Pagkain sa Quarantine ng COVID-19

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Abril 2020

Photo by Ray Piedra on Pexels.com
Sana ay huwag ninyong masamain
itong aking puna at pansin 
sa marami nating kababayan
ngayong panahon ng COVID-19
palaging daing walang makain
ating sinasambit
saan mang bahagi ng mundo sumapit
kapag tayo ay nagigipit.
Hindi naman sa kung ano pa man
pagkain lamang ba ang sadya nating kailangan
na siyang laging pinahahalagahan 
kaya naman kadalasan ito ang sanhi 
ng ating mga alitan at di pagkakaunawaan?
Anong sakit mapakinggan, malaman na
nag-aagawan, pinag-aawayan
ay pagkain lamang?
Larawan mula sa Google.
Sa Banal na Kasulatan ating matutunghayan
habilin ng Diyos sa ating unang magulang
maari nilang kainin mga munting butil 
pati na rin mga bunga ng punong kahoy sa hardin
huwag na huwag lamang nilang kakanin
mahigpit Niyang bilin 
bunga ng puno ng karunungan 
dahil magiging sanhi ng ikasasawi natin.
Hindi napigilan kanilang tinikman
pinagbabawal na bunga kaya lumuwa mga mata
sa katotohanang lumantad sa kanila na di nakaya
kaya't dating kapwa hubad ay nagdamit na!
Nang pumarito si Jesu-Kristo upang tubusin ang tao
unang tukso na kanyang pinagdaanan sa ilang
sa gitna ng kanyang kagutuman
ay gawing tinapay mga bato upang busugin Kanyang tiyan.
Hindi nalito si Kristo nang sagurtin niya ang diyablo
na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao
kungdi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos;
kaya noong gabing ipagkanulo siya habang kumakain sila,
nangunsap Siya sa mga alagad Niya
habang hawak-hawak ang tinapay na pinaghati-hati
"Tanggapin ninyong lahat ito at kanin
ito ang aking katawan na ihahandog para sa inyo."
Mula noon hanggang ngayon
nakikilala, naaalala natin ang Panginoon
sa hapag ng kanyang piging, sa mesa ng Misa
nang kanyang inangat katayuan at kahulugan 
nitong pangkaraniwang gawain natin na kumain:
hindi lamang upang busugin mga tiyan at laman natin
kungdi upang punuin din kamalayan at kaluluwa natin
ng diwa ng piging na mismo tayo ay maging pagkain din!
Larawan ng “Supper at Emmaus” ni Caravaggio mula sa Google.
Nakikila pag-uugali ng tao 
kapag nakita paano siyang kumain
sapagkat doon lamang sa mesa ng piging
nawawala mga pagkukunwari natin
nabubunyag tunay nating saloobin
kaya naman sa bawat pagdiriwang natin
palaging mayroon pagkain upang
magkasalu-salo, magkaniig at magkaisa mga kumakain.
Alalahanin si Hudas noong Huling Hapunan
lumisan na kaagad dahil siya ay tumiwalag
di lamang sa hapag kungdi sa kaisahan at
pakikipag-kaibigan kay Jesus at mga kasamahan;
iyon din ang sinasaad sa bawat piging ng mga 
dumadalo at hindi dumarating
mga kumakain at nanginginain
kay daming pagkain ngunit makasarili pa rin!
Sa tuwing tayo ay kumakain
laging alalahanin kaisa palagi natin
Diyos na bukal ng lahat ng pagpapala sa atin:
huwag mangangamba o mag-aalinlangan
kung sakali mang tayo ay gutumin
sapagkat hindi iyan ikamamatay natin
kungdi pagkabunsol sa labis na pagkain
lahat-lahat ay inaangkin.
Ang tunay na sarap ng pagkain
nalalasap pa rin
maski tapos nang kumain
kapag nabusog di lamang tiyan 
kungdi puso at kalooban; 
mga alitan nahuhugasan sa inuman
mapanghahawakan pagsasamahan at pagkakapatiran 
upang huwag masabi ninuman na wala silang makain!

Aral ng COVID-19, II: tunay nating pag-uugali, nabubuking!

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Abril 2020
Isang matandang kasabihan
itong ating masasandigan
na nagsasaad ng katotohanan 
na hindi nalilikha ating pag-uugali
sa panahon ng krisis, bagkus dito
ito nahahayag at nalalantad din.
Sa gitna nitong quarantine ng COVID-19,
maraming pag-uugali natin ang nabuking:
nakilala sino ang may tunay at dalisay
na pagtingin at malasakit sa kapwa
sariling kaluguran at kapakanan ipinagkait
upang madamayan, masamahan higit nangangailangan.
Gayon din naman napatunayan higit kailanman
hindi lahat ng kumikinang ay ginto 
kungdi tanso din naman
dahil sa asal at pag-uugali
hindi lamang magaspang
kungdi kamuhi-muhi, nakakapangiwi!
Sa kaunting halaga
o anumang ayuda maaring makuha
ipinagpalit ang kaluluwa
dangal ay ipagpapaliban
matiyak lamang hindi siya malalamang
sapagkat sariling kaluguran tanging panuntunan.
Pagkaraan nitong lockdown
kawawa mga nanlamang 
hindi na sila pagkakatiwalaan
makitid na isipan, sarili lamang ang tanaw
kaya pag-uugali ay gayon na lamang;
sa kabilang dako naman, pakatandaan
yaong mga sa gitna ng kagipitan
nanatili sa atin at hindi nang iwan
pasalamatan at ituring na tunay na kaibigan
dahil kanilang pagdamay at pag-agapay
nadalisay pang tunay nitong kahirapan.

Ang kinawawang Diyos ng kawawang tao

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Abril 2020

Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News nang sumabog ang Bulkang Taal, Enero 2020.
Hindi lamang minsan
sumagi sa aking isipan
nakalulungkot nating kinagawian
Diyos ay ating kinakawawa 
kapag may masamang karanasan
Siya ating pinagbibintangang
tayo ay pinarurusahan
kulang na nga lang
lahat ng kasamaan inatang
lahat ng sisi sa Kanyang pangalan.
Kinakawawa natin ang Diyos
sa tuwing siya ang tinuturing pinagmulan
ng bawat kalamidad at kasawian;
madalas idahilan pa ng karamihan
sa pagaakalang mabuting katuwiran
na mga ito ay pagsubok lamang
ng Maykapal na hindi ibibigay  
kung hindi malalampasan
gayong Siya ay purong kabutihan
paanong ipaliliwanag iyan? 
Kinakawawa natin ang Diyos
katulad noong kanyang kapanahunan
nilalapastangan at pinasasakitan
gayong tao ang may kasalanan
at palaging nagkukulang
katulad doon sa ilang nang tuksuhin ng diyablo
hinahamon Kanyang katuwiran
pati katarungan bakit Niya
pinababayaan mga kahirapan
at hindi pakinggan mga karaingan?
Ang mahirap maintindihan
Diyos ang laging tinatawagan
sa maraming pangangailangan
ngunit kapag napagkalooban
Siya ay kinalilimutan, tinatalikuran
habang ating inaangkin
lahat ng husay at galing
sa nakamit na katanyagan
at magandang kapalaran
na tila baga wala Siyang kinalaman?
Kay laking kabalintunaan
kakatwang kahangalan
at sukdulang kayabangan
nating mga nilalang
na Diyos ay kalimutan at talikuran
sa paniniwalang lahat ating makakayanan
pati kamatayan pilit iniiwasan
mga kamay ng orasan pinipigilan
habang hinahatulan sinong may karapatang mabuhay
sanggol sa tiyan at mga tinotokhang!
Lingid sa ating kaalaman
na pinalabo ng ating kapalaluan
sa bawat kalungkutan at kahirapan
pagtitiis at kabiguan
Diyos ang higit sa ating nasasaktan
sa pagpanaw ng maski isa lang
Siya ang labis nahihirapan
dahil sa ano mang ating kalagayan
Diyos ay palagi tayong sinasamahan
pilit naman nating iniiwan at sinusumbatan.
Sakaling tayo ay dumaraan
sa kahirapan at ano mang kagipitan
hindi ito nagmula sa Diyos
dahil Siya ang kabutihan;
gayon pa man ating maaasahan
lahat ng ating nararanasan 
Kanyang nalalaman
hindi Niya papayagang magwagi 
anumang dalamhati bagkus Kanyang titiyakin
mga ito ay humantong sa ating luwalhati.
Hindi ang Diyos ang kawawa
sa tuwing atin Siyang kinakawawa
sa salita at sa gawa
kungdi tayong kanyang mga tinubos
pagkatao natin ang nauubos
dangal nati'y nauupos
sa tuwing aasta tayong boss
gayong tayo ang nabubusabos
nitong kapalaluan nating lipos
na sana ay maubos, matapos kasabay ng corona virus.
Photo by icon0.com on Pexels.com

Are we ready and empty?

The Lord Is My Chef Recipe, Holy Thursday, 09 April 2020

Our altar is ready
the tabernacle is empty
but are we also hungry
or thirsty for Thee?
O Lord have mercy
and please empty 
our hearts of pride, 
fill us with your humility,
justice and love
so we may say to Thee 
on this Holy Thursday
"Lord, I am not worthy 
to receive Thee but only
say the word and I shall 
be healed."

Ang walang katapusang pagdaing

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan

Martes, Ika-5 Linggo ng Kuwaresma, 31 Marso 2020

Bilang 21:4-9 ><)))*> +++ <*(((>< Juan 8:21-30

Ang eskultura ng ginawang ahas na tanso ni Moises sa tikin sa lugar kung saan mismo nangyari na ngayon nasa pangangalaga ng mga Paring Franciscano sa Jordan. Larawan kuha ng may-akda, Mayo 2019.
Batay sa salaysay ng aklat ng buhay
nainip mga Israelita sa paglalakbay sa ilang
nang sila ay dumaing, nagreklamo
kay Moises ng ganito:
"Kami ba'y inialis mo sa Egipto
upang patayin na ilang na ito?
Wala kaming makain ni mainom!
Sawa na kami sa walang kwentang pagkaing ito."
Bakit nga ba hindi na naubos 
ating mga reklamo
lalo na kapag mayroong krisis
walang mintis yaring mga bibig
walang hanggang daing
tila hindi aabutin, napakamainipin
nakakasakit na ng damdamin
pati Diyos sinusubok, hinahamon natin?
Kung inyong mapapansin 
yung talagang walang makain
hindi na makuhang dumaing
tanging isipin saan hahanapin
kanilang isasaing, lakas ay iipunin
sa pagbabaka-sakaling dinggin
dalanging tulong dumating
kanilang hahatiin at titipirin.
Ang masakit na kapansin-pansin
ngayong panahon ng COVID-19 
marami sa mga daing ng daing
sa Facebook pinararating!
Akala mo walang makain
bakit nasa harapan ng computer screen?
Katulad nilang nagmamagaling
ibang natulungan may reklamo pa rin!
Magandang pagkakataon 
kaloob nitong COVID-19 sa ating panahon
mabuksan puso at kalooban sa katotohanan 
"Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao" 
na kung uunahin natin si Kristo
makikilala natin bawat kapwa tao
ka-patid at ka-putol na dapat bahaginan 
ano man mayroon ako.
Madalas sa maraming reklamo
puso ay sinarahan, pinanlalabuan ang isipan
bibig ang laging binubuksan, hindi mawalan ng laman 
pinababayaan kaluluwa at kalooban 
tiyan lamang nilalagyan
kaya walang kahulugan ni katuturan
ano mang karanasan hindi mapagyaman
kaunting hirap at tiisin, puro daing at hinaing.

Mga guyang ginto sa piling natin

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Marso 2020

Eksena hango sa pelikulang “The Ten Commandments” noong 1956.
Tinuturing ng mga Hudyo
ang pagsamba ng kanilang ninuno 
sa guyang ginto 
ang pinaka-nakakahiyang yugto
sa kanilang kasaysayan 
nang talikuran nila sa ilang
butihing Diyos hanap katapatan lamang.
Mula noon hanggang ngayon
guyang ginto ang naging larawan
na siyang kumakatawan sa ating 
mga sinasambang diyos-diyusan:
salapi at kayamanan, 
kapangyarihan at katanyagan,
lahat iiwan, tatalikuran makamit lamang.
Hindi ako kumibo noong una
kahit napupuno ng nag-aalimpuyo
na galit at ngitngit sa mga balitang sumisingit 
mga VIP para sa kakaunting testing kit;
ngunit nang itong si Koko Pimentel
hindi nagpigil, di napasupil
ako ma'y kumulo ang dugo sa gigil.
Di niya inalintana mahawahan
mga karamihan ng sakit na di pa maunawaan
siya pa ngayon ang nangangatuwiran 
sa kanyang kapabayaan at kapalaluan
pakiwari siya ay tama at kawawa
kaya sa kanya ang madla
nagalit halos siya ay isumpa.
Ito ang malungkot na katotohanan
nalantad sa isang iglap ng kapabayaan, 
kahangalan at kayabangan
silang mga halal at makapangyarihan
sa taumbayan walang pakialam
sila na mismo ang guyang ginto
na ibig sila ang sambahin at paglingkuran!
Kaya nga aking mga kababayan
huwag kalilimutan mga taksil ng bayan
huwag nang ibalik sa luklukan
dahil ngayon pa lamang ay nagkasubukan
sa oras ng kagipitan tayo ay kanilang iniwan
hindi dapat pagkatiwalaan
sapagkat sila'y mga propetang bulaan.
Larawan mula sa Chabad.org

Kaarawan sa gitna ng COVID-19 lockdown

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-23 ng Marso 2020
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (22 Marso 2020).
Kahapon aking ipinagdiwang
ika-limamput-limang taon
ng kapanganakan sa 
gitna nitong lockdown.
Wala akong inaasahang pagdiriwang
o ano mang kasiyahan maski walang lockdown
dahil hindi ko naman nakagisnan 
mga gayong handaan sa aking kaarawan.
Mula kabataan lagi akong nagka-countdown
kinagabihan ng bisperas ng aking kaarawan
at saka mananalangin, magpapasalamat
sa Poong Maykapal sa buhay niyang kaloob.
Subalit aaminin ko rin
napakalungkot sa akin 
na dahil sa COVID-19 
walang nakapiling sa misa at pananalangin.
Larawan kuha ni Bb. Ria De Vera, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (22 Marso 2020).
Matapos Banal na Oras namin
Banal na Sakramento inilibot sa parokya namin
noon ko nadama lambing at pagmamahal
ng Panginoon Hesus tumawag sa akin.
Habang tangan kanyang sisidlan
aking binubulong mga panalangin
sa kawan kanyang pinagkatiwala sa akin
nawa maligtas sa sakit sanhi nitong COVID-19.
Pagkagaling Purok ng Fatima
ibig ko sanang maglakad sa Balutan
ngunit biglang pumatak mga ulan
anong ganda ng aking nasilayan!
Mahiwagang bahag-hari
tumambad sa aming harapan
busilak ng magagandang kulay
naghatid ng aliw at katuwaan.
Larawan kuha ni Bb. Anne Ramos, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan (22 Marso 2020).
Sa aking pagyuko, 
bumukal sa aking puso 
kakaibang katuwaan naramdaman 
sadyang napaka hirap ilarawan. 
Alam ninyo yung karanasan
minsan-minsan wala tayong alinlangan 
sa isang iglap ating nalalaman katotohanan
ngunit kulang, walang sasapat na salita man lamang?  
Tila baga sa aki'y nawika
waring nagpapaalala Panginoong Maylikha
tipan kanyang iniwan pagkaraan
ng delubyo at ulan:
Higit pa sa makulay na bahag-hari sa kalangitan
kahawig na larawan iniwan, katiyakang hindi tayo pababayaan
ating mamamasdan sa simbahan at tahanan 
Krus pinagpakuan ni Hesus, sa atin nagtawid sa kaligtasan!
Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, 2019.

Pagkakataon… ng COVID-19

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-17 ng Marso 2020
Larawan ay kuha ni Angelo Nicolas Carpio ng krus ng aming parokya, Enero 2020.
Pagkakataon.
Ito ang kataga 
na tumimo sa akin 
mula sa Ebanghelyo ngayon.
Wika ng alipin sa kanyang panginoon
"bigyan ninyo ako ng pagkakataon
mabayaran mga utang sa inyo"
at siya nama'y pinagbigyan nito.
Ngunit nang masalubong
kapwa alipin may utang
hamak maliit kaysa kanya,
pinagkait pagkakataon bagkus ipinakulong.
Kaya nang siya ay sinumbong
sa kanilang panginoon
tinawag siyang "napakasama" dahil
pagkakataon binigay sa kanya, pinagkait sa iba.
Larawan kuha ng may-akda, Kuwaresma 2020.
Pagkakataon.
Ito ang kaloob sa atin ngayon
ng pagkukulong sa mga tahanan 
at maiwasan pagkalat nitong COVID-19.
Sa mahabang panahon
tinalikuran natin Panginoon
nang sariling pamilya binalewala
di pinansin, ang iba inaway natin.
Kay inam na pagkakataon
mabuklod mga pamilya ngayon
bilang isang tahanan at pamayanan
na pinagmulan noon ng ating simbahan.
Habang walang pasok
mga magulang at anak
balikan katesismong binaon 
unahin mga panalangin nilimot.
Basahin din at limihin
Banal na Kasulatan ating tinalikuran
sapagkat ito ang siyang gagabay
sa buhay natin sa gitna ng karimlan.
Kuha ng may-akda, Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista, 2019.
Pagkakataon.
Marami tayong pinalampas noon
binalewala Panginoon at kapwa
kaya tayo ganito ngayon.
Hindi ito parusa ng Panginoon
kungdi kasalanan at pagkukulang
nating lahat sa mahabang panahon
Diyos at kapwa hindi natin nilingon.
Kaya ngayon sa gitna nitong hamon
kinakaharap natin sa pagkakataon
tama narinig kong nawika 
ng punong ministro doon sa Italya:
"Maghiwa-hiwalay muna tayo ngayon
upang mayakap ang isa't-isa sa kinabukasan"
kaya naman pagyamanin natin itong
pagkakataon makulong sa iisang bubong!

Para saan, daan sa kabukiran?

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-28 ng Pebrero 2020

Larawan kuha ng may-akda sa Pulilan, Bulacan, 25 Pebrero 2020.
Sa aming lalawigan 
na tinuturing luntian
maraming halamanan at kabukiran
unti-unti nang napapalitan yaring kalikasan.
Ako'y kinakabahan 
sa darating na kinabukasan
ating mga palabigasan wala nang laman
mga bata'y kumakalam sa gutom kanilang tiyan.
Ang sabi ng karamihan 
ito'y para sa kaunlaran
ngunit kung ating titingnan 
malayo sa katotohanan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan, 25 Pebrero 2020.
Kailangan daw ay kongkretong daan
upang mapabilis kalakalan 
nguni't paano naman
kung wala nang aanihan?
Repormang pangsakahan, tinalikuran
mga magsasaka tinatapakan 
lupaing ginawang daanan di binayaran 
presyo ng palay kulang at alangan!
Hindi masama ang kaunlaran
ngunit kung ang maliliit ay kinalilimutan
kapakanan nila ay pinababayaan
wala rin itong patutunguhan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan.
Hindi ba natin namamalayan
sa pagkawala ng ating mga kabukiran
kasabay nababaluktot ating katuwiran
pati katinuan at katarungan nasasalansang?
Buksan natin ating isipan
sa sasapiting pagkawasak at kawalan
kapag mga sakahan ating pinabayaan
hindi lamang tiyan mawawalan ng laman.
Sementuhin mo man maraming daan
ngunit sarado naman puso at kalooban
sa higit na malalim na mga katotohan
wala patutunguhan kungdi kapahamakan.
Doon pa rin sa Pulilan, Bulacan.

Walang laman

Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-26 ng Pebrero 2020

Mula sa Google.
Miercul├ęs de ceniza
araw ng pag-aayuno at abstinensiya
ngunit tila wala nang nagpapahalaga
ni nakaka-alala.
Marahil ay nalimot na nga
at binalewala mga banal na gawain
tuwing cuaresma na nagpapa-alala
kahalgahan ng Diyos higit sa lahat.
Nagtitiis ng gutom
hindi pinapayagang sayaran 
ng anumang laman ang tiyan
alang-alang sa kaganapan at kabanalan.
Kaya nga kung titingnan
pag-aayuno ay higit pa sa sakripisyo
na kung saan tiyan ay walang laman
upang magkapuwang Tagapagligtas ng tanan.
Ngayong cuaresma sana iyong mabuksan
puso at kalooban tingnan ano ba kanilang mga laman
baka naman mga wala nang kabuluhan
pabigat lamang sa kalooban.
Bigyan ng puwang upang makapanahan
sa ating puso at kalooban si Kristong maasahan
upang ngayon pa lamang maranasan
hatid ng Diyos na kaligtasan sa mga sa kanya'y mayroong puwang.