Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-15 ng Hulyo, 2022

Tatlong linggo nang maulan, makulimlim at mapanglaw ang kalangitan habang dumaragsa naman mga kahilingan ng pananalangin sa akin para sa maraming may sakit at karamdaman ngunit, wala isa man sa kanila ang humiling na gumaling maliban sa pangalan nila ay aking sambitin sa Panginoong butihin. Madalas mga nagpapadasal hiling lang naman ay panalangin - hindi sinasabi kung para saan o marahil ipinapalagay naunawaan na kanilang ibig sabihin; gayon pa man, sa aking paningin maganda itong gawain tulad ng matutunghayan natin sa unang pagbasa sa Misa kaninang umaga:
Noong mga araw na iyon, nagkasakit nang malubha si Ezequias, kaya siya’y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ng Panginoon: “Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling.” Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin. “O Panginoon, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko’y pawang nakalulugod sa iyong paningin.” Pagkatapos, nanangis siya nang malakas.
Isaias 38:1-3
Pagmasdan at pagnilayan panalangin ni Haring Ezequias: wala siyang hiniling na gumaling maliban sa alalahanin ng Diyos kanyang naging buhay na matapat at masunurin sa mga banal na alituntunin kaya siya ay pinagaling pati buhay niya ay napahaba din!
Maraming biyaya ang Diyos na binibigay sa atin na hindi naman natin hinihiling dahil batid Niya ang mabuti sa atin bukod sa alam niya ating saloobin; sa pagdarasal hindi mahalaga ating mausal kungdi maranasan Kanyang kapanatilihan at mapakinggan Kanyang kalooban.
Batid ng Diyos lahat ng ating pinagdaraanan lalo ng mga may sakit at karamdaman kaya sa ating pananalangin damhin natin Siya ay kapiling sarili ay maihain, tanggapin ating sasapitin dahil sa pagsuko ng sarili natin doon nagsisimula ating pag-galing!

O Diyos Ama namin, dama mo hirap at dusa namin pati mga takot at pagaalinlangan lalo na kapag may nagkakasakit sa amin; tulungan po Ninyo kami sa Iyo aming sarili ay maisuko, manalig na kami ay hindi madaraig dahil nagtagumpay na si Hesus sa sakit at kamatayan upang kami ay mabuhay magpakailanman. Amen.
Thank you for this Fr. Nick, gloomy and dark days has bene around the corner lately 😦 Praying for better days 🥹
LikeLiked by 1 person