Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Hulyo, 2022
Larawan ng fresco sa Simbahan ni San Francisco sa Assisi, “Noli Me Tangere” na ipininta ni Giotto de Bondone noong ika-13 siglo. Mula sa commons.wikimedia.org.
Ngayong palaging makulimlim
ating panahon, ulan ay bumubuhos
katulad ng unos at kadilimang
bumabalot sa buhay ng karamihan,
kay gandang paglimi-limihan
at dasalan tagpo sa libingan ni Jesus
nang ito'y puntahan ng mga kababaihan
sa pangunguna ni Maria Magdalena
noong Siya ay muling nabuhay.
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na batong panakip sa pinto ng libingan. Si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng ng bangkay ni Jesus, and isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Lumingon siya… at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.
Juan 20:1, 11-12, 14
Larawan mula sa GettyImages/iStockphoto.com.
Maraming pagkakataon
kapag labis ang aming hapis
Panginoon, ika'y hindi namin
nakikilala gayong katabi ka namin pala!
Katulad ni Santa Maria Magdalena marahil
ay mugto aming mga mata sa pagtangis
at dalamhati sa pagpanaw ng mahal
namin sa buhay o dili kaya habang
nagbabantay sa naghihingalong mahal sa buhay.
Hindi ka rin namin makilala, Panginoon
katulad ni Santa Maria Magdalena
sa tuwina kami'y nagbabata ng hirap
at sakit dahil mahigpit aming kapit,
pilit ibinabalik nagbabaka-sakaling
mapanatili mga nagisnang gawi,
pakikipag-ugnayan sa pumanaw naming
mahal o sa nag-aagaw buhay na tiyak
kami'y iiwanan nang lubusan.
Tinanong siya ni Jesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko. “Maria!” ani Jesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” – ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama,” wika ni Jesus. “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’s pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Jesus.
Juan 20:15-18
Larawan kuha ng may-akda,pagbubukang-liwayway sa Camp John Hay, Baguio City, Nobyembre 2018.
Panginoon, kami ay tulungan
kung maari tawagin din sa pangalan
upang ikaw aming makilala at
maranasan sa piling namin
kung kami'y nabibigatan at
nadidiliman dahil iyong dahilan
sa pagparito ay upang kami ay samahan
pagaanin mga pasananin at hanguin
tungo sa bagong buhay kaloob mo sa tanan.
Nawa katulad ni Santa Maria Magdalena
ikaw ay lubusan naming makilala
upang sa amin mabanaagan sinag ng
iyong galak at katuwaan, mga palatandaang
tunay ngang ikaw ay aming nakita,
maihayag sa salita at gawa Iyong mga
habilin huwag matakot sa dilim,
krus ay palaging pasanin,
yakapin kamatayan upang ika'y makapiling.
Santa Maria Magdalena
kay Jesus kami ay ipanalangin
kasamaan tuluyan na naming lisanin
kabutihan pawang aming gawin;
mga pumanaw naming mahal sa buhay
ipanalangin mo rin, Diyos ay sapitin
habang mga naghihingalo sa amin
loob ay palakasin, buhay na sasapitin
walang kahulirip at maliw! Amen.
Tatlong linggo nang maulan,
makulimlim at mapanglaw ang
kalangitan habang dumaragsa naman
mga kahilingan ng pananalangin sa akin
para sa maraming may sakit at karamdaman
ngunit, wala isa man sa kanila ang humiling
na gumaling maliban sa pangalan nila ay
aking sambitin sa Panginoong butihin.
Madalas mga nagpapadasal
hiling lang naman ay panalangin -
hindi sinasabi kung para saan o
marahil ipinapalagay naunawaan na
kanilang ibig sabihin; gayon pa man,
sa aking paningin maganda itong gawain
tulad ng matutunghayan natin sa unang
pagbasa sa Misa kaninang umaga:
Noong mga araw na iyon, nagkasakit nang malubha si Ezequias, kaya siya’y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ng Panginoon: “Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling.” Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin. “O Panginoon, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko’y pawang nakalulugod sa iyong paningin.” Pagkatapos, nanangis siya nang malakas.
Isaias 38:1-3
Pagmasdan at pagnilayan
panalangin ni Haring Ezequias:
wala siyang hiniling na gumaling
maliban sa alalahanin ng Diyos
kanyang naging buhay na matapat
at masunurin sa mga banal na alituntunin
kaya siya ay pinagaling
pati buhay niya ay napahaba din!
Maraming biyaya ang Diyos
na binibigay sa atin na hindi
naman natin hinihiling dahil
batid Niya ang mabuti sa atin
bukod sa alam niya ating saloobin;
sa pagdarasal hindi mahalaga ating
mausal kungdi maranasan Kanyang
kapanatilihan at mapakinggan Kanyang kalooban.
Batid ng Diyos
lahat ng ating pinagdaraanan
lalo ng mga may sakit at karamdaman
kaya sa ating pananalangin
damhin natin Siya ay kapiling
sarili ay maihain, tanggapin ating sasapitin
dahil sa pagsuko ng sarili natin
doon nagsisimula ating pag-galing!
Larawan kuha ng may-akda, 2020.
O Diyos Ama namin,
dama mo hirap at dusa namin
pati mga takot at pagaalinlangan
lalo na kapag may nagkakasakit sa amin;
tulungan po Ninyo kami sa Iyo
aming sarili ay maisuko,
manalig na kami ay hindi madaraig
dahil nagtagumpay na si Hesus sa
sakit at kamatayan upang kami ay
mabuhay magpakailanman.
Amen.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-13 ng Hulyo 2022
Larawan kuha ng may-akda, 2016.
Itong ulan
ay kay buting paalala
sa atin ng kalikasan
na kailanma'y hindi tayo nalilimutan
ng Panginoong Maykapal
sa ating mga pangangailangan;
dinidiligan nanunuyot na kapaligiran
maging ating katauhan, minsa'y
nagwiwilig lamang upang maibsan
ang alinsangan at kung tag-ulan,
bumubuhos upang lubluban
labis nating karumihan!
Larawan kuha ng may-akda, 2020.
Itong ulan
maraming kahulugan
kadalasa'y pagpapala at
biyaya, tubig mula sa kalangitan
bagaman kung minsan
ay parang sumpa o parusa
tila mga patak ng luha
tayo ay binabaha ng hirap
at hilahil, nalulunod sa pighati
at kalungkutan na tila walang katapusan.
Itong ulan
mayroong taglay na katangian
wala sa ibang kalikasan
ang mangusap at magparamdam
dampian buong katawan tulad
ng isa pang kapwa nilalang
upang maranasan kalinisan at
kadalisayan nitong buhay
luntiang mga dahon, damdaming naaantig
ng magkasabay na lamig at halumigmig!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-03 ng Hunyo, 2022
Larawan kuha ng may-akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-20 ng Abril 2022.
Habang tayo ay nagbulay-bulay sa pagpapala at biyaya ng bawat paglisan noong kamakalawang araw, noon din naman nag-trending sa social media ang hiwalayan ng mag-asawang Jason Hernandez at Moira dela Torre, dalawang sikat daw na mga mang-aawit na ni hindi ko alam ni kilala.
Sumabay din naman kinagabihan ding iyon ang desisyon ng korte pagkaraan ng anim na linggong hearing na sinubaybayan ng marami sa social media (ako po hindi) ang demandahan ng mas sikat na mga taga-Hollywood at dating mag-asawa na Johnny Depp at Amber Heard. Magandang pagkakataon ang dalawang naturang balitang showbiz upang suriin nating mabuti ating mga ugnayan o relationships at tingnan nasaan na nga ba ang pag-ibig sa isa’t isa.
Gaya ng ating napag-nilayan noong Miyerkules, ang bawat paglisan ay biyaya at pagpapala sa kapwa umaalis at naiiwan kapag ang pagpapasiyang lumisan ay napagnilayan at napagdasalang mabuti.
At higit na lumalalim ang ugnayan ng isa’t-isa at pag-ibig sa bawat paglisan kapag ito ay humahantong sa wakas ng buhay at kamatayan.
Kaya ang aking tanong na bunsod ng awit ni Bb. Cookie Chua noong dekada 90, sa bawat paglisan, sino nga ba ang may higit na pag-ibig, ang umaalis o naiiwan?
Larawan kuha ni Bb. Jing Rey Henderson sa Taroytoy, Aklan noong ika-30 ng Abril, 2022.
Palagi ko sinasabi sa bawat kinakasal ko na hindi paligsahan ang pag-ibig. Sino mang mayroong higit na pag-ibig, siyang dapat magmahal nang magmahal, umunawa at magpatawad, unang kumibo at bumati sakaling sila ay may di-pagkakasundo o tampuhan.
Hindi rin paligsahan sa pag-ibig ang aking nais mabatid sa aking naturang tanong kungdi ito’y sumagitsit sa aking puso at isip noong ilibing ng Martes kapatid ng yumao kong kaibigan.
Unang pumanaw noong Enero si Ate Priscilla sa sakit na kanser. Simple at tahimik na nakaibigan ko siya sa dati kong parokya na pinaglingkuran. Apat silang magkakapatid na mga dalaga na iniukol ang mga sarili sa mga pamangkin at simbahan. Nitong pagpasok ng 2022, nagkasakit si Ate Illa at ako pa ang nagkumbinsi sa kanyang pumasok na sa pagamutan kasi, ayaw niyang mahirapan sa pag-aalaga sa kanya at sa gastusin ang mga kapatid.
Kuha namin noong Enero 01, 2022 nang dumalaw sa akin si Ate Illa at mga kapatid. Hindi kasama si Ditseng Baby.
Ngunit huli na pala ang lahat.
Biglang lumala kanyang kalagayan at binawian ng buhay pagkaraan ng dalawang araw sa ospital. Noong kanyang lamay, palaging sinasabi ng nakababata niyang kapatid, si Ditseng Baby, na siya man ay ayaw nang pahirapan mga kapatid niya sa kanyang pagkakasakit din ng kanser. Halos magkasunod silang nagkaroon ng kanser bago mag-COVID pandemic. Hindi nga nagtagal, noong ika-27 ng Mayo, biglang inatake sa bahay si Ditseng Baby at pumanaw.
Kaya ako ay bumalik sa kanilang tahanan at simbahan upang siya naman ang Misahan at ihatid sa huling hantungan kamakailan.
Isa na namang paglisan na biglaan ngunit napaghandaan ng mga pumanaw.
Hindi naman natakot ang magkapatid na Ate Illa at Ditseng Baby sa buhay at kamatayan; katunayan sa aking pananaw, buong tapang nilang hinarap lalo ang kamatayan. Mas mahirap sa may katawan siguro ang maramdaman na ikaw ay papanaw at buong tapang itong tanggapin at sabihin.
Larawan kuha ni Dr. Mylene A. Santos, MD, 2021.
Biyaya pa rin ng Diyos ang magkaroon ng gayong lakas ng loob sa gitna ng panghihina ng katawan. At ang pangunahing biyaya na binubuhos ng Diyos sa isang lumilisan ay pag-ibig, lalo na kung ito ay hahantong sa kamatayan. Pag-ibig ang dahilan kaya ayaw na nilang mahirapan pa mga kapatid nila sa pag-aalaga at gastusin kahit mayroon silang kakayahang magpagamot. Pag-ibig hanggang sa huling sandali ang kanilang handog at ibinahagi sa lahat.
Kaya nga kapag mayroong isang taong lumilisan – pansamantala man tulad ng pangingibang- bayan o panghabang-buhay tulad ng mga naghahabilin sa banig ng karadaman – higit ang kanilang pag-ibig na binibigay sa mga naiiwan o nauulila.
Mas marami silang pabaon na pag-ibig sa mga naiiwan kung titingnan.
"Kung ang buhay ay isang umagang nakangiti
At ikaw ay ang lupang sinusuyo ng bituin
Di mo man silip ang langit
Di mo man silip, ito'y nandirito pa rin
Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig"
- Bb. Cookie Chua ng Color It Red, "Paglisan"
Larawan kuha ng may-akda sa Sacred Heart Novitiate, Novaliches, QC, 2016.
Sino man ang magpasyang lumisan batay sa maka-Diyos na pamantayan at konsiderasyon, nakatitiyak ako siya ang mayroong higit na pag-ibig dahil handa siyang iwanan ang lahat para sa mga minamahal.
Pang-apat sa walong pagpapala o beatitudes na ipinahayag ni Hesus sa kanyang sermon sa bundok ay mayroong kinalaman sa paglisan:
“Pinagpala ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”
Mateo 5:4
Kapag mayroon umaalis, tayo ay nagdadalamhati, lumuluha kasi masakit ang maiwan, pansamantala man o pangmagpakailanman.
Nasaan ang pagpapalang sinasabi ni Hesus kung tayo ay lumuluha, nagdadalamhati dahil naiwan ng isang lumisan o pumanaw?
Naroon sa pag-ibig!
Pinagpala ang mga nagdadalamahati kasi mayroon silang pagmamahal, sila’y nagmamahal kaya lumuluha sa lumisan na kamag-anak o kaibigan; subalit, higit ang kanilang pagpapala dahil sila ay minahal ng lumisan!
Higit pa rin ang pag-ibig ng lumilisan kung tutuusin.
Kaya tayong naiiwan ay umiiyak, nasasaktan.
Subalit, lahat ng kalungkutan ating mararanasan sa paglisan ay pagbabadya ng higit na tuwa at kagalakan. Wika din ni Hesus sa kanyang mga alagad noong Huling Hapunan nila na mas mabuti na siya ay lumisan upang sa gayon ay maisugo niya ang Patnubay o Espiritu Santo (Jn. 16:7).
Gaya ng ating napagnilayan noong Miyerkules, ito yung ikalawang mahalagang bagay dapat nating pakaisipin sa pagpapasya kung tayo ay mananatili o lilisan: ang ating kaganapan at paglago ng katauhan (https://lordmychef.com/2022/06/01/pagpapala-sa-paglisan/).
Muli, ating makikita ang higit na pag-ibig na bigay pa rin ng lumilisan dahil sa bawat pag-alis, naroon din ang pagkakataong lumago ang katauhan ng naiiwan gaya ng lumilisan.
Larawan kuha ng may-akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-19 ng Abril 2022.
Ganyan ang paraan paanong lumago ating pananampalatayang Kristiyano dahil sa paglisan ni Hesus, lalong nag-ibayo sa pagmamahal at pagsusumakit ang kanyang mga naiwan sa pagpapahayag sa salita at gawa ng ipinadama niyang pag-ibig para sa ating kaligtasang lahat.
Dahil sa pag-ibig na iyan ni Hesus, naging pagpapala ang bawat paglisan dahil hindi na lamang ito pagtungo sa isang dakong malayo kungdi pagpasok sa panibagong antas ng ugnayan. Wika nga ng mga kabataan, level up ang ating mga relationships.
Sa bawat paglisan, hindi tayo nababawasan o nawawalan kapag pag-ibig ang dahilan nito.
Kaya sana, ngayon pa lamang atin nang pakaingatan at pahalagahan bawat isa upang bawat paglisan ay maging makabuluhan. Nawa sa ating paglisan, bantayan at pagpalain tayo ng Diyos palagi. Mizpah (Gen.31:49)!
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-01 ng Hunyo 2022
Larawan kuha ng may akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-19 ng Abril 2022.
Mahigit isang linggo ko nang pinagbubulay-bulay ang pananatili at paglisan hanggang sa aking mapakinggan kahapon sa libing ng kaibigan itong magandang awit ni Bb. Cookie Chua dalawang dekada na siguro ang nakalipas.
"Kung ang buhay ay isang umagang nakangiti
At ikaw ay ang lupang sinusuyo ng bituin
Di mo man silip ang langit
Di mo man silip, ito'y nandirito pa rin
Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig"
Noong nakaraan, ang tanong ko lang naman ay kailan tayo dapat manatili at kailan tayo dapat umalis o lumisan?
Dahil sa awit na aking napakinggan dala ng pagpanaw ng kaibigan, napalawig ang aking pagninilay ng panibagong katanungan: sa bawat paglisan, sino nga ba ang may higit na pag-ibig, ang umaalis o ang naiiwan?
Hayaan ninyo munang aking sagutin unang tanong, kailan ba tayo dapat umalis at kailan dapat manatili?
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Japan, 2017.
Napagnilayan ko ito noong nakaraang Martes nang ang mga pagbasa sa Misa ay tungkol sa pagkakulong nina San Pablo at Silas sa Filipos nang biglang mayanig ng malakas na lindol ang naturang lungsod (https://lordmychef.com/2022/05/24/prayer-to-know-when-to-stay-and-when-to-go/). Magpapakamatay na sana ang kanilang bantay sa pag-aakalang tumakas sina San Pablo at Silas nang pigilan siya mismo ni San Pablo na naroon pa rin sa kanilang selda (Gawa 16:22-34).
Hindi ba madalas kapag tayo ay nasa mahirap na sitwasyon, napakadaling pumasok sa isip natin ang basta mawala na lamang at makaalis, gaya ng pagbibitiw sa trabaho o panginibang bansa marahil?
Iyon nga nakapagtataka kina San Pablo at Silas! Bakit hindi pa sila tumakas na lamang pagkaraan ng lindol na sumira sa kanilang kulungan?
Sa kabilang dako naman, doon sa Mabuting Balita ng araw na iyon, si Hesus ay panay ang paalam ng kanyang paglisan sa kanyang mga alagad noong kanilang Huling Hapunan. Sinabi pa niya na ang pag-alis niya ay sa ikabubuti ng mga alagad niya dahil sa pagdating ng Espiritu Santo na susuguin niya (Jn.16:7).
Dalawang magkaibang sitwasyon, kailan nagiging mabuti at tama, ang manatili at umalis?
Mga sagot:
Una, sa manatili man o lumisan, pinakamainam palagi ay sundin banal na kalooban ng Diyos. Parehong mabuti ang manatili at lumisan ngunit nagkakaroon lamang ito ng kabuluhan o katuturan kung makikita batay sa kalooban at plano ng Diyos para sa atin.
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Japan, 2017.
Bakit nga ba hindi pa tumakas sina San Pablo at Silas nang mawasak ng lindol kanilang piitan habang nasa Filipos noon? Maliwanag nating makikita dito ang plano at misyon ng Diyos sa kanila upang masagip at mabinyagan bilang Kristiyano ang kanilang bantay sampu ng kanyang pamilya at angkan! Kung tumakas sina San Pablo at Silas, marahil ay nagpakamatay na nga kanilang bantay at hindi naging Kristiyano. Sayang!
Dito ipinakikita sa atin kahalagahan ng pananalangin upang maging maliwanag kung nasaan ang ating misyon sa buhay. Kung ika’y mananatili ngunit ibig ng Diyos ika’y lumayo tulad ni Abraham, kailanaman ay hindi ka mapapanatag sa buhay. Gayun din naman, kung ikaw naman ay magpipilit na umalis at lumipat dahil sa maraming magandang alok at pagkakataon ngunit hindi naman iyon ang layon sa iyo ng Panginoon, baka ikaw ay mabigo lamang sa iyong pupuntahan.
Minsan nais ko na liwanagin paborito nating salawikain na “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa” kasi madalas, nauuna ang gawa ng tao at kapag nagkaproblema na, saka hihingi ng awa sa Diyos. Totoong nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa kung bago tayo gumawa ay humingi muna tayo sa Diyos ng awa, liwanagin sa kanya ano ba ang dapat nating gawain? Hindi iyong kapag palpak na at marami nang sabit saka lalapit sa Panginoon.
Pangalawa, sa pagpapasya natin sa pananatili o paglisan batay sa pananalangin, isang bagay makikita natin palagi nangingibabaw sa Diyos ay kapakanan ng iba hindi ng sarili dahil tiyak palagi niya tayong pangangalagaan at hindi pababayaan.
Kaya, huwag matakot na manatili o lumisan, pangalawa sa Maykapal na ating batayan ng desisyon ay kapakanan ng iba, hindi ng sarili.
Batid ito ng maraming OFW at mga magulang na nangibang bansa. Mahirap at masakit ang lumisan ng bayan, iwanan mga mahal sa buhay at mahirap din naman ang maiwanan at mahiwalay sa kabiyak at magulang. Ngunit, kanilang tinitiis ang lahat para sa isa’t-isa, para sa minamahal at hindi para sa sarili.
Larawan kuha ni G. Chester Ocampo sa Japan, 2017.
Ganoon ang Diyos parati: hinihiram tayo para sa kapakanan ng iba. Ito yung katotohanan ng sinabi mismo ni Hesus na “Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (Jn.15:13).
Yung nanatili at lumilisan, kapwa nagmamahal at nagmamalasakit, nagiging mabunga ang buhay at pagkatao kung ang pasya ay batay sa kalooban ng Diyos.
Pangatlo, makikita natin na kapag tumpak ang proseso ng pagpapasya natin kung tayo ba ay mananatili o aalis, naroon din palagi paglago ng ating pagkatao at ng mga maiiwan natin. Sa pananatili at paglisan, higit na mahalaga ang pamumunga o “fruitfulness” at di lamang success.
May mga tao na matagumpay, successful wika nga dahil nanatili at nagtiyaga o kaya’y lumayo at nasapalaran sa ibang lugar ngunit hindi naman ganap sa buhay at tila baga mayroong kulang pa sa kanila. Kasi nga, wala namang naging lalim sa kanilang katauhan kanilang mga ginawa sa pananatili man o sa paglisan. Marahil ay sa kabila ng kayaman at katanyagan, wala silang natagpuan kahulugan sa buhay. Palaging mayroong kulang. Tulad ng Diyos na siya lamang ating kaganapan sa buhay.
Larawan kuha ng may akda sa Bolinao, Pangasinan, ika-20 ng Abril 2022.
Maituturing din ito bilang pagmamature o pagkakaroon ng gulang. May mga pagkakataon lalo na sa mga nakababata na kapag naiwanan at hinayaang mamahala sa kanilang sariling buhay, sila’y nagma-mature; gayun din naman kapag sila ay lumuwas ng lungsod upang mag-aral at manirahan ng sarili sa mga dorm, sila man ay nagma-mature.
Alalaong-baga, sa ating pananatili o paglisan, lagi ding dapat isaalang-alang paglago sa katauhan ng nanatili at lumilisan.
Kapwa puno ng biyaya at pagpapala ang pananatili at paglisan kung ito ay ating mapagpapasyahan ng mahusay at hindi ng padaskol-daskol lamang. Ito higit nating mapagtatanto kung ang usapin ng paglisan ay hindi lamang pansamantala at hindi ibang lunan na maaring marating.
Naiiba at lalong lumalalim ang kahulugan ng pananatili at paglisan kung ito ay sa larangan ng pangmagpakailanman, kapag ang paglisan ay kamatayan.
Iyan ang ating pagninilayang susunod upang sagutin ating pangalawang tanong, sa bawat paglisan, sino nga ba ang may higit na pag-ibig, ang umaalis o naiiwan?
Pansamantala, ay halina at pakinggan, sabayan kung mas mainam, itong awiting Paglisan at baka kayo man ay mayroong ibang mapagnilayan. Hanggang sa muli.
*Wala po kaming hangad na lumabag sa karapatang-pangsipi o copyrights ng may-ari ng awit at video na ito maliban sa namnamin kagandahan ng nitong musika.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-25 ng Mayo 2022
Larawan mula sa gettyimages.com at bbc.com.
Huwag sanang masamain
aking pagkagambala
pagkahumaling sa app
na kung tawagin ay TikTok;
batid ko ang maraming kabutihan
dulot nito sa pakikipagtalastasan
at ugnayan ngunit bakit tila
nauungusan ng mga kahalayan
at kabastusan makabagong laruan?
Nakakaaliw mga katatawanan
at kalokohang napapanood
ngunit nakakabagabag mga
kalaswaan nilalarawan at
napapakinggang usapang
natutungahayan sa munting screen
buong kamalayan ang winawasak,
murang isipan nalilinlang
habang oras at panahon nasasayang.
Hindi sa pagmamarunong
ibig ko ring itanong,
"kailangan pa bang picturan"
maski sa lansangan, dalampasigan
at may pampang mga pasiklaban
sa pag-giling ng katawan at
suot-suot ay kakapiranggot?
"Kailangan pa bang picturan"
ipangalandakan kagandahan ng katawan?
Kung ating babalikan
sariling kapanahunan
dekada ochenta mayroong
lathalain kung tawagin Tiktik Magasin,
mga kuwento at dibuho pulos
seksuwal at kabastusan
pinararaan sa panitikan
bilang pagsasalang-alang
sa karamihang tao na maselan.
Ang kahalayan saan mang
paraan ipahayag ay masagwa
at masama pa rin; ngunit may
higit na banta sa lahat, lalo samga bata
nababantad sa mahahalay na
panoorin lalo na sa TikTok at Youtube:
mga mura nilang kaisipan at kamalayan
nasisira at nalalason na tila ang buhay
ay puro palabas na lamang.
Kaya sana ay pagnilayan
makabagong teknolohiya
sa pakikipagtalastasan
ay biyaya ng Diyos upang
mga tao ay mapaglapit at
mabuklod sa kanilang ugnayan,
mapalawak ang kanyang kamalayan
sa kagandahan nitong buhay at
sariling dangal bilang kalarawan ng Maykapal!
Lawswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-07 ng Marso, 2022
Larawan kuha ng may-akda, 2019
Kuwaresma:
nagsisimula Miercules de Ceniza
mga noo'y pinapahiran ng abo
sa anyo ng Krus ni Kristo, paalala
tayo ay markado na yayao -
"Alalahanin sa alabok ika'y nanggaling,
at sa alabok karin babalik" - ngunit,
tinitiyak din ng Krus na hindi magwawakas
pagkaagnas at pagkabulok nitong
ating katawan dahil sa kahuli-hulihan
si Kristo ay babalik upang ibangon tayo
at mabuo mga buto at laman ng kasu-kasuan
mabubuhay magpakailanman
pati katawan kaisa ng kaluluwa.
Sa panahon ng Kuwaresma,
hinihikayat tayong mag-ayuno
at mag-abstinensiya, ipagpaliban
kaginhawahan sa katawan
hindi upang pahirapan ni parusahan
kungdi upang maranasan kapanatilihan
ng Diyos nating banal; tinitiis kagutuman
layaw pinipigilan upang tanging
panaligan at asahan Poong Maykapal;
katawan ay sinasaid upang mawalan
ng laman upang mapunan, mapalitan
ng Espiritung Banal, magkaroon ng puwang
at pitak para sa Diyos at kapwa tao
na ating tinatalikuran at nakakalimutan.
Pagmasdan kabalintunaan
sa gitna ng kasaganaan di lamang
ng pagkain at kagamitan pati ng
mga gawain at maraming kaisipan
hindi maitatanggi ating pagkalugami
sa kadiliman ng kawalan ng kahulugan;
itong ating buhay, araw-araw na Kuwaresma
sa tuwina ipinapaalala pananalangin at
pagtitika, pag-aayuno at paglilimos
sana ating matalos na siyang landas
pabalik sa Diyos na ating hantungan
at pinagmulan, ating kaganapan na
natatagpuan, nararanasan kapag ating
pinapasan Krus ni Hesus na ating kaligtasan.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, ika-21 ng Pebrero 2022
Mula sa Facebook post ni P. Marc Ocariza, Abril 2020.
Kay daming nangyayari
palaging panawagan sa isa't-isa
ay pang-unawa at pang-intindi
ngunit hindi sasapat at laging kapos
ating kaisipan upang isang tao
ay lubusang makilala at maunawaan.
Kapag mayroong may-sakit
mayroong nagigipit
ano ba ang ating nasasambit?
Mag-usisa at magsalita
huwag lang walang masabi
sa akalang makapagpapabuti?
Kamakailan sa mga talakayan
mainit pinag-uusapan
respeto daw ang kailangan;
tama din naman
at nararapat lang
igalang bawat nilalang.
Ngunit paano na lang
kung sa ating pag-respeto
at pag-galang mayroong
ibang nalalapastangan
o nasasaktan at natatapakan,
sasapat ba itong panawagan?
Sa ating kasalukuyan,
marahil higit nating kailangan
kilalaning kapwa-tao isa't-isa
na katulad ko, higit sa respeto,
pang-unawa at pang-intindi
mayakap at matanggap kay Kristo.
Salamin,
salamin sa dingding
sabihin sa akin at
ipakita rin
mga puwing
na hindi ko pansin
ni ayaw kilalanin
ni tanggapin!
Ayoko sanang sabihin
ngunit ito binubulong
ng aking damdamin:
paano nga ba tayo humantong
at ganito ating narating
sa tuwing halalan darating
nagpapanting mga tainga natin
sa mga usaping alam na natin?
Paulit-ulit pinag-uusapan
walang kinahihinatnan
pagkatapos ng halalan
kaya paulit-ulit na lamang
walang katapusang
mga pangakong binibitiwan
nakakalimutan, pinababayaan
pasan ng taong-bayan, di maibsan.
Tingnan nga natin
at suriin ang sarili
kung atin ding sinasalamin
magagandang adhikain
o mga paratang at
pambabatikos natin
dahil kung tutuusin
ang pamahalaan ay larawan natin.
Galit tayo sa mga sinungaling
dahil tunay nga sila'y magnanakaw rin;
nguni't paanong naaatim
ng marami sa atin araw-araw
magsinungaling sa kapwa
lalo na't nagtitiwala sa atin
maging Panginoong Diyos
pinagtataksilan natin?
Paanong diringgin
panawagan ng nagmamalinis
gayong batid kanilang
mga bahid na dungis
kaban ng simbahan
pinakialaman
para sa sariling kaluguran
maging kahalayan?
Sila ba'y naparusahan
marahil ni hindi pinagsabihan
at ang masaklap
hinayaan na lamang
alang-alang sa habag
at awa, palaging katwiran
kapatawaran
ng mga kasalanan.
Katapatan sa pangakong
sinumpaan, hindi rin mapangatawanan
kunwa'y maraming kaabalahanan
ang totoo'y puro kababalaghan
maraming pinupuntahan
kasama'y mayayaman
mga aba at walang-wala
kanila ring iniiwan.
Larawan kuha ng may-akda, 2020.
Totoo na malaki ang papel ng Simbahan
na ginagampanan tuwing halalan
ngunit huwag sanang makalimutan
sa araw-araw na katapatan ang tunay na labanan
kung saan mga alagad at pastol ng kawan
magsilbing huwaran sa paglilingkod
kaisa ang bayan ng Diyos
sa karukhaan, kagutuman at kapighatian.
Salamin, salamin sa dingding
kami ba'y marunong pang manalangin?
Bakit tila hindi dinggin ating mga panalangin
gayong mabuti ating layunin?
Diyos pa ba pinagtitiwalaan,
pinananaligan natin o baka naman
lumalabis mga salita natin
habang salat mabubuting gawa natin?
Salamin, salamin sa dingding
kung kami ay magising
maging kasing ingay ng batingaw
katapatan namin sa araw-araw
na gampanin, hindi katiting
pinagaganda lang ng kuliling
lalo na kung mayroong nakatingin
para lang mapansin.
Ang dapat nating ipanalangin
hindi lamang ang halalang darating
kungdi makatotohanang pagsusuri
at pag-amin sa mga kasalanan natin;
pagkaraan ng limang-daang taon
pagkakanya-kanyang dinatnan ni Magellan
umiiral pa rin habang mga puna at pansin
nina Rizal at GomBurZa nananatiling pangarap pa rin.
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-11 ng Pebrero 2022
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Lourdes
Isaias 66:10-14 + Juan 2:1-11
Mga tao pumipila sa mapagpagaling na tubig ng batis sa Lourdes, France; larawan mula sa Shutterstock.
Papuri at pasasalamat sa iyo,
Diyos naming Ama sa pagbubuhos
ng iyong mga biyaya at pagpapala
sa amin sa pamamagitan ni
Hesus na iyong Anak: kay sarap
isipin una niyang "tanda" o himala
nangyari doon sa kasalan sa Cana,
Galilea nang gawin niyang masarap
na inuming alak ang tubig na isinalin
sa mga tapayan.
Sa gitna ng tanda na ito ay naroon
ang Mahal na Birheng Maria na nagkusang
namagitan sa mga bagong kasal nang
maubusan ng alak sa kanilang pagdiriwang;
naligtas sila ni Hesus sa kahihiyan
nang gawin niyang alak mga tubig
sa tapayan.
Makalipas ang kulang-kulang
dalawang libong taon noong 1858,
napakita ang Mahal na Birheng Maria
kay Santa Bernadette doon sa isang
grotto sa Lourdes, France; bumukal
isang munting batis at hanggang
ngayon, tinuturing na mapaghimala
matapos mapagaling maraming mga
maysakit.
Salamat sa biyaya ng tubig na
siya ring dumaloy sa sinibat na
tagiliran ni Hesus doon sa Krus;
salamat sa biyaya ng tubig na
tanda ng paglilinis sa aming katauhan
sa sakramento ng binyag;
salamat Ama sa pagtupad ng iyong
pangako kay Propeta Isaias (66:10-14)
na kami ay iyong "padadalhan ng ina"
na sa amin ay "kakalinga at mag-aaruga
tulad ng sa isang sanggol sa oras ng
pagkakasakit at kagipitan"; higit sa lahat,
salamat sa pagbibigay mo sa amin,
Panginoong Hesus, sa iyong Ina,
ang Mahal na Birheng Maria
na naging daluyan ng maraming
pagpapala at kagalingan sa mga
may sakit at karamdaman sa
iyong kapangyarihan.
Panginoong Hesus,
dalisayin mo kami at linisin
aming mga puso at kalooban
upang makatulad si Maria na iyong
Ina at amin ding Ina; sa kanyang
pananalangin nawa kami ay maghatid
ng kagalingan at kapayapaan sa
mga may sakit at nahihirapan gaya
ng mapaghimalang tubig sa batis ng
grotto sa Lourdes, France lalong
higit sa panahong ito ng pandemya.
Amen.