Mula nang mag-quarantine
palagi nating hiling
sana'y maibalik dating takbo
nitong buhay natin.
Kung tutuusin bahagi ng sarili natin
ano mang luma laging kinagigiliwan
basta mayroong kinalaman sa nakaraan:
lumang tugtugin at awitin,
naninilaw na mga liham, nalimot na nilalaman;
mga kupas at sepia na larawan,
sinaunang estilo at disenyo
ng mga gamit at damit, bahay at gusali;
lumang radyo, lumang kotse
antik at klasik kung ituring
tibay at husay walang kapantay.
Mga bakas ng kahapon
ayaw nating itapon
bagkus tinitipon, kinakahon
sa isang sulok ng bawat ngayon
upang kung may pagkakataon,
mga ito ay malingon
baka sakaling makabangon
at humakbang pasulong.
Madalas sa atin mga kahapon
tila palaging umaayon sa bawat ngayon
dahil alam na natin nangyari noon:
mga kinalabasan at hinantungan
ng ating pagsasapalaran
hatid man ay tuwa o luha
mga iyon atin nang nalampasan.
Madali at masarap balikan nakaraan
dahil alam na natin ang nagdaan
habang sa bawat ngayon at kinabukasan
tayo ay laging kinakabahan
dahil wala tayong panghawakan
maliban pakikibaka at sapalaran
gaya noong nakaraan
nang tayo ay pumailanglang
sa walang katiyakan.
Kaya nga huwag kabahan
sa kasalukuyan maging kinabukasan;
mahalaga ating matandaan
matutuhan mga aral, kabuluhan, at kahulugan
ng kasaysayan upang itong kasalukuyan
malampasan, mapagtagumpayan!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Mayo 2020
Larawan kuha ng may-akda, tabernakulo na walang laman bago magsimula Misa ng Huwebes Santo, 2020.
Kay hirap maunawaan
at hindi ko mailarawan
matay ko mang isipin
ngayong panahon ng COVID-19
pinaiiral nati'y karahasan
sa halip na kahinahunan
at kabutihan.
Minsa'y aking napakinggan
kaya aking tinunghayan
balita sa telebisyon nang
si Mang Dodong ay nakulong
mahigit sampung araw sa Navotas
nang siya ay dakpin dahil
walang papeles ng quarantine.
Asawa niyang si Aling Patring
di malaman gagawin
dahil ayon sa balita,
walang gaanong napag-aralan
mabuti't tinulungan ng mayroong
magagandang kalooban.
Kayo na mga mayroong pinag-aralan
napakaraming kaalaman at nalalaman
tingnan itong larawan kung pagdududahan
kakayahan at katauhan ni Mang Dodong
na kailangan siyang pahirapan
sa tanging pagkukulang sa panahon ng lockdown
hindi nakakuha sa tirahan sa Kalookan
ng quarantine pass upang makahango ng isda sa Navotas.
Sino ang hindi mababagbag
at mababagabag sa mga kuwento
ng karahasan at karanasang ganito
sa panahon ng pandemya
na sa halip tayo ay magtulungan at magdamayan
nagpapahirapan at nagmamatigasan
sa mga bagay na mapapalampas naman.
Hindi ba puwedeng pagbigyan na lamang
kung hindi naman gaanong kabigatan, kalala ang kasalanan?
Nasaan ang katarungan kapag mga makapangyarihan
pinalalampas, kinakatuwiran taglay na husay at galing
samantalang nagkamali rin naman at masahol pa sa karamihan?!
Larawan kuha ng may-akda.
Hindi sasapat kailanman ating isipan
dapat mabuksan din ating puso at kalooban
dahil ang katotohanan hindi lamang
karunungang nababatid, naikakatuwiran
kungdi isang kapatid nararanasan
nararamdaman bawat pintig ng kalooban,
hangad makatawid sa gutom, mabuhay lamang.
Maraming pagkakataon sa iba't-ibang panahon
kapag nabubuksan isipan sa maraming kaalaman
mga kasangkapan pinahahalagahan, kapwa tao nalilimutan
tulad sa mga digmaan at labanan ng kanya-kanyang karapatan
hindi baleng tapakan at yurakan katauhan ng iba
pati sanggol sa sinapupunan
huwag lamang mahadlangan sariling kagustuhan.
O Diyos naming makapangyarihan,
Iyo sanang buksan aming puso at kalooban
upang sa amin Ika'y makapanahan;
Iyong mukha na puno ng awa at kabutihan
sa amin ay mabanaagan, huwag mong hayaan
paghariin kapos naming isipan at baka kami magkaubusan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-14 ng Mayo 2020
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019.
Madalas nating isipin
mapalad o pinagpala
ang taong walang tiisin
buhay ay sagana at magaan
walang pinapasang hirap at sakit
nabibili lahat ng magustuhan:
malaking tirahan, magarang sasakyan
hindi kinakailangan may pinag-aralan
basta't mayaman
wala tayong pakialam
saan nagmula kanyang kaban
na tila di nauubusan kahit baon sa utang.
Huwag nating lilimutin
ang tunay na pagpapala
wala doon sa kayang bilhin
anoman ibigin, pagkain o inumin
o doon sa matatamo sa pagsisikap natin:
kapangyarihan at pangalan, maski pangangatawan.
Ang tunay na pagpapala
nagmumula lamang sa Diyos
hindi materyal kungdi espiritwal
kaya nang mangaral si Jesus sa burol
lahat ay nagimbal dahil kanyang pinangaral
salungat sa takbo at hangad ng sanlibutan.
Larawan kuha ni G. Jim Marpa, 2019
Mapapalad kayong mga aba,
mga nahahapis at mapagkumbaba;
mapapalad din kayong mga mahabagin,
mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos,
lalo na mga gumagawa ng pagkakasundo
at mayroong malilinis na puso.
Mapalad din mga pinag-uusig
at inaalimura,
pinagwiwikaan ng kasinungalingan
alang-alang sa Panginoong Hesus
na di lang minsan tiniyak ang tunay na mapalad
ay yaong nakikinig, tumatalima sa salita ng Diyos.
At sino ang unang tumanggap,
tumalima sa Salitang naging Tao
kungdi si Maria na Ina ng Kristo
na bukod na pinagpala sa babaeng lahat!
Alalahanin matapos niyang tanggapin
bilin ng anghel ng pagsilang niya sa Emanuel
nagmadali siyang dalawin si Elizabeth
nakatatandang pinsang nagdadalantao rin;
pagkarinig sa kanyang tinig
kinasihan ng Espiritung Banal at ang nausal
"mapalad ka sapagkat nananalig kang matutupad
ang mga ipinasabi sa iyo ng Panginoon."
Larawan kuha ng may-akda, Simbahan ng Visitation sa Israel, Mayo 2017.
Ngayong panahon ng pandemya
hindi pa ba natin nakikita
walang saysay at kahulugan
mga inakala nating pagpapala
gaya ng kayamanan at kapangyarihan
o maging kalusugan?
Sa lahat ng panahon na sadyang walang katiyakan
wala tayong ibang kaseguruhan, maaring sandigan
kungdi ang Panginoong Diyos lamang!
Kaya kung ikaw ay magdarasal
laging hilingin tanging pagpapala sa Maykapal
pananalig at paniniwala salita niya di naglalaho parang bula.
Larawang kuha ng may-akda, Linggo ng Bibliya, 26 Enero 2020.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-10 ng Mayo 2020
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Kapansin-pansin
mga pangyayari sa quarantine
nang tila kalusin ng COVID-19
mga kalabisan sa buhay natin
tulad nitong social distancing.
Kung tutuusin
ang sinasabing new normal
ay aral ating tinalikuran
ngayon ay naging sampal
sa ating pagiging hangal
sa di pagpansin sa ating kapwa
dahil tuon ng ating mga paningin
ay mga bagay na maningning
animo'y ginto na kumakalansing
ngunit malansa nang amuyin
dahil tanso lang rin!
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Halina at paglimi-limihan
pangunahing katotohanan
na ating kinalimutan, iniwan
ngayon ay binabalikan
kahalagahan ng bawat isa
bilang kapatid at kapwa
na dapat mahalin, huwag hamakin
sapagkat itong buhay natin
kaloob ng Diyos na mahabagin
dapat ingatan, di dapat sirain o sayangin.
Ano mang kabutihan maaring gawin
ipadama ngayon din,
huwag hintayin maagaw ng COVID-19
at baka maski sa paglilibing
hindi rin tayo makapaghabilin
ng pabaon na pagmamahal natin.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Marami pang ibang kalabisan
na dapat nating pinagsisihan
at ginawan ng paraan upang
buhay sana'y naging makahulugan;
sa ating pagpapaliban,
inabutan nitong pandemya
na siyang kumalos sa punong salop
upang ipamukha sa atin
ang tunay na kapangyarihan
ay wala sa lakas at karahasan
kungdi naroon sa kahinaan at kawalan
tulad ng virus mula sa Wuhan -
hindi natatanawan ngunit bagsik
ay napakalupit, lahat ng bansa
napahinuhod, napilitang dumapa
hanggang ngayon hindi makapagsimula.
Larawan kuha ni G. Jay Javier, Abril 2020.
Paano tatakbo ating buhay
ngayong quarantine
kung wala mga tinagurian
mga frontliners na tahimik gumagawa, naglilingkod
kahit maliit ang sahod
kumpara sa mga bossing at mga titulado?
Nasaan mga artista at atleta pati na mga kongresista
nagpasasa sa malalaking kita
ngayon hindi makapagpakita?
Ito nga namang tadhana
madalas wala sa ating pantaha ni hindi sumagi sa isip
patutunguhan nitong kinabukasan
puno ng kabalintunaan na alalaong baga
walang maaring panghawakan bagkus pakaingatan
ng sino mang nakatindig, kahit pa nakasandig
tiyak mayroong higit na makadaraig!
Nalimot ko na bilang
ng mga araw at buwan
mula nang simulan
lockdown upang mapigilan
pagkalat ng pandemyang COVID-19.
Madaling tanggapin
mahirap pasanin mga tiisin
ngunit ngayon pakiwari ko
hindi na maaring palampasin
kadilimang bumabalot sa atin.
Kay hirap isipin
sa napakaraming alalahanin
at mga suliranin hinaharap natin
bakit sa panahong ito mayroon pa rin
mga tao lihis ang mga isipan at damdamin?
Dahil sa COVID-19 nabuking ugali natin
panlalamang sa kapwa gawi pa rin
karahasan pinaiiral nang ang ilan ay
makatangan ng kaunting kapangyarihan
hirap na taumbayan, pinagmamalupitan.
Batid namin Panginoon
marami naming kasalanan
noon magpasahanggang ngayon
kami'y baon na baon
tila hindi na makakaahon.
Kagagawan namin ang lahat ng ito
mga lilo na pulitiko binoboto
sa halaga ng ilang daang piso
habang wala namang ibang tumakbo
na matino at mabuting pagkatao.
Marami sa amin
nahirati na sa dilim
ngunit mas marami ang ibig ay dilim
dahil doon kanilang naililihim
mga gawa nilang marumi at karimarimarim.
Hanggang kailan kami, Panginoon
magkikimkim nitong aming damdamin
saloobin nami'y nasasaktan
sa mga patuloy nilang kabuktutan
pati iyong Dakilang Ngalan nilalapastangan!
Larawan mula sa Reddit.com
Buksan mo Panginoon
aming mga paningin
huwag nang hayaang bulagin
ng mga sinungaling
mayroong mga dilang matatalim.
Dinggin mo Panginoon
aming panaghoy
para kaming tuyong kahoy
naluoy,
binaboy at tinaboy.
Ibangon kami, O Panginoon
manindigan para sa katotohanan
ipaglaban kahalagahan ng buhay
malayang makapaghayag
saloobin tulad ng sa nililiyag.
Sa amin ika'y mahabag
Panginoong Diyos naming butihin
itong aming hapis at pait
iyo sanang patamisin
upang ika'y aming hanapin at sundin!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-05 ng Mayo 2020
Madalas batikos sa atin
ano nga ba saysay nitong mga
debosyon at pananalanging
ginagawa natin?
Maaalis nga ba ng pananalangin
itong COVID-19?
Maraming mabibigo
at marahil magugulat
sa aking sasabihin:
hindi aalisin ng mga panalangin
itong COVID-19
o ano mang salot dumating sa atin.
Dapat nating tantuin
itong panalangin hindi binabago
kalagayan o sitwasyon natin;
hindi nito pipigilin ano mang
kalamidad at sakit na maaring dumapo sa atin
maging kamatayan di nito kayang pigilan.
Pangunahing kabutihan ng panalangin
ay pag-isahin sarili natin
sa Diyos na nagmamahal sa atin
na sa tuwina'y sinasabi
magagandang layunin para sa atin
na ni hindi natin pinapansin.
Sa pananalangin mahalaga mawala sarili natin upang sumaatin ang Diyos. Larawan kuha ni Bb. JJ JImeno ng GMA-7 News, 2019.
Higit na mahalaga sa pananalangin
mapakinggan ang Diyos sa Kanyang sasabihin
hindi ang ibig natin sa Kanya ay sabihin;
ani Jesus, bago pa man tayo humiling
batid na ng Diyos mabuti para sa atin
kaya "Ama namin" ang panalanging tinuro Niya sa atin.
Ang tunay na pananalangin
ay kilanling kapatid na dapat mahalin
bawat kapwa ng sino mang nananalangin;
ito ang binabago ng panalangin -
ang pag-uugali at katauhan natin
na siyang magpapanibago sa sitwasyon natin.
Ano mang panalangin
walang mararating
kung hindi naman nababago
puso at kalooban habang ugali
at asal malayo sa dinarasal
dahil bibig at labi lamang ang umuusal.
Sa mga nangyayari
kahit marami ang nagdarasal
tila magtatagal pa itong COVID-19
hanggat hindi natin mapananaigan
hangad nating sariling kapakanan
sa halip na ang Diyos ang tularan at paglingkuran.
Sana ay huwag ninyong masamain
itong aking puna at pansin
sa marami nating kababayan
ngayong panahon ng COVID-19
palaging daing walang makain
ating sinasambit
saan mang bahagi ng mundo sumapit
kapag tayo ay nagigipit.
Hindi naman sa kung ano pa man
pagkain lamang ba ang sadya nating kailangan
na siyang laging pinahahalagahan
kaya naman kadalasan ito ang sanhi
ng ating mga alitan at di pagkakaunawaan?
Anong sakit mapakinggan, malaman na
nag-aagawan, pinag-aawayan
ay pagkain lamang?
Larawan mula sa Google.
Sa Banal na Kasulatan ating matutunghayan
habilin ng Diyos sa ating unang magulang
maari nilang kainin mga munting butil
pati na rin mga bunga ng punong kahoy sa hardin
huwag na huwag lamang nilang kakanin
mahigpit Niyang bilin
bunga ng puno ng karunungan
dahil magiging sanhi ng ikasasawi natin.
Hindi napigilan kanilang tinikman
pinagbabawal na bunga kaya lumuwa mga mata
sa katotohanang lumantad sa kanila na di nakaya
kaya't dating kapwa hubad ay nagdamit na!
Nang pumarito si Jesu-Kristo upang tubusin ang tao
unang tukso na kanyang pinagdaanan sa ilang
sa gitna ng kanyang kagutuman
ay gawing tinapay mga bato upang busugin Kanyang tiyan.
Hindi nalito si Kristo nang sagurtin niya ang diyablo
na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao
kungdi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos;
kaya noong gabing ipagkanulo siya habang kumakain sila,
nangunsap Siya sa mga alagad Niya
habang hawak-hawak ang tinapay na pinaghati-hati
"Tanggapin ninyong lahat ito at kanin
ito ang aking katawan na ihahandog para sa inyo."
Mula noon hanggang ngayon
nakikilala, naaalala natin ang Panginoon
sa hapag ng kanyang piging, sa mesa ng Misa
nang kanyang inangat katayuan at kahulugan
nitong pangkaraniwang gawain natin na kumain:
hindi lamang upang busugin mga tiyan at laman natin
kungdi upang punuin din kamalayan at kaluluwa natin
ng diwa ng piging na mismo tayo ay maging pagkain din!
Larawan ng “Supper at Emmaus” ni Caravaggio mula sa Google.
Nakikila pag-uugali ng tao
kapag nakita paano siyang kumain
sapagkat doon lamang sa mesa ng piging
nawawala mga pagkukunwari natin
nabubunyag tunay nating saloobin
kaya naman sa bawat pagdiriwang natin
palaging mayroon pagkain upang
magkasalu-salo, magkaniig at magkaisa mga kumakain.
Alalahanin si Hudas noong Huling Hapunan
lumisan na kaagad dahil siya ay tumiwalag
di lamang sa hapag kungdi sa kaisahan at
pakikipag-kaibigan kay Jesus at mga kasamahan;
iyon din ang sinasaad sa bawat piging ng mga
dumadalo at hindi dumarating
mga kumakain at nanginginain
kay daming pagkain ngunit makasarili pa rin!
Sa tuwing tayo ay kumakain
laging alalahanin kaisa palagi natin
Diyos na bukal ng lahat ng pagpapala sa atin:
huwag mangangamba o mag-aalinlangan
kung sakali mang tayo ay gutumin
sapagkat hindi iyan ikamamatay natin
kungdi pagkabunsol sa labis na pagkain
lahat-lahat ay inaangkin.
Ang tunay na sarap ng pagkain
nalalasap pa rin
maski tapos nang kumain
kapag nabusog di lamang tiyan
kungdi puso at kalooban;
mga alitan nahuhugasan sa inuman
mapanghahawakan pagsasamahan at pagkakapatiran
upang huwag masabi ninuman na wala silang makain!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Abril 2020
Isang matandang kasabihan
itong ating masasandigan
na nagsasaad ng katotohanan
na hindi nalilikha ating pag-uugali
sa panahon ng krisis, bagkus dito
ito nahahayag at nalalantad din.
Sa gitna nitong quarantine ng COVID-19,
maraming pag-uugali natin ang nabuking:
nakilala sino ang may tunay at dalisay
na pagtingin at malasakit sa kapwa
sariling kaluguran at kapakanan ipinagkait
upang madamayan, masamahan higit nangangailangan.
Gayon din naman napatunayan higit kailanman
hindi lahat ng kumikinang ay ginto
kungdi tanso din naman
dahil sa asal at pag-uugali
hindi lamang magaspang
kungdi kamuhi-muhi, nakakapangiwi!
Sa kaunting halaga
o anumang ayuda maaring makuha
ipinagpalit ang kaluluwa
dangal ay ipagpapaliban
matiyak lamang hindi siya malalamang
sapagkat sariling kaluguran tanging panuntunan.
Pagkaraan nitong lockdown
kawawa mga nanlamang
hindi na sila pagkakatiwalaan
makitid na isipan, sarili lamang ang tanaw
kaya pag-uugali ay gayon na lamang;
sa kabilang dako naman, pakatandaan
yaong mga sa gitna ng kagipitan
nanatili sa atin at hindi nang iwan
pasalamatan at ituring na tunay na kaibigan
dahil kanilang pagdamay at pag-agapay
nadalisay pang tunay nitong kahirapan.
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-21 ng Abril 2020
Pananampalataya
ang simula kaya tayo
ay kaisa ng Maylikha;
Pananampalataya sa kanya
kaya tayo nagkakaisa
nabubuklod bilang kanyang
katawan na siyang pinagmumulan
nitong ating katipunan
na Kanyang sinusugo
para sa misyon at dakilang layon.
Sa tuwing ating nakikita
ating misyon sa Panginoon
hindi malayong makita rin
mismo ang Panginoon
sa lahat ng sitwasyon
at pagkakataon.
Kaya manatiling nakatuon
sa ating misyon mula sa Panginoon
hindi magtatagal mararating
at matutupad natin iyon
sa Kanyang takdang panahon!
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-19 ng Abril 2020
Maraming aral sa atin
itong COVID-19
ngunit ito muna ibig kong sabihin
dahil kung mayroong mga ningning
sa gitna nitong dilim
na bumabalot sa atin
ay ang tila pagkagising sa kahalagahan
ng pag-ibig at pagtingin
sa bawat kapwa natin.
Bago pa man dumating
itong social distancing
matagal na tayong malamig
at manhid sa nasa paligid natin;
nagsasarili, kapwa di pansinin
nahuhumaling sa texting,
gaming, at social media networking.
Kaya ngayon nakita natin
bagsik at bangis ng COVID-19
hindi malaman gagawin
lahat ibig dalawin
maski makipag-lamayan gagawin
mapadama lang kalinga natin.
Nakakatawang isipin
na mga microorganism
nakapagpagising sa katauhan natin
mahalin at pahalagahan kapwa natin
buhay di natin matitiyak
kung ito'y magniningning
o magdidilim, papanaw sa lilim.
Panatilihin sa puso at kalooban natin
isang buhay hindi kayang himayin
biliangin man o tuuusin
dahil maski isang buhay lang
ito ay mahalaga at napakarami pa rin.
*lahat ng larawan ay kuha ni g. raffy tima ng gma-7 news maliban yaong una sa ibaba, kaliwa na kuha ni bb. lane blackwater nagpost sa kanyang facebook ng kabutihang loob ng mga nagpapanic buying sa isang supermarket nang mapansin ng isang babae ang kakaunting pinamili ni manong na mukhang hirap sa buhay; lahat ng namimili ay nag-ambag sa kanya ng iba’t ibang de lata at pangangailangan kaugnay ng banta ng covid-19.