Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Hunyo 2020
Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7News, 02 Hunyo 2020.
Nakapanlulumo, napakasakit
dibdib ko'y nagsisikip
sa sobrang hirap at pasakit
sinapit marami nating kapatid
dahil sa makitid na pag-iisip
nitong mga namumuno sa atin;
Niluwagan ang quarantine
mga mall at tanggapan pinabuksan
upang ekonomiya ay buhayin,
pananalapi ay paikutin.
Bukod tanging pinahalagahan
kayamanang napawalan sa lockdown
kanilang tingin nasa salaping kikitain
sadyang tinalikuran pampublikong sasakyan,
hirap ng mga mamamayan, wala silang pakialam.
Ni hindi sila naantig sa mga tanawin
at nang makarating na sa kanilang pandinig
napakaraming daing at hinaing
sa halip na unawain,
mga sisi at kasalanan sa kanila pa ibinaling!
Ano nga bang katauhan mayroon
mga namumuno na puro mga damuho?
Mga manhid at hindi na naaantig
sa pintig ng pulso ng bayan?
Hindi man nila naranasan
at marahil kailanma'y di pagdaraanan
mga hirap na tinitiis ng karamihang mamamayan
wala ba silang kamalayan ng malaking
kaibhan ng hirap at kaginhawahan?
O marahil naisangla na kanilang mga kaluluwa?
Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, 02 Hunyo 2020.
Noong Linggo ng hapon,
dalawang kabataang dalaga nagsimba
kaya ako'y nagalak nang makita silang kasama;
pagkaraan ng Ama Namin, nahilo at nagdilim
paningin ng isa hanggang himatayin.
Nang aking tanungin baka siya ay gutom
o mayroong iniindang karamdaman,
aking nalaman dalawang kilometro
kanilang nilakad sa kainitan
makapagdiwang lamang sila muli sa Simbahan
na hanggang ngayon ayaw pabuksan
sa kabila ng kahalagahan ng espiritwal na pangangailangan.
Kaya nga napakalaking kahangalan
itong ating nasasaksihan sa gitna ng ating kahirapan
mga pinuno at upisyal kay raming pinag-aralan,
makapangyarihan at karamihan ay nakaririwasa
ngunit katauha'y nakalublob sa pusali ng kapalaluan;
mga batas dapat nilang ipatupad, kanilang niyurakan
walang iningatan kungdi kanilang pangalan;
mga tindahan at tanggapan pinabuksan,
wala namang mga pampublikong sasakyan,
malamang sila'y nagkahawahan sa katangahan
o mayroong ibang pinangingilagan at kinatatakutan
maliban sa mabangis na virus mula sa Wuhan?
Sana'y dumating ang panahon
muling maalala ng mga damuhong namumuno ngayon
mayroong Diyos sa atin ay hahatol
dahil siya lamang ang Panginoon at Hukom.
Hindi na ako nagtataka
ekonomiya kanilang pinahahalagahan
kapwa tao'y kinalilimutan, tinatalikuran
mga bahay-dalanginan ayaw nilang mabuksan
dahil walang pitak sa kanilang kalooban
Diyos na makapangyarihan
kaya naman mukha Niya ay hindi nila mabanaagan
lalo na sa mga kapwa na aba at nahihirapan.
Larawan kuha ni G. Raffy Tima ng GMA-7 News, 02 Hunyo 2020.