa di alam 
patutunguhan kungdi
malabo pinanggalingan
at pinagdaanan,
walang kinaibigan
ni hiningan ng kapatawaran;
nababalisa hindi sa mga nangyayari
kungdi sa mga pagkukunwari
kapalaluan di matalikuran
gayong sukol na
sa sariling kapahamakan.
Hangga't wasak
at di buo ating samahan 
at ugnayan
sa sarili, 
sa Diyos at 
sa kapwa
lagi tayong balisa
nanghihinayang at kulang
dahil sa kahuli-hulihan
sila ating kailangan;
iyan ang kahulugan
ng mga sumunod 
na salitang binitiwan
ni Jesus na sa kanya
tayo ay manalig
upang siya at ang Ama
sa atin ay manahan
ating sandigan
tunay maasahan
magpakailanman.